Sentido Komun—Bakit Ito Bihirang-Bihira?
Sentido Komun—Bakit Ito Bihirang-Bihira?
“ANO ba ang problema niya? Dapat alam niya iyon,” ang komento ng isang nagmamasid. Habang napapailing dahil hindi siya makapaniwala sa nangyari, isa pang nagmamasid ang naglakad papalayo na ibinubulong, “Kung may kaunti lamang siyang sentido komun, hindi na niya sana ginawa iyon.” Nakarinig ka na ba ng gayong mga komento? Subalit ano ba talaga ang “sentido komun” (common sense)?
Ang terminong “sentido komun” ay binibigyang-katuturan bilang “wastong pag-unawa,” “pagkaunawa,” at “praktikal na karunungan o pagpapasiya.” Ipinahihiwatig nito na ang isang tao ay may kakayahang magpasiya nang may karunungan. Lumilitaw na ang sentido komun ay humihiling na gamitin natin ang ating kakayahang mag-isip. Para sa marami, mas gugustuhin pa nilang ibang tao ang mag-isip para sa kanila. Hinahayaan nila ang media, ang kanilang mga kasamahan, o popular na opinyon ang siyang magpasiya para sa kanila.
Waring napakadalang gamitin ang sentido komun sa daigdig na ito anupat sinabi minsan ng isang mapagmasid na lalaki, ‘Ang totoo, bihirang-bihira ang sentido komun.’ Paano natin matatamo ang sentido komun? Ano ba ang mga kapakinabangan nito?
Paano Ito Natatamo?
Bagaman gumugugol ito ng panahon, matamang pag-iisip, at patuluyang pagsisikap upang malinang ang mainam na pagkaunawa at mahusay na pagpapasiya, tiyak na matatamo ang sentido komun. Isaalang-alang ang tatlong salik na makatutulong sa atin upang matamo ang sentido komun.
Pag-aralan ang Bibliya, at sundin ang payo nito. Ang Bibliya, na isinulat gamit ang pinakamagagandang pananalita at nagtataglay ng maliwanag na lohika, ay isang napakahusay na pantulong sa pagkakamit ng karunungan at mainam na pagkaunawa. (Efeso 1:8) Halimbawa, pinayuhan ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.” (Filipos 4:8) Kung patuluyan nating susundin ang payong ito, magbubunga ito ng mahusay na pagpapasiya at matinong paggawi.
Matuto mula sa karanasan. Sa pag-uugnay ng sentido komun at ng karanasan sa buhay, ganito ang sinabi ng isang makatang Swiso: “Ang sentido komun . . . ay binubuo ng karanasan at patiunang pag-iisip.” Tunay nga, “ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Ang sentido komun ay maaaring malinang sa pamamagitan ng pagmamasid, pagsasanay, at karanasan. Maaari nating matutuhang gawin ang mga bagay-bagay sa mas mahusay na paraan sa paglipas ng panahon. Subalit ang pagkatuto mula sa ating mga pagkakamali ay humihiling ng kapakumbabaan at kaamuan. Ang mapagmapuri sa sarili, palalo, at sutil na saloobin ng mga tao sa mga huling araw na ito ay hindi nagpapakita ng sentido komun.—2 Timoteo 3:1-5.
Piliin nang may karunungan ang mga kasamahan. Natutulungan o napipigilan din tayo ng ating mga kasamahan sa paggamit ng karunungan at sentido komun. Ganito ang sinasabi ng Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” Hindi natin kailangang tanggapin ang mentalidad o mga ideya ng mga sumusuway sa Diyos at nagwawalang-bahala sa kaniyang Salita. Ganito ang sinasabi ng Kawikaan 17:12: “Masalubong na ng tao ang oso na nawalan ng mga anak nito kaysa ang sinumang hangal sa kaniyang kamangmangan.”
Ano ang Kapakinabangan Nito?
Kapaki-pakinabang ang paglilinang ng sentido komun. Mas magiging kawili-wili ang buhay at makatitipid tayo ng panahon dahil dito. Maaari pa ngang mabawasan ng sentido komun ang pagkasiphayo mula sa paggawa ng mga bagay-bagay na hindi pinag-isipan. Mas nahihirapan sa buhay ang mga nagkukulang sa mahusay na pagpapasiya. “Ang pagpapagal ng mga hangal ay nakapanghihimagod sa kanila,” ang sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 10:15) Ang gayong mga indibiduwal ay maaaring magpagal nang walang katapusan at manghimagod; subalit halos wala naman silang naisasakatuparan na talagang kapaki-pakinabang.
Naglalaan ang Bibliya ng maraming praktikal na payo hinggil sa kalinisan, pakikipagtalastasan, kasipagan, pagharap sa kahirapan, at marami pang ibang aspekto ng buhay. Milyun-milyon ang makapagpapatotoo na ang kanilang tagumpay sa buhay ay nakasalalay nang malaki sa kanilang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, na tumulong sa kanila na magpakita ng karunungan.
Tinutulungan tayo ng sentido komun na gumawa nang higit pa bukod sa basta pagsunod lamang sa isang talaan ng detalyadong mga tagubilin o tuntunin. Tinutulungan tayo nito na tuparin ang ating mga pananagutan. Subalit ang sentido komun ay hindi kahalili ng pagkuha ng kaalaman. “Ang taong marunong ay makikinig at kukuha ng higit pang turo,” ang sabi ng Kawikaan 1:5. Dapat din nating matutuhang suriin ang impormasyon na ating nakukuha, anupat gumagawa ng wastong mga konklusyon salig dito. Tinutulungan tayo nito na ‘lumakad nang may karunungan.’—Kawikaan 28:26.
Kaugnay na kaugnay ng kahinhinan ang sentido komun. Bagaman maaari nating naising gawin ang maraming pananagutan, kailangan tayong gumamit ng mahusay na pagpapasiya at manatili sa mga limitasyon ng ating kakayahan. Totoo, sinasabi sa atin ni apostol Pablo na magkaroon ng “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Gayunman, ang payong ito ay dapat ibalanse sa simulaing nakaulat sa Eclesiastes 9:4: “Ang buháy na aso ay mas mabuti pa kaysa sa patay na leon.” Ang pag-iingat sa ating kalusugan habang naglilingkod tayo kay Jehova ay magpapahintulot sa atin na magkaroon ng mas mahabang buhay at patuloy na maging masigla. Matutulungan tayo ng sentido komun na maging timbang at makatuwiran na nagpapahintulot sa atin na maisakatuparan ang mahahalagang bagay nang hindi nawawala ang ating kagalakan. Oo, nagdudulot ng maraming kapakinabangan ang sentido komun.
[Larawan sa pahina 14]
Maraming maiinam na payo ang masusumpungan sa Bibliya
[Larawan sa pahina 15]
Maaaring matamo ang sentido komun sa pamamagitan ng pagmamasid, pagsasanay, at karanasan