Ang Problema sa Trabaho
Ang Problema sa Trabaho
“Magtrabaho—magtrabaho! Totoong nakalulugod malaman na mayroon pa tayong trabahong dapat gawin.”—Katherine Mansfield, awtor (1888-1923).
GAYUNDIN ba ang iyong idealistikong pangmalas hinggil sa trabaho? Paano mo personal na minamalas ang trabaho? Itinuturing mo kayang isang mahaba at di-kaayaayang bagay ang trabaho na dapat mong batahin sa pagitan ng mga dulo ng sanlinggo kung kailan ka nagrerelaks? O ang iyo bang trabaho ay naging pagkahaling anupat halos humantong na ito sa pagkagumon?
Para sa karamihan ng mga tao, ang kalakhang bahagi ng kanilang araw ay nakatalaga sa trabaho. Maaaring idikta ng ating trabaho kung saan tayo titira at kung ano ang magiging istilo ng ating pamumuhay. Mula sa pagbibinata o pagdadalaga hanggang sa pagreretiro, nasusumpungan ng marami na ang trabaho ang nag-iisang hangarin na lubhang nangingibabaw sa kanilang buhay. Marami sa atin ang nagkakaroon ng matinding personal na kasiyahan mula sa ating trabaho. Sinusukat ng iba ang halaga ng kanilang trabaho sa dami ng salapi na kanilang kinikita o prestihiyo, samantalang minamalas naman ng iba ang trabaho bilang pampalipas lamang ng oras o pag-aaksaya pa nga ng panahon.
May mga nagtatrabaho upang mabuhay at mayroon namang ang tanging layunin sa buhay ay magtrabaho; ang iba ay namamatay pa nga sa o dahil sa kanilang trabaho. Halimbawa, ayon sa ulat kamakailan ng United Nations, ang trabaho ang sanhi ng higit na sakit at kamatayan “kaysa sa mga digmaan o sa pinagsamang pag-abuso sa droga at inuming de-alkohol.” Sa pagkokomento rito, ganito ang iniulat ng pahayagang The Guardian ng London: “Mahigit sa dalawang milyong tao ang namamatay sa mga aksidente o karamdamang nauugnay sa trabaho taun-taon . . . Ang pagkahantad sa alikabok, mga kemikal, ingay at radyasyon [ay] pinagmumulan ng kanser, sakit sa puso at istrok.” Ang pagtatrabaho ng mga bata at puwersahang pagtatrabaho ay dalawa lamang sa di-kanais-nais na mga katunayan ng kasalukuyang mga kalagayan sa pagtatrabaho.
Karagdagan pa, nariyan din ang tinatawag ng sikologong si Steven Berglas na “supernova burnout.” Inilalarawan niya ang masikap na manggagawa na nakaabot na sa tugatog ng kaniyang karera subalit nakadarama ng “paulit-ulit na pangamba, kabagabagan, kalumbayan o depresyon dahil sa paniniwalang nakulong na siya sa isang trabaho, o karera, na doo’y hindi na siya makatatakas o magkakaroon ng kasiyahan sa isipan.”
Masikap na Paggawa Laban sa Pagkagumon sa Trabaho
Sa daigdig kung saan marami ang nagpapagal sa loob ng mahahabang oras, kailangang makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng masikap na mga manggagawa at ng mga workaholic o wala nang inisip kundi trabaho. Itinuturing ng mga workaholic ang pinagtatrabahuhan na isang kanlungan sa mapanganib at
walang-katiyakang daigdig; itinuturing naman ng masisipag na mahalaga ang trabaho at kung minsa’y nakasisiyang obligasyon. Hinahayaan ng mga workaholic na madaig ng trabaho ang lahat ng iba pang aspekto ng buhay; alam naman ng masikap na mga manggagawa kung kailan hihinto sa trabaho, itutuon ang kanilang pansin sa ibang bagay, at halimbawa, maging presente kapag ipinagdiriwang ang kanilang anibersaryo ng kasal. Ang mga workaholic ay nasisiyahan sa labis na pagtatrabaho at sumisigla dahil dito; subalit hindi gayon ang nadarama ng masikap na mga manggagawa.Pinalalabo ng makabagong lipunan ang hangganan sa pagitan ng pagiging workaholic at masikap na manggagawa habang inilalarawan nitong kaakit-akit ang labis na pagtatrabaho. Dahil sa mga modem, cell phone, at pager, mahirap masabi kung ang isa ay nasa trabaho o nasa bahay. Kapag ang anumang dako ay maaaring maging dako ng trabaho at ang anumang oras ay maaaring maging oras ng trabaho, labis-labis na magtatrabaho ang ilan kahit na mapinsala sila sa paggawa nito.
Ano ang reaksiyon ng ilang tao sa gayong di-kanais-nais na saloobin? Napag-unawa ng mga sosyologo ang hilig ng mga taong labis na nagtatrabaho at ng mga taong sobrang maiigting na dalhin ang espirituwalidad at pagiging relihiyoso sa kanilang pinagtatrabahuhan at propesyon. Iniulat ng San Francisco Examiner na “nauso na ang pagsasama ng espirituwalidad at trabaho.”
May kaugnayan sa Silicon Valley, isang mahalagang sentro ng makabagong teknolohiya sa Estados Unidos, isang ulat kamakailan ang nagsabi: “Habang binibilang ng mga ehekutibo ang bakanteng paradahan ng sasakyan sa dako ng trabaho dahil sa mga nasesante, okupado naman ang karamihan ng mga paradahan ng sasakyan sa mga pinagdarausan ng mga pag-aaral sa Bibliya sa gabi.” Anuman ang maaaring kahulugan niyan, nasusumpungan ng marami sa buong daigdig na ang Bibliya ay may positibong impluwensiya sa kanilang pangmalas sa trabaho, anupat nagbubunga ng mas timbang na pananaw sa buhay.
Paano tayo matutulungan ng Bibliya na magtamo ng timbang na pangmalas hinggil sa trabaho? May maka-Kasulatang mga simulain ba na makatutulong sa atin na maharap nang matagumpay ang mga hamon sa makabagong pinagtatrabahuhan? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mga katanungang ito.