Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Nang marinig ng mga alagad na nasa pintuan ang nakabilanggong si Pedro, bakit nila sinabing: “Iyon ang kaniyang anghel”?​—Gawa 12:15.

Maaaring nagkamali ang mga alagad sa pag-aakalang isang mensaherong anghel na kumakatawan kay Pedro ang nakatayo sa harap ng pintuang-daan. Isaalang-alang ang konteksto ng talatang ito.

Si Pedro ay ipinaaresto ni Herodes, na nagpapatay kay Santiago. Kaya may makatuwirang dahilan ang mga alagad na maniwalang gayundin ang sasapitin ni Pedro. Gapos ng mga tanikala, ang nakabilanggong si Pedro ay binabantayan ng apat na halinhinan ng tig-aapat na kawal. Pagkatapos, isang gabi makahimala siyang pinalaya at inakay ng isang anghel palabas ng bilangguan. Nang matanto ni Pedro kung ano ang nangyayari, sinabi niya: “Ngayon ay tunay ngang nalalaman ko na isinugo ni Jehova ang kaniyang anghel at hinango ako mula sa kamay ni Herodes.”​—Gawa 12:1-11.

Kaagad na nagtungo si Pedro sa bahay ni Maria na ina ni Juan Marcos, kung saan nagkakatipon ang ilang alagad. Nang kumatok siya sa pinto ng pintuang-daan, isang alilang babae na nagngangalang Roda ang pumaroon upang buksan ito. Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, tumakbo siya sa loob upang sabihin ito sa iba nang hindi man lamang pinapapasok si Pedro! Noong una, hindi makapaniwala ang mga alagad na nasa pintuang-daan si Pedro. Sa halip, mali ang kanilang naging akala: “Iyon ang kaniyang anghel.”​—Gawa 12:12-15.

Inisip ba ng mga alagad na pinatay na si Pedro at na ang kaniyang humiwalay na espiritu ang nasa pintuang-daan? Malayo itong mangyari, sapagkat alam ng mga tagasunod ni Jesus ang maka-Kasulatang katotohanan tungkol sa mga patay​—na sila ay “walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5, 10) Kung gayon, ano kaya ang ibig sabihin ng mga alagad nang sabihin nila: “Iyon ang kaniyang anghel”?

Alam ng mga alagad ni Jesus na sa buong kasaysayan, personal na tinutulungan ng mga anghel ang bayan ng Diyos. Halimbawa, binanggit ni Jacob “ang anghel na tumutubos sa akin mula sa lahat ng kapahamakan.” (Genesis 48:16) At may kaugnayan sa isang bata na nasa gitna nila, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Tiyakin na hindi ninyo hinahamak ang isa sa maliliit na ito; sapagkat sinasabi ko sa inyo na laging nakikita ng kanilang mga anghel sa langit ang mukha ng aking Ama na nasa langit.”​—Mateo 18:10.

Kapansin-pansin, isinalin ng Young’s Literal Translation of the Holy Bible ang salitang agʹge·los (“anghel”) bilang “mensahero.” Lumilitaw na may paniniwala ang ilang Judio na ang bawat lingkod ng Diyos ay may sariling anghel​—sa diwa, isang “anghel de la guwardiya.” Sabihin pa, ang pangmalas na ito ay hindi tuwirang itinuturo ng Salita ng Diyos. Gayunman, posibleng nang sabihin ng mga alagad, “Iyon ang kaniyang anghel,” inakala nila na isang mensaherong anghel na kumakatawan kay Pedro ang nakatayo sa pintuang-daan.