Tamang mga Turo—Saan Mo Ito Masusumpungan?
Tamang mga Turo—Saan Mo Ito Masusumpungan?
PINAIIKOT ng isang lalaki sa Tibet ang isang maliit na tambol na naglalaman ng nakasulat na mga panalangin. Naniniwala siyang nauulit ang kaniyang mga panalangin sa bawat ikot ng maliit na tambol. Sa isang maluwang na bahay sa India, isang kuwarto ang ibinukod para sa pagsasagawa ng puja—pagsamba na maaaring may lakip na paghahandog ng insenso, mga bulaklak, at iba pang mga bagay sa mga imahen ng iba’t ibang diyos at diyosa. Sa Italya na libu-libong kilometro ang layo, isang babae ang nasa loob ng marangyang simbahan at nakaluhod sa harap ng imahen ni Maria, ang ina ni Jesus, habang hawak ang isang rosaryo.
Marahil ay nakita mo na mismo ang impluwensiya ng relihiyon sa buhay ng mga tao. “Ang relihiyon . . . noon pa man at hanggang ngayon, ang pinakabuhay ng mga lipunan sa buong daigdig,” ang sabi ng aklat na The World’s Religions—Understanding the Living Faiths. Sa aklat na God—A Brief History, ganito ang obserbasyon ng awtor na si John Bowker: “Wala pang lipunan ng tao na hindi kumilalang may Diyos, na kadalasa’y isa na sumusupil at lumalalang. Totoo ito kahit sa mga lipunan na sa simula pa lamang ay hindi na relihiyoso.”
Oo, naimpluwensiyahan ng relihiyon ang buhay ng milyun-milyong tao. Hindi ba’t ito’y isang matibay na ebidensiya na ang tao ay may pangangailangan at pananabik sa espirituwal na bagay? Sa kaniyang aklat na The Undiscovered Self, tinukoy ni Dr. Carl G. Jung, isang tanyag na sikologo, ang pangangailangan ng tao na sumamba sa nakatataas na kapangyarihan at sinabi na “nakikita ang mga katibayan nito sa buong kasaysayan ng tao.”
Subalit maraming tao ang hindi naniniwala sa Diyos at walang interes sa relihiyon. Ang pangunahing dahilan ng ilang nag-aalinlangan o tumatanggi sa pag-iral ng Diyos ay sapagkat hindi
nasasapatan ng mga relihiyong kilala nila ang kanilang espirituwal na pangangailangan. Ang relihiyon ay binigyang-katuturan bilang “debosyon sa isang simulain; ganap na kadalisayan o katapatan; lubos na pagkamasunurin; taimtim na pagmamahal o pagkagiliw.” Sa katuturang ito, halos lahat ay nagpapamalas ng isang anyo ng relihiyosong debosyon sa kaniyang buhay. Pati na ang mga ateista.Sa loob ng libu-libong taóng kasaysayan ng tao, ang pagtatangka ng tao na masapatan ang kaniyang espirituwal na pangangailangan ay umakay sa kaniya sa maraming iba’t ibang relihiyon. Nagkaroon tuloy ng napakaraming iba’t ibang pananaw sa relihiyon sa buong daigdig. Halimbawa, bagaman halos lahat ng relihiyon ay nagtataguyod ng paniniwala sa isang nakatataas na kapangyarihan, iba-iba naman ang kanilang konsepto sa kung sino o kung ano ang isang iyon. Idiniriin din ng karamihan sa mga relihiyon ang kahalagahan ng kaligtasan o kalayaan. Subalit nagkakaiba-iba ang kanilang mga turo sa kung ano ang kaligtasan at kung paano ito matatamo. Sa napakaraming iba’t ibang paniniwalang ito, paano kaya natin makikilala ang tamang mga turo na nakalulugod sa Diyos?