Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Walang Asawa at Kontento sa Paglilingkod kay Jehova

Walang Asawa at Kontento sa Paglilingkod kay Jehova

Walang Asawa at Kontento sa Paglilingkod kay Jehova

“NAPAKARAMI sa atin ang lubos na maligaya kahit walang asawa,” ang sabi ng isang dalagang Kristiyano sa Espanya. Ano kaya ang dahilan ng kaniyang pagkakontento? “Gustung-gusto nating maging malaya sa maraming kabalisahan upang lubusan tayong makapaglingkod sa ating Diyos na si Jehova.”

Ang saloobing iyan ay kasuwato ng sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa pagiging walang asawa. Nang talakayin ni apostol Pablo ang tungkol sa pag-aasawa, binanggit niya ang kinasihang kaunawaang ito: “Sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo, mabuti para sa kanila na manatili silang gaya ko rin naman.” Si Pablo mismo ay walang asawa. Subalit anong dahilan ang kaniyang ibinigay nang imungkahi niya ang pagiging walang asawa? Ipinaliwanag niya na ang may-asawa ay nababahagi, samantalang ang walang asawa ay “nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon.” (1 Corinto 7:8, 32-34) Ang paglilingkod kay Jehova ang pangunahing dahilan ng pagiging maligaya at kontento ng isang taong walang asawa.

Pagiging Walang Asawa na May Marangal na Layunin

Ang komento ni Pablo ay maaaring maging palaisipan sa mga kulturang nagdiriin sa kahalagahan ng pag-aasawa at pagkakaroon ng pamilya. Subalit binanggit ni Jesu-Kristo​—isa ring walang asawa ngunit maligaya at kontento​—ang isang marangal na layunin para sa mga Kristiyanong walang asawa. Ang sabi niya: “May mga bating na ginawang bating ang kanilang sarili dahil sa kaharian ng langit. Siya na makapaglalaan ng dako para rito ay maglaan ng dako para rito.”​—Mateo 19:12.

Kasuwato ng mga salitang iyan, nasumpungan nga ng marami na dahil wala silang asawa, nakapaglilingkod sila sa Diyos nang walang abala na karaniwang problema ng mga may asawa. (1 Corinto 7:35) Libu-libong Kristiyano ang maligayang sumasamba kay Jehova nang walang asawa, at nakasusumpong sila ng kagalakan sa masiglang pagtulong sa iba. *

Maraming walang asawang Kristiyano ang nakababatid na hindi lahat ng may asawa ay maligaya at hindi lahat ng walang asawa ay malungkot. May asawa man o wala, ang ilan ay dumaranas ng kaligayahan at kalungkutan paminsan-minsan. Sa katunayan, makatotohanang binabanggit sa Bibliya na ang pag-aasawa mismo ay nagdudulot ng ‘kapighatian sa laman.’​—1 Corinto 7:28.

Walang Asawa Dahil sa Kalagayan

Marami ang walang asawa, hindi dahil gusto nila iyon kundi dahil sa mga kalagayan. Maaaring pangarap din nilang madama ang paglalambingan, pagsasamahan, at pagmamahalan na tinatamasa ng mga mag-asawa. Subalit para sa ilan, ang pinansiyal o iba pang mga dahilan ang maaaring humadlang sa pag-aasawa sa kasalukuyan. Ang ilang Kristiyano​—marami sa kanila ay minamahal na mga kapatid na babae sa espirituwal​—ay nananatiling walang asawa dahil determinado silang sundin ang payo ng Bibliya na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) May-katapatan silang naghahanap ng mapapangasawa tangi lamang sa mga nakaalay at bautisadong mananamba ni Jehova.

Kung minsan, nalulungkot ang ilan sa mga indibiduwal na ito. Matapos aminin na ganito nga ang nadarama niya, isang dalagang Kristiyano ang nagsabi: “Alam namin ang kautusan ni Jehova at ayaw naming sumamâ ang loob ni Jehova sa anumang paraan. Maaaring gusto rin naming may makasama sa buhay, pero paulit-ulit man kaming ‘ireto’ ng mga tagasanlibutan, naninindigan pa rin kami. Ni ayaw nga naming makasama ang mga di-sumasampalataya.” Pinapupurihan ang gayong mga Kristiyano dahil sa pagkakapit sa payo ng Bibliya at pag-iingat ng matataas na pamantayang moral upang mapaluguran si Jehova sa kabila ng anumang emosyonal na kabagabagan na maaaring nararanasan nila.

Saganang Tulong ng Diyos

Matapat si Jehova sa mga nagpapakita ng pagkamatapat sa kaniya may kaugnayan sa mga bagay na gaya ng pagtangging magpakasal sa mga indibiduwal na hindi naglilingkod sa kaniya. Mula sa sariling karanasan, makapagpapatotoo si Haring David: “Sa matapat ay kikilos ka [Jehova] nang may pagkamatapat.” (Awit 18:25) At sa mga tapat na sumusunod sa kaniya, ang Diyos ay nangangako: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5) Sa pagtulad kay Jehova, makapagbibigay rin tayo ng saganang papuri sa mga Kristiyanong walang asawa na buong-katapatang nanghahawakan sa Salita ng Diyos anuman ang kanilang edad. Maipananalangin din natin na sana’y palakasin sila ni Jehova upang maharap ang mga hamon sa kanila.​—Hukom 11:30-40.

Natuklasan ng maraming Kristiyanong walang asawa na nagiging makabuluhan ang kanilang buhay dahil sa lubos na pakikibahagi sa pagtuturo ng Bibliya. Halimbawa, isaalang-alang natin si Patricia na isang dalagang payunir o buong-panahong ebanghelisador na mga edad 35. Ang sabi niya: “Bagaman may mga pagsubok ang pagiging walang asawa, nagkaroon naman ako ng pagkakataong maging regular pioneer. Dahil wala akong asawa, mas madaling ibagay ang aking iskedyul, kaya naman mas marami tuloy akong oras para mag-aral. Natutuhan ko ring higit na umasa kay Jehova, lalo na sa mahihirap na panahon.”

Ang mga pananaw na ito ay salig sa nakapagpapatibay na pangako ng Bibliya: “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.” (Awit 37:5) Oo, lahat ng tapat na mananamba ni Jehova, may asawa man o wala, ay makasusumpong ng kaaliwan at lakas sa kinasihang mga salita: “Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova.”​—Awit 121:2.

[Talababa]

^ par. 7 Tingnan ang 2005 Calendar of Jehovah’s Witnesses, July/​August.

[Blurb sa pahina 9]

“Ang lalaking walang asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng Panginoon.”​—1 CORINTO 7:32

[Kahon sa pahina 8]

GINAGAWANG KAPAKI-PAKINABANG ANG PAGIGING WALANG ASAWA

Si Jesus, na hindi kailanman nag-asawa, ay nagsabi: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.”​—Juan 4:34.

Ang apat na dalagang anak ni Felipe ay patuloy na naging abala sa ‘panghuhula.’​—Gawa 21:8, 9.

Ang mga dalagang Kristiyano na naghahayag ng mensahe ng Kaharian ay bahagi ng ‘malaking hukbo ng mga babaing naghahayag ng mabuting balita.’​—Awit 68:11.