Ang Kalunus-lunos na Epekto ng Kamatayan
Ang Kalunus-lunos na Epekto ng Kamatayan
“ANIM-NA-TAÓNG-GULANG NAGPAKAMATAY.” Ang nakapangingilabot na ulong balitang ito ay tungkol sa kalunus-lunos na pagkamatay ng isang batang babaing nagngangalang Jackie. Kamamatay pa lamang ng nanay niya dahil sa isang sakit na wala nang lunas. Bago magpasagasa sa tren si Jackie, sinabi niya sa kaniyang mga kapatid na gusto niyang ‘maging anghel at makasama ng kanilang nanay.’
Labingwalong taon si Ian nang makiusap siya sa kanilang pari na ipaliwanag sa kaniya kung bakit namatay sa kanser ang tatay niya. Sinabi ng pari na dahil mabuting tao ang tatay ni Ian, gusto ng Diyos na makasama siya sa langit. Matapos marinig ang gayong paliwanag, nagpasiya si Ian na hindi na niya gustong makilala ang gayon kalupit na Diyos. Dahil waring wala namang kabuluhan ang buhay, nagpasiya si Ian na magpakasasa na lamang sa buhay. Dahil dito, napagbalingan niya ang alak, droga, at imoralidad. Nawalan na tuloy ng direksiyon ang kaniyang buhay.
“Batid ng mga Buháy na Sila ay Mamamatay”
Ipinakikita ng dalawang nakapanlulumong insidenteng ito kung paano posibleng sirain ng kamatayan ang buhay ng tao, lalo na kung nangyari ito nang di-inaasahan. Oo nga’t alam ng lahat ang katotohanang ito na nakasaad sa Bibliya: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay.” (Eclesiastes 9:5) Subalit para sa marami, ayaw nilang isipin ang masakit na katotohanang ito. Kumusta ka naman? Napakarami nating dapat pag-ukulan ng panahon at atensiyon sa buhay anupat baka iniiwasan nating isipin ang tungkol sa ating kamatayan na waring malayo pa namang mangyari.
“Ang karamihan sa mga tao ay takót sa kamatayan at iniiwasan nilang isipin ang tungkol dito,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. Gayunman, dahil sa malubhang aksidente o sa nakamamatay na karamdaman, maaaring mapilitan tayong harapin ang kamatayan. O posible ring dahil sa libing ng isang kaibigan o kamag-anak, napaaalalahanan tayo sa masakit na katotohanang naghihintay sa buong sangkatauhan.
Magkagayunman, madalas nating marinig sa libing na sinasabi ng mga namatayan ang ganito, “Tuloy pa rin ang buhay.” At totoo naman. Sa katunayan, napakabilis ng panahon anupat hindi natin namamalayang napapaharap na pala tayo sa mga problemang kaakibat ng pagtanda. Sa pagkakataong ito, hindi na masasabing malayo pa ang kamatayan. Napakaraming libing na dapat puntahan, at napakaraming kamatayan ng matatagal nang kaibigan na mahirap tanggapin. Para sa maraming may-edad na, nangingibabaw ang nakababagabag na tanong, “Ako na kaya ang susunod?”
Malaking Palaisipan
Bagaman hindi maikakaila ng sinuman na talagang sasapit ang kamatayan, ang malaking palaisipan ay kung ano ang nangyayari matapos mamatay. Dahil sa maraming nagkakasalungatang paliwanag, maaaring ituring ng mapag-alinlangan na ang mga ito ay isang walang-saysay na debate tungkol sa isang bagay na walang nakaaalam. Baka ipasiya ng praktikal na tao na yamang “minsan ka lang mabuhay,” magpakasasa ka na sa magagandang bagay sa buhay hangga’t gusto mo.
Sa kabaligtaran naman, hindi naniniwala ang iba na ang kamatayan ang wakas ng lahat ng bagay. Gayunman, wala silang maliwanag na ideya kung
ano ang nangyayari pagkatapos nito. Inaakala ng ilan na nagpapatuloy ang buhay sa isang lugar ng walang-kahulilip na kaligayahan, samantalang iniisip naman ng iba na mabubuhay silang muli sa hinaharap, marahil sa ibang katauhan naman.Palaging tinatanong ng mga naulilang kamag-anak ang kanilang sarili, “Nasaan kaya ang mga patay?” Ilang taon na ang nakalilipas, patungo noon sa isang palaro ang mga miyembro ng isang football club nang bigla na lamang banggain ng isang trak ang kanilang minibus, anupat nagpabali-baligtad ang bus sa daan. Namatay ang limang miyembro ng koponan. Mula nang mamatay ang kaniyang anak na lalaki sa aksidenteng iyon, nadama ng isang ina na halos tumigil na sa pag-ikot ang kaniyang mundo. Pilit niyang inaalam kung nasaan na ngayon ang kaniyang anak. Palagi siyang dumadalaw sa puntod ng anak at ilang oras na kinakausap ito nang malakas. “Talagang hindi ako makapaniwalang tapos na ang lahat kapag namatay ang isa,” ang panangis niya, “pero hindi ko tiyak.”
Maliwanag na may epekto sa buhay natin sa ngayon ang ating saloobin tungkol sa kamatayan. Dahil sa reaksiyon ng mga tao sa trahedyang dulot ng kamatayan, bumangon ang ilang tanong. Pag-isipan kung paano mo sasagutin ang mga ito. Ipagwawalang-bahala na lamang ba natin ang kamatayan at pagtutuunan ng pansin ang buhay? Hahayaan ba nating sirain ng nagbabantang kamatayan ang ating buhay? Wala na kayang magagawa ang isang naulilang kamag-anak kundi habambuhay na pag-isipan kung nasaan na ang isang namatay na minamahal? Dapat bang manatiling isang palaisipan ang kamatayan?