Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kautusan ng Pag-ibig na Nasa Puso

Isang Kautusan ng Pag-ibig na Nasa Puso

Isang Kautusan ng Pag-ibig na Nasa Puso

“Ilalagay ko sa loob nila ang aking kautusan, at sa kanilang puso ay isusulat ko iyon.”​—JEREMIAS 31:33.

1, 2. (a) Ano ang tatalakayin natin ngayon? (b) Paano itinanghal ni Jehova ang presensiya niya sa Bundok Sinai?

SA NAUNANG dalawang artikulo, natutuhan natin na nang bumaba si Moises mula sa Bundok Sinai, nagliliwanag ang kaniyang mukha na nagpapaaninag ng kaluwalhatian ni Jehova. Tinalakay rin natin ang talukbong na inilalagay ni Moises. Tatalakayin naman natin ngayon ang isang kaugnay na bagay na may kahulugan para sa mga Kristiyano sa ngayon.

2 Nang nasa itaas ng bundok si Moises, tumanggap siya ng mga tagubilin mula kay Jehova. Yamang nagkakatipon noon ang mga Israelita sa harap ng Bundok Sinai, nasaksihan nila ang kagila-gilalas na pagtatanghal ng presensiya ng Diyos mismo. “Nagsimulang kumulog at kumidlat, at nagkaroon ng isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok at ng napakalakas na tunog ng tambuli, kung kaya nagsimulang manginig ang buong bayan na nasa kampo. . . . At ang Bundok Sinai ay umuusok sa buong palibot, sa dahilang si Jehova ay bumaba sa ibabaw niyaon na nasa apoy; at ang usok niyaon ay pumapailanlang na tulad ng usok ng isang hurnuhan, at ang buong bundok ay yumayanig nang malakas.”​—Exodo 19:16-18.

3. Sa anong paraan ibinigay ni Jehova ang Sampung Utos sa Israel, at ano ang naunawaan ng bansang iyon?

3 Nakipag-usap si Jehova sa bayan sa pamamagitan ng isang anghel, anupat inilaan ang nakilala bilang Sampung Utos. (Exodo 20:1-17) Samakatuwid, walang alinlangan na ang mga kautusang ito ay galing sa Makapangyarihan-sa-lahat. Isinulat ni Jehova ang mga utos na iyon sa mga tapyas na bato​—mga tapyas na binasag ni Moises nang makita niyang sumasamba sa isang ginintuang guya ang mga Israelita. Muling isinulat ni Jehova sa bato ang mga utos. Sa pagkakataong ito, nang bumaba si Moises na dala ang mga tapyas, ang kaniyang mukha ay nagliliwanag. Nang panahong iyon, mauunawaan ng lahat na napakalaki ng kahulugan ng mga kautusang iyon.​—Exodo 32:15-19; 34:1, 4, 29, 30.

4. Bakit napakahalaga ng Sampung Utos?

4 Ang dalawang tapyas na pinagsulatan ng Sampung Utos ay inilagay sa loob ng kaban ng tipan na nasa loob ng Kabanal-banalang silid ng tabernakulo, at nang maglaon, ng templo. Isinasaad ng mga kautusang nakasulat sa mga ito ang pinakasaligang simulain ng tipang Kautusang Mosaiko at siyang bumubuo sa batayan para sa teokratikong administrasyon ng isang pambansang pamahalaan. Pinatutunayan ng mga ito na si Jehova ay nakikitungo sa isang espesipikong bayan, isang piniling bayan.

5. Sa anu-anong paraan ipinaaaninag ng mga kautusan ng Diyos sa Israel ang kaniyang pag-ibig?

5 Malaki ang isinisiwalat ng mga kautusang iyon tungkol kay Jehova, lalo na sa pag-ibig niya sa kaniyang bayan. Tunay ngang napakahalagang kaloob ito para sa mga sumusunod dito! Sinabi ng isang iskolar na lubhang nakahihigit ang Sampung Utos kaysa sa alinmang sistema sa moral na ginawa ng tao. Hinggil sa Kautusang Mosaiko sa kabuuan, sinabi ni Jehova: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kayo ay tiyak na magiging aking pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin. At kayo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.”​—Exodo 19:5, 6.

Isang Kautusan na Nakasulat sa Puso

6. Anong kautusan ang napatunayang mas mahalaga kaysa sa mga kautusan na nakasulat sa bato?

6 Oo, napakahalaga ng mga kautusang iyan ng Diyos. Subalit alam mo ba na ang mga pinahirang Kristiyano ay may taglay na mas mahalaga pa sa mga kautusan na isinulat sa bato? Inihula ni Jehova ang paggawa ng isang bagong tipan na hindi katulad ng tipang Kautusan na ginawa sa bansang Israel. “Ilalagay ko sa loob nila ang aking kautusan, at sa kanilang puso ay isusulat ko iyon.” (Jeremias 31:31-34) Si Jesus, ang Tagapamagitan ng bagong tipan, ay hindi personal na nagbigay ng nakasulat na kodigo ng kautusan sa kaniyang mga tagasunod. Ikinintal niya sa isip at puso ng kaniyang mga alagad ang kautusan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga sinabi at ginawa.

7. Kanino unang ibinigay ang “kautusan ng Kristo,” at sino ang nanghawakan dito nang maglaon?

7 Ang kautusang ito ay tinatawag na “kautusan ng Kristo.” Una itong ibinigay, hindi sa likas na bansa ng Israel, na mga inapo ni Jacob, kundi sa isang espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:2, 16; Roma 2:28, 29) Ang Israel ng Diyos ay binubuo ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. Nang maglaon, sumama sa kanila ang “isang malaking pulutong” mula sa lahat ng bansa na nagsisikap ding sumamba kay Jehova. (Apocalipsis 7:9, 10; Zacarias 8:23) Bilang “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol,” parehong nanghahawakan ang dalawang grupo sa “kautusan ng Kristo,” anupat hinahayaan itong umugit sa lahat ng kanilang gagawin.​—Juan 10:16.

8. Ano ang pagkakaiba ng Kautusang Mosaiko at ng kautusan ng Kristo?

8 Di-tulad ng likas na mga Israelita, na nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko mula nang isilang sila, kusang pinili ng mga Kristiyano na manatiling nasa ilalim ng kautusan ng Kristo, anupat wala nang kinalaman dito ang mga salik na gaya ng lahi at sinilangang lugar. Natututo sila tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga daan at nananabik na gawin ang kaniyang kalooban. Yamang ang kautusan ng Diyos ay nakasulat “sa loob nila,” wika nga, “sa kanilang puso,” ang mga pinahirang Kristiyano ay sumusunod sa Diyos hindi lamang dahil sa kaya niyang parusahan ang mga masuwayin; ni sumusunod sila hindi lamang dahil sa pagkadama ng obligasyon. Ang kanilang pagsunod ay nakaugat sa isang bagay na mas mahalaga at higit na mas makapangyarihan, at yaong kabilang sa ibang mga tupa ay masunurin din dahil nasa puso nila ang kautusan ng Diyos.

Mga Kautusang Salig sa Pag-ibig

9. Paano ipinahiwatig ni Jesus na ang pag-ibig ang pinakadiwa ng mga kautusan ni Jehova?

9 Ang pinakadiwa ng lahat ng kautusan at tuntunin ni Jehova ay mabubuod sa iisang salita: pag-ibig. Iyan ay napakahalagang bahagi na ng dalisay na pagsamba noon pa man at mananatiling napakahalagang bahagi nito. Nang tanungin siya kung alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan, sumagot si Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” Ang ikalawa ay: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” Pagkatapos ay sinabi niya: “Sa dalawang utos na ito ay nakasalalay ang buong Kautusan, at ang mga Propeta.” (Mateo 22:35-40) Sa gayon ay ipinahiwatig ni Jesus na ang buong Hebreong Kasulatan, hindi lamang ang Kautusan lakip na ang Sampung Utos, ay nakasalig sa pag-ibig.

10. Paano natin nalalaman na ang pag-ibig ang saligan ng kautusan ng Kristo?

10 Ang pag-ibig ba sa Diyos at sa kapuwa ang siya ring saligan ng kautusang nasa puso ng mga Kristiyano? Oo! Ang kautusan ng Kristo ay nagsasangkot ng taos-pusong pag-ibig sa Diyos at kasali rito ang isang bagong utos​—kailangang magkaroon ng mapagsakripisyong pag-ibig sa isa’t isa ang mga Kristiyano. Kailangan silang umibig na gaya ni Jesus, at kusang-loob niyang ibinigay ang kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga kaibigan. Tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na ibigin ang Diyos at ibigin ang isa’t isa, kung paanong inibig niya sila. Ang namumukod-tanging pag-ibig na ipinakikita nila sa isa’t isa ang pangunahing pagkakakilanlang katangian ng tunay na mga Kristiyano. (Juan 13:34, 35; 15:12, 13) Tinagubilinan pa nga sila ni Jesus na ibigin ang kanilang mga kaaway.​—Mateo 5:44.

11. Paano ipinakita ni Jesus ang pag-ibig sa Diyos at sa sangkatauhan?

11 Nagbigay si Jesus ng sakdal na halimbawa sa pagpapakita ng pag-ibig. Bilang makapangyarihang espiritung nilalang sa langit, malugod niyang tinanggap ang pagkakataong itaguyod sa lupa ang kapakanan ng kaniyang Ama. Bukod sa pagsasakripisyo ng kaniyang buhay bilang tao upang ang iba ay mabuhay nang walang hanggan, ipinakita niya sa mga tao kung paano sila dapat mamuhay. Siya ay mapagpakumbaba, mabait, at makonsiderasyon, anupat tinutulungan ang mga napabibigatan at sinisiil. Nagbigay rin siya ng “mga pananalita ng buhay na walang hanggan,” anupat walang-kapagurang tinulungan ang iba na makilala si Jehova.​—Juan 6:68.

12. Bakit masasabi na ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay may malapit na kaugnayan?

12 Sa katunayan, ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay may malapit na kaugnayan. Sinabi ni apostol Juan: “Ang pag-ibig ay mula sa Diyos . . . Kung sasabihin ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ at gayunma’y napopoot sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Sapagkat siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na nakita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakita.” (1 Juan 4:7, 20) Si Jehova ang pinagmumulan at ang mismong personipikasyon ng pag-ibig. Ang lahat ng ginagawa niya ay naiimpluwensiyahan ng pag-ibig. Umiibig tayo dahil nilalang tayo ayon sa kaniyang wangis. (Genesis 1:27) Sa pagpapakita ng pag-ibig sa ating kapuwa, ipinamamalas natin ang ating pag-ibig sa Diyos.

Ang Pag-ibig ay Nangangahulugan ng Pagsunod

13. Upang maibig natin ang Diyos, ano muna ang dapat nating gawin?

13 Paano natin maiibig ang Diyos na hindi natin nakikita? Ang napakahalaga at unang hakbang ay ang makilala muna siya. Hindi natin tunay na maiibig o mapagkakatiwalaan ang hindi natin kilala. Samakatuwid, hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na kilalanin ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya, pananalangin, at pakikipagsamahan sa mga nakakakilala at umiibig sa kaniya. (Awit 1:1, 2; Filipos 4:6; Hebreo 10:25) Lalo nang mahalaga ang apat na Ebanghelyo, dahil isinisiwalat ng mga ito ang personalidad ni Jehova gaya ng maaaninag sa buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo. Ang ating hangaring sundin ang Diyos at tularan ang kaniyang personalidad ay lalong sisidhi habang nakikilala natin siya at napahahalagahan ang pag-ibig na ipinakita niya sa atin. Oo, ang pag-ibig sa Diyos ay nangangahulugan ng pagiging masunurin.

14. Bakit masasabi na hindi pabigat ang mga kautusan ng Diyos?

14 Kapag iniibig natin ang mga indibiduwal, alam natin ang gusto nila at ang ayaw nila, at kumikilos tayo kaayon nito. Ayaw nating inisin ang mga iniibig natin. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos,” ang sulat ni apostol Juan, “na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Ang mga ito ay hindi pabigat, ni napakarami man. Ang pag-ibig ang gumagabay sa ating daan. Hindi natin kailangang sauluhin ang napakaraming kodigo ng mga alituntunin upang maging gabay sa bawat kilos natin; ang pag-ibig natin sa Diyos ang gumagabay sa atin. Kung iniibig natin ang Diyos, malulugod tayong gawin ang kaniyang kalooban. Sa gayon ay nakakamit natin ang pagsang-ayon ng Diyos, at nakikinabang tayo, yamang ang kaniyang patnubay ay laging para sa ating ikabubuti.​—Isaias 48:17.

15. Ano ang magpapakilos sa atin na tularan si Jehova? Ipaliwanag.

15 Ang pag-ibig sa Diyos ang nagpapakilos sa atin na tularan ang kaniyang mga katangian. Kapag iniibig natin ang isang tao, hinahangaan natin ang kaniyang mga katangian at sinisikap nating maging katulad niya. Isaalang-alang ang kaugnayan ni Jehova at ni Jesus. Magkasama sila sa langit sa loob marahil ng bilyun-bilyong taon. Nabuo sa kanila ang masidhi at dalisay na pag-ibig sa isa’t isa. Gayon na lamang ang pagkakatulad ni Jesus at ng kaniyang makalangit na Ama anupat nasabi niya sa kaniyang mga alagad: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Habang nagkakaroon tayo ng kaalaman at pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang Anak, napakikilos tayong maging kagaya nila. Ang pag-ibig natin kay Jehova, lakip na ang tulong ng kaniyang banal na espiritu, ang tutulong sa atin na ‘hubarin ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, at damtan ang ating sarili ng bagong personalidad.’​—Colosas 3:9, 10; Galacia 5:22, 23.

Pag-ibig na May Gawa

16. Paano naipakikita ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa sa ating gawaing pangangaral at pagtuturo?

16 Bilang mga Kristiyano, hinahayaan nating maudyukan tayo ng ating pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa upang makibahagi sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. Sa paggawa nito, pinalulugdan natin ang Diyos na Jehova, “na ang kalooban ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:3, 4) Sa gayon ay makasusumpong tayo ng kagalakan sa pagtulong sa iba na maisulat sa kanilang puso ang kautusan ng Kristo. At nalulugod tayong magmasid habang ang kanilang personalidad ay nababago upang maipaaninag ang banal na mga katangian ni Jehova. (2 Corinto 3:18) Ang totoo, ang pagtulong sa iba na makilala ang Diyos ang siyang pinakamahalagang kaloob na maibibigay natin sa kanila. Yaong mga tumatanggap sa pakikipagkaibigan ni Jehova ay masisiyahan dito magpakailanman.

17. Bakit isang katalinuhan na linangin ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa sa halip na ang pag-ibig sa materyal na mga bagay?

17 Nabubuhay tayo sa isang daigdig kung saan lubhang pinahahalagahan, anupat iniibig pa nga, ang materyal na mga bagay. Gayunman, hindi mananatili magpakailanman ang materyal na mga bagay. Maaaring manakaw o mabulok ang mga ito. (Mateo 6:19) Nagbababala sa atin ang Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:16, 17) Oo, si Jehova ay mananatili magpakailanman, gayundin ang mga umiibig at naglilingkod sa kaniya. Dahil dito, hindi ba’t isang katalinuhan para sa atin na linangin ang pag-ibig sa Diyos at sa mga tao kaysa itaguyod ang mga bagay ng sanlibutan, na pansamantala lamang ang pakinabang?

18. Paano ipinakita ng isang misyonera ang mapagsakripisyong pag-ibig?

18 Yaong mga nagtataguyod ng pag-ibig ay nagdudulot ng papuri kay Jehova. Isaalang-alang si Sonia, isang misyonera sa Senegal. Nagdaos siya ng pag-aaral sa Bibliya sa isang babaing nagngangalang Heidi na nahawa ng HIV mula sa kaniyang di-sumasampalatayang asawang lalaki. Nang mamatay ang kaniyang asawa, nabautismuhan si Heidi, ngunit di-nagtagal ay humina ang kaniyang kalusugan, at naospital siya dahil sa AIDS. Ganito ang inilahad ni Sonia: “Ginawa ng mga kawani ng ospital ang kanilang buong makakaya, ngunit kakaunti lamang sila. Nanawagan ng mga boluntaryo mula sa kongregasyon upang mangalaga sa kaniyang mga pangangailangan sa ospital. Nang ikalawang gabi, nasa banig ako malapit sa kaniyang kama at tumulong sa pangangalaga sa kaniya hanggang sa kaniyang kamatayan. Sinabi ng doktor: ‘Ang pinakamalaking problema namin ay na madalas na pinababayaan maging ng mga kamag-anak ang mga miyembro ng kanilang pamilya kapag alam nilang may AIDS ito. Bakit kayo pumapayag na isapanganib ang inyong sarili gayong hindi naman niya kayo kamag-anak, hindi rin kababayan, ni hindi rin kalahi?’ Ipinaliwanag ko na si Heidi ay itinuturing kong tunay na kapatid, na parang iisa ang aming ina at ama. Dahil sa ganitong pagturing ko sa kaniya, nalulugod akong alagaan siya.” Gayunpaman, si Sonia ay hindi nagkaroon ng anumang sakit mula sa maibiging pagsisikap niyang alagaan si Heidi.

19. Palibhasa’y nasa ating puso ang kautusan ng Diyos, ano ang dapat nating samantalahin?

19 Maraming halimbawa ng mapagsakripisyong pag-ibig ang masusumpungan sa mga lingkod ni Jehova. Walang nakasulat na kodigo ng kautusan ang nagpapakilala sa bayan ng Diyos sa ngayon. Sa halip, nakikita natin ang katuparan ng nakasulat sa Hebreo 8:10: “ ‘Ito ang tipan na ipakikipagtipan ko sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon,’ sabi ni Jehova. ‘Ilalagay ko sa kanilang pag-iisip ang aking mga utos, at sa kanilang mga puso ay isusulat ko ang mga iyon. At ako ang magiging kanilang Diyos, at sila mismo ang magiging aking bayan.’ ” Lagi nawa nating pakaingatan ang kautusan ng pag-ibig na isinulat ni Jehova sa ating puso, anupat sinasamantala ang lahat ng pagkakataon upang magpakita ng pag-ibig.

20. Bakit ang kautusan ng Kristo ay isang walang-katumbas na pag-aari?

20 Tunay ngang isang kagalakan na maglingkod sa Diyos kasama ng isang pandaigdig na kapatiran na nagpapakita ng gayong pag-ibig! Yaong mga nagtataglay ng kautusan ng Kristo sa kanilang puso ay nagtatamasa ng isang walang-katumbas na pag-aari sa walang-pag-ibig na sanlibutang ito. Hindi lamang nila natatamasa ang pag-ibig ni Jehova kundi nalulugod din sila sa matibay na buklod ng pag-ibig na nadarama sa buong kapatiran. “Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!” Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay naninirahan sa maraming bansa, nagsasalita ng iba’t ibang wika, at magkakaiba ang kultura, nagtatamasa sila ng relihiyosong pagkakaisa na walang katulad. Ang pagkakaisang ito ay nagdudulot ng pagsang-ayon ni Jehova. Sumulat ang salmista: “Doon [sa gitna ng bayan na nagkakaisa sa pag-ibig] iniutos ni Jehova na mamalagi ang pagpapala, maging ang buhay hanggang sa panahong walang takda.”​—Awit 133:1-3.

Masasagot Mo Ba?

• Gaano kahalaga ang Sampung Utos?

• Ano ang kautusan na nakasulat sa puso?

• Anong papel ang ginagampanan ng pag-ibig sa “kautusan ng Kristo”?

• Sa anu-anong paraan natin maipakikita ang ating pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 25]

Ang mga Israelita ay may mga kautusan na nakasulat sa mga tapyas ng bato

[Mga larawan sa pahina 26]

Nakasulat ang kautusan ng Diyos sa puso ng mga Kristiyano

[Larawan sa pahina 28]

Si Sonia kasama ang isang batang babaing taga-Senegal sa 2004 na pandistritong kombensiyon