“Pinag-usig Dahil sa Kaniyang Pananampalataya”
“Pinag-usig Dahil sa Kaniyang Pananampalataya”
NAGTAYO ang bayan ng Cernobbio sa hilagang Italya ng isang memorial site sa isang parke roon bilang paggunita sa mga biktima ng paglabag sa mga karapatang pantao. Isa sa mga plakeng inalisan ng talukbong sa memorial site ay inialay kay Narciso Riet. Si Riet, na may mga magulang na Italyano, ay ipinanganak sa Alemanya at naging isang Saksi ni Jehova noong dekada ng 1930. Noong rehimen ni Hitler, pinag-usig ang mga Saksi ni Jehova dahil tumanggi silang unahin si Hitler kaysa sa tunay na Diyos, si Jehova.
Nang matuklasan ng Gestapo na sangkot si Riet sa pagdadala ng mga kopya ng Ang Bantayan sa mga kampong piitan, tumakas siya patungong Cernobbio. Hinilingan siya roon na isalin Ang Bantayan sa wikang Italyano at ipamahagi ito sa kaniyang mga kapananampalataya sa kalapit na mga lugar. Nabunyag ang kaniyang masigasig na mga gawain. Nilusob ng isang opisyal ng SS at ng kaniyang mga tauhan ang tahanan ni Riet, inaresto siya, at kinumpiska ang “kriminal” na mga ebidensiya—dalawang Bibliya at ilang liham! Si Riet ay ipinatapon sa Alemanya, ibinilanggo sa kampong piitan sa Dachau, at pinatay noong malapit nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig II. “Pinag-usig [siya] dahil sa kaniyang pananampalataya,” ang isinasaad sa plake sa Cernobbio.
Ang pananampalataya ni Narciso Riet at ng daan-daang iba pang Saksi na nabiktima ng pag-uusig ng mga Nazi ay nagsisilbing pampatibay-loob sa mga Kristiyano sa ngayon na manatiling tapat kay Jehova, ang tanging Persona sa uniberso na karapat-dapat sa kanilang pagsamba. (Apocalipsis 4:11) Sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga pinag-usig dahil sa katuwiran.” Aalalahanin ng Diyos ang kanilang mga gawa at pagpapalain sila dahil sa kanilang lakas ng loob.—Mateo 5:10; Hebreo 6:10.