Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Mennonita—Paghahanap ng Katotohanan sa Bibliya

Mga Mennonita—Paghahanap ng Katotohanan sa Bibliya

Mga Mennonita​—Paghahanap ng Katotohanan sa Bibliya

ISANG umaga noong Nobyembre 2000, ang ilang misyonero ng mga Saksi ni Jehova sa Bolivia ay napasulyap mula sa bintana ng kanilang maliit na tahanan at nakita ang isang grupo ng mga lalaki at babaing nakadamit nang simple na ninenerbiyos habang nakatayo sa may trangkahan. Nang buksan ng mga misyonero ang trangkahan ganito ang unang sinabi ng mga bisita, “Gusto naming malaman ang katotohanan mula sa Bibliya.” Ang mga bisita ay mga Mennonita. Ang mga lalaki ay nakadamit-pantrabaho (overall), ang mga babae naman ay nakasuot ng itim na epron, at diyalektong Aleman ang gamit nila kapag nag-uusap sila. Mababanaag ang takot sa kanilang mga mata. Palinga-linga sila upang tingnan kung nasundan sila. Gayunpaman, paakyat pa lamang sila sa hagdan para pumasok sa bahay, nagsabi na agad ang isa sa mga kabataang lalaki, “Gusto kong makilala ang mga taong gumagamit ng pangalan ng Diyos.”

Sa loob, napanatag ang mga bisita nang hainan sila ng meryenda. Galing pa sila sa malayo at bukod na kolonya ng mga magsasaka. Doon, anim na taon na silang tumatanggap ng magasing Bantayan sa pamamagitan ng koreo. “Nabasa namin na magkakaroon daw ng paraiso sa lupa. Totoo ba iyon?” ang tanong nila. Ipinakita sa kanila ng mga Saksi ang sagot ng Bibliya. (Isaias 11:9; Lucas 23:43; 2 Pedro 3:7, 13; Apocalipsis 21:3, 4) “Kita n’yo!” ang sabi ng isang magsasaka sa iba pa. “Totoo nga. Magkakaroon nga ng paraiso sa lupa.” Paulit-ulit namang sinasabi ng iba: “Sa palagay ko’y nasumpungan na natin ang katotohanan.”

Sino ba ang mga Mennonita? Ano ang mga paniwala nila? Upang masagot ang mga tanong na ito, kailangan tayong bumalik sa ika-16 na siglo.

Sino ba ang mga Mennonita?

Noong ika-16 na siglo, nagkaroon ng panibagong interes sa pag-aaral ng Bibliya sa Europa dahil sa biglang pagdami ng mga salin at inimprentang Bibliya sa karaniwang mga wika roon. Tinanggihan ni Martin Luther at ng iba pang Repormador ang maraming turo ng Simbahang Katoliko. Gayunman, pinanatili ng bagong-tatag na mga simbahang Protestante ang maraming kaugalian na hindi nakasalig sa Bibliya. Halimbawa, inaasahan ng karamihan na bawat bagong-silang na sanggol ay dapat mabautismuhan sa simbahan. Gayunman, naunawaan ng ilang naghahanap ng katotohanan sa Bibliya na nagiging miyembro lamang ng kongregasyong Kristiyano ang isang tao kung gagawa siya ng may-kabatirang pasiya bago siya bautismuhan. (Mateo 28:19, 20) Ang masisigasig na mángangarál na nanghawakan sa paniniwalang ito ay nagsimulang maglakbay sa mga bayan at mga nayon na nagtuturo ng Bibliya at nagbabautismo ng mga adulto. Kaya naman, tinawag silang mga Anabaptist, na nangangahulugang “tagapagbautismo-muli.”

Ang isa na umasa sa mga Anabaptist sa kaniyang paghahanap sa katotohanan ay si Menno Simons, isang paring Katoliko sa nayon ng Witmarsum sa hilagang bahagi ng Netherlands. Pagsapit ng 1536, lubusan na siyang tumiwalag sa simbahan at mula noon ay pinaghahanap na siya. Noong 1542, nangako mismo ang Banal na Romanong Emperador Charles V ng 100 guilder (salapi sa Netherlands) bilang gantimpala sa pag-aresto kay Menno. Gayunpaman, tinipon ni Menno ang ilan sa mga Anabaptist at ginawang mga kongregasyon. Di-nagtagal, siya at ang kaniyang mga tagasunod ay nakilala bilang mga Mennonita.

Ang mga Mennonita sa Ngayon

Sa paglipas ng panahon, naitaboy ang libu-libong Mennonita mula sa Kanlurang Europa tungo sa Hilagang Amerika dahil sa pag-uusig. Doon, nagkaroon sila ng pagkakataong ipagpatuloy ang kanilang paghahanap sa katotohanan at ipaabot ang kanilang mensahe sa marami pang iba. Ngunit ang maningas na sigasig ng kanilang mga ninuno sa progresibong pag-aaral ng Bibliya at pangmadlang pangangaral ay halos maglaho na. Ang karamihan ay nanghawakan sa ilang turo na hindi nakasalig sa Bibliya, tulad ng Trinidad, imortalidad ng kaluluwa ng tao, at apoy ng impiyerno. (Eclesiastes 9:5; Ezekiel 18:4; Marcos 12:29) Sa ngayon, ang gawaing pagmimisyonero ng mga Mennonita ay may tendensiyang higit na magtuon ng pansin sa medikal at panlipunang mga serbisyo kaysa sa pag-eebanghelyo.

Tinataya na mayroon na ngayong mga 1,300,000 Mennonita na nakatira sa 65 bansa. Gayunman, ikinalulungkot ng makabagong-panahong mga Mennonita ang kanilang kawalan ng pagkakaisa, gaya ng nadama ni Menno Simons noong nakalipas na maraming siglo. Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I, naging sanhi ng malalaking pagkakabaha-bahagi ang iba’t ibang opinyon tungkol sa digmaan sa daigdig. Marami sa Hilagang Amerika ang tumangging maglingkod sa militar dahil sa simulain sa Bibliya. Ngunit sinasabi ng An Introduction to Mennonite History: “Pagsapit ng 1914, halos alaala na lamang sa kasaysayan ang pagtanggi ng mga simbahang Mennonita sa Kanlurang Europa sa paglilingkod sa militar.” Sa ngayon, sinunod ng ilang grupong Mennonita ang karamihan sa makabagong mga pamamaraan, ang iba naman ay hindi gaanong sumunod dito. Isinasara pa rin ng iba ang kanilang damit sa pamamagitan ng mga kutsetes sa halip na mga butones at naniniwala sila na hindi dapat ahitin ng mga lalaki ang kanilang mga balbas.

Palibhasa’y determinado ang ilang grupong Mennonita na manatiling hiwalay sa makabagong daigdig, lumipat sila sa mga lugar kung saan ipinahihintulot ng lokal na pamahalaan na mamuhay sila nang hindi pinakikialaman. Halimbawa, sa Bolivia, tinataya na 38,000 Mennonita ang nakatira sa napakaraming liblib na kolonya, na bawat isa ay may iba’t ibang tuntunin sa paggawi. Ipinagbabawal ng ilang kolonya ang mga sasakyang de-motor, anupat pinahihintulutan lamang ang mga kabayo at karwahe. Ipinagbabawal din ng ilang kolonya ang radyo, TV, at musika. Bawal pa nga sa ilan ang pag-aaral ng wika ng bansang tinitirhan nila. “Para makontrol nila kami, ayaw ng mga mángangarál na matuto kami ng Kastila,” ang sabi ng isang naninirahan sa kolonya. Marami ang nakadarama na sila’y sinisiil at namumuhay sa takot na matiwalag mula sa pamayanan​—isang kalunus-lunos na kahihinatnan para sa isa na hindi pa nakaranas mamuhay sa labas ng pamayanang Mennonita.

Kung Paano Naihasik ang Binhi ng Katotohanan

Ganito ang kalagayan nang makakita ang isang magsasakang Mennonita na nagngangalang Johann ng isang kopya ng magasing Bantayan sa tahanan ng kaniyang kapitbahay. Mula sa Canada, nandayuhan ang pamilya ni Johann patungong Mexico at nang maglaon ay sa Bolivia. Ngunit matagal nang nais ni Johann na matulungan siya sa paghahanap ng katotohanan sa Bibliya. Hiniram niya ang magasing iyon.

Nang maglaon, samantalang nasa lunsod upang ipagbili ang kaniyang mga produkto sa bukid, nilapitan ni Johann ang isang Saksi na nag-aalok ng Ang Bantayan sa may pamilihan. Itinuro naman sa kaniya ng Saksi kung saan matatagpuan ang isang misyonero na nagsasalita ng wikang Aleman, at di-nagtagal, tumatanggap na si Johann ng Ang Bantayan sa wikang Aleman sa pamamagitan ng koreo. Ang bawat isyu ay maingat na pinag-aaralan at ipinapasa sa iba’t ibang pamilya sa kaniyang kolonya hanggang sa masira ito. Kung minsan, nagtitipun-tipon ang mga pamilya at pinag-aaralan ang isang magasing Bantayan hanggang hatinggabi, anupat binubuklat ang binanggit na mga teksto sa Bibliya. Nakumbinsi si Johann na ang mga Saksi ni Jehova nga ang nagkakaisang gumagawa ng kalooban ng Diyos sa buong daigdig. Bago siya mamatay, sinabi ni Johann sa kaniyang asawa at mga anak: “Dapat ninyong basahin lagi Ang Bantayan. Tutulong ito sa inyo na maunawaan ang Bibliya.”

Ang ilan sa pamilya ni Johann ay nagsimulang makipag-usap sa kanilang mga kapitbahay tungkol sa mga bagay na natututuhan nila mula sa Bibliya. “Hindi pala magugunaw ang lupa. Sa halip, gagawin ito ng Diyos na isang paraiso,” ang sabi nila. “At hindi pala pinahihirapan ng Diyos ang mga tao sa impiyerno.” Di-nagtagal ay nakarating sa mga mángangarál ng simbahan ang ganitong mga usap-usapan, at binantaan nilang ititiwalag ang pamilya ni Johann kung hindi sila hihinto. Nang maglaon, sa panahon ng pag-uusap-usap ng pamilya tungkol sa panggigipit sa kanila ng matatandang Mennonita, isang kabataang lalaki ang nagsalita. “Hindi ko po maintindihan kung bakit pa tayo nagrereklamo tungkol sa matatanda sa ating simbahan,” ang sabi niya. “Alam naman po nating lahat kung alin ang tunay na relihiyon, at wala naman tayong ginagawa tungkol dito.” Naantig ang puso ng ama ng kabataan dahil sa mga salitang ito. Di-nagtagal, sampu sa pamilya ang naglakbay nang palihim upang hanapin ang mga Saksi ni Jehova at humantong nga sila sa tahanan ng mga misyonero, gaya ng binanggit sa pambungad.

Kinabukasan, dinalaw ng mga misyonero ang kanilang bagong mga kaibigan sa kolonya. Ang sasakyang de-motor ng mga misyonero ang kaisa-isang makikita sa daan. Habang marahan nilang nilalampasan ang mga karwaheng hila ng kabayo, nagkakatinginan sila ng nagtatakang mga naninirahan doon. Di-nagtagal, naupo na sila sa isang mesa kasama ang sampung Mennonita, na kumakatawan sa dalawang pamilya.

Nang araw na iyon, apat na oras ang kinailangan para matapos ang pag-aaral sa kabanata 1 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. * Sa bawat parapo, binubuklat ng mga magsasaka ang karagdagang mga teksto sa Bibliya at gusto nilang malaman kung tama ang kanilang pagkaunawa sa mga teksto. Ang bawat tanong sa pag-aaral ay sinusundan ng paghinto nang ilang minuto samantalang nag-uusap-usap ang mga magsasaka sa wikang Low German, pagkatapos ay saka pa lamang sasagot sa wikang Kastila ang isang tagapagsalita para sa grupo. Iyon ay isang di-malilimutang araw, ngunit may namumuong daluyong ng pag-uusig. Mapapaharap sila sa mga pagsubok, gaya ng naranasan ni Menno Simons nang simulan niyang hanapin ang katotohanan sa Bibliya halos limang siglo na ang nakalilipas.

Pagharap sa mga Pagsubok Dahil sa Katotohanan

Pagkalipas ng ilang araw, nagpunta sa tahanan ng pamilya ni Johann ang matatanda sa simbahan at nagbigay ng ultimatum sa mga interesado: “Nabalitaan namin na dinalaw kayo ng mga Saksi ni Jehova. Pagbawalan ninyo silang bumalik, at kung hindi ninyo ibibigay sa amin ang kanilang mga literatura para sunugin, ititiwalag namin kayo.” Minsan pa lamang silang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, kaya napakalaking hamon nito sa kanila.

“Hindi namin magagawa ang hinihiling ninyo,” ang sagot ng isa sa mga ulo ng pamilya. “Nagpunta rito ang mga taong iyon upang turuan kami ng Bibliya.” Ano ang reaksiyon ng matatanda? Itiniwalag nila sila dahil sa pag-aaral ng Bibliya! Talagang napakasakit na dagok iyon. Ang kariton ng pagawaan ng keso ng kolonya ay lumalampas na lamang sa tahanan ng isang pamilya nang hindi kinokolekta ang kanilang gatas, anupat ipinagkakait sa kanila ang tanging pinagkukunan nila ng ikabubuhay. Tinanggal sa trabaho ang isang ulo ng pamilya. Ang isa naman ay ipinagtabuyan nang bumili ito ng suplay sa tindahan ng kolonya, at pinalayas sa paaralan ang kaniyang sampung-taóng-gulang na anak na babae. Pinalibutan ng mga kapitbahay ang isang tahanan upang kunin ang asawa ng isang kabataang lalaki, anupat iginigiit na hindi na ito puwedeng makisama sa kaniyang tiwalag na asawang lalaki. Sa kabila ng lahat ng ito, ang mga pamilyang nakipag-aral ng Bibliya ay hindi huminto sa kanilang paghahanap sa katotohanan.

Nagpatuloy ang mga misyonero sa paglalakbay nang malayo upang idaos ang pag-aaral sa Bibliya. Tunay ngang nakapagpapatibay sa mga pamilya ang mga pag-aaral na iyon! Ang ilang miyembro ng pamilya ay naglalakbay nang dalawang oras sakay ng kabayo at karwahe para lamang makadalo. Nakaaantig-damdamin ang okasyon nang anyayahan ng mga pamilya sa kauna-unahang pagkakataon na manalangin ang isa sa mga misyonero. Sa mga kolonyang ito, hindi nananalangin nang malakas ang mga Mennonita, kaya ngayon lamang sila nakarinig na may nanalangin para sa kanila. Napaluha ang mga lalaki. At maguguniguni mo ba ang kanilang pag-uusisa nang magdala ng tape recorder ang mga misyonero? Hindi kailanman pinahintulutan ang musika sa kanilang kolonya. Gayon na lamang ang kanilang tuwa sa magagandang Kingdom Melodies anupat ipinasiya nilang awitin ang mga awiting pang-Kaharian pagkatapos ng bawat pag-aaral! Magkagayunman, nananatili pa rin ang tanong, Paano sila mabubuhay sa kanilang bagong kalagayan?

Pagkasumpong ng Maibiging Kapatiran

Palibhasa’y hiwalay sa kanilang pamayanan, nagsimulang gumawa ng sariling keso ang mga pamilyang ito. Tinulungan sila ng mga misyonero na maghanap ng mga bibili nito. Isang matagal nang Saksi sa Hilagang Amerika na lumaki sa isang kolonya ng mga Mennonita sa Timog Amerika ang nakabalita sa problema ng mga pamilyang ito. Gustung-gusto niyang makatulong sa kanila. Sa loob lamang ng isang linggo, nakarating siya sa Bolivia sakay ng eroplano upang dalawin ang mga ito. Bukod sa paglalaan ng espirituwal na pampatibay-loob, tinulungan din niya ang mga pamilya na makabili ng kanilang sariling pickup na trak upang makadalo sila sa mga pulong sa Kingdom Hall at maibiyahe sa pamilihan ang kanilang mga produkto.

“Napakahirap ng naging kalagayan namin nang matiwalag kami mula sa pamayanan. Malungkot kaming naglalakbay patungo sa Kingdom Hall,” ang gunita ng isang miyembro ng pamilya, “ngunit umuuwi kaming masaya.” Sa katunayan, tumugon sa hamon ang mga Saksi roon at tumulong. Ang ilan ay nag-aral ng wikang Aleman, at maraming Saksing nagsasalita ng Aleman mula sa Europa ang nagpunta sa Bolivia upang tumulong sa pagdaraos ng Kristiyanong pagpupulong sa wikang Aleman. Di-nagtagal, 14 mula sa pamayanan ng mga Mennonita ang nangangaral na ng mabuting balita ng Kaharian sa iba.

Noong Oktubre 12, 2001, wala pang isang taon matapos ang unang pagdalaw na iyon sa tahanan ng mga misyonero, 11 sa dating mga Anabaptist na ito ang muling nabautismuhan, sa pagkakataong ito, bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. Mula noon, marami pa ang nagpabautismo. Ganito ang sabi ng isa nang maglaon: “Nang matutuhan namin ang katotohanan mula sa Bibliya, para kaming mga alipin na pinalaya.” Ganito naman ang sinabi ng isa pa: “Maraming Mennonita ang nagrereklamo tungkol sa kawalan ng pag-ibig sa kanilang pamayanan. Ngunit ang mga Saksi ni Jehova ay interesado sa isa’t isa. Pakiramdam ko’y ligtas ako sa piling nila.” Kung naghahanap ka ng mas malinaw na pagkaunawa sa katotohanan mula sa Bibliya, baka mapaharap ka rin sa mga problema. Ngunit kung hihilingin mo ang tulong ni Jehova at magpapakita ka ng pananampalataya at lakas ng loob gaya ng mga pamilyang ito, ikaw rin ay magtatagumpay at makasusumpong ng kaligayahan.

[Talababa]

^ par. 17 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 25]

Maligayang pagtugon sa pagtanggap ng mga literatura sa Bibliya sa wikang Aleman

[Larawan sa pahina 26]

Bagaman bawal na ang musika noon pa man, sila ay umaawit na ngayon pagkatapos ng bawat pag-aaral sa Bibliya