Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Iniingatan ni Jehova ang mga Umaasa sa Kaniya

Iniingatan ni Jehova ang mga Umaasa sa Kaniya

Iniingatan ni Jehova ang mga Umaasa sa Kaniya

“Ingatan nawa akong lagi ng iyong maibiging-kabaitan at ng iyong katotohanan.”​—AWIT 40:11.

1. Ano ang hiniling ni Haring David kay Jehova, at paano ipinagkaloob ang kahilingang iyan sa kasalukuyan?

SI HARING DAVID ng sinaunang Israel ay “may-pananabik [na] umasa kay Jehova” at napakilos na sabihing “ikiniling [ni Jehova] sa [kaniya] ang kaniyang pandinig at dininig ang [kaniyang] paghingi ng tulong.” (Awit 40:1) Paulit-ulit na nakita niya mismo kung paano iningatan ni Jehova ang mga umiibig sa Kaniya. Kaya makahihiling si David na lagi sana siyang ingatan ni Jehova. (Awit 40:11) Yamang kabilang sa tapat na mga lalaki at babae na pinangakuan ng isang “mas mabuting pagkabuhay-muli,” si David ay kasalukuyang nasa alaala ni Jehova bilang isa na tatanggap ng gantimpala. (Hebreo 11:32-35) Sa gayon ay tiyak na tiyak na ang kaniyang kinabukasan. Ang kaniyang pangalan ay nakasulat sa “aklat ng alaala” ni Jehova.​—Malakias 3:16.

2. Paano tayo tinutulungan ng Kasulatan upang maunawaan ang kahulugan ng pagiging iniingatan ni Jehova?

2 Bagaman ang mga tapat na binanggit sa Hebreo kabanata 11 ay nabuhay bago pa pumarito si Jesu-Kristo sa lupa, sila ay namuhay kasuwato ng itinuro ni Jesus nang sabihin niya: “Siya na may paggiliw sa kaniyang kaluluwa ang pupuksa nito, ngunit siya na napopoot sa kaniyang kaluluwa sa sanlibutang ito ang mag-iingat nito para sa buhay na walang hanggan.” (Juan 12:25) Kaya kapag ang isa ay iniingatan ni Jehova, maliwanag na hindi ito nangangahulugang hindi siya daranas ng pagdurusa o pag-uusig. Ito ay nangangahulugan na ipagsasanggalang siya sa espirituwal na paraan upang mapanatili ang isang mainam na katayuan sa harap ng Diyos.

3. Anong patotoo ang taglay natin na si Kristo Jesus ay iningatan ni Jehova, at ano ang kinalabasan nito?

3 Si Jesus mismo ay dumanas ng malupit na pag-uusig at pandurusta, at sa dakong huli ay nagtagumpay ang kaniyang mga kaaway sa pagpatay sa kaniya sa lubhang kahiya-hiya at masakit na paraan. Gayunman, hindi ito isang pagsira sa pangako ng Diyos na iingatan niya ang Mesiyas. (Isaias 42:1-6) Ang pagkabuhay-muli ni Jesus sa ikatlong araw pagkatapos ng kaniyang kahiya-hiyang kamatayan ay nagpapatunay na dininig ni Jehova ang kaniyang paghiling ng tulong​—kung paanong dininig ni Jehova ang hiling ni David. Bilang tugon, binigyan ni Jehova si Jesus ng lakas upang makapanatiling tapat. (Mateo 26:39) Palibhasa’y iningatan, natamo ni Jesus ang imortalidad sa langit, at milyun-milyong tao na nanampalataya sa pantubos ang nagkaroon ng pag-asang mabuhay magpakailanman.

4. Anong katiyakan ang ibinigay sa mga pinahirang Kristiyano at sa “ibang mga tupa”?

4 Makapagtitiwala tayo na si Jehova ay handa at may kakayahang ingatan ang kaniyang mga lingkod sa ngayon gaya noong panahon ni David at ni Jesus. (Santiago 1:17) Ang kaunting nalabing pinahiran na mga kapatid ni Jesus na narito pa sa lupa ay makapagtitiwala sa pangako ni Jehova: “Isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana . . . ay nakataan sa langit para sa inyo, na iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ukol sa isang kaligtasan na handa nang isiwalat sa huling yugto ng panahon.” (1 Pedro 1:4, 5) Ang “ibang mga tupa,” na may makalupang pag-asa, ay makapagtitiwala rin sa Diyos at sa kaniyang pangako na binanggit ng salmista: “O ibigin ninyo si Jehova, ninyong lahat na matapat sa kaniya. Ang mga tapat ay iniingatan ni Jehova.”​—Juan 10:16; Awit 31:23.

Iniingatan sa Espirituwal na Paraan

5, 6. (a) Paano iniingatan ang bayan ng Diyos sa makabagong panahon? (b) Anong pakikipag-ugnayan kay Jehova ang tinatamasa ng mga pinahiran, at kumusta naman ang mga may makalupang pag-asa?

5 Sa makabagong panahon, naglaan si Jehova ng mga kaayusan upang ingatan ang kaniyang bayan sa espirituwal na paraan. Bagaman hindi sila ipinagsasanggalang mula sa pag-uusig o mga problema at trahedyang pangkaraniwan sa buhay, may-katapatan siyang nagbibigay ng kinakailangang tulong at pampatibay-loob upang maingatan nila ang kanilang matalik na kaugnayan sa kaniya. Ang kaugnayang ito ay nakasalig sa kanilang pananampalataya sa maibiging pantubos na inilaan ng Diyos. Ang ilan sa tapat na mga Kristiyanong ito ay pinahiran ng espiritu ng Diyos upang maging mga kasamang tagapamahala ni Kristo sa langit. Ipinahayag silang matuwid bilang espirituwal na mga anak ng Diyos, at sa kanila kumakapit ang mga salitang ito: “Iniligtas niya tayo mula sa awtoridad ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig, na sa pamamagitan niya ay taglay natin ang ating paglaya sa pamamagitan ng pantubos, ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.”​—Colosas 1:13, 14.

6 Milyun-milyong iba pang tapat na Kristiyano ang binibigyang-katiyakan na sila rin ay makikinabang sa pantubos na inilaan ng Diyos. Mababasa natin: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Marcos 10:45) Umaasa ang mga Kristiyanong iyon na sa takdang panahon ay matatamasa nila ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Samantala, pinahahalagahan nila ang kanilang personal na pakikipagkaibigan sa Diyos at taimtim na sinisikap na patibayin ang kaugnayang iyan.

7. Sa pamamagitan ng anong paraan iniingatan ni Jehova ang espirituwal na kapakanan ng kaniyang bayan sa ngayon?

7 Ang isang paraan ng pag-iingat ni Jehova sa espirituwal na kapakanan ng kaniyang bayan ay sa pamamagitan ng paglalaan ng isang programa ng progresibong pagsasanay. Sa ganitong paraan ay nagkakaroon sila ng mas tumpak na kaalaman sa katotohanan. Naglalaan din si Jehova ng patuluyang patnubay sa pamamagitan ng kaniyang Salita, organisasyon, at banal na espiritu. Sa pangunguna ng “tapat at maingat na alipin,” ang bayan ng Diyos sa buong daigdig ay kagaya ng isang internasyonal na pamilya. Inaasikaso ng uring alipin ang espirituwal na mga pangangailangan at kung kinakailangan, maging ang pisikal na mga pangangailangan ng pamilya ng mga lingkod ni Jehova​—anuman ang kanilang pinagmulang bansa o katayuan sa lipunan.​—Mateo 24:45.

8. Anong pagtitiwala ang inilalagak ni Jehova sa kaniyang mga matapat, at ano ang tinitiyak nito sa kanila?

8 Kung paanong hindi pisikal na ipinagsanggalang ni Jehova si Jesus mula sa pagsalakay ng kaniyang mga kaaway, hindi rin Niya pisikal na ipinagsasanggalang ang mga Kristiyano sa ngayon. Pero hindi nito ipinahihiwatig na hindi nalulugod ang Diyos sa kanila. Hinding-hindi! Sa halip, itinatampok nito ang kaniyang pagtitiwala sa kanila na itataguyod nila ang kaniyang panig sa dakilang pansansinukob na usapin. (Job 1:8-12; Kawikaan 27:11) Hindi kailanman pababayaan ni Jehova ang mga matapat sa kaniya, “sapagkat si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat. Hanggang sa panahong walang takda ay tiyak na babantayan sila.”​—Awit 37:28.

Iniingatan ng Maibiging-Kabaitan at Katotohanan

9, 10. (a) Paano iniingatan ng katotohanan ni Jehova ang kaniyang bayan? (b) Paano ipinakikita ng Bibliya na iniingatan ni Jehova ang kaniyang mga matapat sa pamamagitan ng kaniyang maibiging-kabaitan?

9 Sa kaniyang panalanging nakaulat sa Awit 40, hiniling ni David na ingatan siya ng maibiging-kabaitan at katotohanan ni Jehova. Ang katotohanan ni Jehova at ang kaniyang pag-ibig sa katuwiran ay humihiling na malinaw niyang ipakita kung ano ang kaniyang mga pamantayan. Ang mga namumuhay sa mga pamantayang ito ay maiingatan nang husto mula sa mga kapighatian, takot, at problemang nararanasan ng mga nagwawalang-bahala rito. Halimbawa, maipagsasanggalang natin ang ating sarili at ang ating mga mahal sa buhay mula sa maraming mapapait na problema kung iiwasan natin ang pag-abuso sa droga at inuming de-alkohol, seksuwal na imoralidad, at marahas na istilo ng pamumuhay. At maging ang mga lumihis mula sa daan ng katotohanan ni Jehova​—gaya ng paminsan-minsang nagawa ni David​—ay nakatitiyak na isang “dakong kublihan” pa rin ang Diyos para sa mga nagsisising manggagawa ng kamalian. Maaari silang humiyaw sa kagalakan: “Iingatan mo ako mula sa kabagabagan.” (Awit 32:7) Napakahalagang kapahayagan ng maibiging-kabaitan ng Diyos!

10 Ang isa pang halimbawa ng maibiging-kabaitan ng Diyos ay ang pagbibigay-babala niya sa kaniyang mga lingkod na manatiling hiwalay sa balakyot na sanlibutang ito, na malapit na niyang wasakin. Mababasa natin: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya; sapagkat ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan​—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa​—​ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.” Kung tayo ay makikinig at kikilos alinsunod sa babalang ito, literal na walang-hanggan nating maiingatan ang ating buhay, yamang nagpapatuloy ang teksto: “Karagdagan pa, ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:15-17.

Iniingatan ng Kakayahang Mag-isip, Kaunawaan, at Karunungan

11, 12. Ipaliwanag kung paano tayo iniingatan ng kakayahang mag-isip, kaunawaan, at karunungan.

11 Para sa mga umaasang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, kinasihang sumulat ang anak ni David na si Solomon: “Ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo.” Humimok din siya: “Magtamo ka ng karunungan . . . Huwag mo itong iwanan, at iingatan ka nito. Ibigin mo, at ipagsasanggalang ka nito.”​—Kawikaan 2:11; 4:5, 6.

12 Ginagamit natin ang kakayahang mag-isip kung binubulay-bulay natin ang ating natututuhan mula sa Salita ng Diyos. Sa paggawa nito, malilinang natin ang higit na kaunawaan upang makapagtakda tayo ng tamang mga priyoridad. Napakahalaga nito, yamang alam ng karamihan sa atin​—maaaring mula sa personal na karanasan​—na bumabangon ang mga problema kapag maling mga priyoridad ang itinatakda ng mga tao, sinasadya man ito o hindi. Inaakit tayo ng sanlibutan ni Satanas na gawing tunguhin ang pagkakamit ng materyal na kayamanan, katanyagan, at kapangyarihan, samantalang idiniriin naman ni Jehova ang mas mahalagang espirituwal na mga bagay. Kapag hindi natin inuna ang espirituwal na mga bagay, maaari itong magdulot ng pagkawasak ng pamilya, pagkasira ng mga pagkakaibigan, at pagkawala ng espirituwal na mga tunguhin. Bilang resulta, aanihin lamang ng isa ang masaklap na katotohanang ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus: “Ano ang pakinabang ng isang tao na matamo ang buong sanlibutan at maiwala ang kaniyang kaluluwa?” (Marcos 8:36) Inuudyukan tayo ng karunungan na sundin ang payo ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”​—Mateo 6:33.

Ang Panganib ng Pagiging Makasarili

13, 14. Ano ang ibig sabihin ng pagiging makasarili, at bakit hindi isang katalinuhan ang maging gayon?

13 Likas sa mga tao na maging interesado sa kanilang sarili. Subalit kapag ang personal na mga hangarin at kapakanan ay naging pangunahin na sa buhay, nagbubunga ito ng mga problema. Kaya upang maingatan ang ating pakikipagkaibigan sa kaniya, tinagubilinan tayo ni Jehova na iwasan ang pagiging makasarili. Ang terminong ito ay nangangahulugang “pagkabahala tangi lamang sa sariling hangarin, pangangailangan, o kapakanan.” Hindi ba ganiyang-ganiyan ang maraming tao sa ngayon? Kapansin-pansin, inihula ng Bibliya na “sa mga huling araw” ng balakyot na sistema ni Satanas, “ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili,” o magiging makasarili.​—2 Timoteo 3:1, 2.

14 Nauunawaan ng mga Kristiyano ang karunungan ng pagsunod sa utos ng Bibliya na magkaroon ng interes sa iba, anupat iniibig sila kung paanong iniibig ng isa ang kaniyang sarili. (Lucas 10:27; Filipos 2:4) Sa pangkalahatan, maaaring ituring ito ng mga tao na di-praktikal, pero napakahalaga nito upang matamasa natin ang matagumpay na pag-aasawa, maligayang pagsasamahan ng pamilya, at kasiya-siyang pagkakaibigan. Kaya hindi dapat kailanman pahintulutan ng isang tunay na lingkod ni Jehova na mangibabaw sa kaniyang buhay ang likas na interes sa sarili anupat ipinagwawalang-bahala ang mas mahahalagang kapakanan. Una sa lahat, ito ay ang mga kapakanan ni Jehova, ang Diyos na sinasamba niya.

15, 16. (a) Sa ano maaaring humantong ang makasariling saloobin, gaya ng inilalarawan nino? (b) Sa katunayan, ano ang ginagawa ng isa kapag mabilis siyang humatol sa iba?

15 Ang makasariling saloobin ay maaaring umakay sa isa na maging mapagmatuwid sa sarili, na magiging dahilan naman upang siya ay magkaroon ng makitid na pag-iisip at maging pangahas. Angkop na sinabi ng Bibliya: “Wala kang maidadahilan, O tao, sino ka man, kung humahatol ka; sapagkat sa bagay na hinahatulan mo sa iba ay pinapatawan mo ng hatol ang iyong sarili, yamang ikaw na humahatol ay nagsasagawa ng gayunding mga bagay.” (Roma 2:1; 14:4, 10) Ang mga relihiyosong lider noong panahon ni Jesus ay kumbinsidung-kumbinsido sa kanilang pagiging matuwid anupat inakala nilang kuwalipikado sila na sawayin si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod. Sa paggawa ng gayon, inilagay nila ang kanilang sarili sa posisyon ng mga hukom. Palibhasa’y bulag sa kanilang sariling mga pagkukulang, aktuwal silang nagdulot ng kahatulan sa kanilang sarili.

16 Hinayaan ni Hudas, ang tagasunod ni Jesus na nagkanulo sa kaniya, ang kaniyang sarili na maging isang taong humahatol sa iba. Minsan sa Betania nang si Jesus ay pahiran ni Maria, kapatid ni Lazaro, ng mabangong langis, mahigpit na tumutol si Hudas. Ibinulalas niya ang kaniyang galit na ikinakatuwiran: “Bakit hindi ipinagbili ang mabangong langis na ito sa tatlong daang denario at ibinigay sa mga taong dukha?” Pero nagpatuloy ang ulat sa pagpapaliwanag: “Gayunman, sinabi niya ito hindi dahil sa nababahala siya sa mga dukha, kundi dahil isa siyang magnanakaw at nasa kaniya ang kahon ng salapi at dati na niyang kinukuha ang mga salaping inilalagay roon.” (Juan 12:1-6) Huwag nawa tayong maging gaya ni Hudas o ng mga relihiyosong lider, na mabilis humatol sa iba, anupat nagdudulot lamang ng kahatulan sa kanilang sarili.

17. Ilarawan ang kalakip na panganib ng pagiging mapagmapuri sa sarili o labis na pagtitiwala sa sarili.

17 Nakalulungkot sabihin, ang ilan sa unang mga Kristiyano, bagaman hindi sila mga magnanakaw gaya ni Hudas, ay naging biktima ng pagmamalaki, anupat naging mapagmapuri sa sarili. Sumulat si Santiago hinggil sa kanila: “Ipinagmamapuri ninyo ang inyong pangahas na mga pagyayabang.” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Ang lahat ng gayong pagmamapuri ay balakyot.” (Santiago 4:16) Ang pagyayabang sa ating mga nagawa o sa ating mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova ay nakapipinsala sa sarili. (Kawikaan 14:16) Naaalaala natin ang nangyari kay apostol Pedro, na dahil sa labis na pagtitiwala sa sarili ay nagyabang: “Bagaman ang lahat ng iba pa ay matisod may kaugnayan sa iyo, kailanman ay hindi ako matitisod! . . . Kahit na kailangan akong mamatay na kasama mo, hindi kita sa anumang paraan itatatwa.” Ang totoo, wala naman talaga tayong maipagyayabang hinggil sa ating sarili. Ang lahat ng ating tinatamasa ay resulta lamang ng maibiging-kabaitan ni Jehova. Kung isasaisip ito, maiiwasan natin ang pagiging mapagmapuri sa sarili.​—Mateo 26:33-35, 69-75.

18. Ano ang nadarama ni Jehova sa pagmamapuri?

18 Sinasabihan tayo na “ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.” Bakit? Sumasagot si Jehova: “Ang pagtataas sa sarili at pagmamapuri . . . ay kinapopootan ko.” (Kawikaan 8:13; 16:18) Hindi nga kataka-takang magalit si Jehova sa “kawalang-pakundangan ng puso ng hari ng Asirya at dahil sa kapalaluan ng pagmamataas ng kaniyang mga mata”! (Isaias 10:12) Pinapagsulit siya ni Jehova. Di-magtatagal, ang buong sanlibutan ni Satanas, kasama na ang mapagmapuri at hambog na mga lider, nakikita at di-nakikita, ay pagsusulitin din. Huwag nawa nating tularan ang mapaggiit-sa-sariling saloobin ng mga kaaway ni Jehova!

19. Sa anong diwa makapagmamalaki ang bayan ng Diyos subalit kasabay nito ay mapagpakumbaba rin naman?

19 Ang tunay na mga Kristiyano ay may matibay na dahilan upang ipagmalaki ang kanilang pagiging lingkod ni Jehova. (Jeremias 9:24) Kasabay nito, may matibay rin silang dahilan upang manatiling mapagpakumbaba. Bakit? Sapagkat “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Kaya upang maingatan natin ang ating katayuan bilang mga lingkod ni Jehova, dapat nating taglayin ang saloobin ni apostol Pablo, na nagsabing “si Kristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan,” at pagkatapos ay idinagdag niya: “Sa mga ito ay pangunahin ako.”​—1 Timoteo 1:15.

20. Paano iniingatan ni Jehova ang kaniyang bayan sa ngayon, at paano niya sila iingatan sa hinaharap?

20 Yamang nalulugod ang bayan ni Jehova na gawing pangalawahin ang kanilang sarili upang unahin ang mga kapakanan ng Diyos, makatitiyak tayo na patuloy silang iingatan ni Jehova sa espirituwal na paraan. Makatitiyak din tayo na kapag sumapit ang malaking kapighatian, iingatan ni Jehova ang kaniyang bayan hindi lamang sa espirituwal kundi sa pisikal na paraan din naman. Sa pagpasok sa bagong sanlibutan ng Diyos, maibubulalas nila: “Narito! Ito ang ating Diyos. Umaasa tayo sa kaniya, at ililigtas niya tayo. Ito si Jehova. Umaasa tayo sa kaniya. Tayo ay magalak at magsaya sa kaniyang pagliligtas.”​—Isaias 25:9.

Naaalaala Mo Ba?

• Paano iningatan si Haring David at si Jesu-Kristo?

• Paano iniingatan sa ngayon ang bayan ni Jehova?

• Bakit natin dapat iwasan ang pagiging makasarili?

• Bakit tayo maaaring maging mapagmalaki subalit kasabay nito ay mapagpakumbaba rin naman?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 9]

Paano iningatan ni Jehova si David at si Jesus?

[Mga larawan sa pahina 10, 11]

Sa anu-anong paraan iniingatan sa espirituwal na paraan ang bayan ng Diyos sa ngayon?

[Mga larawan sa pahina 12]

Bagaman ipinagmamalaki nating naglilingkod tayo kay Jehova, dapat tayong manatiling mapagpakumbaba