Sa Anong Pundasyon Ka Nagtatayo?
Sa Anong Pundasyon Ka Nagtatayo?
ANG tibay ng isang gusali ay pangunahin nang nakadepende sa tatag ng pundasyon nito. Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang simulaing ito sa makasagisag na diwa.
Halimbawa, tinukoy ni propeta Isaias ang Diyos na Jehova bilang ang isa na “naglalatag ng pundasyon ng lupa.” (Isaias 51:13) Ang pundasyong ito ay kumakatawan sa di-nagbabagong mga batas ng Diyos na kumokontrol sa galaw ng lupa at nagpapanatili rito sa kaniyang dako. (Awit 104:5) Binabanggit din ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang hinggil sa “mga pundasyon” ng lipunan ng tao. Ang mga ito ay ang katarungan, kautusan, at kaayusan. Kapag “nagiba,” o humina, ang mga ito dahil sa kawalang-katarungan, katiwalian, at karahasan, nasisira ang katatagan ng lipunan.—Awit 11:2-6; Kawikaan 29:4.
Kumakapit din ang simulaing ito sa mga tao bilang indibiduwal. Sa pagtatapos ng kaniyang bantog na Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang bawat isa na dumirinig sa mga pananalita kong ito at nagsasagawa ng mga iyon ay itutulad sa isang taong maingat, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-limpak. At ang ulan ay bumuhos at ang baha ay dumating at ang hangin ay humihip at humampas sa bahay na iyon, ngunit hindi ito gumuho, sapagkat ito ay itinatag sa ibabaw ng batong-limpak. Karagdagan pa, ang bawat isa na nakaririnig sa mga pananalita kong ito at hindi nagsasagawa ng mga iyon ay itutulad sa isang taong mangmang, na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. At ang ulan ay bumuhos at ang baha ay dumating at ang hangin ay humihip at humampas sa bahay na iyon at ito ay gumuho, at ang pagbagsak nito ay matindi.”—Mateo 7:24-27.
Sa anong pundasyon mo itinatayo ang iyong buhay? Ito ba ay sa mabuway na buhanginan ng walang diyos na pilosopiya ng tao, na hahantong sa pagguho? O nagtatayo ka ba sa matatag na batong-limpak ng pagsunod sa mga pananalita ni Jesu-Kristo, na tutulong sa iyo na mabata ang makasagisag na mga unos sa buhay?