Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Ang Buhay Ngayon’—Tinatamasa Ito Nang Lubusan!

‘Ang Buhay Ngayon’—Tinatamasa Ito Nang Lubusan!

‘Ang Buhay Ngayon’​—Tinatamasa Ito Nang Lubusan!

AYON SA SALAYSAY NI TED BUCKINGHAM

Anim na taon na akong buong-panahong ministro at anim na buwan nang kasal noong bigla akong magkasakit ng polio (poliomyelitis). Nangyari ito noong 1950, at 24 na taóng gulang lamang ako noon. Seryoso kong pinag-isipan ang aking buhay habang nasa ospital ako sa loob ng siyam na buwan. Dahil sa aking bagong kapansanan, ano kayang kinabukasan ang naghihintay sa amin ng aking asawa, si Joyce?

NOONG 1938, nakakuha ang aking ama, na hindi naman relihiyosong tao, ng isang kopya ng aklat na Government. * Marahil ang pulitikal na kaguluhan at banta ng digmaan ang nag-udyok sa kaniya na kunin ang aklat. Sa pagkakaalam ko, hindi niya ito kailanman binasa, subalit binasa ito ng aking napakarelihiyosong ina. Kaagad siyang napakilos ng mensahe nito. Umalis siya sa Church of England, at sa kabila ng pagsalansang ng aking ama, siya ay naging isang tapat na Saksi ni Jehova at nanatiling tapat hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1990.

Dinala ako ni Inay sa aking unang Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall sa Epsom, timog ng London. Ang kongregasyon ay nagtipon sa isang dating tindahan, at nakinig kami sa rekording ng pahayag ni J. F. Rutherford, na siyang nangangasiwa sa gawain ng mga Saksi ni Jehova noong panahong iyon. Nag-iwan iyon ng matinding impresyon sa akin.

Higit na panganib ang idinulot ng matinding pagbomba sa London. Kaya noong 1940, nagpasiya ang tatay ko na ilipat ang aming pamilya sa mas ligtas na dako​—sa Maidenhead, isang maliit na bayang 45 kilometro sa kanluran ng London. Kapaki-pakinabang ito, yamang ang 30 miyembro ng kongregasyon doon ay naging mainam na pinagmumulan ng pampatibay-loob. Si Fred Smith, isang matapat na Kristiyano na nabautismuhan noong 1917, ay nagpakita ng personal na interes sa akin at sinanay niya ako upang maging mas mabisang mangangaral. Tinatanaw ko pa ring malaking utang na loob ang kaniyang halimbawa at maibiging tulong.

Pagpasok sa Buong-Panahong Paglilingkod

Noong 1941, sa edad na 15, nabautismuhan ako sa ilog ng Thames sa isang malamig na araw ng Marso. Nang panahong iyon, nagpatala ang aking kuya, si Jim, bilang buong-panahong ebanghelisador. Ngayon, siya at ang kaniyang asawa, si Madge, ay nakatira sa Birmingham, matapos gugulin ang karamihan ng kanilang buhay sa paglilingkod kay Jehova bilang tagapangasiwa ng sirkito at distrito sa buong Britanya. Ang aking nakababatang kapatid na babae, si Robina, at ang kaniyang asawa, si Frank, ay nananatili ring tapat na mga lingkod ni Jehova.

Nagtatrabaho ako bilang accountant ng isang pagawaan ng damit. Isang araw, tinawag ako ng namamahalang direktor sa kaniyang opisina upang alukin ng magandang puwesto bilang tagapamili para sa kompanya. Gayunman, matagal ko nang pinag-isipan na sumunod sa halimbawa ng aking kuya, kaya magalang kong tinanggihan ang alok ng aking amo, anupat ipinaliliwanag ang dahilan. Sa pagtataka ko, masigla niya akong pinapurihan sa pagnanais kong magtaguyod ng gayong kapaki-pakinabang na gawaing Kristiyano. Kaya pagkatapos ng pandistritong kombensiyon sa Northampton noong 1944, naging buong-panahong ebanghelisador ako.

Ang unang atas ko ay sa Exeter, sa lalawigan ng Devon. Nang panahong iyon, marahang bumabangon ang lunsod na ito mula sa mga epekto ng pagbomba noong panahon ng digmaan. Nakitira ako sa isang apartment na tinitirhan din ng dalawang payunir, sina Frank at Ruth Middleton, na napakabait sa akin. Mga 18 anyos pa lamang ako noon na may kaunting karanasan sa paglalaba at pagluluto, subalit bumubuti naman ang mga kalagayan habang nagkakaroon ako ng mga kasanayan.

Ang kasama ko sa pangangaral ay ang 50-taóng-gulang na si Victor Gurd, isang taga-Ireland na nagpapatotoo na mula pa noong dekada ng 1920. Tinuruan niya akong mag-iskedyul ng aking panahon sa kapaki-pakinabang na paraan, maglinang ng masidhing interes sa pagbabasa ng Bibliya, at kilalanin ang kahalagahan ng iba’t ibang salin ng Bibliya. Noong mahalagang mga taóng iyon, ang tapat na halimbawa ni Victor ang siyang kailangan ko.

Ang Hamon ng Neutralidad

Malapit nang magwakas ang digmaan, subalit sinisikap pa rin ng mga awtoridad na mangalap ng mga kabataang lalaki para sa paglilingkod sa militar. Humarap na ako sa tribunal sa Maidenhead noong 1943, kung saan malinaw kong binanggit ang aking kaso ng paghingi ng eksemsiyon bilang isang ministro ng Ebanghelyo. Bagaman tinanggihan ang aking pag-apela, nagpasiya akong lumipat sa Exeter upang gampanan ang aking ministeryo. Kaya nasa Exeter ako nang tawagin ako noong dakong huli upang humarap sa hukuman doon. Sinentensiyahan ako ng anim na buwan na sapilitang pagtatrabaho sa bilangguan at sinabi sa akin ng mahistrado na ikinalulungkot niyang hindi siya pinahintulutang bigyan ako ng mas mahabang sentensiya. Pagkatapos magsilbi ng anim na buwan, ibinalik ako sa bilangguan para sa karagdagang apat na buwan.

Ako ang tanging Saksi sa bilangguan, kaya tinawag ako ng mga warden na Jehova. Nakaaasiwang tumugon sa pangalang iyan sa panahon ng roll call, na kailangan kong gawin, subalit kaylaking pribilehiyo naman na marinig ang pangalan ng Diyos na ipinahahayag araw-araw! Ipinaalam nito sa ibang bilanggo na ako’y nakabilanggong kasama nila dahil sa aking matatag na paninindigan salig sa aking budhi bilang isang Saksi ni Jehova. Nang maglaon, ipinadala si Norman Castro sa bilangguan ding iyon, at binago ang aming pangalan. Mula noon ay tinawag kaming Moises at Aaron.

Inilipat ako mula sa Exeter tungo sa Bristol at nang maglaon ay sa bilangguan sa Winchester. Hindi laging kaayaaya ang mga kalagayan, subalit nakatulong ito upang magkaroon ako ng ugaling mapagpatawa. Maligaya naming ipinagdiwang ni Norman ang Memoryal samantalang nasa Winchester. Si Francis Cooke, na dumalaw sa amin sa bilangguan, ang nagbigay ng mainam na pahayag sa Memoryal para sa amin.

Mga Pagbabago Noong mga Taon Pagkatapos ng Digmaan

Sa kombensiyon sa Bristol noong 1946, kung saan inilabas ang aklat sa pag-aaral ng Bibliya na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat,” nakilala ko ang magandang dalaga, si Joyce Moore, na nagpapayunir din sa Devon. Nauwi sa pag-iibigan ang aming pagkakaibigan, at nagpakasal kami pagkalipas ng apat taon sa Tiverton, na kinaroroonan ko mula pa noong 1947. Tumira kami sa isang inuupahang silid na binabayaran namin ng 15 shilling ($1.10, U.S.) isang linggo. Maligayang buhay ito!

Noong unang taon ng aming pag-aasawa, lumipat kami patimog sa Brixham, isang magandang daungang bayan kung saan unang ginawa ang pangingisda na ginagamitan ng baklad na lambat. Subalit hindi pa kami nagtatagal doon nang magkasakit ako ng polio samantalang naglalakbay patungo sa isang kombensiyon sa London. Nakoma ako. Nang bandang huli, pinalabas na ako sa ospital​—pagkaraan ng siyam na buwan, gaya ng nabanggit kanina. Malubhang naapektuhan ang aking kanang kamay at dalawang paa, at gayon pa rin ito hanggang ngayon, anupat kailangan kong gumamit ng tungkod sa paglakad. Laging masayang kasama ang aking mahal na asawa at pinagmumulan siya ng pampatibay-loob, lalo na habang nagagawa niyang magpatuloy sa buong-panahong ministeryo. Ngunit ano ang gagawin namin ngayon? Di-nagtagal, natutuhan ko na hindi kailanman maikli ang kamay ni Jehova.

Nang sumunod na taon, dumalo kami sa isang asamblea sa Wimbledon, London. Subalit sa pagkakataong iyon, nakalalakad na ako nang walang tungkod. Nakilala namin doon si Pryce Hughes, na siyang nangangasiwa sa gawain sa Britanya. Agad niya akong binati: “Kumusta? Kailangan ka namin sa gawaing pansirkito!” Ito ang pinakamalaking pampatibay-loob na kailanma’y tinanggap ko! Kaya ba ito ng aking kalusugan? Nag-aalinlangan kami ni Joyce sa bagay na iyan, pero pagkaraan ng isang linggong pagsasanay at lubos na pagtitiwala kay Jehova, pauwi na kami sa timog-kanluran ng Inglatera, kung saan ako naatasang maglingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito. Mga 25 taóng gulang pa lamang ako noon, ngunit nagugunita ko pa rin nang may matinding pagpapasalamat ang kabaitan at pagtitiyaga ng mga Saksing iyon na naging lubhang matulungin sa akin.

Sa lahat ng aming iba’t ibang larangan ng teokratikong gawain, nasumpungan namin ni Joyce na ang pagdalaw sa mga kongregasyon ang nagpalapít sa amin nang husto sa aming Kristiyanong mga kapatid. Wala kaming kotse, kaya naglalakbay kami sakay ng tren o ng bus. Bagaman nakikibagay pa rin ako sa mga limitasyon dahil sa aking karamdaman, nasisiyahan kami sa aming mga pribilehiyo hanggang noong 1957. Isa itong kasiya-siyang buhay, subalit napaharap kami sa isa pang hamon nang taóng iyon.

Tungo sa Paglilingkod Bilang Misyonero

Tuwang-tuwa kaming tumanggap ng paanyaya na mag-aral sa ika-30 klase ng Gilead. Nakakayanan ko namang mainam ang aking paralisis, kaya malugod naming tinanggap ni Joyce ang paanyaya. Mula sa karanasan, batid namin na laging naglalaan si Jehova ng lakas kung hinahangad nating gawin ang kaniyang kalooban. Mabilis na lumipas ang limang buwan ng puspusang pagsasanay sa Watchtower Bible School of Gilead, na nasa magandang South Lansing, New York, E.U.A. Ang karamihan sa mga estudyante ay mga mag-asawang naglalakbay na tagapangasiwa. Nang tanungin ang klase kung mayroon ba sa amin na gustong magboluntaryo bilang misyonero sa ibang bansa, kabilang kami sa mga nagboluntaryo nang walang pag-aatubili. Saan kami naatasan? Sa Uganda, Silangang Aprika!

Yamang ipinagbabawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Uganda nang panahong iyon, pinayuhan akong manirahan sa bansa at maghanap ng sekular na trabaho. Pagkatapos ng mahabang paglalakbay sakay ng tren at barko, dumating kami sa Kampala, Uganda. Hindi nalugod ang mga opisyal ng imigrasyon na makita kami at pinayagan lamang kaming manatili nang ilang buwan. Pagkatapos ay pinag-utusan kaming umalis. Tinagubilinan kami ng punong-tanggapan na maglakbay patungong Northern Rhodesia (Zambia ngayon). Anong ligaya na muling makita roon ang apat naming kaklase sa Gilead​—sina Frank at Carrie Lewis at Hayes at Harriet Hoskins. Mula roon, di-nagtagal ay muli kaming inatasan sa Southern Rhodesia (Zimbabwe ngayon).

Naglakbay kami sakay ng tren at nasulyapan namin sa kauna-unahang pagkakataon ang maringal na Victoria Falls bago kami dumating sa Bulawayo. Sandali kaming tumira sa pamilya McLuckie, na kabilang sa unang mga Saksing nanirahan doon. Pribilehiyo namin na makilala silang mabuti sa sumunod na 16 na taon.

Pakikibagay sa mga Pagbabago

Pagkatapos ng dalawang linggong pagsasanay upang maging pamilyar sa larangang Aprikano, naatasan akong maglingkod bilang tagapangasiwa ng distrito. Kapag nagpapatotoo sa ilang ng Aprika, kailangan naming magdala ng tubig, pagkain, gamit sa pagtulog, personal na mga damit, film projector at generator ng kuryente, malaking telon, at iba pang mga pangangailangan. Nakasiksik ang lahat ng ito sa isang matibay na trak na magdadala sa amin sa baku-bakong lupain.

Gumawa akong kasama ng mga Aprikanong tagapangasiwa ng sirkito samantalang si Joyce naman ay masayang tumutulong sa kani-kanilang asawa at mga anak na sumasama sa amin. Maaaring nakapapagod ang paglakad sa damuhan at palumpungan ng Aprika, lalo na sa kainitan ng araw, subalit agad naming nasumpungan na sa ganitong klima, mas madaling batahin ang aking pisikal na mga limitasyon, at pinasasalamatan ko ito.

Karaniwan nang mahirap ang mga tao. Paniwalang-paniwala ang marami sa tradisyon at pamahiin at marami silang asawa; gayunman matindi ang paggalang nila sa Bibliya. Sa ilang lugar, ang mga pagpupulong ng kongregasyon ay ginaganap sa ilalim ng malalaki at malilim na mga punungkahoy, at sa gabi naman, ang nakabiting mga lamparang de-langis ang nagbibigay ng liwanag. Lagi kaming nakadarama ng pagkamangha kapag nag-aaral kami ng Salita ng Diyos sa ilalim ng mabituing kalangitan, isang kahanga-hangang bahagi ng kaniyang paglalang.

Isa pang di-malilimot na karanasan ang pagpapalabas ng mga pelikula ng Samahang Watch Tower sa mga reserbadong lupa sa Aprika. Ang isang kongregasyon ay maaaring may 30 Saksi lamang, subalit sa mga okasyong iyon, alam namin na madalas kaming makaaasa na 1,000 o higit pa ang dadalo!

Sabihin pa, maaaring magkasakit paminsan-minsan sa tropiko, subalit laging mahalaga na magkaroon ng positibong saloobin. Napagtagumpayan namin ito ni Joyce​—nakayanan ko ang paminsan-minsang pagsumpong ng malarya, at nabata naman ni Joyce ang sakit na dulot ng mga amoeba.

Nang maglaon, inatasan kami sa tanggapang pansangay sa Salisbury (Harare ngayon), kung saan isang pribilehiyong gumawa na kasama ng iba pang tapat na mga lingkod ni Jehova, kabilang sa kanila si Lester Davey gayundin sina George at Ruby Bradley. Inatasan ako ng pamahalaan na maglingkod bilang opisyal na tagapagkasal, kaya nagkaroon ako ng awtorisasyon na ikasal ang mga kapatid na Aprikano, sa gayo’y pinatitibay ang buklod ng Kristiyanong pag-aasawa sa loob ng mga kongregasyon. Pagkaraan ng ilang taon, nagkaroon ako ng isa pang pribilehiyo. Dadalawin ko ang lahat ng mga kongregasyon sa bansa na hindi gumagamit ng wikang Bantu. Sa loob ng mahigit na isang dekada, nakilala namin ni Joyce ang aming mga kapatid sa ganitong paraan, at nagalak kami sa kanilang espirituwal na pagsulong. Nang panahong iyon, dinalaw rin namin ang aming mga kapatid sa Botswana at Mozambique.

Muling Paglipat

Pagkatapos ng maraming maliligayang taon sa gawing timog ng Aprika, muli kaming inatasan sa Sierra Leone, Kanlurang Aprika noong 1975. Di-nagtagal, nanirahan kami sa tanggapang pansangay upang tamasahin ang aming bagong larangan ng gawain, subalit hindi ito nagtagal. Nagkasakit ako at nanghina dahil sa matinding pagsumpong ng malarya, at nang maglaon ay kinailangan akong gamutin sa London, kung saan pinayuhan akong huwag nang bumalik sa Aprika. Ikinalungkot namin ito, subalit kami ni Joyce ay masiglang tinanggap sa pamilyang Bethel sa London. Nadama naming para pa rin kaming nasa pamilyar na kapaligiran dahil sa maraming kapatid na Aprikano sa maraming kongregasyon sa London. Habang bumubuti ang aking kalusugan, nakibagay kami sa isa pang rutin, at ako’y hinilingang mangasiwa sa Purchasing Department. Dahil sa lahat ng paglago na nakikita namin nang sumunod na mga taon, naging kawili-wili itong gawain.

Noong unang mga taon ng dekada ng 1990, nagkasakit ang mahal kong si Joyce ng motor neuron disease, at namatay siya noong 1994. Isa siyang maibigin, matapat, at maaasahang asawa, laging handang makibagay sa iba’t ibang kalagayang nakakaharap naming dalawa. Upang mabata ang mamatayan na gaya nito, nasumpungan kong mahalagang panatilihin ang malinaw na espirituwal na pangmalas at patuloy na tumingin sa hinaharap. Nakatulong din sa akin ang pananalangin kay Jehova na tulungan akong manghawakan sa isang mabuting teokratikong iskedyul, pati na sa pangangaral, upang manatiling lubusang abala ang aking isipan.​—Kawikaan 3:5, 6.

Ang paglilingkod sa Bethel ay isang pribilehiyo at mainam na paraan ng pamumuhay. Napakaraming kabataang makakasama sa paggawa at maraming pagsasaluhang kagalakan. Isang pagpapala ang maraming bisita na tinatanggap namin dito sa London. Kung minsan, nakikita ko ang mahal na mga kaibigan mula sa aking mga atas noon sa Aprika, at nagbabalik sa akin ang maliligayang alaala. Lahat ng ito’y nakatulong sa akin na patuloy na magtamasa ng ganap na “buhay ngayon” at asamin nang may pagtitiwala at pag-asa ang buhay na “darating.”​—1 Timoteo 4:8.

[Talababa]

^ par. 5 Inilathala noong 1928 ng mga Saksi ni Jehova, subalit hindi na inililimbag.

[Larawan sa pahina 25]

Kasama ang aking ina noong 1946

[Larawan sa pahina 26]

Kapiling si Joyce sa araw ng aming kasal, noong 1950

[Larawan sa pahina 26]

Sa kombensiyon sa Bristol noong 1953

[Mga larawan sa pahina 27]

Naglilingkod sa isang nakabukod na grupo (itaas) at sa isang kongregasyon (kaliwa) sa Southern Rhodesia, Zimbabwe ngayon