Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Iniligtas, Hindi Lamang Dahil sa mga Gawa, Kundi sa Di-sana-nararapat na Kabaitan

Iniligtas, Hindi Lamang Dahil sa mga Gawa, Kundi sa Di-sana-nararapat na Kabaitan

Iniligtas, Hindi Lamang Dahil sa mga Gawa, Kundi sa Di-sana-nararapat na Kabaitan

“Iniligtas na kayo sa pamamagitan ng pananampalataya . . . Hindi ito dahil sa mga gawa, upang walang taong magkaroon ng saligan sa paghahambog.”​—EFESO 2:8, 9.

1. Paano naiiba ang mga Kristiyano sa mga tao sa pangkalahatan may kinalaman sa kanilang mga nagawa, at bakit?

LUBHANG ipinagmamalaki ngayon ng mga tao ang kanilang mga nagawa, at mabilis nilang ipinagyayabang ang mga ito. Naiiba naman ang mga Kristiyano. Iniiwasan nila ang labis na pagpapahalaga sa kanilang mga nagawa, maging ang mga bagay na may kinalaman sa tunay na pagsamba. Bagaman nagsasaya sila sa nagawa ng bayan ni Jehova sa kabuuan, hindi nila itinatampok ang kanilang mga naisakatuparan bilang indibiduwal. Natatanto nila na sa paglilingkod kay Jehova, mas mahalaga ang tamang mga motibo kaysa sa kanilang mga nagawa. Sinumang mapagkalooban ng buhay na walang hanggan sa hinaharap ay nakapagtamo nito, hindi dahil sa nagawa niya, kundi dahil sa pananampalataya at di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.​—Lucas 17:10; Juan 3:16.

2, 3. Ano ang ipinaghambog ni Pablo, at bakit?

2 Alam na alam ni apostol Pablo ang katotohanang ito. Pagkatapos niyang manalangin nang tatlong beses para magkaroon ng kaginhawahan mula sa “isang tinik sa laman,” tinanggap niya ang tugon ni Jehova: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” Yamang may-kapakumbabaang tinanggap ang pasiya ni Jehova, sinabi ni Pablo: “Kaya buong lugod pa nga akong maghahambog may kinalaman sa aking mga kahinaan, upang ang kapangyarihan ng Kristo ay manatiling tulad ng isang tolda sa ibabaw ko.” Ang mapagpakumbabang saloobin ni Pablo ang dapat nating naising tularan.​—2 Corinto 12:7-9.

3 Bagaman namumukod-tangi si Pablo sa pagsasagawa ng mga gawang Kristiyano, kinilala niya na ang kaniyang mga naisakatuparan ay hindi dahil sa anumang partikular niyang kakayahan. May-kahinhinan niyang sinabi: “Sa akin, isang tao na mas mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal, ay ibinigay ang di-sana-nararapat na kabaitang ito, upang maipahayag ko sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa di-maarok na kayamanan ng Kristo.” (Efeso 3:8) Walang mapaghambog na saloobin dito o mapagmatuwid-sa-sariling kapalaluan. “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit nagbibigay siya ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.” (Santiago 4:6; 1 Pedro 5:5) Sinusunod ba natin ang halimbawa ni Pablo, anupat may-kapakumbabaang itinuturing ang ating sarili na mas mababa pa kaysa sa pinakamababa sa ating mga kapatid?

“Itinuturing na ang Iba ay Nakatataas”

4. Bakit tayo nahihirapan kung minsan na ituring ang iba na nakatataas sa atin?

4 Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “[Huwag gumawa] ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo.” (Filipos 2:3) Maaari itong maging hamon, lalo na kung may katungkulan tayo. Marahil ay nagiging problema ito dahil, sa isang antas, naiimpluwensiyahan tayo ng espiritu ng kompetisyon na napakalaganap sa daigdig sa ngayon. Posible na noong bata pa tayo, tinuruan na tayong makipagkompetensiya, sa ating mga kapatid sa tahanan o sa ating mga kaklase sa paaralan. Marahil ay palagi tayong itinutulak na abutin ang karangalan na maging numero unong atleta ng paaralan o maging pinakamagaling nitong estudyante. Sabihin pa, kapuri-puri namang ibigay natin ang ating pinakamagaling sa anumang wastong gawain. Pero ginagawa ito ng mga Kristiyano, hindi upang mag-ukol ng labis na atensiyon sa kanilang sarili, kundi upang lubusang makinabang sa gawain at marahil ay upang makinabang ang iba. Subalit ang palaging paghahangad na purihin bilang numero uno ay mapanganib. Paano?

5. Kung hindi kokontrolin, sa ano maaaring humantong ang mapagkompetensiyang saloobin?

5 Kung hindi ito kokontrolin, ang isang mapagkompetensiya o egotistikong saloobin ay maaaring magpakilos sa isa na maging walang-galang at arogante. Baka maging mainggitin siya sa mga kakayahan at pribilehiyo ng iba. Ganito ang sinasabi ng Kawikaan 28:22: “Ang taong may matang mainggitin ay nagpupunyaging magkamit ng mahahalagang pag-aari, ngunit hindi niya nalalaman na ang kakapusan ay darating sa kaniya.” Baka may-kapangahasan pa nga niyang abutin ang mga katungkulang hindi nararapat sa kaniya. Upang ipagmatuwid ang kaniyang mga pagkilos, baka magsimula na siyang magreklamo at maging mapamuna sa iba​—mga hilig na dapat iwasan ng mga Kristiyano. (Santiago 3:14-16) Anuman ang kalagayan, nanganganib siyang makapaglinang ng saloobing makaako.

6. Paano nagbababala ang Bibliya laban sa mapagkompetensiyang saloobin?

6 Kaya hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano: “Huwag tayong maging egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.” (Galacia 5:26) Binanggit ni apostol Juan ang hinggil sa isang kapuwa Kristiyano na maliwanag na naging biktima ng ganitong saloobin. “Ako ay may isinulat sa kongregasyon,” ang sabi ni Juan, “ngunit si Diotrepes, na gustong magkaroon ng unang dako sa gitna nila, ay hindi tumatanggap ng anuman mula sa amin nang may paggalang. Kaya naman, kung ako ay paririyan, uungkatin ko ang kaniyang mga gawa na patuloy niyang ginagawa, na nagdadadaldal tungkol sa amin ng mga salitang balakyot.” Napakalungkot naman kung mahuhulog ang isang Kristiyano sa gayong kalagayan!​—3 Juan 9, 10.

7. Ano ang iiwasan ng isang Kristiyano sa mapagkompetensiyang sekular na trabaho sa ngayon?

7 Siyempre pa, hindi makatotohanang isipin na lubusang maiiwasan ng isang Kristiyano ang lahat ng bagay na may bahid ng kompetisyon. Halimbawa, ang kaniyang sekular na trabaho ay maaaring nagsasangkot ng pakikipagkompetensiya sa ibang mga indibiduwal sa negosyo na gumagawa ng gayunding mga produkto o nagbibigay ng gayunding mga serbisyo. Subalit kahit sa gayong mga kalagayan, nanaisin ng isang Kristiyano na isagawa ang kaniyang negosyo nang may paggalang, pag-ibig, at konsiderasyon. Tatanggihan niya ang ilegal o di-maka-Kristiyanong mga gawain at iiwasang makilala bilang isang tao na may mapagkompetensiyang saloobin at walang awa sa iba. Hindi niya madarama na ang pagiging numero uno​—sa anumang bagay​—ang pinakamahalaga sa buhay. Kung totoo ito sa sekular na mga bagay, lalo na itong totoo sa larangan ng pagsamba!

‘Hindi Inihahambing sa Ibang Tao’

8, 9. (a) Bakit walang dahilan ang Kristiyanong matatanda na makipagkompetensiya sa isa’t isa? (b) Bakit kumakapit ang 1 Pedro 4:10 sa lahat ng lingkod ng Diyos?

8 Ang saloobing dapat taglayin ng mga Kristiyano hinggil sa kanilang pagsamba ay inilalarawan sa kinasihang mga salitang ito: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.” (Galacia 6:4) Ang matatanda sa kongregasyon, sa pagkaalam na hindi sila nakikipagkompetensiya sa isa’t isa, ay nagtutulungan at gumagawang magkakasama bilang isang lupon. Nasisiyahan sila sa naitutulong ng bawat isa para sa kapakanan ng kongregasyon sa kabuuan. Kaya naman iniiwasan nila ang kompetisyong nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi at ipinakikita ang isang mainam na halimbawa ng pagkakaisa para sa iba pa sa kongregasyon.

9 Dahil sa edad, karanasan, o likas na mga kakayahan, baka nga mas mahusay ang ilang matatanda, o baka nagtataglay sila ng higit na kaunawaan. Bilang resulta, ang matatanda ay may iba’t ibang pananagutan sa organisasyon ni Jehova. Sa halip na gumawa ng mga paghahambing, tinatandaan nila ang payo: “Ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, gamitin ito sa paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.” (1 Pedro 4:10) Ang totoo, ang tekstong ito ay kumakapit sa lahat ng lingkod ni Jehova, yamang sa isang antas, ang lahat ay nakatatanggap ng kaloob na tumpak na kaalaman at nakapagtatamasa ng pribilehiyong makibahagi sa ministeryong Kristiyano.

10. Sa anong paraan lamang magiging kaayaaya kay Jehova ang ating sagradong paglilingkod?

10 Nakalulugod ang ating sagradong paglilingkod kay Jehova tangi lamang kung gagawin ito dahil sa pag-ibig at debosyon, hindi para iangat ang ating sarili sa iba. Napakahalaga kung gayon na magtaglay ng timbang na pangmalas sa ating gawain bilang pagsuporta sa tunay na pagsamba. Bagaman walang sinuman ang tumpak na makahahatol sa motibo ng isa, si Jehova ay “sumusukat ng mga puso.” (Kawikaan 24:12; 1 Samuel 16:7) Kaya naman makabubuting tanungin natin ang ating sarili sa pana-panahon, ‘Ano ba ang motibo ko sa pagsasagawa ng mga gawa ng pananampalataya?’​—Awit 24:3, 4; Mateo 5:8.

Tamang Pangmalas sa Ating mga Gawa ng Pananampalataya

11. Anu-anong tanong hinggil sa ating gawain sa ministeryo ang makatuwirang isaalang-alang?

11 Kung motibo ang pinakamahalaga upang matamo ang pagsang-ayon ni Jehova, gaano kasidhi kung gayon ang dapat na maging pagkabahala natin sa ating mga gawa ng pananampalataya? Yamang tama naman ang ating motibo sa paggawa ng ating ministeryo, kailangan pa bang mag-ingat ng ulat kung ano ang ating ginagawa o kung gaano ito kalaki? Makatuwiran naman ang mga tanong na ito, yamang hindi natin nais ituring na mas mahalaga ang mga estadistika kaysa sa mga gawa ng pananampalataya o gawing isang napakalaking bagay ang pagkakaroon ng mabuting ulat sa ating gawaing Kristiyano.

12, 13. (a) Anu-ano ang ilang dahilan kung bakit tayo nag-iingat ng ulat ng ating paglilingkod sa larangan? (b) Anu-anong dahilan ang taglay natin upang magalak kapag nakikita ang kabuuang ulat ng ating gawaing pangangaral?

12 Pansinin ang sinasabi ng aklat na Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova: “Ang sinaunang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay nagpakita ng interes sa mga ulat ng pagsulong sa gawaing pangangaral. (Mar. 6:30) Sinasabi sa atin ng aklat ng Bibliya na Mga Gawa na mga 120 katao ang presente nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga alagad noong Pentecostes. Di-nagtagal, dumami ang bilang ng mga alagad tungo sa 3,000 at pagkatapos ay 5,000. . . . (Gawa 1:15; 2:5-11, 41, 47; 4:4; 6:7) Tiyak na ang mga balitang ito ng pagsulong ay nagdulot ng malaking pampatibay-loob sa mga alagad!” Sa gayunding dahilan, pinagsisikapan ng mga Saksi ni Jehova ngayon na mag-ingat ng tumpak na mga ulat hinggil sa kung ano ang naisasagawa sa buong daigdig bilang katuparan sa mga salita ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang gayong mga ulat ay nagbibigay ng makatotohanang larawan tungkol sa kung ano ang naisasagawa sa buong daigdig. Ipinakikita ng mga ito kung saan kailangan ang tulong at kung anong uri ng literatura at gaano karami nito ang kailangan upang maisulong ang gawaing pangangaral.

13 Kaya sa pamamagitan ng pag-uulat ng ating gawaing pangangaral, naisasakatuparan natin nang mas mabisa ang ating atas na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Tutal, hindi ba’t napasisigla tayo kapag naririnig natin ang tungkol sa nagagawa ng ating mga kapatid sa ibang mga bahagi ng daigdig? Ang mga balita hinggil sa pagsulong at paglawak sa buong lupa ay nagpapagalak sa atin, nagpapakilos sa atin na pag-ibayuhin ang gawain, at nagbibigay-katiyakan sa atin ng pagpapala ni Jehova. At tunay na kasiya-siyang malaman na kabilang sa pandaigdig na ulat na iyon ang ating personal na ulat! Maliit lamang ang indibiduwal nating ulat kung ihahambing sa kabuuang ulat sa buong daigdig, pero nakikita ito ni Jehova. (Marcos 12:42, 43) Tandaan, kung wala ang iyong ulat, hindi makukumpleto ang kabuuang ulat.

14. Bukod sa pangangaral at pagtuturo, ano pa ang kasama sa ating pagsamba kay Jehova?

14 Sabihin pa, ang kalakhang bahagi ng ginagawa ng bawat Saksi upang matupad ang kaniyang pananagutan bilang isang nakaalay na lingkod ni Jehova ay hindi naman makikita sa kaniyang ulat. Halimbawa, hindi kasama sa ulat ang regular na personal na pag-aaral ng Bibliya, pagdalo at pakikibahagi sa mga Kristiyanong pagpupulong, pagganap sa mga tungkulin sa kongregasyon, pagtulong sa mga kapananampalataya kung kinakailangan, pinansiyal na pagsuporta sa pandaigdig na gawaing pang-Kaharian, at iba pa. Kaya bagaman ang ating ulat ng paglilingkod sa larangan ay mahalaga at nakatutulong sa atin na mapanatili ang ating sigasig sa pangangaral at maiwasan ang pagpapabaya, dapat nating panatilihin ang tamang pangmalas hinggil dito. Hindi natin dapat isiping karapat-dapat tayo sa buhay na walang hanggan dahil lamang sa maganda ang ating ulat ng paglilingkod sa larangan.

“Masigasig sa Maiinam na Gawa”

15. Bagaman hindi tayo maliligtas dahil lamang sa mga gawa, bakit kailangan pa rin ang mga ito?

15 Maliwanag na bagaman hindi tayo maliligtas dahil lamang sa mga gawa, kailangan pa rin ang mga ito. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga Kristiyano ay tinawag na “isang bayan na katangi-tanging kaniya, masigasig sa maiinam na gawa” at kung bakit pinasisigla sila na “isaalang-alang . . . ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Tito 2:14; Hebreo 10:24) Bilang pagdiriin sa puntong ito, ang isa pang manunulat ng Bibliya na si Santiago, ay nagsabi: “Kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.”​—Santiago 2:26.

16. Ano ang mas mahalaga pa kaysa sa mga gawa, subalit sa ano tayo dapat mag-ingat?

16 Bagaman mahalaga ang mabubuting gawa, mas mahalaga ang mga motibo sa paggawa ng gayon. Kaya isang katalinuhan para sa atin na suriin ang ating mga motibo sa pana-panahon. Subalit yamang walang tao ang tumpak na makaaalam sa motibo ng iba, dapat tayong mag-ingat sa paghatol sa iba. “Sino ka upang humatol sa tagapaglingkod sa bahay ng iba?” ang tanong sa atin, na may malinaw na sagot: “Sa kaniyang sariling panginoon ay tumatayo siya o nabubuwal.” (Roma 14:4) Si Jehova, ang Panginoon ng lahat, at ang kaniyang inatasang Hukom, si Kristo Jesus, ang hahatol sa atin, hindi lamang salig sa ating mga gawa kundi salig din sa ating mga motibo, oportunidad, pag-ibig, at debosyon. Si Jehova lamang at si Kristo Jesus ang tumpak na makahahatol kung ginawa nga ba natin ang ipinapayo sa mga Kristiyano na gawin, na binabanggit sa mga salita ni apostol Pablo: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.”​—2 Timoteo 2:15; 2 Pedro 1:10; 3:14.

17. Bagaman pinagsisikapan nating gawin ang ating buong makakaya, bakit natin dapat isaisip ang Santiago 3:17?

17 Makatuwiran si Jehova sa kaniyang inaasahan sa atin. Ayon sa Santiago 3:17, kabilang sa “karunungan mula sa itaas” ang pagiging “makatuwiran.” Hindi ba’t landasin ng karunungan at isang tunay na tagumpay kung tutularan natin si Jehova sa bagay na ito? Kung gayon, hindi tayo dapat magtakda ng di-makatuwiran at di-maaabot na mga inaasahan para sa ating sarili o sa ating mga kapatid.

18. Ano ang maaasahan natin kung may timbang tayong pangmalas hinggil sa ating mga gawa at sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova?

18 Hangga’t taglay natin ang timbang na pangmalas hinggil sa ating mga gawa ng pananampalataya at di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, mapananatili natin ang kagalakang nagsisilbing pagkakakilanlan ng tunay na mga lingkod ni Jehova. (Isaias 65:13, 14) Makapagsasaya tayo sa mga pagpapalang ibinubuhos ni Jehova sa kaniyang bayan sa pangkalahatan, gaanuman ang ating kayang gawin bilang indibiduwal. Sa ating patuloy na ‘pananalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat,’ hihilingin natin sa Diyos na tulungan tayong gawin ang ating buong makakaya. Kung gayon, walang alinlangan, “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:4-7) Oo, makasusumpong tayo ng kaaliwan at pampatibay-loob sa pagkaalam na maliligtas tayo, hindi lamang dahil sa mga gawa, kundi sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova!

Maipaliliwanag Mo ba Kung Bakit ang mga Kristiyano ay

• umiiwas na ipaghambog ang mga nagawa nila?

• umiiwas na magpakita ng mapagkompetensiyang saloobin?

• nag-uulat ng kanilang gawaing Kristiyano sa ministeryo sa larangan?

• umiiwas sa paghatol sa mga kapuwa Kristiyano?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

“Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo”

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Nasisiyahan ang matatanda sa naitutulong ng bawat isa para sa kapakanan ng kongregasyon

[Mga larawan sa pahina 18, 19]

Kung wala ang iyong ulat, hindi makukumpleto ang kabuuang ulat