Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Philo ng Alejandria—Hinaluan ng Espekulasyon ang Kasulatan

Philo ng Alejandria—Hinaluan ng Espekulasyon ang Kasulatan

Philo ng Alejandria​—Hinaluan ng Espekulasyon ang Kasulatan

NOONG 332 B.C.E., pinasok ni Alejandrong Dakila at ng kaniyang hukbo ang Ehipto. Bago tumuloy pasilangan sa kaniyang pagsakop sa daigdig, nagtatag muna siya ng isang lunsod na tinawag niyang Alejandria. Ito ang naging sentro ng kulturang Griego. Noong mga 20 B.C.E., isa pang manlulupig ang isinilang doon, isa na hindi tabak at sibat ang sandata kundi mga pangangatuwirang batay sa pilosopiya. Nakilala siya bilang si Philo ng Alejandria, o Philo Judaeus dahil sa kaniyang Judiong pinagmulan.

Ang Diaspora, na naganap matapos mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ang naging dahilan ng paninirahan ng maraming Judio sa Ehipto. Libu-libo ang nanirahan sa Alejandria. Subalit hindi nagkasundo ang mga Judio at ang mga Griego. Ayaw sambahin ng mga Judio ang mga diyos ng mga Griego, at tinutuya naman ng mga Griego ang Hebreong Kasulatan. Dahil sa kaniyang Griegong edukasyon at Judiong pinagmulan, pamilyar si Philo sa kontrobersiyang ito. Naniniwala siyang Judaismo ang tunay na relihiyon. Subalit di-gaya ng marami, humanap si Philo ng mapayapang paraan upang akayin sa Diyos ang mga Gentil. Nais niyang maging katanggap-tanggap sa kanila ang Judaismo.

Bagong Kahulugan sa mga Lumang Kasulatan

Ang unang wika ni Philo ay Griego, gaya rin ng maraming Judio sa Alejandria. Kaya ang bersiyong Griegong Septuagint ng Hebreong Kasulatan ang batayan ng kaniyang pag-aaral. Nang suriin niya ang nilalaman ng Septuagint, nakumbinsi siya na mayroon itong mga elemento ng pilosopiya at na taglay ni Moises ang “likas na talino ng isang pilosopo.”

Maraming siglo bago nito, nahirapang tanggapin ng matatalinong Griego ang mga kuwento tungkol sa mga diyos at diyosa​—mga higante at demonyo ng kanilang sinaunang mitolohiyang Griego. Sinimulan nila na muling bigyang-kahulugan ang matatandang kuwentong iyon. Ganito ang sinabi ng klasikal na iskolar na si James Drummond tungkol sa kanilang paraan: “Humahanap ang pilosopo ng nakatagong mga kahulugan sa likod ng mga kuwento sa mitolohiya, at nagbibigay ng konklusyon mula sa mismong nakaririmarim at di-kapani-paniwalang nilalaman ng mga ito na diumano, ang nakapupukaw-damdamin at matalinghagang pananalita ay may malalim o nakapagtuturong katotohanan na siyang gustong palabasin ng mga awtor.” Ang paraang ito ay tinatawag na alegorikal na interpretasyon, at tinangka itong gamitin ni Philo upang ipaliwanag ang Kasulatan.

Bilang halimbawa, isaalang-alang natin ang Genesis 3:22 sa bersiyong Septuagint ni Bagster, na nagsasabi: “Ang Panginoong Diyos ay gumawa para kay Adan at sa kaniyang asawa ng mga kasuutang balat, at dinamtan sila.” Para sa mga Griego, hindi nababagay sa isang Kataas-taasang Diyos ang paggawa ng mga kasuutan. Kaya nakakita si Philo ng simbolismo sa talatang iyon at nagsabi: “Ang kasuutang balat ay isang makasagisag na termino para sa natural na balat, samakatuwid nga, ang ating katawan; dahil nang lalangin ng Diyos ang pag-iisip, tinawag niya itong Adan; pagkatapos ay pinagalaw niya ito, na pinanganlan niyang Buhay. Sa dakong huli, kinailangan din niyang gumawa ng katawan, anupat tinawag ito sa makasagisag na terminong, kasuutang balat.” Sa gayon, tinangka ni Philo na haluan ng pilosopiya ang pagbibigay ng Diyos ng kasuutan kina Adan at Eva.

Tingnan din natin ang Genesis 2:10-14, na naglalarawan naman sa pinagmumulan ng tubig para sa hardin ng Eden at bumabanggit ng apat na ilog na umaagos mula sa hardin. Tinangka ni Philo na tuklasin ang kahulugan ng mga salita at unawain ang malalim na ibig sabihin ng inilalarawang tanawin. Matapos komentuhan ang mismong lupain, sinabi niya: “Maaaring mayroon ding alegorikal na kahulugan ang talatang ito; yamang ang apat na ilog ay mga tanda ng apat na kagalingan.” Inisip niya na ang ilog ng Pison ay kumakatawan sa kapantasan, ang ilog ng Gihon ay sagisag ng kahinahunan, ang Tigris ay sumasagisag sa katatagan, at ang Eufrates naman ay nangangahulugan ng katarungan. Sa gayon, napalitan ng alegorya ang heograpiya.

Gumamit si Philo ng alegorikal na interpretasyon sa pagsusuri sa ulat ng paglalang, sa ulat ng pagpaslang ni Cain kay Abel, sa Baha noong panahon ni Noe, sa kalituhan sa mga wika sa Babel, at sa maraming simulain ng Batas Mosaiko. Gaya ng ipinakikita ng halimbawa sa naunang parapo, madalas na tinatanggap muna niya ang literal na punto ng isang talata sa Bibliya at pagkatapos ay ipinapasok niya ang kaniyang simbolikong pagkaunawa sa pamamagitan ng mga salitang: “Marahil ay dapat nating isaalang-alang ang alegorikal na diwa ng mga bagay na ito.” Sa mga isinulat ni Philo, nangingibabaw ang simbolismo samantalang, nakalulungkot mang sabihin, ang maliwanag na kahulugan ng Kasulatan ay nawawala.

Sino ang Diyos?

Ipinagtanggol ni Philo ang pag-iral ng Diyos sa pamamagitan ng mabisang ilustrasyon. Matapos ilarawan ang mga lupain, ilog, planeta, at mga bituin, ganito ang konklusyon niya: “Ang daigdig ang pinakamaganda at pinakamahusay na ginawa sa lahat ng nilalang, na para bang binuo ito ng isa na pinakamagaling at pinakasakdal sa kaalaman. Sa paraang ito natin tinanggap ang ideya ng pag-iral ng Diyos.” Isa itong magaling na pangangatuwiran.​—Roma 1:20.

Subalit nang ipaliwanag ni Philo ang katangian ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, napalihis siya nang husto sa katotohanan. Sinabi ni Philo na ang Diyos daw ay “walang namumukod na mga katangian” at na ang Diyos daw “ay di-malirip.” Pinahina ni Philo ang mga pagsisikap na makilala ang Diyos, na sinasabing “ang pagtatangkang magpatuloy, upang masuri ang kakanyahan o namumukod na mga katangian ng Diyos, ay isang malaking kahangalan.” Ang ganitong kaisipan ay nagmula, hindi sa Bibliya, kundi sa paganong pilosopo na si Plato.

Sinabi ni Philo na hindi kayang malirip ang Diyos anupat imposibleng matawag siya sa personal na pangalan. Ang sabi ni Philo: “Kung gayon, makatuwiran lamang na sabihing walang angkop na pangalan ang puwedeng itawag sa kaniya na sa katotohanan ay ang nabubuhay na Diyos.” Kabaligtaran nga ito ng katotohanan!

Tinitiyak sa Bibliya na ang Diyos ay may personal na pangalan. Ang Awit 83:18 ay nagsasabi: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Sinipi sa Isaias 42:8 ang Diyos na nagsasabi: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.” Bakit kaya itinuro ni Philo na walang pangalan ang Diyos samantalang isa siyang Judio na nakaaalam ng mga tekstong ito sa Bibliya? Sapagkat inilalarawan niya, hindi ang Diyos ng Bibliya na isang persona, kundi ang walang-pangalan at di-maabot na diyos ng pilosopiyang Griego.

Ano ang Kaluluwa?

Itinuro ni Philo na ang kaluluwa raw ay hiwalay sa katawan. Binabanggit niya ang tao bilang “binubuo ng katawan at kaluluwa.” Namamatay ba ang kaluluwa? Pansinin ang paliwanag ni Philo: “Kapag buháy tayo, ang ating kaluluwa ay patay at nakalibing sa ating katawan, na parang nasa nitso. Subalit kapag namatay ito [ang katawan], ang ating kaluluwa naman ay mabubuhay ayon sa angkop na buhay nito, yamang nakalaya na mula sa masama at patay na katawang kinapipiitan nito.” Para kay Philo, ang kamatayan ng kaluluwa ay makasagisag. Talagang hindi raw ito mamamatay kailanman. Ito raw ay imortal.

Subalit ano ba ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa kaluluwa? Ang Genesis 2:7 ay nagsasabi: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Ayon sa Bibliya, ang mga tao ay walang kaluluwa; sa halip, sila ang kaluluwa.

Itinuturo rin ng Bibliya na hindi imortal ang kaluluwa. Sinasabi sa Ezekiel 18:4: “Ang kaluluwa na nagkakasala​—iyon mismo ang mamamatay.” Mula sa mga tekstong ito, masasabi natin bilang konklusyon: Ang tao ay kaluluwa. Samakatuwid, kapag namatay ang isang tao, namatay ang isang kaluluwa.​—Genesis 19:19. *

Nang mamatay si Philo, hindi siya gaanong pinansin ng mga Judio. Subalit, tinanggap siya ng Sangkakristiyanuhan. Naniwala si Eusebius at ang iba pang lider ng simbahan na nakumberte si Philo sa Kristiyanismo. Itinala siya ni Jerome bilang isa sa mga Ama ng Simbahan. Ang mga apostatang Kristiyano, sa halip na ang mga Judio, ang nag-ingat ng mga isinulat ni Philo.

Humantong sa relihiyosong rebolusyon ang mga isinulat ni Philo. Naimpluwensiyahan niya ang nag-aangking mga Kristiyano na tanggapin ang di-makakasulatang doktrina ng imortalidad ng kaluluwa. At ang turo ni Philo tungkol sa Logos (o, Salita) ay humantong sa paglitaw ng Trinidad, isang doktrina ng apostatang Kristiyanismo na wala sa Bibliya.

Huwag Kayong Palíligáw

Sa kaniyang pag-aaral ng Hebreong Kasulatan, tiniyak ni Philo na “wala siyang nakaliligtaang anumang alegorikal na kahulugan na malamang na nakatago sa likod ng karaniwang pananalita.” Gayunman, gaya ng masusumpungan sa Deuteronomio 4:2, sinabi ni Moises tungkol sa Kautusan ng Diyos: “Huwag ninyong daragdagan ang salita na iniuutos ko sa inyo, ni babawasan man ninyo iyon, upang matupad ninyo ang mga utos ni Jehova na inyong Diyos na iniuutos ko sa inyo.” Bagaman maaaring malinis ang kaniyang intensiyon, nagdagdag si Philo ng patung-patong na espekulasyon na, gaya ng makapal na ulap, nagpalabo sa maliwanag na tagubilin ng kinasihang Salita ng Diyos.

“Hindi namin ipinabatid sa inyo ang kapangyarihan at pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kuwentong di-totoo na may-katusuhang kinatha,” ang sabi ni apostol Pedro. (2 Pedro 1:16) Di-gaya ng mga isinulat ni Philo, ang tagubilin ni Pedro sa sinaunang kongregasyong Kristiyano ay salig sa katotohanan at sa patnubay ng espiritu ng Diyos, “ang espiritu ng katotohanan,” na umakay sa kanila sa lahat ng katotohanan.​—Juan 16:13.

Kung interesado kang sambahin ang Diyos ng Bibliya, kailangan mo ng tunay na patnubay, hindi ng mga interpretasyong salig sa pag-iisip ng tao. Kailangan mo ng tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang kalooban, at kailangan mo ng kapakumbabaan upang maging taimtim na estudyante. Kung pag-aaralan mo ang Bibliya taglay ang magandang saloobing iyan, matututuhan mo “ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.” Makikita mong dahil sa Salita ng Diyos, ikaw ay magiging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”​—2 Timoteo 3:15-17.

[Talababa]

^ par. 18 Hinggil naman sa kaluluwa, ganito ang komento ng The Jewish Encyclopedia ng 1910: “Ang paniniwalang patuloy na umiiral ang kaluluwa matapos mabulok ang katawan ay isang pilosopikal o teolohikal na espekulasyon sa halip na simpleng pananampalataya, at samakatuwid nga’y hindi itinuturo ng Banal na Kasulatan.”

[Kahon/​Larawan sa pahina 10]

ANG LUNSOD NI PHILO

Si Philo ay nanirahan at nagtrabaho sa Alejandria ng Ehipto. Sa loob ng maraming siglo, ang lunsod na iyan ay naging pandaigdig na kabisera ng mga aklat at matatalinong talakayan.

Natuto ang mga estudyante sa kilalang mga iskolar na nagturo sa mga paaralan ng lunsod. Nakilala sa buong daigdig ang silid-aklatan ng Alejandria. Ang mga koleksiyon nito ay umabot nang daan-daang libo dahil sa pagsisikap ng mga librarian na makakuha ng mga kopya ng bawat nakasulat na dokumento.

Nang maglaon, unti-unti nang naglaho ang paghanga ng daigdig sa Alejandria at sa napakarami nitong kaalaman. Pinatanyag ng mga emperador ng Roma ang kanilang sariling lunsod, at napalipat sa Europa ang sentro ng kultura. Ang pagbagsak ng Alejandria ay umabot sa sukdulan noong ikapitong siglo C.E. nang sakupin ng mga mananalakay ang lunsod. Hanggang sa araw na ito, ikinalulungkot pa rin ng mga istoryador ang pagkawala ng bantog na aklatan, anupat sinasabi ng ilan na umurong nang 1,000 taon ang sibilisasyon.

[Credit Line]

L. Chapons/​Illustrirte Familien-Bibel nach der deutschen Uebersetzung Dr. Martin Luthers

[Kahon sa pahina 12]

ALEGORIKAL NA INTERPRETASYON SA NGAYON

Ang alegorya ay karaniwan nang “ang ekspresyon sa pamamagitan ng makasagisag at kathang-isip na mga tauhan at mga gawa ng katotohanan o paglalahat tungkol sa pag-iral ng tao.” Ang mga ulat na gumagamit ng alegorya ay sinasabing sumasagisag sa mas mahahalagang bagay na nakatago. Gaya ni Philo ng Alejandria, may ilang relihiyosong guro sa modernong panahong ito na gumagamit ng alegorikal na interpretasyon upang ipaliwanag ang Bibliya.

Tingnan natin ang Genesis kabanata 1-11, kung saan nakaulat ang kasaysayan ng tao mula sa paglalang hanggang sa mangalat ang mga tao sa tore ng Babel. Ang The New American Bible, isang saling Katoliko, ay nagsasabi hinggil sa bahaging iyan ng Bibliya: “Upang ang mga katotohanang nilalaman ng mga kabanatang ito ay maunawaan ng mga Israelita na nakatakdang mag-ingat sa mga ito, kailangang sabihin ang mga ito sa pamamagitan ng mga konseptong kinikilala ng mga tao nang panahong iyon. Dahil dito, dapat na makilalang mabuti ang mismong mga katotohanan mula sa pampanitikang kagayakan nito.” Para na ring sinabi na hindi dapat unawain na literal ang Genesis kabanata 1-11. Sa halip, kung paanong tinatakpan ng kagayakan (kasuutan) ang katawan, tinatakpan din naman ng mga salita ang mas malalim na kahulugan.

Gayunman, itinuro ni Jesus na literal na totoo ang naunang mga kabanata ng Genesis. (Mateo 19:4-6; 24:37-39) Gayundin ang itinuro ng mga apostol na sina Pablo at Pedro. (Gawa 17:24-26; 2 Pedro 2:5; 3:6, 7) Tinatanggihan ng taimtim na mga estudyante ng Bibliya ang mga paliwanag na hindi kasuwato ng buong Salita ng Diyos.

[Larawan sa pahina 9]

Ang malaking parola ng Alejandria

[Credit Line]

Archives Charmet/​Bridgeman Art Library