Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masusumpungan Mo ang Kagalakan sa Tulong ng Bibliya

Masusumpungan Mo ang Kagalakan sa Tulong ng Bibliya

Masusumpungan Mo ang Kagalakan sa Tulong ng Bibliya

BAGAMAN hindi isang manwal sa medisina, may binabanggit ang Bibliya hinggil sa epekto ng damdamin​—positibo man o negatibo​—​sa mental at pisikal na kalusugan ng isang tao. “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit ang bagbag na espiritu ay tumutuyo ng mga buto.” Bukod diyan, mababasa natin: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” (Kawikaan 17:22; 24:10) Maaaring masaid ang ating lakas dahil sa pagkasira ng loob, anupat pinahihina at isinasapanganib tayo kasabay ng pagkawala ng hangaring magbago o humingi ng tulong.

Maaari ring maapektuhan ang espirituwalidad ng isang tao dahil sa pagkasira ng loob. Ang mga taong nag-aakala na wala silang halaga ay madalas makadama na hindi sila kailanman makapagtatamasa ng mabuting kaugnayan sa Diyos at makatatanggap ng pagpapala niya. Nag-alinlangan si Simone, binanggit sa naunang artikulo, kung siya ang “uri ng tao na sasang-ayunan ng Diyos.” Gayunman, kapag sinuri natin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, malalaman natin na sinasang-ayunan ng Diyos ang mga nagsisikap na palugdan siya.

Talagang Nagmamalasakit ang Diyos

Sinasabi sa atin ng Bibliya na “si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” Hindi hinahamak ng Diyos “ang pusong wasak at durog,” kundi nangangako siya na ‘panunumbalikin ang espiritu ng mga maralita at panunumbalikin ang puso ng mga sinisiil.’​—Awit 34:18; 51:17; Isaias 57:15.

Sa isang pagkakataon, napansin ng Anak ng Diyos na si Jesus na kailangang ipaliwanag sa kaniyang mga alagad ang katotohanan na nakikita ng Diyos ang mabuti sa mga lingkod Niya. Sa pamamagitan ng ilustrasyon, inilahad niya na alam ng Diyos kapag nahuhulog sa lupa ang isang maya​—isang bagay na para sa karamihan ng mga tao ay di-gaanong mahalaga. Idiniin din niya na alam ng Diyos ang pinakamaliit na detalye tungkol sa mga tao, kahit ang bilang ng mga buhok sa kanilang ulo. Tinapos ni Jesus ang kaniyang ilustrasyon sa pagsasabi: “Kaya nga huwag kayong matakot: nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya.” (Mateo 10:29-31) * Ipinahiwatig ni Jesus na anuman ang palagay ng mga indibiduwal sa kanilang sarili, mahalaga sa paningin ng Diyos ang mga taong may pananampalataya. Sa katunayan, pinaaalalahanan tayo ni apostol Pedro na “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”​—Gawa 10:34, 35.

Panatilihin ang Pagiging Timbang

Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na linangin ang timbang na pangmalas sa ating sarili. Sa ilalim ng pagkasi, sumulat si apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan na ibinigay sa akin ay sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan, ang bawat isa ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi sa kaniya ng Diyos.”​—Roma 12:3.

Mangyari pa, hindi natin iisipin na masyado na tayong mataas anupat nagiging hambog na tayo; ni nanaisin ang kabaligtaran nito at isipin na wala tayong halaga. Sa halip, tunguhin nating maglinang ng makatuwirang pangmalas sa ating sarili, isang pangmalas na nagsasaalang-alang sa ating kalakasan at mga limitasyon. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang Kristiyanong babae: “Hindi ako ubod-samâ; hindi rin naman ako sakdal. May magaganda akong katangian at mayroon din namang pangit, at ganoon tayong lahat.”

Siyempre pa, madaling sabihin pero mahirap gawin ang pagkakaroon ng gayong timbang na pananaw. Baka kailanganin ang malaking pagsisikap upang mapawi ang labis na negatibong pangmalas sa ating sarili na maaaring nalinang na natin sa loob ng maraming taon. Gayunpaman, sa tulong ng Diyos, mababago pa natin ang ating personalidad at ang ating pangmalas sa buhay. Sa katunayan, ito ang ipinagagawa sa atin ng Salita ng Diyos. Mababasa natin: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi at na pinasasamâ ayon sa kaniyang mapanlinlang na mga pagnanasa; ngunit magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”​—Efeso 4:22-24.

Sa pagsisikap na baguhin ang ‘puwersa na nagpapakilos sa ating pag-iisip,’ samakatuwid nga, ang nangingibabaw na hilig ng ating isip, mababago natin ang ating personalidad mula sa pagiging labis na negatibo tungo sa pagiging positibo. Naunawaan ni Lena, binanggit sa naunang artikulo, na hangga’t hindi niya inaalis sa kaniyang isip na walang maaaring umibig sa kaniya o tumulong sa kaniya, walang makapagpapabago sa kaniyang nadarama tungkol sa kaniyang sarili. Anong praktikal na payo sa Bibliya ang nakatulong kina Lena, Simone, at sa iba pa para makapagbago?

Mga Simulain sa Bibliya na Nagpapasidhi ng Kagalakan

“Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Pangunahin nang masusumpungan natin ang tunay na kagalakan sa tulong ng panalangin. Sinabi ni Simone: “Kapag nasisiraan ako ng loob, nananalangin ako kay Jehova at humihingi ng tulong sa kaniya. Wala pang situwasyon na hindi ko nadama ang kaniyang lakas at patnubay.” Nang himukin tayo ng salmista na ihagis ang ating pasanin kay Jehova, sa diwa ay ipinaaalaala sa atin na hindi lamang nagmamalasakit si Jehova sa atin kundi minamalas din niya tayo bilang mga indibiduwal na karapat-dapat sa kaniyang tulong at alalay. Noong gabi ng Paskuwa 33 C.E., napighati ang mga alagad ni Jesus dahil sa sinabi ni Jesus hinggil sa nalalapit niyang paglisan. Hinimok sila ni Jesus na manalangin sa Ama, at pagkatapos ay sinabi pa: “Humingi kayo at kayo ay tatanggap, upang ang inyong kagalakan ay malubos.”​—Juan 16:23, 24.

“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Gaya ng itinuro ni Jesus, ang pagbibigay ay isang susi para masumpungan ang tunay na kagalakan sa buhay. Ang pagkakapit sa katotohanang ito sa Bibliya ay tumutulong sa atin na magtuon ng pansin sa mga pangangailangan ng iba sa halip na sa ating sariling mga kakulangan. Kapag tumutulong tayo sa iba at pinahahalagahan nila ito, nasisiyahan tayo. Kumbinsido si Lena na ang regular na pagbabahagi ng mabuting balita mula sa Bibliya sa mga tao ay tumutulong sa kaniya sa dalawang paraan. “Una, nagdudulot ito sa akin ng uri ng kaligayahan at kasiyahan na binanggit ni Jesus,” ang sabi niya. “Ikalawa, nakatatanggap ako ng maraming positibong reaksiyon mula sa iba, na tumutulong naman sa akin na makasumpong ng kagalakan.” Kung bukás-palad tayong tumutulong sa iba, mararanasan natin ang katotohanan ng Kawikaan 11:25: “Ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.”

“Ang lahat ng mga araw ng isang napipighati ay masama; ngunit ang may mabuting puso ay laging may piging.” (Kawikaan 15:15) Tayong lahat ay may mapagpipilian kung paano natin mamalasin ang ating sarili at ang ating kalagayan. Maaari tayong maging katulad ng isa na ang tingin sa lahat ng bagay ay negatibo kaya naman napipighati siya, o maaari nating piliin na mag-isip sa positibong paraan, magtaglay ng “mabuting puso,” at maging masaya na parang tayo ay nasa piging. Sinabi ni Simone: “Sinisikap kong maging laging positibo hangga’t maaari. Lagi akong nagpapakaabala sa personal na pag-aaral at sa ministeryo, at nagtitiyaga ako sa pananalangin. Sinisikap ko ring makasama ang mga taong may positibong saloobin, at sinisikap kong makatulong sa iba.” Ang gayong saloobin ay umaakay sa tunay na kagalakan, gaya nga ng hinihimok sa atin ng Bibliya: “Magsaya kayo kay Jehova at magalak, kayong mga matuwid; at humiyaw kayo nang may kagalakan, lahat kayong matapat ang puso.”​—Awit 32:11.

“Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Ang pagtatapat ng damdamin sa isang minamahal o sa isang pinagkakatiwalaang tagapayo ay makatutulong sa atin na makayanan at mapagtagumpayan ang negatibong mga damdamin bago tayo madaig ng mga ito. Ang pakikipag-usap sa iba ay makatutulong sa atin na makita ang mga bagay-bagay mula sa timbang at positibong pangmalas. “Malaking tulong ang pakikipag-usap,” ang pag-amin ni Simone. “Kailangang may mapagtapatan ka ng iyong nadarama. Kadalasan, sapat nang maibulalas mo ang iyong damdamin.” Ang paggawa nito ay tutulong sa iyo na maranasan ang katotohanan ng kawikaan na nagsasabi: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.”​—Kawikaan 12:25.

Kung Ano ang Magagawa Mo

Natalakay natin ang ilan lamang sa maraming napakainam at praktikal na mga simulain mula sa Bibliya na makatutulong sa atin na mapagtagumpayan ang negatibong mga damdamin at masumpungan ang tunay na kagalakan. Kung isa ka sa mga nakikipaglaban sa pagkadama na ikaw ay walang kakayahan, hinihimok ka namin na suriin pang mabuti ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Pag-aralang linangin ang makatotohanan at timbang na pangmalas sa iyong sarili at sa iyong kaugnayan sa Diyos. Taimtim kaming umaasa na sa tulong ng patnubay mula sa Salita ng Diyos, masumpungan mo ang tunay na kagalakan sa lahat ng gagawin mo.

[Talababa]

^ par. 6 Ang bahaging ito ng Kasulatan ay detalyadong tinatalakay sa pahina 22 at 23.

[Larawan sa pahina 7]

Nagdudulot ng kagalakan ang pamumuhay kaayon ng mga simulain sa Bibliya