“Nagdadala ng Mabuting Balita Tungkol sa Bagay na Mas Mabuti”
“Nagdadala ng Mabuting Balita Tungkol sa Bagay na Mas Mabuti”
“Pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa niyaong . . . nagdadala ng mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.”—ISAIAS 52:7.
1, 2. (a) Anu-anong nakapangingilabot na bagay ang nagaganap araw-araw? (b) Ano ang reaksiyon ng maraming tao sa masasamang balita na palagi nilang naririnig?
SA NGAYON, pakiramdam ng mga tao ay nalulunod na sila sa masasamang balita. Kapag binuksan nila ang radyo, naririnig nila ang nakatatakot na mga ulat tungkol sa nakamamatay na mga sakit na sumasalot sa lupa. Kapag nanood sila ng mga balita sa telebisyon, nakikita nila ang di-malimut-limot na hitsura ng mga batang halos mamatay na sa gutom na nagmamakaawang tulungan sila. Kapag kinuha naman nila ang pahayagan, nababasa nila ang tungkol sa mga pagsabog ng bomba na sumira sa mga gusali at pumatay ng napakaraming inosenteng tao.
2 Oo, nakapangingilabot na mga bagay ang nagaganap araw-araw. Ang tanawin ng sanlibutang ito ay talaga ngang nagbabago—lalong sumasamâ. (1 Corinto 7:31) Sinabi ng isang magasing pambalita sa Kanlurang Europa na kung minsan, para bang “malapit nang magunaw” ang buong daigdig. Hindi nga kataka-taka na parami nang paraming tao ang nababagabag! Tiyak na ipinahahayag lamang ng isang tao na sinipi sa isang surbey tungkol sa mga balita sa telebisyon sa Estados Unidos ang damdamin ng milyun-milyon nang sabihin niya: ‘Pagkapanood ko ng balita, lumung-lumo ako. Puro na lamang masasamang balita. Talagang nakapanlulupaypay.’
Balita na Kailangang Marinig ng Lahat
3. (a) Anong mabuting balita ang ipinahahayag ng Bibliya? (b) Bakit mo pinahahalagahan ang mabuting balita ng Kaharian?
3 Sa ganito kapanglaw na daigdig, may mababalitaan pa kaya tayong mas mabuti? Aba, mayroon! Nakaaaliw malaman na ang Bibliya ay naghahayag ng mabuting balita. Ibinabalita nito na wawakasan na ng Kaharian ng Diyos ang sakit, gutom, krimen, digmaan, at lahat ng uri ng paniniil. (Awit 46:9; 72:12) Hindi ba’t iyan ang balita na kailangang marinig ng lahat? Iyan nga ang nasa isip ng mga Saksi ni Jehova. Kaya naman, kilala sila saanmang lugar dahil sa kanilang patuloy na pagsisikap na maibahagi sa mga tao ng lahat ng bansa ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14.
4. Aling mga pitak ng ating ministeryo ang tatalakayin dito at sa susunod na artikulo?
4 Kung gayon, ano ang magagawa natin upang patuloy na magkaroon ng kasiya-siya at makabuluhang bahagi sa pangangaral ng mabuting balitang ito—kahit sa mga teritoryong walang gaanong tumutugon? (Lucas 8:15) Tiyak na makatutulong ang maikling pagrerepaso sa tatlong mahahalagang pitak ng ating gawaing pangangaral. Puwede nating suriin (1) ang ating motibo, o kung bakit tayo nangangaral; (2) ang ating mensahe, o kung ano ang ating ipinangangaral; at (3) ang ating pamamaraan, o kung paano tayo nangangaral. Kung mapananatili natin ang malinis na motibo, malinaw na mensahe, at mabisang pamamaraan, mabibigyan natin ng pagkakataon ang napakaraming tao na marinig ang pinakamagandang mabuting balita—ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. *
Kung Bakit Tayo Nakikibahagi sa Pangangaral ng Mabuting Balita
5. (a) Higit sa lahat, ano ang nag-uudyok sa atin na makibahagi sa ministeryo? (b) Bakit masasabing isang kapahayagan ng pag-ibig sa Diyos ang ating pagsunod sa utos ng Bibliya na mangaral?
5 Talakayin natin ang unang pitak—ang ating motibo. Bakit natin ipinangangaral ang mabuting balita? Katulad din ito ng naging dahilan ni Jesus. Ang sabi niya: “Iniibig ko ang Ama.” (Juan 14:31; Awit 40:8) Higit sa lahat, tayo’y nauudyukan ng ating pag-ibig sa Diyos. (Mateo 22:37, 38) Pinag-uugnay ng Bibliya ang pag-ibig sa Diyos at ang ministeryo, dahil sinabi nito: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos.” (1 Juan 5:3; Juan 14:21) Kabilang ba sa mga utos ng Diyos ang “humayo kayo at gumawa ng mga alagad”? (Mateo 28:19) Oo. Totoo ngang si Jesus ang nagsabi ng mga salitang iyon, pero ang talagang pinanggalingan ng mga ito ay si Jehova. Paano? Nagpaliwanag si Jesus: “Wala akong ginagawang anuman sa sarili kong pagkukusa; kundi kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, ito ang mga bagay na sinasalita ko.” (Juan 8:28; Mateo 17:5) Kaya nga, sa pagsunod sa utos na mangaral, ipinakikita natin kay Jehova na iniibig natin siya.
6. Sa anu-anong paraan tayo nauudyukan ng pag-ibig sa Diyos na mangaral?
6 Bukod diyan, nauudyukan tayo ng pag-ibig kay Jehova na mangaral dahil nais nating ituwid ang mga kasinungalingang ikinakalat ni Satanas laban sa Kaniya. (2 Corinto 4:4) Kinuwestiyon ni Satanas ang pagiging matuwid ng pamamahala ng Diyos. (Genesis 3:1-5) Bilang mga Saksi ni Jehova, gustung-gusto nating makibahagi sa paglalantad sa mga paninirang-puri ni Satanas at sa pagpapabanal sa pangalan ng Diyos sa sangkatauhan. (Isaias 43:10-12) Bukod diyan, nakikibahagi tayo sa ministeryo dahil nalaman natin ang mga katangian at mga daan ni Jehova. Nadarama nating malapít tayo sa kaniya at nadarama natin ang masidhing hangarin na sabihin sa iba ang tungkol sa ating Diyos. Sa katunayan, ang kabutihan ni Jehova at ang kaniyang matuwid na mga daan ay nagdudulot sa atin ng kagalakan anupat hindi matapus-tapos ang ating mga sinasabi tungkol sa kaniya. (Awit 145:7-12) Para bang may nagtutulak sa atin na purihin siya at sabihin sa mga makikinig ang tungkol sa kaniyang “mga kagalingan.”—1 Pedro 2:9; Isaias 43:21.
7. Bukod sa pag-ibig sa Diyos, sa ano pang mahalagang dahilan tayo nakikibahagi sa gawaing pangangaral?
7 May isa pang mahalagang dahilan sa patuloy na pakikibahagi sa ministeryo: Talagang gusto nating mapaginhawa ang mga indibiduwal na halos manlupaypay na sa dami ng masasamang balita at ang mga nagdurusa sa iba’t ibang kadahilanan. Sa paggawa nito, sinisikap nating tularan si Jesus. Halimbawa, tingnan ang inilalarawan sa Marcos kabanata 6.
8. Ano ang ipinakikita ng ulat sa Marcos kabanata 6 tungkol sa damdamin ni Jesus sa mga tao?
8 Nagbalik ang mga apostol mula sa kampanya ng pangangaral at isinaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. Napansin ni Jesus na pagód ang mga apostol kung kaya’t niyaya niya sila na “magpahinga nang kaunti.” Kaya sumakay sila ng bangka at tumulak patungo sa isang tahimik na lugar. Sinundan sila ng mga tao, anupat nagsitakbo sa baybayin, at nauna pa nga ang mga ito sa kanila. Ano ang ginawa ni Jesus? “Nakita niya ang isang malaking pulutong,” ang sabi ng ulat, “ngunit nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.” (Marcos 6:31-34) Pagkahabag ang nagtulak kay Jesus na ituloy ang pagbabahagi ng mabuting balita sa kabila ng kaniyang pagod. Kitang-kita ang taimtim na empatiya ni Jesus sa mga taong ito.
9. Ano ang matututuhan natin sa ulat sa Marcos kabanata 6 may kinalaman sa tamang motibo sa pangangaral?
9 Ano ang matututuhan natin sa ulat na ito? Bilang mga Kristiyano, nakadarama tayo ng obligasyong ipangaral ang mabuting balita at gumawa ng mga alagad. Kinikilala natin ang ating pananagutang ipahayag ang mabuting balita, yamang kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas.” (1 Timoteo 2:4) Gayunman, isinasagawa natin ang ating ministeryo hindi lamang dahil sa obligasyon kundi dahil din sa pagkahabag. Kung nahahabag tayo sa mga tao na gaya ni Jesus, uudyukan tayo ng ating puso na gawin ang lahat ng ating makakaya upang patuloy na maibahagi ang mabuting balita sa kanila. (Mateo 22:39) Ang pagtataglay ng gayong mainam na motibo sa pakikibahagi sa ministeryo ang magtutulak sa atin upang ipangaral ang mabuting balita nang walang humpay.
Ang Ating Mensahe—Ang Mabuting Balita ng Kaharian ng Diyos
10, 11. (a) Paano inilarawan ni Isaias ang mensaheng ipinangangaral natin? (b) Paano nagdala si Jesus ng mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti, at paano tinutularan ng mga lingkod ng Diyos sa modernong panahon ang halimbawa ni Jesus?
10 Kumusta naman ang ikalawang pitak ng ating ministeryo—ang ating mensahe? Ano ba ang ating ipinangangaral? Ibinigay ni propeta Isaias ang magandang paglalarawang ito sa mensaheng inihahayag natin: “Pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti, na naghahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion: ‘Ang iyong Diyos ay naging hari!’ ”—Isaias 52:7.
11 Ang mahalagang ekspresyon sa tekstong iyan na “ang iyong Diyos ay naging hari,” ay nagpapaalaala sa atin ng mensaheng dapat nating ipahayag, samakatuwid nga, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Marcos 13:10) Pansinin din na isinisiwalat ng talatang ito ang positibong katangian ng ating mensahe. Gumamit si Isaias ng mga terminong gaya ng “kaligtasan,” “mabuting balita,” “kapayapaan,” at “bagay na mas mabuti.” Mga ilang siglo pagkatapos ni Isaias, noong unang siglo C.E., tinupad ni Jesu-Kristo ang hulang ito sa isang namumukod-tanging paraan sa pamamagitan ng pagpapakita ng masigasig na halimbawa ng paghahayag ng balita tungkol sa bagay na mas mabuti—ang dumarating na Kaharian ng Diyos. (Lucas 4:43) Sa modernong panahon, lalo na mula 1919, tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng masigasig na paghahayag ng mabuting balita ng nakatatag nang Kaharian ng Diyos at ng mga pagpapalang idudulot nito.
12. Ano ang epekto ng mabuting balita ng Kaharian sa mga tumatanggap dito?
12 Ano ang epekto ng mabuting balita ng Kaharian sa mga tumutugon dito? Sa ngayon gaya noong panahon ni Jesus, ang mabuting balita ay nagdudulot ng pag-asa at kaaliwan. (Roma 12:12; 15:4) Nagbibigay ito ng pag-asa sa mga tapat-puso dahil napag-aalaman nila na may matitibay na dahilan upang maniwalang may darating na mas mabubuting panahon. (Mateo 6:9, 10; 2 Pedro 3:13) Malaki ang naitutulong ng pag-asang ito para mapanatili ng mga may-takot sa Diyos ang positibong pangmalas. Binanggit ng salmista na “hindi [sila] matatakot kahit sa masamang balita.”—Awit 112:1, 7.
Isang Mensaheng ‘Magbibigkis sa May Pusong Wasak’
13. Paano inilalarawan ni propeta Isaias ang kagyat na mga pagpapalang dumarating sa mga tumatanggap ng mabuting balita?
13 Karagdagan pa, ang mabuting balita na ipinangangaral natin ay nagdudulot ng kagyat na ginhawa at mga pagpapala sa mga nakikinig dito. Paano? Ipinahiwatig ni propeta Isaias ang ilan sa mga pagpapalang ito nang ihula niya: “Ang espiritu ng Soberanong Panginoong Jehova ay sumasaakin, sa dahilang pinahiran ako ni Jehova upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo. Isinugo niya ako upang bigkisan ang may pusong wasak, upang maghayag ng paglaya sa mga bihag at ng lubos na pagkakadilat ng mga mata sa mga bilanggo; upang ihayag ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos; upang aliwin ang lahat ng nagdadalamhati.”—Isaias 61:1, 2; Lucas 4:16-21.
14. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng ekspresyong “bigkisan ang may pusong wasak” kung tungkol sa mensahe ng Kaharian? (b) Paano natin ipinamamalas ang pagmamalasakit ni Jehova sa mga may pusong wasak?
14 Ayon sa hulang iyon, sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita, ‘binibigkisan ni Jesus ang may pusong wasak.’ Kayganda ng paglalarawan ni Isaias! Ayon sa isang diksyunaryo sa Bibliya, ang salitang Hebreo na isinaling “bigkisan” “ay madalas gamitin upang tukuyin ang ‘pagtatali’ ng benda, anupat ginagamot at pinagagaling ang nasugatan.” Binebendahan o tinatalian nang mahigpit ng isang mapagmalasakit na nars ang nasugatang bahagi ng katawan ng pasyente upang maalalayan ito. Sa katulad na paraan, kapag ipinangangaral ang mensahe ng Kaharian, inaalalayan ng mapagmalasakit na mga mamamahayag ang lahat ng tumutugon na kasalukuyang nagdurusa. At sa pag-alalay sa mga nangangailangan, ipinamamalas nila ang pagmamalasakit ni Jehova. (Ezekiel 34:15, 16) Ganito ang sabi ng salmista tungkol sa Diyos: “Pinagagaling niya ang mga may pusong wasak, at tinatalian niya ang kanilang makikirot na bahagi.”—Awit 147:3.
Ang Epekto ng Mensahe ng Kaharian
15, 16. Anong mga halimbawa sa tunay na buhay ang naglalarawan kung paano nagbibigay ng suporta at lakas sa mga nangangailangan ang mensahe ng Kaharian?
15 Inilalarawan ng maraming halimbawa sa tunay na buhay kung paano nga sinusuportahan at pinalalakas ng mensahe ng Kaharian ang mga may pusong wasak. Isaalang-alang natin si Oreanna, isang may-edad nang babae sa Timog Amerika, na nawalan na ng hangaring mabuhay. Isang Saksi ni Jehova ang nagsimulang dumalaw kay Oreanna at magbasa sa kaniya ng Bibliya at ng publikasyong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. * Noong una, ang nanlulumong babae ay nakikinig sa pagbabasa habang nakapikit na nakahiga sa kama at nagbubuntong-hininga paminsan-minsan. Subalit di-nagtagal, nagsikap na siyang maupo sa kaniyang kama habang binabasahan siya. Pagkalipas ng ilang panahon, nakaupo na siya sa silya sa sala, habang hinihintay ang pagdating ng kaniyang guro sa Bibliya. Sumunod, nagsimula nang dumalo ang babae sa mga pulong Kristiyano sa Kingdom Hall. Palibhasa’y napatibay sa kaniyang mga natututuhan sa mga pagtitipong iyon, nagsimula na siyang mag-alok ng mga literatura sa Bibliya sa sinumang dumaraan sa kaniyang bahay. Nang maglaon, sa edad na 93, binautismuhan si Oreanna bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Nanumbalik ang hangarin niyang mabuhay dahil sa mensahe ng Kaharian.—Kawikaan 15:30; 16:24.
16 Ang mensahe ng Kaharian ay nagbibigay ng napakahalagang suporta kahit doon sa mga nakababatid na maikli na lamang ang kanilang buhay dahil sa karamdaman. Kunin nating halimbawa si Maria na taga-Kanlurang Europa. May taning na ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang sakit at naglaho nang lahat ang kaniyang pag-asa. Kasalukuyan siyang lumung-lumo nang matagpuan ng mga Saksi ni Jehova. Pero nang matutuhan niya ang tungkol sa mga layunin ng Diyos, muling nagkaroon ng layunin ang kaniyang buhay. Nabautismuhan siya at naging masigasig sa gawaing pangangaral. Sa huling dalawang taon ng kaniyang buhay, nakita ang ningning sa kaniyang mga mata dahil sa pag-asa at kagalakan. Namatay si Maria taglay Roma 8:38, 39.
ang matibay na pag-asa sa pagkabuhay-muli.—17. (a) Paano naaapektuhan ng mensahe ng Kaharian ang buhay ng mga tumatanggap dito? (b) Sa anong mga paraan naranasan mo mismo na si Jehova ay “nagbabangon sa lahat ng nakayukod”?
17 Ang mga ulat na iyan ay nagpapatotoo sa epekto ng mensahe ng Kaharian sa buhay ng mga nananabik sa mga katotohanan sa Bibliya. Ang mga indibiduwal na nagdadalamhati sa kamatayan ng isang mahal sa buhay ay nagkakaroon ng panibagong lakas matapos nilang malaman ang pag-asa sa pagkabuhay-muli. (1 Tesalonica 4:13) Ang mga taong nabubuhay sa karalitaan at nagsusumakit upang mapakain ang kanilang pamilya ay nakasusumpong ng panibagong dignidad at lakas ng loob matapos nilang matutuhan na hindi sila kailanman pababayaan ni Jehova kung magtatapat sila sa kaniya. (Awit 37:28) Sa tulong ni Jehova, marami sa mga nadaraig ng depresyon ang unti-unting nagkakaroon ng lakas na kailangan upang makayanan ito at sa ilang kaso ay nadaig pa nga ang karamdamang iyon. (Awit 40:1, 2) Sa katunayan, dahil sa lakas na ibinibigay sa pamamagitan ng kaniyang Salita, si Jehova ay kasalukuyan ngayong “nagbabangon sa lahat ng nakayukod.” (Awit 145:14) Sa pagmamasid kung paano nagdudulot ng kaaliwan ang mabuting balita ng Kaharian sa mga may pusong wasak sa ating teritoryo at sa kongregasyong Kristiyano, paulit-ulit tayong napaaalalahanan na taglay nga natin ang pinakamabuting balita na maririnig sa ngayon!—Awit 51:17.
“Ang Aking Pagsusumamo sa Diyos Para sa Kanila”
18. Paano naapektuhan si Pablo sa pagtanggi ng mga Judio sa mabuting balita, at bakit?
18 Bagaman pinakamabuting balita ang ating mensahe, marami pa rin ang tumatanggi rito. Paano kaya ito maaaring makaapekto sa atin? Katulad din ng naging epekto nito kay apostol Pablo. Madalas siyang nangangaral noon sa mga Judio, subalit karamihan sa kanila ay tumanggi sa mensahe ng kaligtasan. Malaki ang naging epekto kay Pablo ng kanilang pagtanggi. Inamin niya: “Mayroon akong malaking pamimighati at namamalaging kirot sa aking puso.” (Roma 9:2) Nahabag si Pablo sa mga Judio na pinangangaralan niya. Ikinalungkot niya ang pagtanggi nila sa mabuting balita.
19. (a) Bakit makatuwiran lamang na makadama tayo ng pagkasira ng loob kung minsan? (b) Ano ang nakatulong kay Pablo na magpatuloy sa gawaing pangangaral?
19 Nangangaral din tayo ng mabuting balita dahil sa pagkahabag. Kaya naman, makatuwiran lamang na masiraan tayo ng loob kapag marami ang tumatanggi sa mensahe ng Kaharian. Ang gayong reaksiyon ay nagpapakitang taimtim tayong nagmamalasakit sa espirituwal na kapakanan ng mga pinangangaralan natin. Gayunman, dapat nating alalahanin ang halimbawa ni apostol Pablo. Ano ang nakatulong sa kaniya upang magpatuloy sa gawaing pangangaral? Bagaman nalungkot at nasaktan siya sa pagtanggi ng mga Judio sa mabuting balita, hindi sumuko si Pablo sa lahat ng mga Judio, anupat iniisip na hindi na sila matutulungan pa. Umasa siyang may ilan pa ring tatanggap Roma 10:1.
kay Kristo. Kaya naman, tungkol sa kaniyang nadarama sa indibiduwal na mga Judio, sumulat si Pablo: “Ang kabutihang-loob ng aking puso at ang aking pagsusumamo sa Diyos para sa kanila ay tunay ngang para sa kanilang kaligtasan.”—20, 21. (a) Hinggil sa ating ministeryo, paano natin matutularan ang halimbawa ni Pablo? (b) Anong pitak ng ating ministeryo ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
20 Pansinin ang dalawang bagay na itinampok ni Pablo. Hangarin niya na makasumpong ng kaligtasan ang ilang indibiduwal, at nagsumamo siya sa Diyos ukol dito. Sa ngayon, tinutularan natin ang halimbawa ni Pablo. Taglay natin ang taimtim na hangaring masumpungan ang sinuman na maaaring wastong nakaayon pa rin ukol sa mabuting balita. Patuloy tayong nananalangin kay Jehova na sana’y masumpungan natin ang gayong mga indibiduwal upang matulungan natin silang tumahak sa landas patungo sa kanilang kaligtasan.—Kawikaan 11:30; Ezekiel 33:11; Juan 6:44.
21 Gayunman, upang mapaabutan ng mensahe ng Kaharian ang pinakamaraming indibiduwal hangga’t maaari, dapat tayong magbigay-pansin hindi lamang sa kung bakit tayo nangangaral at kung ano ang ating ipinangangaral kundi gayundin sa kung paano tayo nangangaral. Ang paksang ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 4 Tatalakayin sa artikulong ito ang unang dalawang pitak. Tatalakayin naman sa susunod na artikulo ang ikatlo.
^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Bakit tayo nakikibahagi sa ministeryo?
• Ano ang pangunahing mensahe na ipinangangaral natin?
• Anu-anong pagpapala ang tinatamasa ng mga tumatanggap sa mensahe ng Kaharian?
• Ano ang tutulong sa atin na magpatuloy sa ating ministeryo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang mensahe ng Kaharian ay nagpapalakas sa mga may pusong wasak
[Mga larawan sa pahina 20]
Ang panalangin ay tumutulong sa atin na magbata sa ating ministeryo