Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Agad Sana Silang Napalaya”

“Agad Sana Silang Napalaya”

“Agad Sana Silang Napalaya”

PERSONAL na nakilala ni Geneviève de Gaulle, pamangkin ni Charles de Gaulle, dating presidente ng Pransiya, ang mga Saksi ni Jehova sa kampong piitan ng mga Nazi sa Ravensbrück, hilagang Alemanya. Isinulat niya ang pananalita sa itaas sa isang liham noong Agosto 1945.

Ang mga bilanggo sa kampong piitan sa Auschwitz, Poland ay pinalaya noong Enero 27, 1945. Mula noong 1996, ang petsang ito ay naging isang araw ng pag-alaala ng Alemanya sa mga biktima ng Third Reich ni Hitler.

Sa isang opisyal na talumpati sa pag-alaala noong Enero 27, 2003, ang presidente ng State Parliament ng Baden-Württemberg, si Peter Straub, ay nagkomento: “Ang lahat ng dumanas ng pag-uusig dahil sa kanilang relihiyoso o pulitikal na paniniwala at handang mamatay sa halip na sumunod ay karapat-dapat sa aming matinding paggalang, paggalang na hindi kayang ipahayag ng mga salita. Ang mga Saksi ni Jehova lamang ang tanging relihiyon na talagang hindi pumayag sa mga hinihiling ng rehimen ni Hitler: Hindi sila nagtaas ng kanilang kamay bilang pagsaludo kay Hitler. Hindi sila nanumpa ng katapatan sa ‘Lider (Führer) at Estado,’ at hindi rin sila nagsundalo at naglingkod para kay Hitler. At ang kanilang mga anak ay hindi sumali sa Hitler Youth Movement.”

Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Kaya ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova ay nakasalig lamang sa relihiyosong mga kadahilanan. Nagpatuloy pa si Straub: “Tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang, na kinailangang maglagay ng kulay-purpurang tatsulok sa kanilang damit bilang mga bilanggo sa kampong piitan, ang maaaring magligtas ng kanila mismong sarili mula sa pagkabilanggo at posibleng kamatayan. Ang kailangan lamang nila ay pirmahan ang isang deklarasyon na magtatakwil ng kanilang pananampalataya.”

Para sa nakararaming Saksi, ang pagtatakwil sa kanilang pananampalataya ay imposibleng mangyari. Dahil dito, mga 1,200 sa kanila ang namatay noong panahon ng mga Nazi. Dalawang daan at pitumpu ang pinatay dahil sa pagtutol udyok ng budhi. Hindi lamang nila sinabi, kundi tinupad pa nila ang pananalitang: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naiiba sa karaniwang mga tao, gaya ng sinabi ni Ulrich Schmidt, presidente ng State Parliament ng North Rhine-Westphalia. Sa pagtukoy sa kaniyang talumpati, tinawag sila ng brosyur na Landtag Intern bilang “mga ordinaryong tao na, dahil sa pagsunod sa kanilang budhi, ay nanindigang matatag sa kanilang relihiyosong mga paniniwala, nagpakita ng lakas ng loob bilang mga mamamayan, at tumutol sa ideolohiya ng mga Nazi dahil sa kanilang paninindigang Kristiyano.” Makatitiyak tayo na natutuwa ang Diyos na Jehova sa lahat ng nanindigang matapat sa kaniya sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Mababasa natin sa Kawikaan 27:11: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”

[Picture Credit Line sa pahina 30]

Courtesy of United States Holocaust Memorial Museum