Mapagtatagumpayan Natin ang Anumang Pagsubok!
Mapagtatagumpayan Natin ang Anumang Pagsubok!
KASALUKUYAN ka bang napapaharap sa isang pagsubok sa iyong buhay? Lubha ka bang nasisiraan ng loob, anupat hindi mo ito mapagtagumpayan? Nag-aalala ka ba kung minsan na ang iyong problema ay hindi pangkaraniwan at na wala itong solusyon? Kung oo, magpakalakas-loob ka! Anuman ang pagsubok na mapaharap sa atin, tinitiyak ng Bibliya na matutulungan tayo ng Diyos na mapagtagumpayan ang mga ito.
Sinasabi sa Bibliya na ang mga lingkod ng Diyos ay ‘mapapaharap sa iba’t ibang pagsubok.’ (Santiago 1:2) Pansinin ang salitang ‘iba’t iba’ (Griego poi·kiʹlos). Sa sinaunang gamit, ang orihinal na salita ay nangangahulugang “marami” o “maraming kulay” at nagdiriin sa “pagkakasari-sari ng mga pagsubok.” Kaya, ang “iba’t ibang pagsubok” ay mga pagsubok na may iba’t ibang kulay, wika nga. Magkagayunman, inaalalayan tayo ni Jehova upang mapagtagumpayan natin ang bawat isa sa mga ito. Bakit tayo makatitiyak na gayon nga?
“Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos na Ipinamamalas sa Iba’t Ibang Paraan”
Binanggit ni apostol Pedro na ang mga Kristiyano ay ‘pinipighati ng iba’t ibang pagsubok.’ (1 Pedro 1:6) Nang maglaon, sa kaniyang kinasihang liham, sinabi niya na ang “di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos” ay “ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.” (1 Pedro 4:10) Ang pariralang “sa iba’t ibang paraan” ay may anyo ng gayunding orihinal na salita sa Griego. Sa pagkokomento sa pananalitang ito, ganito ang sinabi ng isang iskolar sa Bibliya: “Kamangha-manghang isipin ito. . . . Ang paglalarawan sa kagandahang-loob [o, di-sana-nararapat na kabaitan] ng Diyos bilang poikilos ay nangangahulugang walang situwasyon sa buhay ng tao ang hindi kayang lunasan ng kagandahang-loob ng Diyos.” Binanggit pa niya: “Walang anumang kalagayan, walang anumang krisis, kagipitan o biglaang pangangailangan na hindi mabibigyang-solusyon ng kagandahang-loob ng Diyos . . . Walang anumang bagay sa buhay ang hindi kayang lunasan ng kagandahang-loob ng Diyos. Ang makahulugang salitang ito na poikilos ay malinaw na nagpapaalaala sa atin sa maraming-kulay na kagandahang-loob ng Diyos na talagang sapat upang maharap natin ang lahat ng bagay.”
Tinutulungan Tayo ng Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos na Mabata ang mga Pagsubok
Ayon kay Pedro, ang isang paraan na ipinamamalas ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay sa pamamagitan ng iba’t ibang indibiduwal na bumubuo sa kongregasyong Kristiyano. (1 Pedro 4:11) Bawat lingkod ng Diyos ay may espirituwal na mga kaloob, o kakayahan, na maaaring pagmulan ng pampatibay-loob ng mga napapaharap sa mga pagsubok. (Roma 12:6-8) Halimbawa, ang ilang miyembro ng kongregasyon ay mahuhusay na guro ng Bibliya. Ang kanilang may-kaunawaang mga salita ay nagpapasigla at gumaganyak sa iba na magbata. (Nehemias 8:1-4, 8, 12) Ang iba ay regular na dumadalaw bilang mga pastol sa tahanan ng mga nangangailangan ng tulong. Nakapagpapatibay-loob ang gayong mga pagdalaw, anupat ‘nakaaaliw sa puso.’ (Colosas 2:2) Kapag ang mga tagapangasiwa ay gumagawa ng gayong mga pagdalaw na nakapagpapatibay ng pananampalataya, nagbabahagi sila ng espirituwal na kaloob. (Juan 21:16) Ang iba naman ay kilala sa kongregasyon sa kanilang kasiglahan, pagkamahabagin, at pagkamagiliw sa pakikitungo sa mga kapananampalatayang nalulumbay dahil sa mga pagsubok. (Gawa 4:36; Roma 12:10; Colosas 3:10) Ang empatiya at aktibong pag-alalay ng gayong maibiging mga kapatid ay mahalagang kapahayagan, o “kulay,” ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.—Kawikaan 12:25; 17:17.
“Ang Diyos ng Buong Kaaliwan”
Higit sa lahat, naglalaan si Jehova ng kaaliwan. Siya “ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa [atin] sa lahat ng [ating] kapighatian.” (2 Corinto 1:3, 4) Ang karunungang masusumpungan sa kinasihang Salita ng Diyos at ang lakas na inilalaan ng kaniyang banal na espiritu ang pangunahing mga paraan ng pagsagot ni Jehova sa ating mga panalangin ukol sa tulong. (Isaias 30:18, 21; Lucas 11:13; Juan 14:16) Mapasisigla tayo ng kinasihang pangako na binanggit ni apostol Pablo. Sinabi niya: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”—1 Corinto 10:13.
Oo, anuman ang “kulay,” o anyo, ng ating pagsubok, lagi itong may katapat na “kulay,” o kapahayagan, ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. (Santiago 1:17) Ang napapanahon at angkop na suportang inilalaan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod—gaanuman karami ang anyo ng nakakaharap nilang tukso o hamon—ay isang patunay lamang ng “malawak na pagkakasari-sari ng karunungan ng Diyos.” (Efeso 3:10) Sang-ayon ka ba?
[Mga larawan sa pahina 31]
Tinutulungan tayo ni Jehova na magtagumpay sa ating mga pagsubok