Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Royal Bible—Isang Malaking Tagumpay sa Pagsasalin

Ang Royal Bible—Isang Malaking Tagumpay sa Pagsasalin

Ang Royal Bible​—Isang Malaking Tagumpay sa Pagsasalin

TUMULAK ang barko mula sa Espanya patungong peninsula ng Italya noong unang bahagi ng ika-16 na siglo. Sakay nito ang isang napakahalagang kargamento​—ang malaking bahagi ng mga kopya ng Complutensian Polyglot Bible na inimprenta sa pagitan ng 1514 at 1517. Walang anu-ano, dumating ang isang napakalakas na bagyo. Sinikap ng mga tripulante na iligtas ang barko, subalit nabigo sila. Lumubog ang barko pati na ang kargamento nito na walang katumbas ang halaga.

Dahil sa sakunang iyon, kinailangan ang isang bagong edisyon ng Polyglot Bible. Sa wakas, ang hamon ay tinanggap ng dalubhasang tagaimprenta na si Christophe Plantin. Kinailangan niya ang isang mayamang isponsor upang gastusan ang napakalaking trabahong ito, kaya lumapit siya kay Philip II, ang hari ng Espanya, para gawin itong opisyal na isponsor. Bago magpasiya ang hari, kumonsulta muna siya sa iba’t ibang iskolar na Kastila, kasali na ang kilalang iskolar sa Bibliya na si Benito Arias Montano. Sinabi niya kay Haring Philip: “Bukod sa nakapaglingkod na kayo sa Diyos at napakinabangan ito ng pandaigdig na simbahan, lubos din nitong maluluwalhati ang maharlikang pangalan ng Inyong Kamahalan at higit na mapagaganda ang inyong personal na reputasyon.”

Magiging isang dakilang tagumpay sa kultura ang nirebisang edisyon ng Complutensian Polyglot, kaya ipinasiya ni Philip na ibigay ang kaniyang buong-pusong suporta sa proyektong ito ni Plantin. Ipinamahala niya kay Arias Montano ang napakalaking trabaho na pagsasaayos sa tatawaging Royal Bible, o Antwerp Polyglot. *

Interesadung-interesado si Philip sa progreso ng Polyglot Bible na ito anupat hiniling niya na padalhan siya ng isang pruweba (proof) ng bawat pilyego (sheet) na iimprentahin. Mangyari pa, atubili si Plantin na hintayin pang ipadala ang pilyego sa Espanya mula sa Antwerp, basahin at itumpak ng monarka, at saka ibalik sa kaniya. Ang nangyari nang bandang huli, ang unang pilyego lamang ang natanggap ni Philip mula sa naimprenta at marahil pati ang ilan sa mga unang pahina. Samantala, nagpatuloy si Montano sa aktuwal na pagbasa at pagtutumpak sa mga pruweba sa tulong ng tatlong propesor ng Louvain at ng tin-edyer na anak na babae ng tagaimprenta.

Umiibig sa Salita ng Diyos

Nakapalagayang-loob ni Arias Montano ang mga iskolar sa Antwerp. Nagustuhan siya ni Plantin dahil sa kaniyang malawak na pangmalas, at habambuhay silang naging magkaibigan at nagtulungan. Namumukod-tangi si Montano hindi lamang dahil sa kaniyang kahusayan bilang iskolar kundi dahil din sa kaniyang malaking pag-ibig sa Salita ng Diyos. * Bilang isang binata, pinangarap niya na makatapos sa kaniyang pag-aaral upang matutukan niya nang husto ang pag-aaral ng Kasulatan.

Naniniwala si Arias Montano na dapat maging literal hangga’t maaari ang isang salin ng Bibliya. Sinikap niya na eksaktong maisalin kung ano ang nakasulat sa orihinal na teksto, nang sa gayon ay magkaroon ng pagkakataon ang mga tao na mabasa ang talagang Salita ng Diyos. Sinunod ni Montano ang kasabihan ni Erasmus, na humimok sa mga iskolar na “mangaral tungkol kay Kristo batay sa orihinal” na mga kasulatan. Sa loob ng maraming siglo, nalingid sa kaalaman ng mga tao ang kahulugan ng orihinal na mga wika ng Kasulatan dahil mahirap unawain ang mga salin nito sa wikang Latin.

Komposisyon ng Akda

Ang lahat ng manuskritong inihanda at nirebisa ni Alfonso de Zamora para sa pag-iimprenta ng Complutensian Polyglot ay napunta sa kamay ni Arias Montano at ginamit ang mga ito para sa Royal Bible. *

Sa pasimula, ang Royal Bible ay nilayon para gawing ikalawang edisyon ng Complutensian Polyglot, subalit ito’y naging higit pa sa basta simpleng rebisyon lamang. Ang teksto sa Hebreo at ang teksto sa Griego ng Septuagint ay kinuha sa Complutensian Bible; pagkatapos ay idinagdag ang mga bagong teksto pati na ang isang apendise na may malawak na saklaw. Sa wakas ay nagkaroon ng walong tomo ang bagong Polyglot. Limang taon ang ginugol sa pag-iimprenta, mula 1568 hanggang 1572​—napakaikling panahon kung isasaalang-alang ang pagiging masalimuot ng trabahong ito. Nang dakong huli, 1,213 kopya ang naimprenta.

Bagaman ang Complutensian Polyglot noong 1517 ay napatunayang isang “bantayog sa sining ng pag-iimprenta,” nahigitan naman ito ng bagong Antwerp Polyglot kung tungkol sa teknikal na halaga at nilalaman. Isa na naman itong malaking tagumpay sa kasaysayan ng pag-iimprenta at, lalong mahalaga, sa paghahanda ng pinagbuting mga teksto sa Bibliya na magiging batayan sa pagsasalin.

Mga Pag-atake ng mga Kaaway ng Salita ng Diyos

Mangyari pa, naglitawan agad sa eksena ang mga kaaway ng mapananaligang salin ng Bibliya. Bagaman inaprubahan ng papa ang Antwerp Polyglot at napakaganda ng reputasyon ni Arias Montano bilang isang marangal na iskolar, binatikos pa rin siya sa hukuman ng Inkisisyon. Sinabi ng mga tumututol na inilalarawan ng kaniyang akda na ang bagong nirebisang teksto sa wikang Latin ni Santes Pagninus ay mas eksaktong salin ng orihinal na Hebreo at Griego kaysa sa Vulgate, na maraming siglo nang naisalin bago ito. Inakusahan din nila si Montano ng pagkonsulta sa orihinal na mga wika sa hangaring makagawa ng tumpak na salin ng Bibliya​—isang pagkilos na itinuturing nilang erehiya.

Iginiit pa man din ng Inkisisyon na “hindi naman gaanong nagtamo ng karangalan ang Hari nang iugnay niya ang kaniyang maharlikang pangalan sa akdang iyon.” Dinamdam nila ang hindi pagbibigay ni Montano ng sapat na awtoridad sa opisyal na Vulgate. Sa kabila ng mga akusasyong ito, hindi sila makapagpakita ng sapat na katibayan upang mahatulan si Montano o ang kaniyang Polyglot Bible. Nang dakong huli, ang Royal Bible ay napabantog, at ito’y naging batayang akda sa iba’t ibang unibersidad.

Malaking Tulong sa Pagsasalin ng Bibliya

Bagaman hindi pangunahing nilayon para sa publiko ang Antwerp Polyglot, di-nagtagal ay naging malaking tulong ito sa mga tagapagsalin ng Bibliya. Gaya ng pinalitan nito, ang Complutensian Polyglot, nakatulong ito upang mapahusay pa ang umiiral nang mga teksto sa Kasulatan. Natulungan din nito ang mga tagapagsalin na mapasulong ang kanilang unawa sa orihinal na mga wika. Ang akdang ito ay nakatulong upang maisalin ang Bibliya sa ilang pangunahing wika sa Europa. Halimbawa, iniulat ng The Cambridge History of the Bible na ginamit ng mga tagapagsalin ng bantog na King James Version, o Authorized Version, ng 1611 ang Antwerp Polyglot bilang mahalagang pantulong sa pagsasalin ng sinaunang mga wika. May malaking impluwensiya rin ang Royal Bible sa dalawang mahalagang Polyglot Bible na inilathala noong ika-17 siglo.​—Tingnan ang kahong “Ang mga Polyglot Bible.”

Ang isa sa maraming bentaha ng Antwerp Polyglot ay ang bagay na naipakita nito sa mga Europeong iskolar ang bersiyong Syriac ng Griegong Kasulatan sa kauna-unahang pagkakataon. Ang tekstong Syriac na iyon ay inilagay sa tabi ng literal na salin sa Latin. Lubhang kapaki-pakinabang na karagdagan ito, yamang ang Syriac ay isa sa pinakamatatandang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang bersiyong Syriac, na mula pa noong ikalimang siglo C.E., ay ibinatay sa mga manuskritong natapos noong ikalawang siglo C.E. Ayon sa The International Standard Bible Encyclopedia, “kinikilala sa pangkalahatan ang halaga ng [Syriac] Peshitta sa pagsusuri sa teksto. Ito ay isa sa pinakamatatanda at pinakamahahalagang saksi sa sinaunang mga tradisyon.”

Hindi napigilan ng nagngangalit na dagat ni ng mga pag-atake ng Inkisisyong Kastila ang paglitaw ng pinagbuti at pinalawak na bersiyon ng Complutensian Polyglot noong 1572 bilang ang Royal Bible. Ang kasaysayan ng Polyglot Bible ng Antwerp ay isa pang halimbawa ng pagsisikap ng taimtim na mga lalaki na maipagsanggalang ang Salita ng Diyos.

Batid man nila ito o hindi, sa pamamagitan ng kanilang walang-pag-iimbot na pagsisikap, ipinaaninag ng masisigasig na lalaking ito ang katotohanan ng makahulang pananalita ni Isaias. Halos tatlong libong taon na ang nakalilipas, sumulat siya: “Ang luntiang damo ay natuyo, ang bulaklak ay nalanta; ngunit kung tungkol sa salita ng ating Diyos, iyon ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.”​—Isaias 40:8.

[Mga talababa]

^ par. 4 Tinawag itong Royal Bible dahil ang isponsor nito ay si Haring Philip, at tinawag din itong Antwerp Polyglot dahil inimprenta ito sa lunsod ng Antwerp, na noon ay bahagi ng Imperyong Kastila.

^ par. 7 Napakahusay niya sa Arabe, Griego, Hebreo, Latin, at Syriac, ang limang pangunahing wika na ginamit sa Polyglot Bible. Napakagaling din niya sa arkeolohiya, medisina, natural science, at teolohiya, mga pag-aaral na napakinabangan niya sa paghahanda ng apendise.

^ par. 10 Para sa paliwanag sa kahalagahan ng Complutensian Polyglot Bible, tingnan Ang Bantayan, Abril 15, 2004.

[Blurb sa pahina 13]

“Kung tungkol sa salita ng ating Diyos, iyon ay mananatili hanggang sa panahong walang takda”

[Kahon/Mga larawan sa pahina 12]

ANG MGA POLYGLOT BIBLE

“Ang Polyglot Bible ay isang Bibliya na binubuo ng mga teksto sa iba’t ibang wika,” ang paliwanag ng Kastilang iskolar na si Federico Pérez Castro. “Gayunman, noong una, ang termino ay tumutukoy sa mga Bibliya na may teksto sa Kasulatan na nasa orihinal na mga wika. Sa ganitong diwa ng termino, iilan lamang ang talagang polyglot na Bibliya.”

1. Ang The Complutensian Polyglot (1514-17), ginastusan ni Cardinal Cisneros, ay inimprenta sa Alcalá de Henares, Espanya. Ang anim na tomo nito ay naglalaman ng teksto ng Bibliya sa apat na wika: Hebreo, Griego, Aramaiko, at Latin. Inilaan nito sa mga tagapagsalin noong ika-16 na siglo ang isang tekstong batayan sa pagsasalin ng Hebreo-Aramaikong Kasulatan.

2. Idinagdag ng The Antwerp Polyglot (1568-72), isinaayos ni Benito Arias Montano, sa tekstong Complutensian ang bersiyong Syriac Peshitta ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at ang Aramaic Targum ni Jonathan. Ang tekstong Hebreo, na naglalaman ng mga pananda para sa patinig, ay nirebisa ayon sa tinatanggap na tekstong Hebreo ni Jacob ben Hayyim. Sa gayon, naging batayang teksto ito ng Hebreong Kasulatan para sa mga tagapagsalin ng Bibliya.

3. Ang The Paris Polyglot (1629-45) ay ginastusan ng abogadong Pranses na si Guy Michel le Jay. Ginawa ito dahil sa pampasiglang natamo mula sa Antwerp Polyglot, bagaman naglalaman din ito ng ilang tekstong Samaritano at Arabe.

4. Ang The London Polyglot (1655-57), isinaayos ni Brian Walton, ay ibinatay rin sa Antwerp Polyglot. Kasama sa Polyglot na ito ang sinaunang mga salin ng Bibliya sa mga wikang Etiope at Persiano, bagaman ang mga bersiyong ito ay hindi naman gaanong nagpalinaw sa teksto ng Bibliya.

[Credit Lines]

Baner at mga Antwerp Polyglot (dalawa sa ibaba): Biblioteca Histórica. Universidad Complutense de Madrid; Antwerp Polyglot (sa itaas): By courtesy of Museum Plantin-Moretus/​Stedelijk Prentenkabinet Antwerpen; London Polyglot: Mula sa aklat na The Walton Polyglot Bible, Tomo III, 1655-1657

[Larawan sa pahina 9]

Philip II, hari ng Espanya

[Credit Line]

Philip II: Biblioteca Nacional, Madrid

[Larawan sa pahina 10]

Arias Montano

[Credit Line]

Montano: Biblioteca Histórica. Universidad Complutense de Madrid

[Larawan sa pahina 10]

Orihinal na mga imprentahan sa Antwerp, Belgium

[Credit Line]

Imprentahan: By courtesy of Museum Plantin-Moretus/​Stedelijk Prentenkabinet Antwerpen

[Mga larawan sa pahina 11]

Kaliwa: Si Christophe Plantin at ang pahinang pantitulo ng Antwerp Polyglot

[Credit Line]

Pahinang pantitulo at si Plantin: By courtesy of Museum Plantin-Moretus/​Stedelijk Prentenkabinet Antwerpen

[Larawan sa pahina 11]

Itaas: Exodo kabanata 15 sa apat na tudling ng teksto

[Picture Credit Line sa pahina 9]

Pahinang pantitulo at si Plantin: By courtesy of Museum Plantin-Moretus/​Stedelijk Prentenkabinet Antwerpen

[Picture Credit Line sa pahina 13]

Biblioteca Histórica. Universidad Complutense de Madrid