Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagbabata Bilang Kawal ni Kristo

Nagbabata Bilang Kawal ni Kristo

Nagbabata Bilang Kawal ni Kristo

AYON SA SALAYSAY NI YURII KAPTOLA

“Kumbinsido na ako ngayon na talagang may pananampalataya ka!” Ang mga salitang iyan ay galing sa di-inaasahang pinagmulan​—isang opisyal ng hukbong Sobyet​—at napatibay ako nito sa eksaktong panahon na kailangang-kailangan ko. Napapaharap ako sa mahabang pagkabilanggo at marubdob akong nakiusap kay Jehova na alalayan ako. Napapaharap din ako sa mahabang pakikipagpunyagi na mangangailangan ng pagbabata at determinasyon.

ISINILANG ako noong Oktubre 19, 1962, at lumaki sa kanlurang bahagi ng Ukraine. Noong taon ding iyon, ang aking tatay, na Yurii rin ang pangalan, ay may nakilalang Saksi ni Jehova. Di-nagtagal, naging unang mananamba siya ni Jehova sa aming nayon. Ang kaniyang gawain ay napansin ng mga opisyal na salansang sa mga Saksi ni Jehova.

Gayunman, iginagalang ng karamihan sa aming mga kapitbahay ang aming mga magulang dahil sa kanilang mga katangiang Kristiyano at malasakit sa iba. Mula pa sa aming pagkabata, sinasamantala na ng aming mga magulang ang bawat pagkakataon na maikintal sa aming apat na magkakapatid ang pag-ibig sa Diyos, at tumulong ito sa akin na maharap ang maraming hamon sa paaralan. Bumangon ang isa sa mga hamong ito nang iutos sa bawat estudyante na magsuot ng badge na nagpapakilalang isa siya sa October Children ni Lenin. Dahil sa aking Kristiyanong neutralidad, hindi ako nagsuot ng badge at kitang-kita tuloy na naiiba ako.​—Juan 6:15; 17:16.

Nang maglaon, noong ako’y nasa ikatlong baytang, iniutos sa lahat ng estudyante na umanib sa organisasyon ng mga kabataang Komunista na tinatawag na Young Pioneers. Isang araw, pinalabas ang aming klase sa bakuran ng paaralan para sa seremonya ng pagpapatala. Takot na takot ako dahil tiyak na tutuyain ako at pagagalitan. Ang lahat maliban sa akin ay may dalang bagong pulang Pioneer scarf mula sa bahay nila, at pumila ang napakaraming estudyante sa harap ng prinsipal ng paaralan, mga guro, at nakatatandang mga estudyante. Nang utusan ang nakatatandang mga estudyante na itali ang mga scarf sa aming leeg, yumuko ako at tumungó, na umaasang walang makapapansin sa akin.

Dinala sa Malalayong Bilangguan

Sa edad na 18, sinentensiyahan ako ng tatlong taóng pagkabilanggo dahil sa pag-iingat ng Kristiyanong neutralidad. (Isaias 2:4) Pinagdusahan ko ang isang taon sa bayan ng Trudovoye, sa Distrito ng Vinnitskaya sa Ukraine. Habang naroroon, nakilala ko ang mga 30 Saksi ni Jehova. Dala-dalawa kami sa bawat grupo na inatasang magtrabaho nang hiwa-hiwalay, dahil ayaw ng mga awtoridad na magkasama-sama kami.

Noong Agosto 1982, kami ni Eduard​—isa pang Saksi​—ay isinakay sa mga bagon ng tren para sa mga bilanggo patungo sa hilagang Kabundukan ng Ural kasama ng iba pang mga bilanggo. Walong araw naming binatá ang napakainit at napakasikip na kalagayan hanggang sa dumating kami sa Solikamsk Prison, sa Distrito ng Permskaya. Magkahiwalay ang selda namin ni Eduard. Pagkalipas ng dalawang linggo, dinala ako sa dako pa roon ng hilaga sa Vels, sa rehiyon ng Krasnovishersky.

Hatinggabi na nang dumating kami, at napakadilim ng paligid. Kahit napakadilim, inutusan ng opisyal ang grupo namin na tumawid sa ilog sakay ng bangka. Hindi namin makita ang ilog ni ang bangka! Gayunman, nangapa kami hanggang sa masumpungan namin ang bangka at, bagaman natatakot, nakatawid din kami sa ilog. Pagdating sa kabilang pampang, pinuntahan namin ang liwanag na nakikita sa karatig na burol, at nakita namin doon ang ilang tolda. Ito ang aming magiging bagong tirahan. Tumira ako sa malaki-laking tolda kasama ang mga 30 iba pang bilanggo. Kung taglamig, binabata namin ang mga temperatura na bumabagsak kung minsan hanggang minus 40 digri Celsius, at napakalamig pa rin kahit sa loob ng aming tolda. Ang pangunahing trabaho ng mga bilanggo ay magputól ng mga punungkahoy, ngunit ang naging trabaho ko ay magtayo ng mga kubo para sa mga bilanggo.

Nakarating sa Aming Liblib na Pamayanan ang Espirituwal na Pagkain

Ako lamang ang nag-iisang Saksi sa pamayanang iyon; subalit hindi ako pinabayaan ni Jehova. Isang araw, may dumating na pakete mula sa aking nanay, na naninirahan pa rin sa kanlurang Ukraine. Nang buksan ng guwardiya ang pakete, una niyang nakita ang isang maliit na Bibliya. Dinampot niya ito at binuklat-buklat ang mga pahina. Nag-isip ako ng sasabihin upang hindi makumpiska ang espirituwal na kayamanang ito. “Ano ito?” biglang tanong ng guwardiya. Bago ako makaisip ng sagot, sumabad ang inspektor na nakatayo sa malapit: “A! Diksyunaryo ’yan.” Hindi ako umimik. (Eclesiastes 3:7) Hinalukay pa ng inspektor ang pakete at saka iniabot sa akin kasama ang napakahalagang Bibliya. Dahil sa sobrang katuwaan, binigyan ko siya ng ilang nuwes mula sa pakete. Nang tanggapin ko ang paketeng ito, alam kong hindi ako nalilimutan ni Jehova. Bukas-palad siyang tumutulong at naglalaan ng aking espirituwal na pangangailangan.​—Hebreo 13:5.

Pangangaral Nang Walang Humpay

Pagkalipas ng ilang buwan, nagulat ako nang tanggapin ko ang isang liham mula sa isang Kristiyanong kapatid na lalaki na nakakulong din mga 400 kilometro ang layo. Hinilingan niya akong hanapin ang isang lalaking nagpakita ng interes na marahil ay nasa kampo namin. Hindi isang katalinuhan ang pagsulat ng gayong deretsahang liham, sapagkat sinusuri ang aming mga liham. Tulad ng inaasahan, ipinatawag ako ng isa sa mga opisyal sa kaniyang opisina at mahigpit na pinagbawalang mangaral. Pagkatapos ay inutusan niya akong pirmahan ang isang dokumentong nagsasaad na hindi ko na ibabahagi sa iba ang aking mga paniniwala. Sinabi kong hindi ko maunawaan kung bakit kailangan pa akong pumirma sa gayong kasulatan, yamang alam na naman ng lahat na isa akong Saksi ni Jehova. Binanggit ko na gustong malaman ng ibang bilanggo kung bakit ako nakabilanggo. Ano ang sasabihin ko sa kanila? (Gawa 4:20) Napag-isip-isip ng opisyal na hindi niya ako kayang takutin, kaya ipinasiya niyang ipalipat ako. Ipinadala ako sa ibang kampo.

Inilipat ako sa nayon ng Vaya, 200 kilometro ang layo. Iginalang ng mga superbisor doon ang aking paninindigang Kristiyano at inatasan ako sa di-pangmilitar na gawain​—una bilang karpintero, sumunod ay bilang elektrisyan. Subalit may kani-kaniyang hamon ang mga trabahong ito. Minsan, ipinakuha sa akin ang mga kasangkapan ko at pinapunta ako sa club sa nayon. Pagdating ko roon, natuwa ang mga sundalong nasa club nang makita ako. Hindi nila mapagana ang mga ilaw na nakadekorasyon sa iba’t ibang emblemang pangmilitar. Nagpapatulong sila sa akin na ayusin ang mga bagay-bagay roon dahil naghahanda sila para sa taunang pagdiriwang ng Red Army Day. Matapos ang may-pananalanging pag-iisip kung ano ang aking gagawin, sinabi ko sa kanilang hindi ko magagawa ang gayong uri ng trabaho. Ibinigay ko sa kanila ang aking mga kasangkapan at umalis ako. Isinumbong ako sa katulong na direktor, at laking gulat ko na pagkatapos niyang marinig ang mga reklamo laban sa akin, sumagot siya: “Iginagalang ko siya sa bagay na iyan. Isa siyang lalaking may prinsipyo.”

Pampatibay-Loob Mula sa Di-inaasahang Pinagmulan

Noong Hunyo 8, 1984, pagkatapos ng eksaktong tatlong taóng pagkabilanggo, pinalaya ako. Pagbalik ko sa Ukraine, kinailangan kong magparehistro sa milisya bilang dating bilanggo. Sinabihan ako ng mga opisyal na lilitisin na naman ako pagkalipas ng anim na buwan at na makabubuting umalis na lamang ako sa distritong iyon. Kaya umalis ako sa Ukraine at nang maglaon ay nakapagtrabaho sa Latvia. Habang naroroon, nakapangaral ako at nakisama sa maliit na grupo ng mga Saksi na nakatira sa loob at sa palibot ng Riga, ang kabisera. Gayunman, pagkalipas lamang ng isang taon, ipinatawag na naman ako para magsundalo. Sa opisina ng pagpapatala, sinabi ko sa opisyal na tumanggi na ako noon na magsundalo. Bilang sagot, sumigaw siya: “Alam mo ba ang ginagawa mo? Tingnan natin kung masasabi mo iyan sa tenyente koronel!”

Sinamahan niya ako sa isang silid sa ikalawang palapag kung saan nakaupo ang tenyente koronel sa likod ng isang mahabang mesa. Nakinig siyang mabuti sa akin habang ipinaliliwanag ko ang aking katayuan at pagkatapos ay sinabihan niya ako na may panahon pa ako para pag-isipang mabuti ang aking desisyon bago humarap sa komite ng pagpapatala. Pag-alis namin sa opisina ng tenyente koronel, ang opisyal na nagalit sa akin sa pasimula ay umamin: “Kumbinsido na ako ngayon na talagang may pananampalataya ka!” Nang humarap ako sa komite ng militar, inulit ko ang aking neutral na paninindigan, at pansamantala nila akong pinalaya.

Sa loob ng panahong iyon, nakatira ako sa isang pansamantalang tuluyan. Isang gabi, nakarinig ako ng marahang katok sa pinto. Binuksan ko ito at tumambad ang isang lalaking nakaamerikana at may dalang portpolyo. Nagpakilala siya na sinasabi: “Kinatawan ako ng State Security. Alam kong may problema ka at lilitisin ka sa hukuman.” “Opo, tama po kayo,” ang sagot ko. Nagpatuloy ang lalaki: “Matutulungan ka namin kung makikipagtulungan ka rin sa amin.” “Hindi, hindi po iyon maaari,” ang sabi ko. “Mananatili po akong matapat sa aking paniniwalang Kristiyano.” Hindi na niya ako pinilit at umalis siya.

Balik sa Bilangguan, Balik sa Pangangaral

Noong Agosto 26, 1986, sinentensiyahan ako ng National Court ng Riga ng apat na taóng sapilitang pagtatrabaho, at dinala ako sa Riga Central Prison. Inilagay nila ako sa isang malaking selda kasama ng 40 iba pang bilanggo, at sinikap kong mangaral sa lahat ng bilanggo sa seldang iyon. May ilang nagsabing naniniwala sila sa Diyos; ang iba naman ay nagtawa lamang. Napansin kong may kani-kaniyang grupo ang mga lalaking iyon, at pagkalipas ng dalawang linggo, pinagbawalan akong mangaral ng mga lider ng mga grupong ito, dahil hindi raw ako sumusunod sa kanilang napagkasunduang mga patakaran. Ipinaliwanag ko na iyan mismo ang dahilan ng aking pagkabilanggo​—ibang mga kautusan ang sinusunod ko.

Nagpatuloy ako sa maingat na pangangaral, at nang makasumpong ako ng ilang palaisip sa espirituwal, nagawa kong makipag-aral ng Bibliya sa apat sa kanila. Sa panahon ng aming talakayan, isinusulat nila sa isang kuwaderno ang panimulang mga turo sa Bibliya. Pagkalipas ng ilang buwan, inilipat ako sa isang mahigpit-na-binabantayang kampo sa Valmiera, kung saan nagtrabaho ako bilang elektrisyan. Napagdausan ko roon ng pag-aaral sa Bibliya ang isa pang elektrisyan na naging Saksi ni Jehova pagkalipas ng apat na taon.

Noong Marso 24, 1988, inilipat naman ako mula sa mahigpit-na-binabantayang kampo tungo sa karatig na kampong pamayanan. Isa itong malaking pagpapala, yamang mas malaya ako rito. Inatasan akong magtrabaho sa iba’t ibang lugar ng konstruksiyon, at palagi akong naghahanap ng mga pagkakataong mangaral. Madalas akong wala sa kampo, anupat nangangaral hanggang sa kalaliman ng gabi, subalit hindi ako kailanman nagkaproblema sa aking pag-uwi sa pamayanan.

Pinagpala ni Jehova ang aking pagsisikap. May ilang Saksi na nakatira sa lugar na iyon, ngunit sa kabayanan mismo ay may isa lamang, si Vilma Krūmin̗a​—isang may-edad nang sister. Pinasimulan namin ni Sister Krūmin̗a ang pagdaraos ng maraming pag-aaral sa Bibliya sa mga kabataan. Paminsan-minsan, may mga kapatid na naglalakbay mula sa Riga upang makibahagi sa ministeryo, at may mga regular pioneer pa ngang dumarating mula sa Leningrad (ngayo’y St. Petersburg). Sa tulong ni Jehova, nakapagpasimula kami ng ilang pag-aaral sa Bibliya, at di-nagtagal ay nagpatala ako sa paglilingkod bilang payunir, anupat gumugugol ng 90 oras sa isang buwan sa gawaing pangangaral.

Noong Abril 7, 1990, iniskedyul ang aking kaso para suriing muli sa People’s Court sa Valmiera. Nang magsimula ang pagdinig, nakilala ko ang tagausig. Siya ang binatang nakausap ko noon tungkol sa Bibliya! Nakilala rin niya ako at ngumiti siya subalit hindi umimik. Naaalaala ko pa ang sinabi ng hukom sa akin sa paglilitis nang araw na iyon: “Yurii, ilegal ang pagkakabilanggo sa iyo sa nakalipas na apat na taon. Hindi ka nila dapat hinatulan.” Kaya sa isang iglap, malaya na ako!

Isang Kawal ni Kristo

Noong Hunyo 1990, kinailangan ko na namang magparehistro sa opisina ng pagpapatala upang makakuha ng pahintulot na manirahan sa Riga. Pumasok ako sa pamilyar na opisina na may mahabang mesa kung saan apat na taon na ang nakalilipas, sinabi ko sa naroroong tenyente koronel na hindi ako magsusundalo. Sa pagkakataong ito, tumayo siya para batiin ako, kinamayan ako, at sinabi: “Nakahihiya ang ginawa namin sa iyo. Pasensiya ka na sa nangyari.”

Sumagot ako: “Isa akong kawal ni Kristo, at dapat kong tuparin ang aking atas. Sa tulong ng Bibliya, matatamasa rin ninyo ang ipinangako ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod​—isang maligayang buhay at walang-hanggang kinabukasan.” (2 Timoteo 2:3, 4) Sumagot ang koronel: “Kabibili ko pa lamang ng Bibliya, at binabasa ko na ito ngayon.” May dala akong aklat noon na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. * Binuklat ko ito sa kabanatang tumatalakay sa tanda ng mga huling araw at ipinakita sa kaniya ang kaugnayan ng hula ng Bibliya sa ating panahon. Taglay ang masidhing pagpapahalaga, kinamayan uli ako ng koronel at sinabing magtagumpay sana ako sa aking gawain.

Talagang mapuputi na ngayon ang bukirin sa Latvia para sa pag-aani. (Juan 4:35) Noong 1991, nagsimula akong maglingkod bilang matanda sa kongregasyon. Dadalawa lamang ang inatasang matanda sa buong bansa! Pagkalipas ng isang taon, ang nag-iisang kongregasyon sa Latvia ay nahati sa dalawa​—isa sa wikang Latvian at isa naman sa wikang Ruso. Nagkapribilehiyo akong maglingkod sa kongregasyon sa wikang Ruso. Napakabilis ng paglago anupat nahati sa tatlo ang aming kongregasyon nang sumunod na taon! Nang balikan ko ang nakaraan, maliwanag na si Jehova mismo ang umaakay sa mga tupa niya tungo sa kaniyang organisasyon.

Noong 1998, naatasan akong maglingkod bilang special pioneer sa Jelgava, isang bayan na may layong 40 kilometro sa gawing timog-kanluran ng Riga. Nang taon ding iyon, isa ako sa unang inanyayahan mula sa Latvia para mag-aral sa Ministerial Training School na ginanap sa wikang Ruso sa Solnechnoye, malapit sa St. Petersburg, Russia. Habang nag-aaral, naunawaan ko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maibiging saloobin sa mga tao upang magtagumpay sa ministeryo. Ang lalo nang hinangaan ko, higit sa mga bagay na itinuro sa amin sa paaralan, ay ang pag-ibig at atensiyong ipinakita sa amin ng pamilyang Bethel at ng mga instruktor ng paaralan.

Isa pang mahalagang pangyayari sa aking buhay ang naabot ko noong 2001 nang pakasalan ko si Karina, isang magandang babaing Kristiyano. Sumama sa akin si Karina sa buong-panahong pantanging paglilingkod, at araw-araw akong napatitibay kapag nakikita ko ang aking asawa na masayang-masayang umuuwi matapos maglingkod sa larangan. Tunay na isang malaking kagalakan ang maglingkod kay Jehova. Ang masasakit na karanasan sa ilalim ng rehimeng Komunista ay nagturo sa akin na magtiwalang lubos sa kaniya. Sulit ang anumang pagsasakripisyo ng sinumang nagnanais na makipagkaibigan kay Jehova at sumuporta sa kaniyang soberanya. Ang pagtulong sa iba na matuto tungkol kay Jehova ay nagbigay ng layunin sa aking buhay. Isang malaking karangalan para sa akin na maglingkod kay Jehova “bilang isang mabuting kawal ni Kristo.”​—2 Timoteo 2:3.

[Talababa]

^ par. 29 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova subalit hindi na ngayon iniimprenta.

[Larawan sa pahina 10]

Sinentensiyahan ako ng apat na taóng sapilitang pagtatrabaho at nabilanggo sa Riga Central Prison

[Larawan sa pahina 12]

Kami ni Karina sa ministeryo