“Hindi Sila Nakipagkompromiso”
“Hindi Sila Nakipagkompromiso”
“MALIGAYA kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin,” ang sabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad. (Mateo 5:11) Maligaya ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon dahil, kasuwato ng turo at halimbawa ni Kristo, nananatili silang ‘hindi bahagi ng sanlibutan’ at nanghahawakang mahigpit sa pagiging neutral sa pulitika at pagiging tapat sa Diyos anuman ang mangyari.—Juan 17:14; Mateo 4:8-10.
Tungkol sa walang-pakikipagkompromisong paninindigan ng mga Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet, pati na yaong mga nasa Estonia, ang teologong Luterano at tagapagsalin ng Bibliya na si Toomas Paul ay sumulat sa kaniyang aklat na Kirik keset küla (Ang Simbahan sa Gitna ng Nayon): “Iilan lamang ang nakabalita sa nangyari noong madaling araw ng Abril 1, 1951. Isinaplano ang isang kampanya na palayasin ang mga Saksi ni Jehova at ang lahat ng sumusuporta sa kanila—279 katao sa kabuuan ang dinakip at ipinatapon sa Siberia . . . Binigyan sila ng pagkakataong pumirma sa isang karaniwang kasulatan bilang pagtalikod sa kanilang pananampalataya upang makaiwas sa pagpapatapon o pagkabilanggo. . . . Kasama ng mga naunang inaresto, 353 ang ikinulong kasali na rito ang di-kukulangin sa 171 katao na nakikisama pa lamang sa kanilang mga kongregasyon. Hindi sila nakipagkompromiso—kahit sa Siberia. . . . Iilan lamang sa mga miyembro ng Simbahan[g Luterano ng Estonia] ang may pananampalatayang katulad ng sa mga Saksi ni Jehova.”
Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nagtitiwalang tutulungan sila ng Diyos na makapanatiling tapat at masunurin sa kaniya sa kabila ng pag-uusig. Natutuwa sila sa pagkaalam na malaki ang gantimpala sa kanilang pagiging tapat.—Mateo 5:12.