Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ang salita bang ‘baka sakali’ sa Zefanias 2:3 ay nangangahulugang hindi nakatitiyak ang mga lingkod ng Diyos kung tatanggap sila ng buhay na walang hanggan?
Ang tekstong ito ay kababasahan: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsasagawa ng Kaniyang hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” Bakit kaya sinabi sa talatang ito na ‘baka sakali’?
Upang maunawaan kung paano pakikitunguhan ni Jehova sa Armagedon ang mga tapat sa kaniya, makatutulong kung babalikan natin ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa gagawin ng Diyos sa mga namatay bago ang panahong iyon ng paghuhukom. Ang ilan ay bubuhaying muli tungo sa imortal na buhay bilang espiritung mga nilalang sa langit, samantalang ang iba naman ay bubuhaying muli sa lupa taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso. (Juan 5:28, 29; 1 Corinto 15:53, 54) Kung inaalaala at ginagantimpalaan ni Jehova ang mga tapat sa kaniya na namatay bago ang Armagedon, tiyak na gayundin ang gagawin niya sa kaniyang mga lingkod na inabutang buháy sa araw ng kaniyang galit.
Nakapagpapatibay rin ang kinasihang mga salita ni apostol Pedro. Sumulat siya: “Iningatang ligtas [ng Diyos] si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos; at sa pagpapaging-abo sa mga lunsod ng Sodoma at Gomorra ay hinatulan niya sila, . . . at iniligtas niya ang matuwid na si Lot . . . alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok, at magtaan naman ng mga taong di-matuwid upang lipulin sa araw ng paghuhukom.” (2 Pedro 2:5-9) Bagaman noon ay nagpasapit si Jehova ng kapuksaan sa mga balakyot, pinanatili niyang buháy sina Noe at Lot, na naglingkod sa kaniya nang tapat. Ililigtas din ni Jehova ang mga taong may makadiyos na debosyon kapag nagpasapit siya ng kapuksaan sa mga balakyot sa Armagedon. “Isang malaking pulutong” ng mga matuwid ang makaliligtas.—Apocalipsis 7:9, 14.
Kung gayon, sa wari’y ginamit ang ‘baka sakali’ sa Zefanias 2:3 hindi dahil sa anumang pag-aalinlangan sa kakayahan ng Diyos na maingatan yaong mga sinasang-ayunan niya. Sa halip, nagiging posible lamang na makubli ang isang tao sa araw ng galit ni Jehova kapag nagsimula na siyang humanap ng katuwiran at kaamuan. Ang kaligtasan ay magiging depende sa patuloy na paghanap ng indibiduwal sa kaamuan at katuwiran.—Zefanias 2:3.
[Larawan sa pahina 31]
“Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok”