Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakikipaglaban Ka ba sa Iyong Damdamin?

Nakikipaglaban Ka ba sa Iyong Damdamin?

Nakikipaglaban Ka ba sa Iyong Damdamin?

SA KALAKHANG bahagi ng kaniyang buhay, nakipagpunyagi si Lena sa negatibong damdamin hinggil sa kaniyang sarili. “Dahil sa mga taon ng seksuwal na pang-aabuso sa akin noong bata pa ako, nawala ang malaking bahagi ng aking paggalang sa sarili,” ang sabi niya. “Pakiramdam ko’y wala na talaga akong silbi.” Ginunita rin ni Simone ang panahon ng kaniyang kabataan at sinabi, “Pakiramdam ko’y may kulang sa aking pagkatao at sa tingin ko’y hindi ako gaanong mahalaga.” Ang matinding kalungkutan na ibinubunga ng gayong mga damdamin ay waring laganap sa ngayon. Isang organisasyon na nagpapayo sa mga tin-edyer sa pamamagitan ng telepono ang nagsabi na halos kalahati ng tumatawag sa kanila ay nagpapahayag ng “patuloy na pagkadama ng mababang pagpapahalaga sa sarili.”

Ayon sa ilang eksperto, nakadarama ang mga tao na sila’y walang-kakayahan kapag ipinadarama sa kanila ng iba na wala silang halaga. Maaaring mabuo ang gayong kaisipan kapag ang isa ay laging pinagagalitan, labis-labis na dinudusta, o kinakasangkapan. Anuman ang dahilan, nakapanghihina at nakapipinsala pa nga ang mga epekto nito. Natuklasan kamakailan ng medikal na pag-aaral na ang mga indibiduwal na may negatibong damdamin tungkol sa kanilang sarili ay nawawalan ng tiwala sa kanilang sarili at sa iba, anupat nasisira tuloy nila ang matatalik na ugnayan at pagkakaibigan nang hindi nila namamalayan. “Sa diwa,” ang sabi ng ulat hinggil sa pag-aaral na ito, “ ‘nililikha’ nila ang mismong mga situwasyon na lubha nilang kinatatakutan.”

Ang mga taong nakadarama nang ganiyan ay kadalasang biktima ng tinatawag ng Bibliya na sarili nilang “nakababalisang kaisipan.” (Awit 94:19) Nadarama nilang wala na silang ginawang tama. Kapag hindi maganda ang nangyayari, agad nilang sinisisi ang kanilang sarili. Bagaman may pumupuri naman sa kanilang mga nagagawa, pakiramdam nila ay nanlilinlang sila at mabubunyag din sila sa dakong huli. Palibhasa’y naniniwalang hindi sila karapat-dapat maging maligaya, marami ang nagpadaig sa pamiminsala sa sarili na waring hindi na nila kayang ituwid. Si Lena, na binanggit sa pasimula, ay nagkaroon ng malubhang sakit na nauugnay sa pagkain dahil sa kawalan ng paggalang sa sarili, at inamin niya, “Parang wala akong kakayahang baguhin ang anuman.”

Habambuhay na bang makadarama nang ganito ang mga nakikipaglaban sa gayong “nakababalisang kaisipan”? May magagawa pa ba para labanan ang gayong damdamin? Ang Bibliya ay nagbibigay ng mga simulain at praktikal na payo na nakatutulong sa marami upang magtagumpay sa pakikipaglaban. Ano ang ilan sa mga simulaing ito, at paano nakatulong ang mga ito sa mga biktima na makasumpong ng kagalakan sa buhay? Ipaliliwanag ito ng susunod na artikulo.