Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag Manghimagod sa Paggawa ng Kung Ano ang Mainam

Huwag Manghimagod sa Paggawa ng Kung Ano ang Mainam

Huwag Manghimagod sa Paggawa ng Kung Ano ang Mainam

“PANATILIHING mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa,” ang payo ni apostol Pedro. (1 Pedro 2:12) Ang salitang Griego na isinaling “mainam” ay tumutukoy sa isang bagay na “maganda, marangal, kagalang-galang, at mahusay.” Sa panahong ito, waring hindi na makatotohanan pang asahan na gagawi ang mga tao sa pangkalahatan sa marangal o kagalang-galang na paraan. Gayunman, sa pangkalahatan, ang bayan ni Jehova sa ngayon ay nagtatagumpay sa pagsunod sa payo ni Pedro. Sa katunayan, kilalá sila sa buong daigdig dahil sa kanilang mainam na paggawi.

Ito ay lalo nang kapansin-pansin kapag isinaalang-alang natin ang mga kaigtingan at kabalisahan na napapaharap sa atin sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang mga pagsubok, at pangkaraniwan na ang pagsalansang sa Kristiyanong paraan ng pamumuhay. Karagdagan pa, bagaman panandalian lamang ang ilang pagsubok, ang iba naman ay nagpapatuloy nang walang humpay at tumitindi pa nga. Magkagayunman, ganito ang payo ni apostol Pablo: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.” (Galacia 6:9) Ngunit paano nga ba natin magagawa​—at patuloy na magagawa​—​kung ano ang mainam habang napapaharap tayo sa nakapipighating mga pagsubok at walang-tigil na pagsalansang?

Tulong sa Paggawa ng Kung Ano ang Mainam

Ang pagiging “marangal, kagalang-galang, at mahusay” ay maliwanag na isang kalagayan ng panloob na pagkatao, isang katangian ng puso. Kung gayon, ang pagpapanatili ng mainam na paggawi sa harap ng mga pagsubok at mahihirap na kalagayan ay, hindi isang biglaang reaksiyon lamang, kundi resulta ng araw-araw na pagsunod at pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya sa lahat ng aspekto ng buhay. Anu-ano ang ilang bagay na makatutulong may kaugnayan dito? Isaalang-alang ang sumusunod.

Linangin ang pangkaisipang saloobin ni Kristo. Kailangan ang kapakumbabaan upang mabata ang isang bagay na waring di-makatarungan. Ang isang taong mataas ang tingin sa sarili ay malamang na mahirapang magbata ng pagmamaltrato. Gayunman, si Jesus ay “nagpakababa at naging masunurin hanggang sa kamatayan.” (Filipos 2:5, 8) Sa pamamagitan ng pagtulad sa kaniya, hindi tayo ‘manghihimagod o manghihina’ sa ating sagradong paglilingkod. (Hebreo 12:2, 3) Ipakita ang mapagpakumbabang pagsunod sa pamamagitan ng pagiging handang makipagtulungan sa mga nangunguna sa inyong lokal na kongregasyon. (Hebreo 13:17) Matutong ituring ang iba bilang “nakatataas” sa iyo, anupat inuuna ang kanilang kapakanan kaysa ang sa iyo.​—Filipos 2:3, 4.

Tandaan na iniibig ka ni Jehova. Dapat na kumbinsido tayo na si Jehova “ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Talagang nagmamalasakit siya sa atin at nais niyang magtamo tayo ng buhay na walang hanggan. (1 Timoteo 2:4; 1 Pedro 5:7) Ang pag-alaala na walang anumang makapagpapawalang-bisa sa pag-ibig ng Diyos sa atin ay tutulong upang hindi tayo manghimagod sa ilalim ng pagsubok.​—Roma 8:38, 39.

Lubos na magtiwala kay Jehova. Ang pagtitiwala kay Jehova ay mahalaga, lalo na kapag ang mga pagsubok ay waring hindi matapus-tapos o nagsasapanganib ng buhay. Dapat tayong magkaroon ng ganap na pagtitiwala na hindi pahihintulutan ni Jehova ang anumang pagsubok ‘nang higit sa matitiis natin,’ na lagi siyang ‘gagawa ng daang malalabasan.’ (1 Corinto 10:13) Maging ang banta ng kamatayan ay mahaharap natin nang buong tapang kung magtitiwala tayo kay Jehova.​—2 Corinto 1:8, 9.

Magmatiyaga sa pananalangin. Napakahalaga ng marubdob na panalangin. (Roma 12:12) Ang taimtim na panalangin ay isa sa mga paraan upang makalapit tayo kay Jehova. (Santiago 4:8) Sa ating personal na karanasan, nalalaman natin na “anumang bagay ang hingin natin . . . , tayo ay pinakikinggan niya.” (1 Juan 5:14) Kung pinahihintulutan ni Jehova na patuloy na subukin ang ating katapatan, idinadalangin natin ang kaniyang tulong upang makapagbata tayo. (Lucas 22:41-43) Itinuturo sa atin ng panalangin na hindi tayo kailanman nag-iisa, na kapag nasa tabi natin si Jehova, lagi tayong magtatagumpay.​—Roma 8:31, 37.

Maiinam na Gawa​—‘Dahilan Ukol sa Kapurihan at Karangalan’

Sa pana-panahon, ang lahat ng mga Kristiyano ay “pinipighati . . . ng iba’t ibang pagsubok.” Gayunma’y “huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam.” Kapag nasa ilalim ng kaigtingan, mapatitibay-loob ka sa pagkabatid na ang iyong katapatan ay magiging “dahilan ukol sa kapurihan at kaluwalhatian at karangalan” sa dakong huli. (1 Pedro 1:6, 7) Lubusang samantalahin ang lahat ng espirituwal na mga paglalaan mula kay Jehova upang patibayin ka. Kung kailangan mo ng personal na atensiyon, lumapit sa mga naglilingkod bilang mga pastol, mga guro, at mga tagapayo sa kongregasyong Kristiyano. (Gawa 20:28) Regular na dumalo sa lahat ng pagpupulong ng kongregasyon, na ‘nag-uudyok sa atin sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.’ (Hebreo 10:24) Ang programa ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at personal na pag-aaral ay tutulong upang manatili kang alisto at malakas sa espirituwal; gayundin naman ang regular na pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano.​—Awit 1:1-3; Mateo 24:14.

Habang lalo mong nararanasan ang pag-ibig at pagkalinga ni Jehova, lalo namang sisidhi ang iyong pagnanais na maging “masigasig sa maiinam na gawa.” (Tito 2:14) Tandaan, “siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Oo, maging determinado na ‘huwag manghimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam’!

[Blurb sa pahina 29]

Dapat tayong magkaroon ng ganap na pagtitiwala na hindi pahihintulutan ni Jehova ang anumang pagsubok ‘nang higit sa matitiis natin,’ na lagi siyang ‘gagawa ng daang malalabasan’

[Mga larawan sa pahina 30]

Makatutulong ang pagiging abala sa mga gawaing teokratiko upang maihanda tayo sa pagharap sa mga pagsubok