Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mabuting Balita Para sa mga Tao ng Lahat ng Bansa

Mabuting Balita Para sa mga Tao ng Lahat ng Bansa

Mabuting Balita Para sa mga Tao ng Lahat ng Bansa

“Kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”​—GAWA 1:8.

1. Bilang mga guro sa Bibliya, sa ano tayo nagbibigay-pansin, at bakit?

ANG mahuhusay na guro ay nagbibigay-pansin hindi lamang sa kung ano ang sinasabi nila sa kanilang mga estudyante kundi kung paano rin nila sinasabi ito. Bilang mga guro ng katotohanan sa Bibliya, gayundin ang ginagawa natin. Pareho nating binibigyang-pansin ang mensaheng ipinangangaral natin at ang mga pamamaraang ginagamit natin. Ang ating mensahe, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ay hindi nagbabago, subalit ibinabagay natin ang ating mga pamamaraan. Bakit? Upang maabot ang pinakamaraming tao hangga’t maaari.

2. Kapag ibinabagay natin ang ating mga pamamaraan ng pangangaral, sino ang tinutularan natin?

2 Kung ibinabagay natin ang ating mga pamamaraan ng pangangaral, tinutularan natin ang mga lingkod ng Diyos noon. Kuning halimbawa si apostol Pablo. Ang sabi niya: “Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio . . . Doon sa mga walang kautusan, ako ay naging gaya ng walang kautusan . . . Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang matamo ko ang mahihina. Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan.” (1 Corinto 9:19-23) Mabisa ang pagiging marunong makibagay ni Pablo. Magiging mabisa rin tayo kung may-kabaitan nating ibabagay ang ating presentasyon sa mga indibiduwal na nakakausap natin.

Hanggang sa “mga Dulo ng Lupa”

3. (a) Anong hamon ang kinakaharap natin sa ating gawaing pangangaral? (b) Paano natutupad sa ngayon ang mga salita sa Isaias 45:22?

3 Ang isang malaking hamon na kinakaharap ng mga nangangaral ng mabuting balita ay ang laki ng teritoryo​—ang “buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Nitong nakalipas na siglo, nagpagal ang maraming lingkod ni Jehova na maabot ang mga bagong lupain upang mapalaganap ang mabuting balita. Ang resulta? Nakagugulat na paglawak sa buong daigdig. Sa pagsisimula ng ika-20 siglo, iilang lupain lamang ang nag-uulat ng pangangaral, pero sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo sa 235 lupain! Oo, ang mabuting balita ng Kaharian ay inihahayag maging hanggang sa “mga dulo ng lupa.”​—Isaias 45:22.

4, 5. (a) Sino ang gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapalaganap ng mabuting balita? (b) Ano ang sinabi ng ilang tanggapang pansangay tungkol sa mga nanggaling sa ibang bansa na naglilingkod sa teritoryo ng sangay?

4 Ano ba ang mga dahilan ng gayong pagsulong? Maraming bagay. Napakalaki ng naitulong ng mga misyonerong sinanay sa Watchtower Bible School of Gilead at, nitong kamakailan, ng mahigit 20,000 nagtapos sa Ministerial Training School. Nakatulong din ang maraming Saksi na sa sariling gastos ay lumipat sa mga lupaing mas malaki ang pangangailangan sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Ang gayong mapagsakripisyong mga Kristiyano​—lalaki at babae, bata at matanda, may asawa’t wala​—ay gumaganap ng mahalagang papel sa pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa buong lupa. (Awit 110:3; Roma 10:18) Lubusan silang pinahahalagahan. Pansinin ang isinulat ng ilang tanggapang pansangay tungkol sa mga nanggaling sa ibang bansa na naglilingkod sa teritoryo ng sangay kung saan mas malaki ang pangangailangan.

5 “Ang minamahal na mga Saksing ito ay nangunguna sa pangangaral sa nakabukod na mga lugar, tumutulong sa pagtatatag ng mga bagong kongregasyon, at umaalalay sa espirituwal na pagsulong ng mga kapatid na tagaroon.” (Ecuador) “Kung aalis ang daan-daang dayuhan na naglilingkod dito, maaapektuhan ang katatagan ng mga kongregasyon. Isang pagpapala na makasama namin sila.” (Dominican Republic) “Sa marami sa aming mga kongregasyon, ang karamihan ay mga sister, anupat umaabot pa nga nang hanggang 70 porsiyento kung minsan. (Awit 68:11) Ang karamihan sa kanila ay baguhan sa katotohanan, subalit napakalaki ng naitutulong ng mga dalagang payunir mula sa ibang lupain sa pagsasanay sa mga baguhang ito. Isa ngang tunay na kaloob sa amin ang mga sister na ito mula sa ibang bansa!” (Isang lupain sa Silangang Europa) Napag-isipan mo na bang maglingkod sa ibang bansa? *​—Gawa 16:9, 10.

“Sampung Lalaki Mula sa Lahat ng Wika ng mga Bansa”

6. Paano tumutukoy ang Zacarias 8:23 sa hamon may kinalaman sa wika sa ating gawaing pangangaral?

6 Ang isa pang malaking hamon ay ang napakaraming iba’t ibang wika na ginagamit sa daigdig. Inihula ng Salita ng Diyos: “Mangyayari sa mga araw na iyon na sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang tatangan, oo, tatangan sila sa laylayan ng lalaki na isang Judio, na sinasabi: ‘Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.’ ” (Zacarias 8:23) Sa modernong katuparan ng hulang ito, ang sampung lalaki ay kumakatawan sa malaking pulutong, na inihula sa Apocalipsis 7:9. Subalit pansinin na ayon sa hula ni Zacarias, ang “sampung lalaki” ay magmumula hindi lamang sa lahat ng bansa kundi gayundin “mula sa lahat ng wika ng mga bansa.” Nakita na ba natin ang isang katuparan ng mahalagang detalyeng ito ng hula? Aba, oo.

7. Anong estadistika ang nagpapakitang naaabot ng mabuting balita ang mga tao “mula sa lahat ng wika”?

7 Tingnan natin ang ilang estadistika. Noong nakalipas na 50 taon, ang ating literatura ay inilalathala sa 90 wika. Sa ngayon, ang bilang na iyan ay tumaas tungo sa mahigit na 400. Ginawa ng “tapat at maingat na alipin” ang lahat ng makakaya nito upang mapaglaanan ng mga literatura kahit ang ilan na ang wika’y di-gaanong ginagamit ng maraming tao. (Mateo 24:45) Halimbawa, makukuha na ngayon ang mga literaturang salig sa Bibliya sa wikang Greenlandico (ginagamit ng 47,000 katao), sa wikang Palauan (ginagamit ng 15,000), at wikang Yapese (ginagamit ng wala pang 7,000 katao).

“Isang Malaking Pinto” na Umaakay sa mga Bagong Pagkakataon

8, 9. Anong pangyayari ang nagbukas ng “isang malaking pinto” para sa atin, at paano tumugon ang libu-libong Saksi?

8 Subalit sa ngayon, maaaring hindi na tayo kailangang mangibang-bansa upang ibahagi ang mabuting balita sa mga tao ng lahat ng wika. Nitong nakalipas na mga taon, ang pagdating ng milyun-milyong dayuhan at mga nagsilikas sa mayayamang lupain ay lumikha ng maraming komunidad ng mga dayuhang nagsasalita ng maraming wika. Halimbawa, sa Paris, Pransiya, mga 100 iba’t ibang wika ang ginagamit. Sa Toronto, Canada, ang bilang ay 125; at sa London, Inglatera, mahigit 300 banyagang wika ang ginagamit! Dahil sa mga taong ito mula sa ibang lupain na naninirahan sa maraming teritoryo ng kongregasyon, nabuksan ang “isang malaking pinto” na umaakay sa mga bagong pagkakataon na maibahagi ang mabuting balita sa mga tao ng lahat ng bansa.​—1 Corinto 16:9.

9 Tumutugon sa hamon ang libu-libong Saksi sa pamamagitan ng pag-aaral ng ibang wika. Mahirap ito para sa karamihan sa kanila; subalit sulit na sulit naman ang kapalit nitong kagalakan na dulot ng pagtulong sa mga dayuhan at mga nagsilikas na matutuhan ang katotohanang masusumpungan sa Salita ng Diyos. Sa nakalipas na taon, halos 40 porsiyento ng lahat ng nabautismuhan sa mga pandistritong kombensiyon sa isang bansa sa Kanlurang Europa ay nanggaling sa ibang lupain.

10. Paano mo nagagamit ang buklet na Good News for People of All Nations? (Tingnan ang kahong “Mga Katangian ng Buklet na Good News for People of All Nations,” sa pahina 26.)

10 Totoo, ang karamihan sa atin ay wala sa kalagayang mag-aral ng ibang wika. Magkagayunman, puwede rin tayong makibahagi sa pagtulong sa mga dayuhan sa pamamagitan ng laging paggamit ng bagong-labas na buklet na Good News for People of All Nations, * na naglalaman ng kaakit-akit na mensahe mula sa Bibliya sa maraming iba’t ibang wika. (Juan 4:37) Ginagamit mo ba ang buklet na ito sa ministeryo?

Kapag Ayaw Tumugon ng mga Tao

11. Anong karagdagang hamon ang kinakaharap sa ilang teritoryo?

11 Habang lumalakas ang impluwensiya ni Satanas sa lupa, isa pang hamon ang madalas na bumangon​—walang gaanong tumutugon sa ilang teritoryo. Mangyari pa, hindi na natin ipinagtataka ang situwasyong ito, yamang inihula naman ni Jesus na iiral nga ang ganitong kalagayan. Hinggil sa ating kapanahunan, sinabi niya: “Ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mateo 24:12) Sa katunayan, marami ang nawawalan na ng pananampalataya sa Diyos at paggalang sa Bibliya. (2 Pedro 3:3, 4) Dahil dito, sa ilang bahagi ng daigdig, halos kakaunti na lamang ang nagiging bagong mga alagad ni Kristo. Subalit hindi naman ito nangangahulugang nawawalan na ng saysay ang pagpapagal ng ating minamahal na mga Kristiyanong kapatid na buong-katapatang nangangaral sa gayong mga teritoryo na walang gaanong tumutugon. (Hebreo 6:10) Bakit hindi? Isaalang-alang ang mga sumusunod.

12. Ano ang dalawang layunin ng ating gawaing pangangaral?

12 Ang Ebanghelyo ni Mateo ay nagtatampok ng dalawang pangunahing layunin ng ating gawaing pangangaral. Ang isa ay na ‘gumagawa tayo ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.’ (Mateo 28:19) Ang isa naman ay na nagsisilbing “patotoo” ang mensahe ng Kaharian. (Mateo 24:14) Parehong mahalaga ang dalawang layunin, subalit may pantanging kahulugan ang huli. Bakit?

13, 14. (a) Ano ang namumukod-tanging bahagi ng tanda ng pagkanaririto ni Kristo? (b) Ano ang dapat nating tandaan, lalo na kapag nangangaral sa mga teritoryong walang gaanong tumutugon?

13 Iniulat ng manunulat ng Bibliya na si Mateo na tinanong ng mga apostol si Jesus: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Bilang tugon, sinabi ni Jesus na ang isang namumukod-tanging bahagi ng tandang iyon ay ang pangglobong gawaing pangangaral. Tungkol ba sa paggawa ng alagad ang tinutukoy niya? Hindi. Ang sabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Samakatuwid, ipinakita ni Jesus na magiging isang mahalagang bahagi ng tanda ang mismong gawaing pangangaral ng Kaharian.

14 Kaya naman, sa ating pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, tinatandaan natin na kahit hindi tayo palaging nagtatagumpay sa paggawa ng mga alagad, nagtatagumpay naman tayo sa pagbibigay ng “patotoo.” Anuman ang maging pagtugon ng mga tao, alam nila ang ating ginagawa, at sa gayon ay nakikibahagi tayo sa pagtupad sa hula ni Jesus. (Isaias 52:7; Apocalipsis 14:6, 7) Si Jordy, isang kabataang Saksi sa Kanlurang Europa, ay nagsabi: “Ang saya-saya ko dahil alam kong ginagamit ako ni Jehova upang gumanap ng bahagi sa katuparan ng Mateo 24:14.” (2 Corinto 2:15-17) Tiyak na ganiyan din ang nadarama mo.

Kapag Sinasalansang ang Ating Mensahe

15. (a) Tungkol sa ano patiunang binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod? (b) Ano ang tumutulong sa atin na mangaral sa kabila ng pagsalansang?

15 Ang isa pang hamon sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ay ang masasamang kalagayan. Patiunang binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” (Mateo 24:9) Gaya ng mga Kristiyano noon, ang mga tagasunod ni Jesus ngayon ay kinapopootan, sinasalansang, at inuusig. (Gawa 5:17, 18, 40; 2 Timoteo 3:12; Apocalipsis 12:12, 17) Sa ilang lupain, sila ang kasalukuyang tudlaan ng mga pagbabawal ng pamahalaan. Gayunman, bilang pagsunod sa Diyos, ang tunay na mga Kristiyano sa mga lupaing iyon ay patuloy pa ring nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Amos 3:8; Gawa 5:29; 1 Pedro 2:21) Ano ang tumutulong sa kanila, gayundin sa lahat ng iba pang mga Saksi sa buong daigdig, na gawin iyon? Binibigyang-kapangyarihan sila ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu.​—Zacarias 4:6; Efeso 3:16; 2 Timoteo 4:17.

16. Paano ipinakita ni Jesus ang kaugnayan ng gawaing pangangaral at ng espiritu ng Diyos?

16 Idiniin ni Jesus ang malapit na kaugnayan ng espiritu ng Diyos at ng gawaing pangangaral nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8; Apocalipsis 22:17) Mahalaga ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa tekstong ito. Una, ang mga alagad ay tumanggap ng banal na espiritu, at pagkatapos ay nagsagawa sila ng pangglobong pagpapatotoo. Tanging sa tulong lamang ng espiritu ng Diyos kung kaya taglay nila ang lakas na makapagbata sa pagbibigay ng “patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:13, 14; Isaias 61:1, 2) Kaya naman, angkop lamang na tukuyin ni Jesus ang banal na espiritu bilang “katulong.” (Juan 15:26) Sinabi niyang ang espiritu ng Diyos ang magtuturo at papatnubay sa kaniyang mga alagad.​—Juan 14:16, 26; 16:13.

17. Kapag napapaharap tayo sa matinding pagsalansang, paano tayo tinutulungan ng banal na espiritu?

17 Sa anu-anong paraan tumutulong sa atin sa ngayon ang espiritu ng Diyos kapag napapaharap tayo sa matinding pagsalansang sa pangangaral ng mabuting balita? Pinalalakas tayo ng espiritu ng Diyos, at sinasalansang nito ang mga umuusig sa atin. Bilang paglalarawan, isaalang-alang natin ang isang pangyayari sa buhay ni Haring Saul.

Sinalansang ng Espiritu ng Diyos

18. (a) Anong malaki at masamang pagbabago ang nangyari kay Saul? (b) Anong mga pamamaraan ang ginamit ni Saul upang pag-usigin si David?

18 Naging mabuti ang pasimula ni Saul bilang kauna-unahang hari sa Israel, subalit naging masuwayin siya kay Jehova nang maglaon. (1 Samuel 10:1, 24; 11:14, 15; 15:17-23) Dahil dito, hindi na sinuportahan ng espiritu ng Diyos ang hari. Galit na galit si Saul kay David, na pinahiran bilang susunod na hari at kasalukuyan noong sinusuportahan ng espiritu ng Diyos. (1 Samuel 16:1, 13, 14) Sa wari’y walang kalaban-laban si David. Kung tutuusin, alpa lamang ang hawak niya, samantalang si Saul ay may hawak na sibat. Kaya isang araw, habang si David ay tumutugtog ng alpa, “Inihagis ni Saul ang sibat at sinabi: ‘Tutuhugin ko si David sa dingding!’ ngunit umiwas si David mula sa harap niya, nang makalawang ulit.” (1 Samuel 18:10, 11) Pagkatapos nito, nakinig si Saul sa kaniyang anak na si Jonatan, na kaibigan ni David, at sumumpa: “Buháy si Jehova, hindi . . . papatayin [si David].” Subalit muli na namang “pinagtangkaang tuhugin ni Saul si David sa dingding sa pamamagitan ng sibat.” Ngunit si David ay ‘umilag mula sa harap ni Saul, kung kaya ang tinamaan niya ng sibat ay ang dingding.’ Tumakas si David, ngunit hinabol siya ni Saul. Sa mapanganib na panahong iyon, ang espiritu ng Diyos ang naging mananalansang kay Saul. Sa anong paraan?​—1 Samuel 19:6, 10.

19. Paano ipinagsanggalang si David ng espiritu ng Diyos?

19 Tumakas si David tungo kay propeta Samuel, subalit isinugo ni Saul ang kaniyang mga kawal upang dakpin si David. Ngunit nang makarating sila sa pinagtataguan ni David, “ang espiritu ng Diyos ay napasa mga mensahero ni Saul, at sila ay nagsimulang gumawing tulad ng mga propeta.” Lubha silang nalipos ng espiritu ng Diyos anupat tuluyan na nilang nalimutan ang layunin ng kanilang misyon. Dalawang ulit pang nagsugo si Saul ng mga kawal upang ibalik si David, at dalawang ulit ding nangyari ang gayong bagay. Nang dakong huli, si Haring Saul na mismo ang pumunta kay David, subalit hindi rin napaglabanan ni Saul ang espiritu ng Diyos. Sa katunayan, hinadlangan siya ng banal na espiritu na gawin ang nais niya “nang buong araw na iyon at nang buong gabing iyon”​—anupat nagkaroon si David ng sapat na panahon upang makatakas.​—1 Samuel 19:20-24.

20. Anong aral ang matututuhan natin sa ulat hinggil sa pag-usig ni Saul kay David?

20 Ang ulat na ito tungkol kina Saul at David ay naglalaman ng nakapagpapatibay na aral: Hindi magtatagumpay ang mga umuusig sa mga lingkod ng Diyos kapag sinalansang sila ng espiritu ng Diyos. (Awit 46:11; 125:2) Nilayon ni Jehova na si David ang maging hari sa Israel. Walang sinumang makapagpapabago niyan. Sa ating panahon, tinitiyak ni Jehova na “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral.” Walang sinuman ang makapipigil sa katuparan nito.​—Gawa 5:40, 42.

21. (a) Paano kumikilos ang ilang mananalansang sa ngayon? (b) Sa ano tayo makapagtitiwala?

21 Ang ilang lider ng relihiyon at pulitika ay gumagamit ng kasinungalingan at ng karahasan pa nga sa pagtatangkang pigilin tayo. Subalit kung paanong ipinagsanggalang ni Jehova si David sa espirituwal na paraan, gayundin Niya ipagsasanggalang ang Kaniyang bayan sa ngayon. (Malakias 3:6) Kaya nga, gaya ni David, masasabi natin nang buong tapang: “Sa Diyos ako naglalagak ng aking tiwala. Hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao? (Awit 56:11; 121:1-8; Roma 8:31) Sa tulong ni Jehova, patuloy nawa nating harapin ang lahat ng hamon habang isinasagawa natin ang bigay-Diyos na atas na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa mga tao ng lahat ng bansa.

[Mga talababa]

^ par. 5 Tingnan ang kahong “Isang Malaking Kasiyahan,” sa pahina 22.

^ par. 10 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Natatandaan Mo Ba?

• Bakit natin ibinabagay ang ating mga pamamaraan ng pangangaral?

• “Isang malaking pinto” na umaakay sa anu-anong bagong pagkakataon ang nabuksan?

• Ano ang nagagawa ng ating gawaing pangangaral, kahit sa mga teritoryong walang gaanong tumutugon?

• Bakit walang mananalansang ang makapagpapahinto sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 22]

Isang Malaking Kasiyahan

“Maligaya at nasisiyahan sa kanilang nagkakaisang paglilingkod kay Jehova.” Ganiyan ang pagkakalarawan sa isang pamilyang lumipat sa Bolivia mula sa Espanya. Ang isang anak na lalaki ng pamilya ay naunang pumunta roon upang tumulong sa isang nakabukod na grupo. Damang-dama ng mga magulang niya ang kaniyang kagalakan anupat di-nagtagal, ang buong pamilya​—pati na ang apat na kabataang lalaking nasa edad 14 hanggang 25​—ay naglilingkod na rin doon. Mga payunir na ngayon ang tatlo sa mga kabataang lalaki, at yaong isa na naunang pumunta roon ay nag-aral kamakailan sa Ministerial Training School.

“Maraming hamon,” ang sabi ni Angelica, edad 30 mula sa Canada, na naglilingkod sa Silangang Europa, “pero nakadarama ako ng kasiyahan sa pagtulong sa mga tao sa ministeryo. Naaantig din ang aking damdamin ng maraming kapahayagan ng utang na loob mula sa mga Saksing tagaroon na madalas magpasalamat sa akin dahil sa pagpunta ko roon upang tulungan sila.”

“Napakaraming iba’t ibang kostumbre na dapat pakibagayan,” ang sabi ng magkapatid sa laman na parehong mahigit 25 anyos mula sa Estados Unidos, na naglilingkod sa Dominican Republic. “Subalit nagtiyaga kami sa aming atas, at pito sa aming estudyante sa Bibliya ang dumadalo na ngayon sa mga pulong.” Nakatulong ang dalawang sister na ito sa pag-oorganisa ng isang grupo ng mga mamamahayag ng Kaharian sa isang bayan na walang kongregasyon.

Si Laura, isang sister na mahigit 25 anyos, ay apat na taon nang naglilingkod sa ibang bansa. Ang sabi niya: “Sinasadya kong gawing simple ang aking buhay. Tumutulong ito sa mga mamamahayag na maunawaan na ang pamumuhay nang simple ay ayon sa kagustuhan at matinong pag-iisip, at hindi dahil sa karukhaan. Ang pagtulong sa iba, lalo na sa mga kabataan, ay nagdudulot sa akin ng kagalakan na kapalit ng mga kahirapan ng paglilingkod sa banyagang teritoryo. Hindi ko ipagpapalit ang aking paglilingkuran dito sa anupamang uri ng buhay, at mananatili ako hangga’t ipinahihintulot ni Jehova.”

[Kahon/​Larawan sa pahina 26]

Mga Katangian ng Buklet na Good News for People of All Nations

Ang buklet na Good News for People of All Nations ay naglalaman ng isang-pahinang mensahe na inihaharap hanggang sa 92 iba’t ibang wika. Isinulat ang mensahe sa unang panauhan. Kaya kapag binabasa ng may-bahay ang mensahe, para na ring ikaw ang nakikipag-usap sa kaniya.

May mapa ng daigdig sa likod ng pabalat. Gamitin ang mapang ito upang makipagkaibigan sa may-bahay. Puwede mong ituro ang bansang pinaninirahan mo at ipahiwatig na gusto mo ring malaman kung tagasaan naman siya. Sa ganiyang paraan, magaganyak mo siyang makipag-usap at magiging palakaibigan at palagay kayo sa isa’t isa.

Nakatala sa paunang salita ng buklet ang ilang hakbang na dapat nating gawin upang makapagbigay ng mabisang tulong sa mga nagsasalita ng wikang hindi natin naiintindihan. Pakisuyo na basahing mabuti ang mga hakbang na ito at masikap na ikapit ang mga ito.

Nasa talaan ng mga nilalaman hindi lamang ang mga wika kundi pati ang katumbas na mga simbolo ng wika. Ang katangiang ito ng buklet ay tutulong sa iyo upang makilala ang mga simbolo ng wika na nakalimbag sa ating mga tract at iba pang mga publikasyon sa iba’t ibang wika.

[Larawan]

Ginagamit mo ba ang buklet na ito sa ministeryo?

[Mga larawan sa pahina 23]

Makukuha na sa mahigit 400 wika ang ating mga publikasyong salig sa Bibliya

GHANA

LAPLAND (SWEDEN)

PILIPINAS

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Makapaglilingkod ka ba kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian?

ECUADOR

DOMINICAN REPUBLIC