Ikaw ba ay Tapat sa Lahat ng Bagay?
Ikaw ba ay Tapat sa Lahat ng Bagay?
“Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami.”—LUCAS 16:10.
1. Ano ang isa sa mga paraan na si Jehova ay tapat?
HABANG lumilipas ang maghapon, napansin mo na ba kung ano ang nangyayari sa anino sa lupa na likha ng isang punungkahoy? Aba, patuloy na nagbabago ng sukat at direksiyon ang anino! Ang mga pagsisikap at mga pangako ng tao ay karaniwan nang pabagu-bago na gaya ng anino. Sa kabilang panig naman, ang Diyos na Jehova ay hindi nagbabago sa paglipas ng panahon. Sa pagtukoy sa kaniya bilang ang “Ama ng makalangit na mga liwanag,” sinabi ng alagad na si Santiago: “Sa kaniya ay wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.” (Santiago 1:17) Si Jehova ay hindi nagbabago at laging maaasahan, maging sa pinakamaliliit na detalye. Siya ay “isang Diyos ng katapatan.”—Deuteronomio 32:4.
2. (a) Bakit natin dapat suriin ang ating sarili upang matiyak kung tayo nga ay tapat? (b) Anu-anong tanong tungkol sa katapatan ang isasaalang-alang natin?
2 Paano minamalas ng Diyos ang pagkamaaasahan ng kaniyang mga mananamba? Katulad ng naging pangmalas ni David, na nagsabi tungkol sa kanila: “Ang aking mga mata ay nakatingin sa mga tapat na nasa lupa, upang manahanan silang kasama ko. Ang lumalakad sa paraang walang pagkukulang, siya ang maglilingkod sa akin.” (Awit 101:6) Oo, nalulugod si Jehova sa katapatan ng kaniyang mga lingkod. Makatuwiran nga na isulat ni apostol Pablo: “Ang hinahanap sa mga katiwala ay ang masumpungang tapat ang isang tao.” (1 Corinto 4:2) Ano ba ang nasasangkot sa pagiging tapat? Sa anu-anong pitak ng buhay tayo dapat kumilos nang may katapatan? Anu-ano ang mga pagpapala sa ‘paglakad sa paraang walang pagkukulang’?
Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Maging Tapat
3. Ano ang nagpapatunay kung tayo nga ay tapat?
3 “Si Moises bilang isang tagapaglingkod ay tapat,” ang sabi ng Hebreo 3:5. Bakit masasabing tapat ang propetang si Moises? Sa pagtatayo at pag-aayos ng tabernakulo, “ginawa ni Moises ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Exodo 40:16) Bilang mga mananamba ni Jehova, nagpapakita tayo ng katapatan sa masunuring paglilingkod sa kaniya. Tiyak na kalakip dito ang pananatiling matapat kay Jehova habang hinaharap natin ang mahihirap o matitinding pagsubok. Gayunman, ang pagtatagumpay sa pagharap sa malalaking pagsubok ay hindi siyang tanging salik na magpapatunay sa ating katapatan. “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami,” ang sabi ni Jesus, “at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.” (Lucas 16:10) Dapat tayong manatiling tapat kahit sa waring maliliit na bagay.
4, 5. Ano ang isinisiwalat ng ating katapatan sa “pinakakaunti”?
4 May dalawang dahilan kung bakit mahalaga na maging masunurin sa “pinakakaunti” sa bawat araw. Una, isinisiwalat nito ang ating saloobin sa pagkasoberano ni Jehova. Isipin ang pagsubok sa pagkamatapat ng unang mag-asawa, sina Adan at Eva. Ito ay isang walang kahirap-hirap na kahilingan sa kanila. Yamang makakakuha sila ng lahat ng uri ng pagkain sa hardin ng Eden, ang tanging iiwasan nila ay ang pagkain sa bunga ng iisang punungkahoy lamang—ang “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 2:16, 17) Kung naging tapat sila sa pagsunod sa simpleng utos na iyon, naipakita sana ng unang mag-asawa na sinusuportahan nila ang pamamahala ni Jehova. Ang pagsunod sa mga tagubilin ni Jehova sa ating araw-araw na pamumuhay ay nagpapakita na nasa panig tayo ng soberanya ni Jehova.
5 Ikalawa, ang ating iginagawi sa “pinakakaunti” ay may epekto sa kung paano rin tayo tutugon “sa marami,” samakatuwid nga, kapag napaharap tayo sa mas malalaking isyu sa buhay. Hinggil dito, isaalang-alang ang nangyari kay Daniel at sa kaniyang tatlong tapat na kasamang Hebreo—sina Hananias, Misael, at Azarias. Ipinatapon sila sa Babilonya noong 617 B.C.E. Noong bata pa sila, malamang na mga tin-edyer pa sila noon, dinala ang apat na ito sa maharlikang korte ni Haring Nabucodonosor. Doon, sila ay ‘tinakdaan ng pang-araw-araw na panustos mula sa masasarap na pagkain ng hari at mula sa kaniyang iniinom na alak, upang maalagaan nga sila nang tatlong taon, at sa pagwawakas ng mga ito ay makatayo sila sa harap ng hari.’—Daniel 1:3-5.
6. Anong pagsubok ang napaharap kay Daniel at sa kaniyang tatlong kasamang Hebreo sa maharlikang korte ng Babilonya?
6 Gayunman, ang mga paglalaan ng hari ng Babilonya ay nagharap ng hamon sa apat na kabataang Hebreo. Malamang na kasali sa masasarap na pagkain ng hari ang mga pagkaing ipinagbabawal ng Kautusang Mosaiko. (Deuteronomio 14:3-20) Maaaring hindi wastong napatulo ang dugo ng mga kinatay na hayop, at ang pagkain ng gayong karne ay labag sa Kautusan ng Diyos. (Deuteronomio 12:23-25) Maaaring inihandog din sa mga idolo ang pagkain, yamang kaugalian ito ng mga mananamba sa Babilonya bago kumain ng pansalu-salong pagkain.
7. Ano ang ipinakita ng pagkamasunurin ni Daniel at ng kaniyang tatlong kaibigan?
7 Walang alinlangan na hindi gaanong mahalaga sa maharlikang sambahayan ng hari ng Babilonya ang mga pagbabawal hinggil sa pagkain. Gayunman, taos-pusong ipinasiya ni Daniel at ng kaniyang mga kaibigan na hindi nila dudumhan ang kanilang sarili ng pagkaing ipinagbabawal ng Kautusan ng Diyos sa Israel. Ito ay isang isyu na nagsasangkot ng kanilang pagkamatapat (loyalty) at katapatan (faithfulness) sa Diyos. Kaya humiling sila ng mga gulay na makakain at tubig na maiinom, at ipinagkaloob naman iyon sa kanila. (Daniel 1:9-14) Para sa ilang tao sa ngayon, waring hindi naman mahalaga ang ginawa ng apat na kabataang lalaking iyon. Gayunman, ipinakita ng kanilang pagsunod sa Diyos kung saan sila nakapanig sa isyu hinggil sa pagkasoberano ni Jehova.
8. (a) Anong mahalagang pagsubok sa pagkamatapat ang napaharap sa tatlong Hebreo? (b) Ano ang kinalabasan ng pagsubok, at ano ang ipinakikita nito?
8 Dahil napatunayan silang tapat sa waring hindi gaanong mahalaga, naihanda ang tatlong kaibigan ni Daniel na harapin ang mas malaking pagsubok. Buklatin ang kabanata 3 ng aklat ng Bibliya na Daniel, at basahin kung paano hinarap ng tatlong Hebreo ang parusang kamatayan dahil sa pagtangging sumamba sa ginintuang imahen na itinayo ni Daniel 3:17, 18) Iniligtas ba sila ni Jehova? Namatay ang mga bantay na naghagis sa mga kabataang lalaki sa maapoy na hurno, ngunit ang tatlong tapat na Hebreo ay lumabas nang buháy—anupat hindi man lamang napaso sa init ng hurno! Ang kanilang nakaugaliang katapatan ay tumulong sa kanila na maging handang magtapat sa panahon ng mahalagang pagsubok na iyon. Hindi ba’t inilalarawan nito ang kahalagahan ng pagiging tapat sa maliliit na bagay?
Haring Nabucodonosor. Nang iharap sila sa hari, ipinahayag nila nang may pagtitiwala ang kanilang determinasyon: “Kung magkagayon man, maililigtas kami ng aming Diyos na pinaglilingkuran namin. Mula sa nagniningas na maapoy na hurno at mula sa iyong kamay, O hari, ay ililigtas niya kami. Ngunit kung hindi, talastasin mo, O hari, na hindi ang iyong mga diyos ang paglilingkuran namin, at ang imaheng ginto na itinayo mo ay hindi namin sasambahin.” (Katapatan May Kaugnayan sa “Di-matuwid na Kayamanan”
9. Ano ang konteksto ng mga sinabi ni Jesus na nakaulat sa Lucas 16:10?
9 Bago banggitin ang simulain na ang tapat sa waring maliliit na bagay ay tapat din sa mahahalagang bagay, pinayuhan muna ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig: “Makipagkaibigan kayo sa ganang inyo sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan, upang kapag nabigo ang mga iyon ay tanggapin nila kayo sa walang-hanggang mga tahanang dako.” Kasunod nito, sinabi niya ang tungkol sa katapatan sa pinakakaunti. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Samakatuwid, kung hindi pa ninyo napatutunayang tapat kayo may kaugnayan sa di-matuwid na kayamanan, sino ang magkakatiwala sa inyo niyaong tunay? . . . Walang tagapaglingkod sa bahay ang maaaring maging alipin ng dalawang panginoon; sapagkat, alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maging mga alipin ng Diyos at ng kayamanan.”—Lucas 16:9-13.
10. Paano natin maipakikita ang katapatan sa ating paggamit ng “di-matuwid na mga kayamanan”?
10 Ayon sa konteksto, ang orihinal na pagkakapit ng mga sinabi ni Jesus na masusumpungan sa Lucas 16:10 ay may kinalaman sa paggamit ng “di-matuwid na mga kayamanan,” ang ating materyal na tinataglay o pag-aari. Tinatawag itong di-matuwid dahil ang materyal na mga kayamanan—partikular na ang salapi—ay nasa ilalim ng kontrol ng makasalanang mga tao. Bukod diyan, ang pagnanasang magkamal ng kayamanan ay maaaring umakay sa di-matuwid na mga gawa. Ipinakikita natin ang katapatan kapag ipinamamalas natin ang karunungan sa paggamit ng ating materyal na mga pag-aari. Sa halip na gamitin ang mga ito sa sakim na mga layunin, nais nating gamitin ang mga ito sa pagpapalaganap ng kapakanan ng Kaharian at sa pagtulong sa mga nangangailangan. Kapag tapat tayo sa ganitong paraan, nakikipagkaibigan tayo sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, ang mga may-ari ng “walang-hanggang mga tahanang dako.” Tatanggapin nila tayo sa mga dakong ito, anupat pagkakalooban tayo ng walang-hanggang buhay sa langit o sa Paraiso sa lupa.
11. Bakit hindi tayo dapat mag-atubiling ipaliwanag sa mga may-bahay na tumatanggap tayo ng mga kontribusyon para sa pandaigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova?
11 Isaalang-alang din ang ating paanyaya sa mga taong binibigyan natin ng mga Bibliya o salig-Bibliyang mga literatura kapag inihahayag natin ang mensahe ng Kaharian at ipinaliliwanag sa kanila na tumatanggap tayo ng mga kontribusyon para sa pandaigdig na gawain ng bayan ni Jehova. Hindi ba’t binibigyan natin sila ng pagkakataong gamitin nang may karunungan ang kanilang materyal na mga pag-aari? Bagaman ang orihinal na pagkakapit ng Lucas 16:10 ay may kaugnayan sa paggamit ng materyal na mga pag-aari, ang simulaing nakasaad doon ay kumakapit din sa iba pang pitak ng buhay.
Talagang Mahalaga ang Pagkamatapat
12, 13. Sa anu-anong larangan natin maipamamalas ang pagkamatapat?
12 Sumulat si apostol Pablo: “Nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi, yamang nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Tiyak na kasali “sa lahat ng bagay” ang lahat ng may kaugnayan sa pangangasiwa sa salapi. Maagap at matapat nating binabayaran ang ating mga utang at mga buwis. Bakit? Ginagawa natin ito dahil sa ating budhi at pangunahin nang dahil sa pag-ibig sa Diyos at bilang pagsunod sa kaniyang mga tagubilin. (Roma 13:5, 6) Ano ang reaksiyon natin kapag nakasumpong tayo ng isang bagay na hindi sa atin? Sinisikap natin itong ibalik sa tunay na may-ari. Kay-inam na patotoo nga ang ibinubunga nito kapag ipinaliliwanag natin kung ano ang nag-udyok sa atin upang ibalik ang pag-aari ng indibiduwal!
13 Ang pagiging tapat (faithful) at matapat (honest) sa lahat ng bagay ay humihiling ng pagkamatapat (honesty) sa dakong pinagtatrabahuhan natin. Ang pagkamatapat sa ating mga kaugalian sa trabaho ay umaakay ng pansin sa uri ng Diyos na kinakatawanan natin. Hindi tayo “nagnanakaw” ng panahon sa pamamagitan ng pagiging tamad. Sa halip, nagtatrabaho tayo nang masikap, na gaya ng kay Jehova. (Efeso 4:28; Colosas 3:23) Tinataya na sa isang lupain sa Europa, sangkatlo ng mga empleado ang may-pandarayang humihingi ng liham sa doktor upang mabigyan ng awtorisasyon na makapagbakasyon dahil sa pagkakasakit. Ang tunay na mga lingkod ng Diyos ay hindi nagdadahilan upang makaiwas sa pagtatrabaho. Kung minsan, itinataas ang posisyon ng mga Saksi ni Jehova dahil nakikita ng mga amo ang kanilang pagkamatapat at masikap na pagtatrabaho.—Kawikaan 10:4.
Katapatan sa Ating Ministeryong Kristiyano
14, 15. Anu-ano ang ilang paraan na mapatutunayan nating tapat nga tayo sa ministeryong Kristiyano?
14 Paano natin ipinakikita ang katapatan sa ministeryong ipinagkatiwala sa atin? “Lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri,” ang sabi ng Bibliya, “samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Ang pangunahing paraan upang ipakita ang katapatan sa ministeryo sa larangan ay ang regular na pakikibahagi rito. Bakit naman kailangan pa nating palampasin ang isang buwan nang hindi nagpapatotoo tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin? Ang regular na pakikibahagi sa gawaing pangangaral ay nakatutulong din upang mapaunlad ang ating mga kasanayan at ang ating pagiging mabisa sa ministeryo.
15 Ang isa pang mainam na paraan upang ipakita ang katapatan sa paglilingkod sa larangan ay ang pagkakapit ng mga mungkahing masusumpungan sa Ang Bantayan at sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Kapag inihahanda at ginagamit natin ang mungkahing mga presentasyon o ang iba pang makatotohanang presentasyon, hindi ba’t nagiging mas mabunga ang ating ministeryo? Kapag may natatagpuan tayong nagpapakita ng interes sa mensahe ng Kaharian, maagap ba nating sinusubaybayan ang ipinakitang interes? At kumusta naman ang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya na maaaring mapasimulan natin sa mga taong interesado? Tayo ba ay maaasahan at tapat sa pagdaraos ng mga ito? Ang pagpapatunay na tapat tayo sa ministeryo ay maaaring umakay sa atin at sa mga nakikinig sa atin tungo sa buhay.—1 Timoteo 4:15, 16.
Pananatiling Hiwalay sa Sanlibutan
16, 17. Sa anu-anong paraan natin maipakikitang hiwalay tayo sa sanlibutan?
16 Sa pananalangin sa Diyos, sinabi ni Jesus Juan 17:14-16) Maaaring may-katatagan at determinado tayong manatiling hiwalay sa sanlibutan pagdating sa malalaking isyu, tulad ng neutralidad, relihiyosong mga kapistahan at kaugalian, at imoralidad. Subalit, kumusta naman pagdating sa mas maliliit na bagay? Posible kaya na bagaman hindi natin namamalayan, naiimpluwensiyahan na pala tayo ng mga daan ng sanlibutan? Halimbawa, kung hindi tayo mag-iingat, napakadali ngang maging di-kagalang-galang at di-angkop ang ating paraan ng pananamit! Ang pagiging tapat ay humihiling ng “kahinhinan at katinuan ng pag-iisip” kung tungkol sa pananamit at pag-aayos. (1 Timoteo 2:9, 10) Oo, “sa anumang paraan ay hindi [tayo] nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang ang [ating] ministeryo ay huwag makitaan ng pagkakamali; kundi sa bawat paraan ay inirerekomenda [natin] ang [ating] sarili bilang mga ministro ng Diyos.”—2 Corinto 6:3, 4.
tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita, ngunit ang sanlibutan ay napoot sa kanila, sapagkat hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan. Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (17 Dahil sa hangaring parangalan si Jehova, nagdaramit tayo nang kagalang-galang sa mga pulong ng ating kongregasyon. Gayundin ang ginagawa natin kapag nagtitipon tayo bilang malalaking grupo sa ating mga asamblea at kombensiyon. Kailangang maging praktikal at presentable ang ating pananamit. Nagsisilbi itong patotoo sa iba na nagmamasid sa atin. Maging ang mga anghel ay nagbibigay-pansin sa ating gawain, gaya ng ginawa nila kay Pablo at sa kaniyang mga kasamang Kristiyano. (1 Corinto 4:9) Sa katunayan, dapat na laging angkop ang ating pananamit. Para sa ilan, ang katapatan sa pagpili ng damit ay waring maliit na bagay lamang, ngunit mahalaga ito sa paningin ng Diyos.
Mga Pagpapala Dahil sa Katapatan
18, 19. Anu-anong pagpapala ang ibinubunga ng katapatan?
18 Tinutukoy ang tunay na mga Kristiyano bilang “mabubuting katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.” Dahil dito, sila ay “umaasa sa lakas na inilalaan ng Diyos.” (1 Pedro 4:10, 11) Bukod dito, bilang mga katiwala, ipinagkatiwala sa atin ang hindi natin personal na pag-aari—ang mga kapahayagan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, lakip na ang ministeryo. Bilang patunay na tayo ay mabubuting katiwala, umaasa tayo sa lakas na inilalaan ng Diyos, “ang lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Kay-inam ngang pagsasanay ito na tutulong sa atin na harapin ang anumang pagsubok na maaaring dumating!
19 Umawit ang salmista: “O ibigin ninyo si Jehova, ninyong lahat na matapat sa kaniya. Ang mga tapat ay iniingatan ni Jehova.” (Awit 31:23) Maging determinado tayo na patunayang tayo ay tapat, anupat lubusang nagtitiwala na si Jehova ang “siyang Tagapagligtas ng lahat ng uri ng mga tao, lalo na ng mga tapat.”—1 Timoteo 4:10.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit tayo dapat maging “tapat sa pinakakaunti”?
• Paano natin mapatutunayang tayo ay tapat (faithful)
may kaugnayan sa pagkamatapat (honesty)?
sa ministeryo?
sa pananatiling hiwalay sa sanlibutan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 26]
Tapat sa pinakakaunti, tapat din sa marami
[Larawan sa pahina 29]
‘Gumawi kayo nang matapat sa lahat ng bagay’
[Larawan sa pahina 29]
Ang isang mainam na paraan upang ipakita ang katapatan ay maghandang mabuti sa ministeryo sa larangan
[Larawan sa pahina 30]
Maging mahinhin sa pananamit at pag-aayos