Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapalawak Kung Saan Minsan Nang Umunlad ang Sinaunang Kristiyanismo

Pagpapalawak Kung Saan Minsan Nang Umunlad ang Sinaunang Kristiyanismo

Pagpapalawak Kung Saan Minsan Nang Umunlad ang Sinaunang Kristiyanismo

ANG Italya, hugis-botang peninsula na karugtong ng Dagat Mediteraneo, ay isang dako kung saan ang mga pangyayari sa relihiyon at kultura roon ay nakaimpluwensiya sa kasaysayan ng daigdig. Para itong batubalani na humihigop ng milyun-milyong turista dahil sa kagandahan ng sari-sari nitong tanawin, sa bantog na mga likhang-sining nito, at sa masasarap nitong pagkain. Isa rin itong bansa kung saan umuunlad ang pag-aaral sa Bibliya.

Maaaring naroroon na ang tunay na Kristiyanismo sa Roma​—ang kabisera ng kapangyarihang pandaigdig noon​—nang ang mga Judio at proselita na naging mga Kristiyano noong Pentecostes 33 C.E. ay umuwi mula sa Jerusalem. Noong mga 59 C.E., dinalaw ni apostol Pablo ang Italya sa unang pagkakataon. Sa baybaying-dagat ng Puteoli, may ‘nasumpungan siyang mga kapatid’ sa pananampalataya.​—Gawa 2:5-11; 28:11-16.

Gaya ng inihula ni Jesus at ng mga apostol, bago matapos ang unang siglo C.E., unti-unting humiwalay ang mga apostata mula sa tunay na Kristiyanismo. Gayunman, bago magwakas ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay, nanguna ang tunay na mga alagad ni Jesus sa pangangaral ng mabuting balita sa buong daigdig​—kabilang na ang Italya.​—Mateo 13:36-43; Gawa 20:29, 30; 2 Tesalonica 2:3-8; 2 Pedro 2:1-3.

Bigong Pasimula

Noong 1891, si Charles Taze Russell, nangunguna sa pandaigdig na gawaing pangangaral ng mga Estudyante ng Bibliya (ang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova), ay dumalaw sa ilang lunsod sa Italya sa unang pagkakataon. Inamin niyang medyo bigo ang kaniyang ministeryo roon: “Wala kaming nakitang anumang bagay na makapagpapalakas-loob sa amin na umasang may maaani sa Italya.” Noong tagsibol ng 1910, bumalik si Brother Russell sa Italya at nagbigay ng pahayag sa Bibliya sa isang himnasyo sa sentro ng Roma. Ang resulta? “Sa kabuuan,” ang ulat niya, “medyo bigo ang pulong.”

Sa katunayan, naging mabagal ang pagsulong ng pangangaral ng mabuting balita sa Italya sa loob ng ilang dekada, isang dahilan na rito ang pag-uusig noon ng diktadurang Pasista sa mga Saksi ni Jehova. Sa loob ng panahong iyon, hindi hihigit sa 150 Saksi ni Jehova ang nasa bansa, na karamihan ay nakaalam ng mga katotohanan sa Bibliya mula sa mga kamag-anak o kaibigan na nakatira sa ibang bansa.

Kamangha-manghang Pagsulong

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, nagpadala ng ilang misyonero sa Italya. Ngunit gaya ng makikita sa mga liham na natagpuan sa artsibo ng Estado, ang mga indibiduwal na matataas ang ranggo sa herarkiyang Batikano ay humiling sa pamahalaan na patalsikin ang mga misyonero. Maliban sa ilan, pilit na pinaalis sa bansa ang mga misyonero.

Sa kabila ng mga hadlang, pulu-pulutong sa Italya ang humugos “sa bundok” ng pagsamba kay Jehova. (Isaias 2:2-4) Kamangha-mangha ang pagdami ng mga Saksi. Noong 2004, nagkaroon ng peak na 233,527 mamamahayag ng mabuting balita, 1 sa bawat 248 tagaroon, at 433,242 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Nagpupulong ang 3,049 na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa komportableng mga Kingdom Hall. Nitong nakaraan, may ilang bahagi ng populasyon na partikular na nagtatamasa ng malaking pagsulong.

Pangangaral sa Maraming Wika

Maraming dayuhan mula sa Aprika, Asia, at Silangang Europa ang nagpupunta sa Italya upang maghanap ng trabaho o guminhawa ang buhay o, sa ilang kaso, upang takasan ang kalunus-lunos na mga kalagayan. Paano kaya matutulungan sa espirituwal ang milyun-milyong ito?

Maraming Saksi sa Italya ang tumanggap ng hamon ng pag-aaral ng mahihirap na wika, gaya ng Albaniano, Amharic, Arabe, Bengali, Punjabi, Sinhala, Tagalog, at Tsino. Simula noong 2001, nagkaroon ng mga kurso sa wika upang turuan ang mga nais matutong magpatotoo sa ibang mga wika. Sa nakalipas na tatlong taon, 3,711 Saksi ang nag-aral sa 79 na kursong idinaos sa 17 iba’t ibang wika. Dahil dito, naitatag at napalakas ang 146 na kongregasyon at 274 na grupo sa 25 iba’t ibang wika. Sa gayon, maraming taimtim na indibiduwal ang nakarinig ng mabuting balita at nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Madalas na pambihira ang mga resulta.

Isang ministro ng mga Saksi ni Jehova ang nakipag-usap kay George, isang taga-India na nagsasalita ng Malayalam, tungkol sa Bibliya. Bagaman malaki ang problema niya sa kaniyang trabaho, masayang tinanggap ni George ang pag-aaral sa Bibliya. Pagkalipas ng ilang araw, ang kaibigan ni George na si Gil, isang Indian na nagsasalita ng Punjabi, ay dumalo sa Kingdom Hall, at pinasimulan sa kaniya ang pag-aaral sa Bibliya. Ipinakilala naman ni Gil sa mga Saksi si David, isang Indian na nagsasalita ng Telugu. Di-nagtagal, nakipag-aral na rin ng Bibliya si David. Dalawa pang Indian, sina Sonny at Shubash, ang kasama ni David sa bahay. Pareho silang nakipag-aral ng Bibliya.

Pagkalipas ng ilang linggo, nakatanggap ang mga Saksi ng tawag sa telepono mula kay Dalip, isang lalaking nagsasalita ng Marathi. Ang sabi niya: “Kaibigan ako ni George. Matuturuan mo ba ako sa Bibliya?” Pagkatapos ay nakipag-aral din si Sumit, isang lalaking nagsasalita ng Tamil. Nang dakong huli, isa pa sa mga kaibigan ni George ang tumawag sa telepono, na humihiling ng pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos, isinama naman ni George sa Kingdom Hall ang isa pang kabataang lalaki na si Max. Humiling din siya ng pag-aaral sa Bibliya. Sa kasalukuyan, anim na pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos, at gumagawa pa ng mga kaayusan para sa apat pang pag-aaral. Ginaganap ito sa wikang Ingles, bagaman ginagamit din ang mga publikasyon sa Hindi, Malayalam, Marathi, Punjabi, Tamil, Telugu, at Urdu.

“Naririnig” ng mga Bingi ang Mabuting Balita

Mahigit na 90,000 ang bingi sa Italya. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, pinagtuunan ng pansin ng mga Saksi ang pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya sa mga ito. Sa pasimula, itinuro muna ng ilang binging Saksi ang Italian Sign Language (ISL) sa mga kapuwa nila ministro na handang tumulong sa larangang iyon. Pagkatapos nito, parami nang paraming bingi ang nagsimula nang magpakita ng interes sa Bibliya. Sa ngayon, mahigit 1,400 gumagamit ng ISL ang dumadalo sa mga pulong Kristiyano. Labinlimang kongregasyon at 52 grupo ang nagpupulong gamit ang ISL.

Sa simula, pangunahin nang nakadepende sa pagkukusa ng indibiduwal na mga Saksi ang pangangaral sa mga bingi. Subalit noong 1978, nagsimula nang mag-organisa ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Italya ng mga kombensiyon para sa mga bingi. Noong Mayo ng taóng iyon, ipinatalastas na sa darating na internasyonal na kombensiyon sa Milan, magkakaroon na ng mga sesyon para sa mga bingi. Ang kauna-unahang pansirkitong asamblea para sa mga bingi ay ginanap sa Assembly Hall sa Milan noong Pebrero 1979.

Mula noon ay pinag-ukulan na ng pansin ng tanggapang pansangay ang espirituwal na pagpapakain sa mga bingi sa pamamagitan ng pagpapatibay sa lumalaking bilang ng mga ebanghelisador na pasulungin pa ang kanilang kasanayan sa wikang ito. Mula noong 1995, nagpadala na ng mga special pioneer (buong-panahong ebanghelisador) sa ilang grupo upang sanayin sa ministeryo ang mga binging Saksi at upang mag-organisa ng mga pulong Kristiyano. Tatlong Assembly Hall ang may pinakamodernong mga video system para sa mas magandang panonood ng programa. At may makukuhang mga videocassette ng mga publikasyong Kristiyano para sa espirituwal na pagpapakain sa mga bingi.

Napansin ng mga nagmamasid na inaasikasong mabuti ng mga Saksi ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga bingi. Ang P@role & Segni, isang magasing inilathala ng Italian Deaf Society, ay sumipi mula sa isang liham na ipinadala ng isang monsinyor na Katoliko: “Mahirap maging bingi sa diwa na ang bingi ay palaging nangangailangan ng atensiyon. Halimbawa, nakararating siyang mag-isa sa simbahan nang walang problema, pero kailangan niya ang tulong ng interprete upang masubaybayan niya ang lahat ng binabasa, ipinahahayag, o inaawit sa panahon ng seremonya.” Idinagdag pa ng magasin na “iniisip [ng prelado] na nakalulungkot na hindi pa handa ang simbahan sa pakikitungo sa mga may kapansanan, at binanggit niya na maraming bingi ang mas napangangalagaan sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova kaysa sa parokya.”

Ipinangaral ang Mabuting Balita sa mga Bilanggo

Puwede bang maging malaya ang isa habang nakabilanggo? Oo, sapagkat may kapangyarihan ang Salita ng Diyos na ‘magpalaya’ sa mga tumatanggap nito at nagkakapit nito sa kanilang buhay. Ang mensaheng ipinahayag ni Jesus “sa mga bihag” ay kalayaan mula sa kasalanan at huwad na relihiyon. (Juan 8:32; Lucas 4:16-19) Sa Italya, nagkakaroon ng napakagagandang resulta ang pangangaral sa mga bilangguan. Halos 400 ministro ng mga Saksi ni Jehova ang pinahintulutan ng Estado na dumalaw sa mga bilanggo upang magbigay ng espirituwal na tulong. Ang mga Saksi ni Jehova ang unang di-Katolikong organisasyon na humingi at nakakuha ng gayong pahintulot.

Maaaring mapalaganap ang mensahe ng Bibliya sa mga paraang di-sukat akalain. Ipinakikipag-usap ng mga bilanggo sa kanilang mga kapuwa bilanggo ang tungkol sa gawaing pagtuturo ng Bibliya ng mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, humihiling ang ilan sa mga bilanggong iyon na dalawin din sila ng isang ministrong Saksi. O kaya naman, ang mga bilanggo ay hinihimok ng kanilang mga kapamilyang nag-aaral na ng Bibliya na magpadalaw sila sa mga Saksi. Ang ilang bilanggo na nasentensiyahan ng habang buhay na pagkabilanggo dahil sa pagpatay o iba pang malulubhang krimen ay nagsisi at gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang buhay. Inihahanda sila nito sa pag-aalay sa Diyos na Jehova at sa bautismo.

Sa ilang bilangguan, gumawa ng mga kaayusan upang makapagbigay ng mga pahayag pangmadla tungkol sa mga paksa sa Bibliya, upang gunitain ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus, at upang makapagpalabas ng mga videocassette tungkol sa mga programa sa Bibliya na ginawa ng mga Saksi ni Jehova. Madalas na napakaraming bilanggong dumadalo sa mga pulong na ito.

Upang matulungan ang mga bilanggo sa praktikal na mga paraan, ang mga Saksi ay malawakang namahagi ng mga magasin na tumatalakay sa mga paksang makatutulong sa mga bilanggo. Ang isa sa mga magasing ito ay ang Mayo 8, 2001, Gumising!, na tumatalakay sa paksang “Mababago Pa Kaya ang mga Bilanggo?” Ang isyu naman ng Abril 8, 2003 ay may paksang “Pag-abuso sa Droga sa Loob ng Pamilya​—Ano ang Maaari Mong Gawin?” Libu-libong kopya nito ang ipinasakamay sa mga bilanggo. Dahil dito, daan-daang pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos. May ilang guwardiya sa bilangguan na nagpakita rin ng interes sa mensahe ng Bibliya.

Pagkakuha ng pantanging pahintulot mula sa mga awtoridad, isang bilanggong nagngangalang Costantino ang nabautismuhan sa Kingdom Hall sa San Remo, sa harap ng 138 Saksi na tagaroon. “Nadama kong maraming nagmamahal sa akin,” ang sabi ni Costantino na halatang masayang-masaya pagkatapos ng bautismo. Iniulat ng isang pahayagan doon ang mga salita ng warden ng bilangguan: “Tuwang-tuwa kami . . . sa pagbibigay namin ng pahintulot. Anumang bagay na makatutulong sa sosyal, personal, at espirituwal na pagbabagong-buhay ng bilanggo ay dapat isaalang-alang.” Hinangaan ng asawa at anak na babae ni Costantino kung paano nakaapekto sa buhay ni Costantino ang tumpak na kaalaman sa Bibliya: “Ipinagmamalaki namin siya sa kaniyang pagbabagong-buhay. Naging mapagpayapa siya, at unti-unting sumisidhi ang malasakit niya sa amin. Nanumbalik na ang aming pagtitiwala at respeto sa kaniya.” Nagsimula na rin silang mag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pulong Kristiyano.

Si Sergio, nagkasala ng pagnanakaw, armadong panloloob, pagpupuslit ng droga, at pagpatay, ay nahatulang mabilanggo hanggang 2024. Matapos suriin ang Kasulatan sa loob ng tatlong taon at magbagong-buhay, nagpasiyang magpabautismo si Sergio. Siya ang ika-15 bilanggo sa bilangguan ng Porto Azzurro, sa isla ng Elba, na nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Sa harap ng naroroong mga kasamang bilanggo, ginanap ang kaniyang bautismo sa isang portable pool na inilagay sa palaruan ng bilangguan.

Si Leonardo, nasentensiyahan ng 20-taóng pagkabilanggo, ay nakakuha ng pantanging pahintulot na mabautismuhan sa Kingdom Hall sa Parma. Nang interbiyuhin ng lokal na pahayagan, sinabi ni Leonardo na gusto niyang “linawin na nagpasiya siyang maging Saksi ni Jehova, hindi upang matakasan ang madilim na bilangguan, kundi upang masapatan ang mahalagang pangangailangan sa espirituwal.” Ang sabi ni Leonardo: “Batbat ng pagkakamali ang aking buhay, pero iniwan ko na iyon. Nagbago na ako, bagaman hindi biglaan. Kakailanganin kong patuloy na ituwid ang aking buhay.”

Si Salvatore, nagkasala ng pagpatay, ay nasa maximum-security prison sa Spoleto. Marami ang humanga sa kaniyang bautismo na ginanap sa loob ng bilangguan. Ganito ang sabi ng warden ng bilangguan doon: “Ang panlipunang kahalagahan ng isang pagpapasiya na umaakay sa pagpapakita ng mabuting ugali sa lahat ay dapat pasiglahin, sa kapakinabangan ng mga bilanggo at ng buong lipunan.” Dahil sa mga pagbabagong nagawa ni Salvatore, dumadalo na ngayon sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ang kaniyang asawa at ang anak nilang babae. Ang isang bilanggo na pinatotohanan ni Salvatore ay nabautismuhan bilang nakaalay na lingkod ni Jehova.

Ang ilang pagpapalawak sa sinaunang Kristiyanismo ay naganap sa Italya. (Gawa 2:10; Roma 1:7) Sa panahong ito ng pag-aani, patuloy ang espirituwal na pagsulong at pagpapalawak sa mga lugar ding iyon kung saan nagpagal si Pablo at ang kaniyang kasamahang mga Kristiyano sa pangangaral ng mabuting balita.​—Gawa 23:11; 28:14-16.

[Mapa sa pahina 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ITALYA

Roma

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang Bitonto Assembly Hall at ang kongregasyon ng Italian Sign Language sa Roma

[Larawan sa pahina 16]

‘Pinalalaya’ ang mga bilanggo sa pamamagitan ng katotohanan sa Bibliya

[Mga larawan sa pahina 17]

Patuloy ang espirituwal na pagsulong kung saan minsan nang umunlad ang sinaunang Kristiyanismo