Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano Na ang Nangyari sa Pandaigdig na Pagkakaisa?

Ano Na ang Nangyari sa Pandaigdig na Pagkakaisa?

Ano Na ang Nangyari sa Pandaigdig na Pagkakaisa?

“Sa kauna-unahang pagkakataon mula noong Digmaang Pandaigdig II, nagkaisa ang internasyonal na komunidad. . . . Sa gayon ay maaaring samantalahin ng daigdig ang pagkakataong ito upang tuparin ang matagal nang hinihintay na pangako hinggil sa isang bagong pandaigdig na kaayusan.”

GANIYAN ang sinabi ng isang presidente ng Estados Unidos noong huling dekada ng ika-20 siglo. Noong panahong iyon, waring ipinahihiwatig ng internasyonal na mga pangyayari na nalalapit na ang pandaigdig na pagkakaisa. Sunud-sunod na bumagsak ang mga pamahalaang totalitaryo. Bumagsak ang Berlin Wall, na naghudyat ng isang panibagong kapanahunan para sa Europa. Nagulat ang daigdig nang maglaho ang Unyong Sobyet, na itinuturing ng maraming taga-Kanluran bilang pasimuno ng mga alitan sa daigdig. Nagwakas ang Cold War, at may positibong mga pag-uusap hinggil sa pag-aalis ng mga armas, pati na ng mga nuklear na armas. Sabihin pa, sumiklab ang digmaan sa Gulpo ng Persia, pero waring saglit na pagkaantala lamang iyon anupat lalo pang naging determinado ang kalakhang bahagi ng daigdig na itaguyod ang kapayapaan.

Makikita rin ang positibong mga pahiwatig hindi lamang sa pulitika kundi gayundin sa iba pang pitak ng buhay. Bumubuti ang pamantayan ng pamumuhay sa maraming bahagi ng daigdig. Dahil sa mga pagsulong sa larangan ng medisina, naging posible para sa mga doktor na gumawa ng mga bagay na marahil ay maituturing na himala mga ilang dekada lamang ang nakalilipas. Sumulong ang ekonomiya ng maraming bansa sa bilis na waring nagpapahiwatig na patungo na tayo sa pandaigdig na kaunlaran. Waring ang mga bagay-bagay ay patungo na sa tamang direksiyon.

Sa ngayon, mga ilang taon lamang ang lumipas, hindi natin mapigilang magtanong: ‘Ano na ang nangyari? Nasaan na ang ipinangakong pandaigdig na pagkakaisa?’ Sa kabaligtaran, tila ang daigdig ay nagiging paurong. Ang mga suicide bombing, pagsalakay ng mga terorista, iniulat na pagdami ng mga sandata para sa lansakang paglipol, at iba pang nakababahalang mga kaganapan ay regular nang itinatampok sa inilalathalang mga balita. Lumilitaw na palayo na nang palayo ang pandaigdig na pagkakaisa dahil sa gayong mga pangyayari. Kamakailan ay sinabi ng isang prominenteng tagatustos ng negosyo: “Nasasadlak na tayo sa napakasamang siklo ng tumitinding karahasan.”

Pandaigdig na Pagkakaisa o Pangglobong Pagkakabaha-bahagi?

Nang buuin ang United Nations, ang isa sa binanggit na mga layunin nito ay “maglinang ng palakaibigang ugnayan sa mga bansa batay sa paggalang sa simulain ng pagkakapantay-pantay ng karapatan at ng kalayaan ng mga bayan na pamahalaan ang kanilang sarili.” Pagkatapos ng halos 60 taon, naabot ba ang matayog na tunguhing iyon? Malayung-malayo! Sa halip na magkaroon ng “palakaibigang ugnayan,” lumilitaw na ang pananalitang ‘kalayaang pamahalaan ang kanilang sarili’ ang higit na iniisip ng mga bansa. Lalong nababahagi ang daigdig dahil sa pagpupunyagi ng mga bayan at etnikong grupo na maitatag ang kanilang kasarinlan at soberanya. Nang buuin ang United Nations, 51 bansa lamang ang miyembro nito. Sa ngayon, mayroon nang 191.

Gaya ng nakita na natin, sa pagtatapos ng ika-20 siglo, laganap ang pag-asa para sa isang nagkakaisang daigdig. Mula noon, ang pag-asang iyan ay naging pagkasiphayo habang nasasaksihan ng sangkatauhan ang patuloy na pagkakabaha-bahagi ng pandaigdig na komunidad. Ang marahas na pagkakawatak-watak ng Yugoslavia, ang sagupaan sa pagitan ng Chechnya at Russia, ang digmaan sa Iraq, at ang patuloy na patayan sa Gitnang Silangan​—ang lahat ng ito ay patotoo ng higit na kawalan ng pagkakaisa.

Walang alinlangan na maraming pagsisikap para sa kapayapaan ang taimtim at may mabuti namang intensiyon. Sa kabila nito, waring di-makamit ang pandaigdig na pagkakaisa. Dahil dito, marami ang nag-iisip: ‘Bakit napakailap pa rin ng pandaigdig na pagkakaisa? Saan ba patungo ang daigdig?’

[Picture Credit Lines sa pahina 3]

AP Photo/​Lionel Cironneau

Arlo K. Abrahamson/​AFP/​Getty Images