Pinupuri si Jehova sa Paaralan
Pinupuri si Jehova sa Paaralan
SA BUONG daigdig, ang mga kabataang Saksi ni Jehova ay humahanap ng mga paraan upang purihin ang Diyos sa paaralan—sa pamamagitan ng kanilang pananalita at paggawi. Pansinin ang ilang karanasan na naglalarawan sa kanilang sigasig bilang kabataan.
Isang kabataang Saksi sa Gresya ang naatasang sumulat ng isang report hinggil sa polusyon ng atmospera ng lupa. Pagkatapos sumangguni sa Watch Tower Publications Index, nakasumpong siya ng kapaki-pakinabang na materyal sa magasing Gumising!, at binanggit niya sa dulo ng kaniyang sanaysay na ito ang pinagkunan niya ng impormasyon. Sinabi ng kaniyang guro na ito ang isa sa pinakamagagandang sanaysay na nabasa niya kailanman. Nang maglaon, ginamit ng guro ang impormasyong ito sa isang seminar, na nagbunga nang mabuti. Kaya naman ipinasiya ng kabataang sister na alukin ang guro ng mas marami pang isyu ng Gumising!, kasali na ang isyu na nagtatampok sa seryeng “Mga Guro—Paano Na Kaya Tayo Kung Wala Sila?” Nang maglaon, pinuri ng guro ang magasing Gumising! sa harap ng klase, at nagsimulang humiling ng kopya ang ibang mga estudyante. Kinailangan ng sister na magdala ng mga kopya ng magasin upang mabasa nila ang iba pang mga isyu.
Sa Benin, Aprika, napaharap sa di-pangkaraniwang uri ng panggigipit ang isang Kristiyanong tin-edyer. Gaya ng kinaugalian, nagkaisa ang mga magulang ng maraming estudyante sa kaniyang paaralan na magbayad ng pribadong mga guro para sa mahihirap na asignatura upang ihanda ang mga kabataan sa pagsusulit. Gayunman, pinili ng pribadong mga guro ang Sabado ng umaga para sa mga sesyon ng pagtuturo. Tumutol ang kabataang Saksi: “Sama-samang nangangaral ang buong kongregasyon tuwing Sabado ng umaga. Iyon ang pinakamaligayang araw ng sanlinggo para sa akin, at hindi ko ipagpapalit ito sa anuman!” Ang kaniyang ama, isang nagsosolong magulang at Saksi rin, ay sumang-ayon at sinikap niyang hikayatin ang isang grupo ng mga magulang at pribadong tagapagturo na baguhin ang iskedyul. Subalit tumanggi silang lahat. Ipinasiya ng batang babae na huwag na lamang magpaturo nang pribado. Sa halip ay nangaral siyang kasama ng kongregasyon. Nilibak siya ng kaniyang mga kamag-aral, anupat hinikayat siyang huminto na sa pangangaral at iwan ang kaniyang Diyos. Siguradong-sigurado sila na babagsak siya sa pagsusulit. Gayunman, bumagsak sa pagsusulit ang mga estudyanteng nagpaturo nang pribado, samantalang ang ating kabataang sister ay nakapasa. Siyempre, natigil ang panlilibak. Sinasabi ngayon sa kaniya ng mga estudyante, “Dapat mong patuloy na paglingkuran ang iyong Diyos.”
Sa Czech Republic, isang 12-taóng-gulang na batang babae ang kinailangang maghanda ng book report. Hinimok siya ng kaniyang nanay na gamitin ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Sinimulan niya ang kaniyang report sa pamamagitan ng mga tanong: “Ano sa palagay ninyo? Sino kaya ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman?” Inilarawan niya si Jesus, ang buhay niya sa lupa, at ang kaniyang mga turo. Pagkatapos ay tinalakay niya ang kabanata na pinamagatang “Isang Aral sa Pagpapatawad.” Napabulalas ang kaniyang guro, “Iyan ang pinakamagandang report na narinig ko sa iyo!” at buong pasasalamat nitong tinanggap ang kopya ng aklat. Gusto rin ng ilang kapuwa estudyante na magkaroon ng kopya ng aklat. Nang sumunod na araw, tuwang-tuwa siyang namahagi ng 18 kopya.
Ang mga kabataang iyon ay nakasusumpong ng matinding kagalakan sa pagpuri kay Jehova sa paaralan. Dapat tularan nating lahat ang kanilang sigasig bilang kabataan.