Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Kamatayan ay Nilulon Magpakailanman”

“Ang Kamatayan ay Nilulon Magpakailanman”

“Ang Kamatayan ay Nilulon Magpakailanman”

GUNIGUNIHIN kung ang nabasa mong ulong balita sa pahayagan ay ang nasa itaas sa halip na ang tungkol sa batang babaing nagpakamatay. Mangyari pa, wala pang pahayagan ang nakapagsabi ng ganitong pananalita. Subalit ang mga salitang nasa itaas ay mababasa sa isang aklat na libu-libong taon na ang edad​—ang Bibliya.

Sa Kasulatan, ang kamatayan ay malinaw na ipinaliwanag. Bukod diyan, hindi lamang isinisiwalat ng Bibliya kung bakit tayo namamatay kundi ipinaliliwanag din nito ang kalagayan ng mga patay at nagbibigay ito ng pag-asa para sa ating yumaong mga mahal sa buhay. Pinakahuli, binabanggit nito ang isang pinakahihintay na panahon na puwede nang iulat: “Ang kamatayan ay nilulon magpakailanman.”​—1 Corinto 15:54.

Ang kamatayan ay ipinaliliwanag ng Bibliya sa mga salitang nauunawaan sa halip na sa mga salitang mahiwaga. Halimbawa, paulit-ulit na itinulad nito ang kamatayan sa ‘pagtulog,’ at inilalarawan nito ang mga taong patay bilang “natutulog sa kamatayan.” (Awit 13:3; 1 Tesalonica 4:13; Juan 11:11-14) Tinukoy rin ang kamatayan bilang “kaaway.” (1 Corinto 15:26) Higit na mahalaga, tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan kung bakit ang kamatayan ay katulad ng pagtulog, kung bakit ang kamatayan ay pumipighati sa sangkatauhan, at kung paano maigugupo sa wakas ang kaaway na ito.

Bakit Tayo Namamatay?

Isinasaysay ng unang aklat ng Bibliya kung paanong ang unang taong si Adan ay ginawa ng Diyos at inilagay sa isang paraisong tahanan. (Genesis 2:7, 15) Nang magsimula ang kaniyang buhay, tumanggap si Adan ng mga atas na gawain, kalakip ang isang mahigpit na pagbabawal. Tungkol sa isang punungkahoy sa hardin ng Eden, sinabi sa kaniya ng Diyos: “Huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” * (Genesis 2:17) Kaya naman, naunawaan ni Adan na maiiwasan pala ang kamatayan. Ito ang tuwirang resulta ng paglabag sa kautusan ng Diyos.

Nakalulungkot sabihin, sumuway si Adan at ang kaniyang asawang si Eva. Ipinagwalang-bahala nila ang kalooban ng kanilang Maylalang, at inani nila ang mga bunga nito. “Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik,” ang sabi ng Diyos nang ipaliwanag niya ang mga resulta ng kanilang kasalanan. (Genesis 3:19) Sila’y naging lubhang depektibo​—di-sakdal. Ang kanilang di-kasakdalan, o pagkamakasalanan, ay hahantong sa kanilang kamatayan.

Ang depektong ito​—kasalanan​—ay naipasa rin sa mga supling nina Adan at Eva, ang buong sangkatauhan. Sa diwa, para itong isang minanang sakit. Hindi lamang naiwala ni Adan ang pagkakataong mabuhay na ligtas sa salot ng kamatayan kundi naipasa rin niya ang di-kasakdalan sa kaniyang mga supling. Ang pamilya ng tao ay nabihag ng kasalanan. Ang sabi ng Bibliya: “Kaya naman, kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”​—Roma 5:12.

“Ang Kasalanan ay Pumasok sa Sanlibutan”

Ang minanang depekto, o kasalanan, ay hindi masisilip sa mikroskopyo. Ang “kasalanan” ay tumutukoy sa moral at espirituwal na kakulangan na naipasa sa atin ng ating unang mga magulang, at mayroon itong pisikal na mga epekto. Gayunman, isinisiwalat ng Bibliya na naglaan ng panlunas ang Diyos. Nagpaliwanag si apostol Pablo: “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, nagbigay si Pablo ng dagdag na katiyakan na napakahalaga sa kaniya: “Kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.”​—1 Corinto 15:22.

Maliwanag, mahalaga ang papel na ginagampanan si Jesu-Kristo sa pag-aalis ng kasalanan at kamatayan. Sinabi niyang siya ay pumunta sa lupa upang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Maihahalintulad ang situwasyong ito sa pagkidnap, kung saan makalalaya lamang ang bihag matapos bayaran ang isang tiyak na halaga. Sa kasong ito, ang pantubos na makapagpapalaya sa atin mula sa kasalanan at kamatayan ay ang sakdal na buhay ni Jesus bilang tao. *​—Gawa 10:39-43.

Upang mailaan ang pantubos, isinugo ng Diyos si Jesus sa lupa upang ihain ang kaniyang buhay. “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay . . . magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Bago siya mamatay bilang hain, si Kristo ay ‘nagpatotoo sa katotohanan.’ (Juan 18:37) At sa panahon ng kaniyang pangmadlang ministeryo, sinamantala niya ang ilang pagkakataon upang isiwalat ang katotohanan tungkol sa kamatayan.

“Ang Batang Babae . . . ay Natutulog”

Alam ni Jesus ang tungkol sa kamatayan nang siya ay nasa lupa. Namighati siya sa pagkamatay ng mga taong nakakasama niya, at alam na alam niyang siya mismo ay maagang mamamatay. (Mateo 17:22, 23) Lumilitaw na ilang buwan bago patayin si Jesus, ang kaniyang matalik na kaibigang si Lazaro ay namatay. Naunawaan natin mula sa pangyayaring iyan ang pangmalas ni Jesus sa kamatayan.

Pagkaraang mabalitaan ni Jesus ang pagkamatay ni Lazaro, sinabi niya: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namamahinga, ngunit maglalakbay ako patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.” Inisip ng mga alagad na kung si Lazaro ay namamahinga lamang, gagaling siya. Kaya tuwirang sinabi ni Jesus: “Si Lazaro ay namatay.” (Juan 11:11-14) Maliwanag na nauunawaan ni Jesus na ang kamatayan ay katulad lamang ng pagtulog. Bagaman mahirap para sa atin na maunawaan ang kamatayan, nauunawaan naman natin ang pagtulog. Sa panahon ng mahimbing na pagtulog sa gabi, hindi natin namamalayan ang paglipas ng oras at kung ano ang nagaganap sa ating paligid dahil pansamantala tayong nasa kalagayan ng pagkawalang-malay. Ito ang eksaktong paliwanag ng Bibliya sa kalagayan ng mga patay. Ang Eclesiastes 9:5 ay nagsasabi: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.”

Inihalintulad din ni Jesus ang kamatayan sa pagtulog dahil puwedeng gisingin ang mga tao mula sa kamatayan, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Minsan, dinalaw ni Jesus ang tahanan ng isang nababalisang pamilya na kamamatay lamang ng kanilang anak na batang babae. “Ang batang babae ay hindi namatay, kundi siya ay natutulog,” ang sabi ni Jesus. Pagkatapos ay lumapit siya sa patay na batang babae at hinawakan ang kaniyang kamay, at ito ay “bumangon.” Sa ibang pananalita, nabuhay siyang muli.​—Mateo 9:24, 25.

Ibinangon din ni Jesus sa kamatayan ang kaniyang kaibigang si Lazaro. Ngunit bago niya isagawa ang himalang iyan, inaliw muna niya si Marta, ang kapatid ni Lazaro, sa pagsasabi: “Ang iyong kapatid ay babangon.” May pagtitiwala siyang sumagot: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:23, 24) Maliwanag na inaasahan niyang bubuhaying muli sa hinaharap ang lahat ng lingkod ng Diyos.

Ano ba ang eksaktong ipinahihiwatig ng pagkabuhay-muli? Ang Griegong salita para sa “pagkabuhay-muli” (a·naʹsta·sis) ay literal na nangangahulugang “pagtayo.” Ipinahihiwatig nito ang pagbangon mula sa mga patay. Maaaring hindi ito kapani-paniwala para sa ilan, subalit matapos banggitin ni Jesus na maririnig ng mga patay ang kaniyang tinig, sinabi niya: “Huwag kayong mamangha rito.” (Juan 5:28) Ang mga pagbuhay-muli na ginawa mismo ni Jesus sa lupa ay nagbibigay sa atin ng pananalig sa pangako ng Bibliya na ang mga patay na nasa alaala ng Diyos ay gigising sa kanilang mahabang “pagtulog.” Humula ang Apocalipsis 20:13: “Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades [karaniwang libingan ng mga tao] ang mga patay na nasa kanila.”

Ang mga patay bang ito ay bubuhaying-muli para lamang tumanda at mamatay muli, gaya ni Lazaro? Hindi iyan ang layunin ng Diyos. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na darating ang panahon na “hindi na magkakaroon ng kamatayan,” kaya wala nang sinuman ang tatanda at mamamatay.​—Apocalipsis 21:4.

Ang kamatayan ay isang kaaway. Marami pang ibang kaaway ang sangkatauhan, gaya ng sakit at pagtanda, na nagdudulot din ng matinding pagdurusa. Nangangako ang Diyos na igugupo niyang lahat ang mga ito at sa pinakahuli ay hahatulan ang pinakamahigpit na kaaway ng sangkatauhan. “Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin.”​—1 Corinto 15:26.

Kapag natupad na ang pangakong iyan, tatamasahin ng mga tao ang sakdal na buhay, na walang bahid ng kasalanan at kamatayan. Samantala, maaaliw tayo sa pagkaalam na ang ating mga namatay na mahal sa buhay ay namamahinga lamang, at kung nasa alaala sila ng Diyos, sila’y bubuhaying muli sa kaniyang itinakdang panahon.

Nagiging Makabuluhan ang Buhay Kung Nauunawaan ang Kamatayan

Nababago ang ating pangmalas sa buhay dahil sa maliwanag na pagkaunawa sa kamatayan at sa pag-asa para sa mga patay. Mahigit nang 20 taon si Ian, binanggit sa naunang artikulo, nang maunawaan niya ang paliwanag ng Bibliya tungkol sa kamatayan. “Naniniwala akong nasa isang dako si Itay, pero hindi pa rin ito malinaw sa akin,” ang sabi niya. “Kaya nang malaman kong natutulog lamang pala siya sa kamatayan, nalungkot ako sa simula.” Subalit nang mabasa ni Ian ang pangako ng Diyos na bubuhaying muli ang mga patay, tuwang-tuwa siyang malaman na makikita niyang muli ang tatay niya. “Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, napayapa ang aking kalooban,” ang nagunita niya. Ang tamang pagkaunawa sa kamatayan ay nagdulot sa kaniya ng payapang isip na nagpahinahon sa kaniyang espiritu.

Namatay si Steven, ang 21-taóng-gulang na anak na lalaki nina Clive at Brenda, sa malagim na aksidenteng binanggit sa naunang artikulo. Bagaman alam nila ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan, nagdurugo pa rin ang kanilang puso sa biglang pagkamatay ng kanilang anak. Kung sa bagay, ang kamatayan ay isang kaaway, at napakasakit ng tibo nito. Unti-unting nabawasan ang kanilang pamimighati dahil sa maka-Kasulatang kaalaman nila tungkol sa kalagayan ng mga patay. Ang sabi ni Brenda: “Nang maunawaan namin ang tungkol sa kamatayan, muling umikot ang aming mundo at nagpatuloy ang aming buhay. Mangyari pa, araw-araw naming iniisip ang pagdating ng panahon na gigising na rin si Steven sa kaniyang mahimbing na pagtulog.”

“Kamatayan, Nasaan ang Iyong Tibo?”

Maliwanag na ang pagkaunawa sa kalagayan ng mga patay ay makatutulong sa atin na magkaroon ng timbang na pangmalas sa buhay. Hindi dapat na maging palaisipan ang kamatayan. Maaaring maging kasiya-siya ang ating buhay nang hindi labis na natatakot sa kaaway na ito na laging nakaabang. At dahil sa pagkaunawa na hindi naman pinapawi magpakailanman ng kamatayan ang ating buhay, nawawala ang ating pagnanasa na mamuhay sa kaluguran, sa paniniwalang “napakaikli lamang ng buhay.” Dahil alam nating natutulog lamang ang ating namatay na mga mahal sa buhay na nasa alaala ng Diyos at naghihintay ng pagkabuhay muli, napapayapa tayo at nagkakaroon ng hangaring magpatuloy sa buhay.

Oo, makaaasa tayo na sa hinaharap ay ibábaón na ng Diyos na Jehova, ang Tagapagbigay ng buhay, ang kamatayan magpakailanman. Isa ngang malaking pagpapala kapag angkop na masasabi na natin: “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?”​—1 Corinto 15:55.

[Mga talababa]

^ par. 6 Ito ang unang pagtukoy ng Bibliya sa kamatayan.

^ par. 11 Ang halagang pantubos ay isang sakdal na buhay ng tao dahil iyan ang naiwala ni Adan. Apektado ng kasalanan ang lahat ng tao, kaya walang di-sakdal na tao ang maaaring magsilbing pantubos. Kaya naman isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak mula sa langit para sa layuning iyan. (Awit 49:7-9) Para sa higit pang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 5]

Humantong sa kamatayan ang pagsuway nina Adan at Eva

[Larawan sa pahina 6]

Hinawakan ni Jesus ang kamay ng patay na batang babae, at ito ay bumangon

[Larawan sa pahina 7]

Marami ang naghihintay sa panahon na gigising na sa pagkakatulog ang kanilang mga mahal sa buhay, gaya ni Lazaro