Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saganang Ginagantimpalaan ni Jehova ang mga Nag-iingat ng Kaniyang Daan

Saganang Ginagantimpalaan ni Jehova ang mga Nag-iingat ng Kaniyang Daan

Saganang Ginagantimpalaan ni Jehova ang mga Nag-iingat ng Kaniyang Daan

AYON SA SALAYSAY NI ROMUALD STAWSKI

Nang magsimula ang ikalawang digmaang pandaigdig noong Setyembre 1939, matindi ang naging labanan sa hilagang Poland. Dahil isa akong mausisang batang lalaki na siyam na taon ang edad, nagtungo ako sa kalapit na larangan ng digmaan upang magmasid. Nakapangingilabot ang nakita ko​—nagkalat sa lupa ang mga bangkay, at punô ng nakasasakal na usok ang paligid. Bagaman ang pangunahing iniisip ko ay kung paano makauuwi nang ligtas, pumasok sa isip ko ang ilang katanungan: “Bakit kaya hinahayaan ng Diyos na mangyari ang ganitong kahila-hilakbot na mga bagay? Kanino kaya siya panig?”

NOONG malapit nang magwakas ang digmaan, sapilitang pinagtrabaho ang mga kabataang lalaki para sa rehimeng Aleman. Sinumang mangahas na tumanggi ay sinasabitan ng karatulang “traidor” o “mananabotahe” sa kaniyang dibdib at binibigti sa isang punungkahoy o sa isang tulay. Ang aming bayan, Gdynia, ay nasa pagitan ng magkalabang hukbo. Nang lumabas kami ng bayan upang umigib ng tubig, humahaging ang mga bala at bomba sa mga ulo namin, at natamaan ang aking nakababatang kapatid na lalaki na si Henryk na ikinamatay niya. Dahil sa kakila-kilabot na mga kalagayang ito, kaming apat na magkakapatid ay dinala ng aming nanay sa isang silong para mailigtas. Doon, ang aking dalawang-taóng-gulang na kapatid na lalaki, si Eugeniusz, ay namatay dahil sa dipterya.

Muli kong naitanong sa aking sarili: “Nasaan ang Diyos? Bakit niya pinahihintulutan ang lahat ng pagdurusang ito?” Bagaman ako ay masigasig na Katoliko at regular na nagsisimba, hindi ko nasumpungan ang mga sagot.

Niyakap Ko ang Katotohanan sa Bibliya

Natanggap ko ang mga sagot sa aking mga tanong mula sa di-inaasahang grupo. Nagwakas ang digmaan noong 1945, at maaga noong 1947, isang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa aming tahanan sa Gdynia. Ang aking nanay ang nakipag-usap sa Saksi, at narinig ko ang ilan sa mga sinabi ng Saksi. Waring makatuwiran ito, kaya pinaunlakan namin ang paanyayang dumalo sa isang Kristiyanong pagpupulong. Pagkalipas lamang ng isang buwan, bagaman hindi ko pa lubusang nauunawaan ang katotohanan sa Bibliya, sumama na ako sa isang lokal na grupo ng mga Saksi at nangaral sa iba tungkol sa isang mas mabuting daigdig, na walang digmaan at kalupitan. Malaking kagalakan ang idinulot nito sa akin.

Noong Setyembre 1947, nabautismuhan ako sa isang pansirkitong asamblea sa Sopot. Nang sumunod na Mayo, nagsimula akong maglingkod bilang regular pioneer, anupat iniukol ang karamihan sa aking panahon sa pangangaral ng mensahe ng Bibliya sa iba. Matindi ang pagsalansang ng lokal na klero sa gawain namin at nagsulsol sila ng karahasan laban sa amin. Minsan, isang galít na pangkat ng mga mang-uumog ang sumalakay sa amin, nambato sa amin, at nambugbog nang husto sa amin. Sa isa pang pagkakataon, hinikayat ng lokal na mga madre at klerigo ang isang grupo ng mga tao upang salakayin kami. Nanganlong kami sa istasyon ng pulisya, ngunit pinalibutan ng mga mang-uumog ang gusali, habang nagbabantang bubugbugin kami. Sa wakas, dumating ang karagdagang mga pulis, at inilayo kami roon na may kasamang napakaraming guwardiya.

Nang panahong iyon, wala pang kongregasyon sa aming lugar. Kung minsan, pinalilipas namin ang magdamag sa kagubatan sa silong ng langit. Maligaya kami na naisasakatuparan namin ang pangangaral sa kabila ng gayong mga kalagayan. Sa ngayon, mayroon nang matatatag na kongregasyon sa lugar na iyon.

Paglilingkod sa Bethel at Pag-aresto

Noong 1949, inanyayahan ako sa Tahanang Bethel sa Łódź. Kaygandang pribilehiyo na makapaglingkod sa gayong lugar! Nakalulungkot, hindi gaanong nagtagal ang pamamalagi ko roon. Noong Hunyo 1950, isang buwan bago opisyal na ipagbawal ang aming gawain, inaresto ako kasama ng iba pang mga kapatid sa Bethel. Dinala ako sa bilangguan, at bilang resulta, buong-kalupitan akong pinagtatanong.

Dahil nagtatrabaho ang aking ama sa isang barko na regular na naglalayag patungong New York, sinikap ng nagsisiyasat na mga opisyal na ipaamin sa akin na naniniktik ang aking ama para sa Estados Unidos. Walang-awa nila akong pinagtatanong. Karagdagan pa, sabay-sabay na sinikap ng apat na opisyal na magpatotoo ako laban kay Brother Wilhelm Scheider, na siyang nangangasiwa noon sa aming gawain sa Poland. Pinagpapalo nila ng makakapal na kahoy ang aking mga sakong. Habang duguan akong nakahiga sa sahig, at parang hindi ko na makakayanan pa, sumigaw ako, “Jehova, tulungan po ninyo ako!” Nagulat ang mga nang-uusig sa akin at huminto sila sa pagpalo sa akin. Pagkalipas lamang ng ilang minuto, nakatulog sila. Naginhawahan ako at muling lumakas. Nakumbinsi ako nito na maibiging tumutugon si Jehova sa kaniyang nakaalay na mga lingkod kapag tumatawag sila sa kaniya. Pinalakas nito ang aking pananampalataya at tinuruan ako na ilagak ang aking buong pagtitiwala sa Diyos.

Inilakip sa huling ulat ng pagsisiyasat ang huwad na patotoo na diumano’y ibinigay ko. Nang magprotesta ako, isang opisyal ang nagsabi sa akin, “Sa korte ka na lang magpaliwanag!” Isang palakaibigang kapuwa bilanggo ang nagpayo sa akin na huwag akong mag-alala, yamang ang huling ulat ay kailangan pang tiyakin ng tagausig na abogado ng militar, na magbibigay ng pagkakataon sa akin upang pabulaanan ang huwad na patotoo. Ganoon nga ang nangyari.

Gawaing Pansirkito at Muling Pagkabilanggo

Pinalaya ako noong Enero 1951. Pagkalipas ng isang buwan, nagsimula akong maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Sa kabila ng pagbabawal, gumawa ako kasama ng ibang mga kapatid upang palakasin ang mga kongregasyon at tulungan ang mga kapuwa Saksi na nangalat dahil sa panseguridad na gawain ng mga pulis. Pinasigla namin ang mga kapatid na magpatuloy sa ministeryo. Sa paglipas ng mga taon, lakas-loob na sinuportahan ng mga kapatid na ito ang mga naglalakbay na tagapangasiwa at palihim na isinagawa ang pag-iimprenta at pamamahagi ng mga literatura sa Bibliya.

Isang araw noong Abril 1951, pagkatapos dumalo sa isang Kristiyanong pagpupulong, nasa lansangan ako nang arestuhin ng mga opisyal na panseguridad na maingat na sumusubaybay sa akin. Dahil hindi ko sinagot ang kanilang mga tanong, dinala nila ako sa isang bilangguan sa Bydgoszcz at pinagtatanong ako nang gabi ring iyon. Inutusan akong tumayo nang nakasandal sa isang pader sa loob ng anim na araw at anim na gabi, nang walang pagkain o inumin habang pinauusukan nang husto sa pamamagitan ng mga sigarilyo ng mga opisyal. Pinaghahampas ako ng pamalo at pinaso ng sigarilyo. Kapag nawawalan ako ng malay, binubuhusan nila ako ng tubig at muli na namang pagtatatanungin. Nagsumamo ako kay Jehova na bigyan ako ng lakas para makapagbata, at inalalayan niya ako.

May mabuting resulta rin ang pananatili ko sa bilangguan sa Bydgoszcz. Doon, naibahagi ko ang katotohanan sa Bibliya sa mga tao na hindi sana mapaaabutan nito. At talaga namang maraming pagkakataon para makapagpatotoo. Dahil sa kanilang malungkot at halos wala nang pag-asang kalagayan, madaling tinanggap ng mga bilanggo ang mabuting balita.

Dalawang Mahalagang Pagbabago

Di-nagtagal matapos akong palayain noong 1952, nakilala ko si Nela, isang masigasig na payunir. Nagpapayunir siya sa timog ng Poland. Nang maglaon, nagtrabaho siya sa “panaderya,” isang lihim na lugar kung saan iniimprenta ang aming mga literatura. Mahirap na trabaho iyon, na nangangailangan ng pagiging alisto at pagsasakripisyo. Nagpakasal kami noong 1954, at nagpatuloy kami sa buong-panahong paglilingkod hanggang sa isilang ang aming anak na babae, si Lidia. Pagkatapos, ipinasiya namin na upang makapagpatuloy ako sa gawaing paglalakbay, hihinto muna si Nela sa buong-panahong paglilingkod, uuwi, at aalagaan ang aming anak.

Nang taon ding iyon, napaharap kami sa isa pang mahalagang pagpapasiya. Inanyayahan akong maglingkod bilang tagapangasiwa ng distrito sa isang rehiyon na sasaklaw sa sangkatlong bahagi ng Poland. May-pananalangin naming isinaalang-alang ang bagay na iyon. Alam ko kung gaano kahalaga na palakasin ang aming mga kapatid na nasa ilalim ng pagbabawal. Maraming kapatid ang inaaresto, kaya kailangang-kailangan ang espirituwal na pampatibay-loob. Sa tulong ni Nela, tinanggap ko ang atas. Tinulungan ako ni Jehova na makapaglingkod sa ganitong tungkulin sa loob ng 38 taon.

Nangasiwa sa “mga Panaderya”

Noong mga panahong iyon, ang tagapangasiwa ng distrito ang may pananagutan sa “mga panaderya,” na matatagpuan sa nakabukod na mga lugar. Palagi kaming sinusubaybayan ng mga pulis, anupat sinisikap na masumpungan at mapahinto ang aming pag-iimprenta. Kung minsan ay nagtatagumpay sila, ngunit hindi kami nagkulang kailanman ng kinakailangang espirituwal na pagkain. Kitang-kita ang pangangalaga sa amin ni Jehova.

Upang maanyayahang makibahagi sa mahirap at mapanganib na trabaho ng pag-iimprenta, ang isang tao ay kailangang maging matapat, alisto, mapagsakripisyo, at masunurin. Ang mga katangiang iyan ang nakatulong upang ligtas na magpatuloy ang operasyon ng isang “panaderya.” Mahirap ding humanap ng angkop na lugar para sa palihim na pag-iimprenta. May ilang lugar na angkop sana, ngunit hindi masyadong maingat ang mga kapatid doon. Sa ibang lugar naman, baligtad ang kalagayan. Handa ang mga kapatid na gumawa ng pambihirang pagsasakripisyo. Talagang pinahahalagahan ko ang lahat ng mga kapatid na lalaki at babae na naging pribilehiyo kong makatrabaho.

Pagtatanggol sa Mabuting Balita

Noong mahihirap na taóng iyon, palagi kaming inaakusahan na diumano’y nakikibahagi sa ilegal at subersibong gawain anupat dinadala kami sa korte. Naging problema ito dahil wala kaming mga abogado na magtatanggol sa amin. May ilang abogado na nakikisimpatiya sa amin, ngunit karamihan sa kanila ay takót sa publisidad at ayaw nilang magalit sa kanila ang mga awtoridad. Gayunman, alam ni Jehova ang aming mga pangangailangan, kaya naman minaniobra niya ang mga bagay-bagay sa takdang panahon.

Si Alojzy Prostak, isang naglalakbay na tagapangasiwa mula sa Kraków, ay labis na pinagmalupitan habang pinagtatatanong anupat kinailangan siyang dalhin sa ospital ng bilangguan. Dahil sa matatag na paninindigan niya sa kabila ng mental at pisikal na pagpapahirap, iginalang at hinangaan siya ng ibang mga bilanggo sa ospital. Isa sa kanila ay isang abogado na nagngangalang Witold Lis-Olszewski, na humanga sa lakas ng loob ni Brother Prostak. Maraming beses itong nakipag-usap sa kaniya at nangako, “Sa sandaling mapalaya ako at pahintulutan akong muling gampanan ang aking propesyon, handa akong ipagtanggol ang mga Saksi ni Jehova.” Tinupad niya ang kaniyang sinabi.

Nagkaroon si Mr. Olszewski ng kaniyang sariling grupo ng mga abogado, at ang kanilang determinasyon na tuparin ang kanilang pangako ay talagang kahanga-hanga. Noong panahon na napakatindi ng pagsalansang, ipinagtanggol nila ang mga kapatid sa humigit-kumulang 30 paglilitis kada buwan​—isa sa bawat araw! Dahil kailangang magkaroon ng malaking kabatiran sa lahat ng kaso si Mr. Olszewski, inatasan akong makipag-ugnayan sa kaniya. Nagtrabaho akong kasama niya sa loob ng pitong taon noong mga dekada ng 1960 at 1970.

Marami akong natutuhan tungkol sa batas noong mga panahong iyon. Madalas kong naoobserbahan ang mga paglilitis, ang mga komento ng mga abogado​—kapuwa positibo at negatibo​—ang mga pamamaraan ng pagtatanggol sa korte, at ang patotoo ng akusadong mga kapananampalataya. Ang lahat ng ito ay naging lubhang kapaki-pakinabang sa pagtulong sa aming mga kapatid, lalo na yaong tinawag bilang mga saksi, upang malaman nila kung ano ang sasabihin at kung kailan mananahimik kapag nasa korte.

Kapag may paglilitis, madalas na nagpapalipas ng magdamag si Mr. Olszewski sa mga tahanan ng mga Saksi ni Jehova. Hindi dahil sa hindi niya kayang umupa ng silid sa otel, kundi gaya ng minsang sinabi niya, “Bago ang paglilitis, gusto ko munang mahawa nang kaunti sa inyong espiritu.” Dahil sa kaniyang tulong, maraming paglilitis ang naipanalo. Ilang beses niya akong ipinagtanggol, at hindi niya ako kailanman pinagbayad. Sa isa pang pagkakataon, tinanggihan niya ang bayad para sa 30 kaso. Bakit? Ang sabi niya, “Gusto kong makatulong kahit kaunti sa inyong gawain.” At hindi iyon biru-birong halaga ng salapi. Napansin ng mga awtoridad ang gawain ng grupo ni Mr. Olszewski, ngunit hindi ito nagpahina sa kaniyang loob na tulungan kami.

Mahirap ilarawan ang mainam na patotoong ibinigay ng aming mga kapatid sa panahon ng mga paglilitis na iyon. Marami ang nagpunta sa mga korte upang obserbahan ang mga paglilitis at upang palakasin ang akusadong mga kapatid. Noong panahon ng pinakamaraming paglilitis, nakabilang ako ng hanggang 30,000 tagasuportang ito sa loob ng isang taon. Tiyak na malaking pulutong nga iyon ng mga Saksi!

Isang Bagong Atas

Pagsapit ng 1989, inalis na ang pagbabawal sa aming gawain. Pagkalipas ng tatlong taon, isang bagong tanggapang pansangay ang itinayo at inialay. Inanyayahan ako roon upang magtrabaho sa Hospital Information Services, isang atas na malugod ko namang tinanggap. Bilang isang grupo na binubuo ng tatlo katao, inalalayan namin ang aming mga kapatid na napaharap sa mga isyu hinggil sa dugo at tinulungan sila na ipagtanggol ang kanilang paninindigan, salig sa kanilang budhing Kristiyano.​—Gawa 15:29.

Kaming mag-asawa ay labis na nagpapahalaga sa pribilehiyong paglingkuran si Jehova sa pangmadlang ministeryo. Lagi akong inaalalayan at pinatitibay-loob ni Nela. Patuloy kong pinahahalagahan na sa tuwing abala ako sa teokratikong mga atas o kapag ibinibilanggo ako, hindi siya kailanman nagreklamo na wala ako sa tahanan. Sa mahihirap na panahon, inaaliw niya ang iba sa halip na nagpapadaig sa kaniyang emosyon.

Halimbawa, noong 1974, inaresto ako kasama ng iba pang mga naglalakbay na tagapangasiwa. Nais sana ng ilang kapatid na nakaaalam nito na ipabatid ito sa aking asawa sa paraang hindi siya mabibigla. Nang makita nila siya, nagtanong sila, “Sister Nela, handa ka bang makarinig ng pinakamasamang balita?” Sa simula, natigilan siya dahil sa takot, sapagkat inakala niyang namatay na ako. Nang malaman niya kung ano talaga ang nangyari, nakahinga siya nang maluwag at sinabi: “Buhay siya! Hindi naman ito ang una niyang pagkabilanggo.” Pagkaraan ay sinabi sa akin ng mga kapatid na lubos silang humanga sa kaniyang positibong saloobin.

Bagaman may masasaklap kaming karanasan noon, lagi kaming saganang ginagantimpalaan ni Jehova sa pag-iingat ng kaniyang daan. Tuwang-tuwa kami na ang aming anak, si Lidia, at ang kaniyang asawa, si Alfred DeRusha, ay naging huwarang Kristiyanong mag-asawa. Napalaki nila ang kanilang mga anak, sina Christopher at Jonathan, upang maging nakaalay na mga lingkod ng Diyos, na nakaragdag pa sa aming kaligayahan. Ang aking kapatid na lalaki na si Ryszard, at ang aking kapatid na babae na si Urszula, ay maraming taon na ring tapat na mga Kristiyano.

Hindi kami kailanman pinabayaan ni Jehova, at gusto naming patuloy na paglingkuran siya nang buong-puso. Personal naming naranasan ang katotohanan ng mga salita sa Awit 37:34: “Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa.” Taos-puso naming inaasam-asam ang panahong iyon.

[Larawan sa pahina 17]

Sa isang asamblea na idinaos sa hardin ng isang kapatid sa Kraków, 1964

[Larawan sa pahina 18]

Kasama ang aking asawang si Nela, at ang aming anak na si Lidia, 1968

[Larawan sa pahina 20]

Kasama ang isang batang Saksi bago ang walang-dugong pag-opera sa kaniyang puso

[Larawan sa pahina 20]

Kasama si Dr. Wites, punong siruhano sa walang-dugong pag-oopera sa puso para sa mga bata, sa isang ospital sa Katowice

[Larawan sa pahina 20]

Kasama si Nela, 2002