Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Maligaya Yaong mga Palaisip sa Kanilang Espirituwal na Pangangailangan”

“Maligaya Yaong mga Palaisip sa Kanilang Espirituwal na Pangangailangan”

“Maligaya Yaong mga Palaisip sa Kanilang Espirituwal na Pangangailangan”

PAGGISING sa umaga ng mga ibon, madalas na humuhuni muna sandali ang mga ito at saka lumilipad para maghanap ng pagkain. Sa gabi, bumabalik ang mga ito sa kanilang mga dapuan, humuhuni nang kaunti pa, at natutulog. Sa ilang mga kapanahunan, ang mga ito ay nagpaparami, nangingitlog, at nagpapalaki ng kanilang mga inakay. Ganito rin ang maaasahang takbo ng buhay ng iba pang hayop.

Naiiba tayong mga tao. Totoo, tayo ay kumakain, natutulog, at nagpaparami, pero hindi kontento sa ganitong mga bagay lamang ang karamihan sa atin. Nais nating malaman kung bakit tayo naririto. Naghahanap tayo ng layunin sa ating buhay. Hinahangad din nating magkaroon ng pag-asa sa hinaharap. Ang mas malalalim na pangangailangang ito ay nagtatampok ng isang katangiang sa sangkatauhan lamang masusumpungan​—ang espirituwalidad, o ang pangangailangan at potensiyal para sa espirituwal na mga bagay.

Ginawa Ayon sa Larawan ng Diyos

Ipinaliliwanag ng Bibliya ang dahilan ng likas na pangangailangan ng tao sa espirituwalidad, sa pagsasabing: “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae.” (Genesis 1:27) Ang paglalang sa atin “ayon sa larawan ng Diyos” ay nangangahulugang kahit na nabahiran tayo ng kasalanan at di-kasakdalan, may kakayahan tayong ipaaninag ang ilang katangian ng Diyos. (Roma 5:12) Halimbawa, maaari tayong maging malikhain. Mayroon din tayong antas ng karunungan, pagkadama ng katarungan, at kakayahang magpakita ng mapagsakripisyong pag-ibig para sa isa’t isa. Bukod dito, nabubulay-bulay natin ang nakaraan at nakapagpaplano tayo para sa hinaharap.​—Kawikaan 4:7; Eclesiastes 3:1, 11; Mikas 6:8; Juan 13:34; 1 Juan 4:8.

Ang ating potensiyal para sa espirituwal na mga bagay ay napakalinaw na nakikita sa ating likas na paghahangad na sumamba sa Diyos. Malibang sapatan natin ang ating pangangailangang makipag-ugnayan sa ating Maylalang, hindi tayo makasusumpong ng tunay at nagtatagal na kaligayahan. “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 5:3) Gayunman, dapat nating tiyaking masapatan ang pangangailangang iyan sa pamamagitan ng espirituwal na katotohanan​—katotohanan tungkol sa Diyos, sa kaniyang mga pamantayan, at sa kaniyang layunin para sa sangkatauhan. Saan natin masusumpungan ang espirituwal na katotohanan? Sa Bibliya.

“Ang Iyong Salita ay Katotohanan”

Sumulat si apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.” (2 Timoteo 3:16) Ang mga salita ni Pablo ay kaayon ng binanggit ni Jesus, na nagsabi sa Diyos sa panalangin: “Ang iyong salita ay katotohanan.” Sa ngayon, alam nating ang Salita na iyon ay ang Banal na Bibliya, at isang katalinuhan na tiyakin nating kasuwato nito ang ating mga paniniwala at pamantayan.​—Juan 17:17.

Sa paghahambing ng ating paniniwala at ng Salita ng Diyos, tinutularan natin ang mga tao sa sinaunang Berea, na nagsikap tiyaking ang mga turo ni Pablo ay kaayon ng Kasulatan. Sa halip na punahin ang mga taga-Berea, pinapurihan sila ni Lucas dahil sa kanilang saloobin. “Tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan,” ang isinulat niya, “na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.” (Gawa 17:11) Dahil sa nagkakasalungatang relihiyoso at moral na mga turo na lumalaganap sa ngayon, mahalagang tularan natin ang halimbawa ng mga taga-Berea na mararangal ang pag-iisip.

Ang isa pang paraan upang malaman ang espirituwal na katotohanan ay sa pamamagitan ng pagmamasid kung paano ito nakaiimpluwensiya sa buhay ng mga tao. (Mateo 7:17) Halimbawa, ang pamumuhay ayon sa katotohanan sa Bibliya ay dapat tumulong sa isa na maging mas mabuting asawang lalaki, mas mabuting ama, mas mabuting asawang babae, o mas mabuting ina, at sa gayon ay makadagdag sa kaligayahan ng pamilya at makapagpasidhi sa kaniyang pagkakontento. “Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito,” ang sabi ni Jesus.​—Lucas 11:28.

Ipinaaalaala sa atin ng mga salita ni Jesus ang binanggit ng kaniyang makalangit na Ama, na nagsabi sa sinaunang mga Israelita: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.” (Isaias 48:17, 18) Ang lahat ng umiibig sa kabutihan at katuwiran ay tiyak na mapakikilos ng gayong maibiging paghimok!

Mas Gusto ng Iba na ‘Makiliti ang Kanilang mga Tainga’

Marubdob na hinimok ng Diyos ang mga Israelita sapagkat inililigaw sila ng relihiyosong mga kasinungalingan. (Awit 106:35-40) Tayo rin ay dapat magbantay laban sa mga kabulaanan. Tungkol sa nag-aangking mga Kristiyano, sumulat si Pablo: “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga; at itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan.”​—2 Timoteo 4:3, 4.

Kinikiliti ng relihiyosong mga lider ang tainga ng mga tao sa pamamagitan ng pagkunsinti sa mga gawaing udyok ng maling mga pagnanasa, gaya ng pakikipagtalik sa hindi asawa, homoseksuwalidad, at paglalasing. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na ang mga sumasang-ayon sa gayong mga bagay at ang mga nagsasagawa nito ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”​—1 Corinto 6:9, 10; Roma 1:24-32.

Walang alinlangan na kailangan ang lakas ng loob upang makapamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, lalo na sa harap ng panunuya, subalit magagawa ito ng isa. Kabilang sa mga Saksi ni Jehova ang maraming indibiduwal na dating sugapa sa droga, lasenggo, mapakiapid, maton, magnanakaw, at mga sinungaling. Gayunman, dinibdib nila ang Salita ng Diyos at gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay sa tulong ng banal na espiritu upang ‘makalakad nang karapat-dapat kay Jehova.’ (Colosas 1:9, 10; 1 Corinto 6:11) Yamang nakipagpayapaan sila sa Diyos, nakasumpong din sila ng panloob na kapayapaan at, gaya ng makikita natin, tunay na pag-asa sa hinaharap.

Ang Pag-asa Ukol sa Kaharian

Ang pag-asa sa Bibliya ukol sa namamalaging kapayapaan para sa masunuring mga tao ay matutupad sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos. “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang modelong panalangin. (Mateo 6:10) Oo, tanging ang Kaharian ng Diyos lamang ang makagagarantiya na magaganap ang kalooban ng Diyos sa lupa. Bakit? Sapagkat ang makalangit na Kahariang iyan​—isang pamahalaan sa kamay ni Jesu-Kristo​—ang paraan ng pagpapahayag ng Diyos ng Kaniyang karapat-dapat na soberanya sa ibabaw ng lupa.​—Awit 2:7-12; Daniel 7:13, 14.

Bilang Hari ng makalangit na Kahariang iyan, palalayain ni Jesu-Kristo ang masunuring sangkatauhan mula sa lahat ng anyo ng pagkaalipin, kabilang na ang napakahigpit na kapit ng Adanikong kasalanan at ng pamana nitong sakit at kamatayan. Ganito ang sabi ng Apocalipsis 21:3, 4: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . At papahirin niya [ng Diyos na Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”

Mamamayani sa buong lupa ang namamalaging kapayapaan. Bakit tayo makatitiyak na mangyayari ito? Ang dahilan ay isinisiwalat sa Isaias 11:9, na nagsasabi: “Hindi sila [mga sakop ng Kaharian] mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” Oo, ang bawat tao sa lupa ay magkakaroon ng tumpak na kaalaman sa Diyos at magiging masunurin sa kaniya. Hindi ba’t nakapagpapasigla ng puso ang pag-asang iyan? Kung oo, ngayon na ang panahon upang kumuha ng napakahalagang “kaalaman kay Jehova.”

Makikinig Ka Kaya sa Mensahe ng Kaharian?

Sa pamamagitan ng Kaharian, pawawalang-saysay ng Diyos ang lahat ng gawa ni Satanas at tuturuan Niya ang mga tao sa Kaniyang matutuwid na daan. Kaya naman, hindi nakagugulat na ang Kaharian ang pangunahing paksa ng turo ni Jesus. “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos,” ang sabi niya, “sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:43) Iniutos ni Kristo sa kaniyang mga alagad na ibahagi ang mensahe ring iyon sa iba. (Mateo 28:19, 20) “Ang mabuting balitang ito ng kaharian,” ang inihula niya, “ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Papalapit na nang papalapit ang wakas na iyan. Kung gayon, napakahalaga ngang makinig ang tapat-pusong mga tao sa mabuting balita na nakapagliligtas ng buhay!

Narinig ni Albert, na nabanggit sa naunang artikulo, ang mensahe ng Kaharian nang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang kaniyang asawa at anak. Sa simula, nag-alinlangan si Albert. Nakiusap pa nga siya sa isang klerigo na tagaroon sa kanila na dalawin ang kaniyang asawa at anak upang ilantad ang mga Saksi. Subalit ayaw makisangkot ng klerigo. Kaya nagpasiyang makinig si Albert sa talakayan sa Bibliya upang makahanap ng mga pagkakamali. Pagkaraan lamang ng isang sesyon, sumama na siya sa pag-aaral, sabik na matuto pa. Ipinaliwanag niya nang bandang huli kung bakit nagbago ang kaniyang saloobin. “Ito ang matagal ko nang hinahanap,” ang sabi niya.

Sa wakas, sinimulan ni Albert na sapatan ang kaniyang espirituwal na pangangailangan, at hindi niya pinagsisihan ito. Ibinigay sa kaniya ng katotohanan sa Bibliya ang kaniyang hinahanap sa buong buhay niya​—ang solusyon sa kawalang-katarungan at katiwalian na laganap sa lipunan at ang pag-asa sa hinaharap. Ang katotohanan sa Bibliya ay nagbigay sa kaniya ng panloob na kapayapaan. Nasasapatan ba ang iyong espirituwal na pangangailangan? Bakit hindi basahin sandali ang mga tanong sa kahon na nasa pahina 6? Kung nais mo ng higit pang impormasyon, malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 6]

NASASAPATAN BA ANG IYONG ESPIRITUWAL NA PANGANGAILANGAN?

Nasisiyahan ka ba sa tinatanggap mong espirituwal na pagkain? Inaanyayahan ka naming basahin ang sumusunod na mga tanong at lagyan ng tsek ang mga masasagot mo nang tama.

□ Sino ang Diyos, at ano ang pangalan niya?

□ Sino si Jesu-Kristo? Bakit kinailangan siyang mamatay? Paano ka maaaring makinabang sa kaniyang kamatayan?

□ Mayroon bang Diyablo? Kung mayroon, saan siya nagmula?

□ Ano ang nangyayari sa atin pagkamatay natin?

□ Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan?

□ Ano ang Kaharian ng Diyos?

□ Anu-ano ang pamantayan ng Diyos hinggil sa moralidad?

□ Sa pamilya, anu-ano ang bigay-Diyos na mga papel ng asawang lalaki at babae? Anu-ano ang simulain sa Bibliya na mas makapagpapaligaya sa pamilya?

Kung hindi mo tiyak ang mga sagot sa alinman sa mga tanong na ito, maaari kang humiling ng kopya ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Ang brosyur na ito ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova sa halos 300 wika, at tinatalakay nito ang 16 na saligang paksa sa Bibliya at nagbibigay ng maka-Kasulatang sagot sa lahat ng tanong na nakatala sa itaas.

[Mga larawan sa pahina 4]

Di-tulad ng mga hayop, ang mga tao ay may espirituwal na pangangailangan

[Larawan sa pahina 5]

“Sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga.”​—2 Timoteo 4:3

[Larawan sa pahina 7]

Magkakaroon ng namamalaging kapayapaan sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos