Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pakinabang sa Pagiging Matapat

Mga Pakinabang sa Pagiging Matapat

Mga Pakinabang sa Pagiging Matapat

SA ILANG bansa, gustung-gusto ng mga bata na pakapitin ang mga amorseko sa sweter na lana ng kanilang kalaro bilang pagbibiro. Kumakapit ang mga amorseko sa lana, at anuman ang gawin ng kalaro​—maglalakad man siya, magtatakbo, magkakawag, o magtatalon​—nakakapit pa rin ang mga amorseko. Ang tanging paraan upang maalis ang mga ito ay isa-isa itong tanggalin. Para sa mga bata, nakatutuwa ito.

Siyempre pa, hindi lahat ay natutuwang may nakakapit na amorseko sa kanilang damit, ngunit ang lahat ay namamangha sa katangian ng mga amorseko na kumapit nang maigi. Ang isang taong matapat ay may katulad na katangian. Ang isang taong matapat ay nananatiling may malapít at nagtatagal na kaugnayan sa isang indibiduwal. May-katapatan niyang ginagampanan ang mga tungkulin at obligasyon sa ugnayang iyan kahit mahirap itong gawin dahil sa mga kalagayan. Ipinaaalaala ng salitang “pagkamatapat” ang mga katangiang gaya ng pagiging totoo, pagkamasunurin, at debosyon. Gayunman, bagaman pinahahalagahan mo ang pagkamatapat ng mga tao sa iyo, ikaw ba naman ay may kapasiyahang maging matapat sa iba? Kung oo, kanino ka dapat maging matapat?

Katapatan sa Pag-aasawa​—Kailangang-Kailangan

Ang pag-aasawa ay isang larangan kung saan kailangan ang pagkamatapat ngunit, nakalulungkot, bihirang-bihira ito sa mga mag-asawa. Ang mag-asawang nananatiling tapat sa kanilang mga panata sa pag-aasawa​—samakatuwid nga, nananatiling magkasama at nagtutulungan para sa kapakanan ng isa’t isa​—ay nakagagawa ng mahalagang hakbang para masumpungan ang kaligayahan at kapanatagan. Bakit? Dahil nilalang ang mga tao na may pangangailangang magpakita at pagpakitaan ng pagkamatapat. Nang ikasal sina Adan at Eva sa hardin ng Eden, sinabi ng Diyos: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa.” Kapit din ito sa asawang babae; dapat siyang pumisan sa kaniyang asawa. Ang mag-asawa ay dapat magtulungan at maging tapat sa isa’t isa.​—Genesis 2:24; Mateo 19:3-9.

Siyempre pa, noon pang nakalipas na libu-libong taon iyon. Nangangahulugan ba ito na makaluma na ang pagkamatapat sa pag-aasawa sa ngayon? Ang karamihan ay sasagot ng hindi. Natuklasan ng mga mananaliksik sa Alemanya na 80 porsiyento ang may pangmalas na napakahalaga ng katapatan sa pag-aasawa. Ang ikalawang surbey ay isinagawa upang alamin ang pinakakanais-nais na mga katangian sa mga lalaki at babae. Hiniling sa isang grupo ng mga lalaki na isulat ang limang katangian na lubha nilang hinahangaan sa mga babae, at isinulat naman ng isang grupo ng mga babae ang limang katangian na gustung-gusto nila sa mga lalaki. Ang katangian na lubhang pinahahalagahan ng mga lalaki at babae ay ang katapatan.

Oo, ang pagkamatapat ay bahagi ng isang matibay na pundasyon para sa matagumpay na pag-aasawa. Gayunman, gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, ang pagkamatapat ay mas madalas na pinupuri kaysa isinasagawa. Halimbawa, ang mataas na bilang ng mga nagdidiborsiyo sa maraming lupain ay nagpapatunay sa malawakang kawalan ng pagkamatapat. Paano mapaglalabanan ng mga mag-asawa ang kalakarang ito at makapananatiling matapat sa isa’t isa?

Nagtatagal ang Pagsasama Dahil sa Pagkamatapat

Naipakikita ang pagkamatapat kapag naghahanap ng mga pagkakataon ang mag-asawa upang pagtibayin ang kanilang debosyon sa isa’t isa. Halimbawa, karaniwan nang mas mabuting sabihin na “atin” sa halip na “akin”​—“ating mga kaibigan,” “ating mga anak,” “ating tahanan,” “ating mga karanasan,” at iba pa. Kapag nagpaplano at nagpapasiya​—ito man ay tungkol sa pabahay, trabaho, pagpapalaki ng anak, libangan, bakasyon, o relihiyosong gawain​—makabubuting isaalang-alang ng mag-asawa ang damdamin at opinyon ng isa’t isa.​—Kawikaan 11:14; 15:22.

Naipakikita ang pagkamatapat kapag ipinadarama ng mag-asawa na kailangan nila at hinahanap-hanap ang isa’t isa. Nangangamba ang isang may asawa kapag masyadong malapít ang pakikitungo ng kaniyang kabiyak sa isang hindi nito kasekso. Pinapayuhan ng Bibliya ang mga lalaki na manatili “sa asawa ng [kanilang] kabataan.” Hindi dapat hayaan ng asawang lalaki na hangarin ang paghanga ng isang babae na hindi niya asawa. Walang alinlangan na dapat niyang iwasang masangkot sa seksuwal na gawain kasama ng ibang babae. Nagbababala ang Bibliya: “Ang sinumang nangangalunya sa isang babae ay kapos ang puso; siyang gumagawa nito ay nagpapahamak ng kaniyang sariling kaluluwa.” Inaasahan din sa isang asawang babae ang gayon kataas na pamantayan ng katapatan.​—Kawikaan 5:18; 6:32.

Sulit ba na maging tapat sa pag-aasawa? Siyempre naman. Ginagawa nitong matatag at nagtatagal ang pagsasama, at bawat isa ay nakikinabang bilang indibiduwal. Halimbawa, kapag ang asawang lalaki ay tapat sa pananagutang pangalagaan ang kapakanan ng kaniyang asawa, nakadarama ng kapanatagan ang kaniyang asawa na nakatutulong upang maipamalas nito ang pinakamaiinam na mga katangian. Totoo rin ito sa asawang lalaki. Ang kapasiyahang maging matapat sa kaniyang asawa ay nakatutulong sa kaniya na italaga ang sarili sa matuwid na mga simulain sa lahat ng pitak ng kaniyang buhay.

Kung nakararanas ng problema ang mag-asawa, ang pagkamatapat ang magpapadama sa kanila ng kapanatagan. Sa kabilang panig, sa mag-asawang hindi matapat sa isa’t isa, ang kadalasang reaksiyon nila sa mga problema ay ang paghihiwalay o pagdidiborsiyo. Ang gayong hakbangin ay malimit na naghaharap lamang ng panibagong mga problema sa halip na nakalulutas ng mga problema. Noong dekada ng 1980, isang kilalang eksperto sa moda ang nakipaghiwalay sa kaniyang asawa at pamilya. Nakasumpong ba siya ng kaligayahan bilang isang lalaking walang asawa? Pagkalipas ng 20 taon, inamin niya na nang magkahiwalay sila ng kaniyang asawa, siya ay naging “malungkutin at balisa at hindi makatulog sa gabi dahil sa pagnanais na magsabi ng good night sa [kaniyang] mga anak.”

Pagkamatapat sa Pagitan ng mga Magulang at mga Anak

Kapag ang mga magulang ay matapat sa isa’t isa, malaki ang posibilidad na matututo ring maging matapat ang kanilang mga anak. Sa dakong huli, ang mga anak na pinalaki sa isang matapat at maibiging pamilya ay hindi mahihirapang maging responsable sa pakikitungo sa kani-kanilang kabiyak gayundin sa kanilang mga magulang kapag nagiging sakitin na ang mga ito dahil sa katandaan.​—1 Timoteo 5:4, 8.

Siyempre pa, hindi laging mga magulang ang unang nagiging sakitin. Kung minsan, nangangailangan ng tapat na pangangalaga ang isang anak. Iyan ang naging situwasyon nina Herbert at Gertrud​—parehong Saksi ni Jehova​—sa loob ng mahigit na 40 taon. Ang kanilang anak na si Dietmar ay isinilang na mayroon nang muscular dystrophy. Sa huling pitong taon bago siya mamatay noong Nobyembre 2002, araw-gabing nangailangan ng pangangalaga at atensiyon si Dietmar. Maibiging inasikaso ng kaniyang mga magulang ang mga pangangailangan niya. Nagkabit pa nga sila ng medikal na kagamitan sa kanilang tahanan at nagpasailalim sa medikal na pagsasanay. Isa ngang mainam na halimbawa ng pagkamatapat sa pamilya!

Mahalaga ang Pagkamatapat sa Pagkakaibigan

“Maaaring lumigaya ang isang tao kahit walang asawa, pero mahirap lumigaya kung walang kaibigan,” ang sabi ni Birgit. Marahil ay sasang-ayon ka. May asawa ka man o wala, ang pagkamatapat ng isang mabuting kaibigan ay magpapasaya sa iyong puso at magpapaunlad sa kalidad ng iyong buhay. Siyempre pa, kung may asawa ka, ang iyong asawa ang dapat na pinakamatalik mong kaibigan.

Ang isang kaibigan ay hindi lamang kakilala. Maaaring marami tayong kakilala​—mga kapitbahay, kasamahan, at mga taong nakakasalamuha natin paminsan-minsan. Ang tunay na pagkakaibigan ay nangangailangan ng panahon, lakas, at emosyonal na obligasyon. Isang karangalan na maging kaibigan ng iba. Ang pakikipagkaibigan ay nagdudulot ng mga pakinabang, ngunit may mga pananagutan ding nasasangkot dito.

Kailangan ang mabuting komunikasyon sa ating mga kaibigan. Paminsan-minsan, ang gayong komunikasyon ay maaaring pasiglahin ng pangangailangan. “Kapag may problema ang isa sa amin, nagtatawagan kami sa telepono ng aking kaibigan minsan o makalawa sa isang linggo. Nakaaaliw malaman na siya ay nariyan at handang makinig,” ang paliwanag ni Birgit. Hindi hadlang ang distansiya sa pagkakaibigan. Libu-libong kilometro ang distansiya nina Gerda at Helga, ngunit mahigit 35 taon na sila ngayong matalik na magkaibigan. “Palagi kaming nagsusulatan,” ang paliwanag ni Gerda, “anupat nagkukuwentuhan ng mga karanasan at nagtatapatan ng mga niloloob, masaya man iyon o malungkot. Tuwang-tuwa ako kapag nakatatanggap ng liham mula kay Helga. Parehong-pareho ang takbo ng isip namin.”

Mahalaga ang pagkamatapat sa pagkakaibigan. Maaaring masira ng isang di-matapat na gawa ang napakatagal nang ugnayan. Pangkaraniwan na sa magkaibigan na magsabihan ng kompidensiyal na mga bagay. Ang magkaibigan ay nagsasalita nang mula sa puso nang hindi nangangambang mamaliitin o ipagkakanulo sila. Sinasabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”​—Kawikaan 17:17.

Yamang ang ating mga kaibigan ay nakaiimpluwensiya sa ating pag-iisip, damdamin, at pagkilos, mahalaga na makipagkaibigan tayo sa mga tao na kapareho natin ng paraan ng pamumuhay. Halimbawa, tiyaking makipagkaibigan sa mga indibiduwal na kapareho mo ng paniniwala, pangmalas sa moral, at pamantayan ng tama at mali. Tutulungan ka ng gayong mga kaibigan na maabot ang iyong mga tunguhin. Kung sa bagay, bakit ka naman magiging malapít sa isa na ang mga pamantayan at moral ay hindi kapareho ng sa iyo? Ipinakikita ng Bibliya ang kahalagahan ng pagpili ng tamang mga kaibigan nang sabihin nito: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”​—Kawikaan 13:20.

Natututuhan ang Pagkamatapat

Kapag natutuhan ng isang bata na pakapitin ang amorseko sa damit ng iba, malamang na gugustuhin niyang ulit-ulitin ang gayong laro. Totoo rin ito kung tungkol sa isang taong matapat. Bakit? Sapagkat habang sinasanay nating magpakita ng pagkamatapat, lalo itong nagiging madaling gawin. Kung natututuhan ng isang tao na maging matapat sa loob ng pamilya sa maagang bahagi ng kaniyang buhay, balang-araw ay magiging madali para sa kaniya na makipagkaibigan salig sa pagkamatapat. Sa takdang panahon, ang gayong matibay at namamalaging pagkakaibigan ay magbibigay-daan sa pagkamatapat sa pag-aasawa. Tutulong din ito sa kaniya na maging matapat sa pinakamahalagang pakikipagkaibigan sa lahat.

Sinabi ni Jesus na ang pinakadakilang utos ay ibigin ang Diyos na Jehova nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Marcos 12:30) Nangangahulugan ito na dapat tayong maging lubos na matapat sa Diyos. Ang pagiging matapat sa Diyos na Jehova ay nagdudulot ng mayayamang pagpapala. Hindi niya tayo kailanman hahayaang mabigo o masiphayo, sapagkat sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili: “Ako ay matapat.” (Jeremias 3:12) Oo, ang pagkamatapat (loyalty), o katapatan (faithfulness), sa Diyos ay nagdudulot ng walang-hanggang mga gantimpala.​—1 Juan 2:17.

[Blurb sa pahina 6]

Ang pagkamatapat ng isang mabuting kaibigan ay magpapasaya sa iyong puso

[Larawan sa pahina 5]

Inaasikaso ng matapat na mga miyembro ng pamilya ang mga pangangailangan ng isa’t isa