Ang Pangmalas ng Iba Tungkol sa Atin—Mahalaga ba Ito?
Ang Pangmalas ng Iba Tungkol sa Atin—Mahalaga ba Ito?
HALOS lahat ay nagnanais na mapuri. Ang mga papuri ay nakapagpapasaya sa atin, nakapagpapadama sa atin na may nagagawa tayo. Ang pagkadama na sinasang-ayunan tayo ay nakapag-uudyok pa nga sa atin na pagbutihin pa ang ating ginagawa. Kabaligtaran naman nito ang ating nadarama kapag nahiwatigan nating hindi tayo sinasang-ayunan ng ilang tao. Dahil sa malamig na pakikitungo o pamimintas ng iba, maaaring masira ang ating determinasyon. Ang pangmalas ng iba tungkol sa atin ay maaaring magkaroon ng matinding epekto sa pangmalas natin sa ating sarili.
Isang kamalian na ipagwalang-bahala ang pangmalas ng iba tungkol sa atin. Ang totoo, makikinabang tayo kung hahayaan nating suriin ng iba ang ating paggawi. Kapag nakasalig sa matataas na simulain sa moral, ang opinyon ng iba ay maaaring maging kapaki-pakinabang, anupat gumaganyak sa atin na maging matuwid. (1 Corinto 10:31-33) Gayunman, madalas na lubhang di-makatuwiran ang opinyon ng publiko. Kuning halimbawa ang pilipit na pangmalas kay Jesu-Kristo ng mga punong saserdote at ng iba pa nang ‘magsimula silang humiyaw, na nagsasabi: “Ibayubay! Ibayubay siya!” ’ (Lucas 23:13, 21-25) Ang mga pangmalas na nakasalig sa maling impormasyon o naiimpluwensiyahan ng inggit o pagtatangi ay baka kailangan ding alisin. Kung gayon, kailangang maging mahusay ang ating pagpapasiya at maging makatuwiran ang ating reaksiyon sa opinyon ng iba.
Kaninong Opinyon ang Mahalaga?
Gusto natin ang pagsang-ayon ng mga malapít sa atin sa tunay na pagsamba. Kabilang dito ang mga miyembro ng pamilya na nasa pananampalataya at ang ating mga kapatid na Kristiyano. (Roma 15:2; Colosas 3:18-21) Ang pag-ibig at paggalang ng mga kapananampalataya at ang “pagpapalitan ng pampatibay-loob” sa gitna nila ay napakalaking bagay para sa atin. (Roma 1:11, 12) Taglay ang ‘kababaan ng pag-iisip, itinuturing natin na ang iba ay nakatataas sa atin.’ (Filipos 2:2-4) Bukod diyan, hinahangad natin at pinahahalagahan ang pagsang-ayon ng “mga nangunguna” sa atin—ang matatanda sa kongregasyon.—Hebreo 13:17.
Kanais-nais din ang “mainam na patotoo mula sa mga tao sa labas.” (1 Timoteo 3:7) Kay-inam nga kung iginagalang tayo ng di-sumasampalatayang mga kamag-anak, katrabaho, at mga kapitbahay! At hindi ba’t sinisikap nating makapag-iwan ng magandang impresyon sa mga taong pinangangaralan natin upang makinig sila sa mensahe ng Kaharian? Ang pagkakaroon natin ng reputasyon sa pamayanan bilang mga taong may malinis na moral, matuwid, at matapat ay nakaluluwalhati sa Diyos. (1 Pedro 2:12) Gayunman, hindi natin kailanman maaaring ikompromiso ang mga simulain ng Bibliya para sang-ayunan tayo ng iba; at hindi rin tayo maaaring magpaimbabaw para pahangain sila. Dapat nating tanggapin na imposibleng mapalugdan ang lahat. Sinabi ni Jesus: “Kung kayo ay bahagi ng sanlibutan, kagigiliwan ng sanlibutan ang sa kaniya. Ngunit sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ay napopoot sa inyo ang sanlibutan.” (Juan 15:19) May magagawa ba tayo para matamo ang paggalang ng mga sumasalansang sa atin?
Tamuhin ang Paggalang ng mga Sumasalansang
“Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan,” ang babala ni Jesus, “ngunit siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 10:22) Kung minsan, ang pagkapoot na ito ay nagbubunga ng masasamang akusasyon. Baka ituring ng may-kinikilingang mga opisyal ng pamahalaan na tayo ay “mapaghimagsik” o “subersibo.” Baka iparatang ng mga tahasang mananalansang na tayo ay isang magulong sekta na dapat sugpuin. (Gawa 28:22) Kung minsan, maaaring pabulaanan ang huwad na mga akusasyong ito. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ni apostol Pedro: “[Maging] handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Karagdagan pa, dapat tayong gumamit ng “mabuting pananalita na hindi mahahatulan; upang ang tao na sumasalansang ay mapahiya, na walang anumang buktot na masasabi tungkol sa atin.”—Tito 2:8.
Habang sinisikap nating alisin ang upasala sa ating pangalan, hindi tayo dapat masiraan ng loob o magpadaig kapag di-makatarungan ang paninirang-puri sa atin. Si Jesus, ang sakdal na Anak ng Diyos, ay inakusahan ng pamumusong, sedisyon, at pagsasagawa ng espiritismo. (Mateo 9:3; Marcos 3:22; Juan 19:12) Si apostol Pablo ay siniraang-puri. (1 Corinto 4:13) Hindi pinansin ni Jesus at ni Pablo ang gayong kritisismo at naging abala pa rin sila sa kanilang gawain. (Mateo 15:14) Alam nila na hindi nila matatamo kailanman ang pagsang-ayon ng kanilang mga kaaway, yamang “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Sa ngayon, napapaharap tayo sa gayunding hamon. Hindi tayo kailangang matakot kapag nagkakalat ng mga kasinungalingan tungkol sa atin ang napopoot na mga mananalansang.—Mateo 5:11.
Mga Opinyon na Talagang Mahalaga
Iba’t iba talaga ang pangmalas ng mga tao tungkol sa atin, depende sa kanilang motibo at kung ano ang nabalitaan nila tungkol sa atin. Pinupuri at pinararangalan tayo ng ilan, nilalait at kinapopootan naman ng iba. Subalit hangga’t pinapatnubayan tayo ng mga simulain ng Bibliya, taglay natin ang lahat ng dahilan para maging maligaya at mapayapa.
Sumulat si apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Natatamo natin ang lingap ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sa pamamagitan ng may-pagpapahalagang pagtanggap sa Salita ng Diyos bilang patnubay natin sa lahat ng bagay. Tutal, ang mga opinyon ni Jehova at ng kaniyang Anak ang pinakamahalaga. Ang pangmalas nila sa atin ang nagpapakita sa tunay na halaga natin. Sa dakong huli, ang buhay natin ay nakasalalay sa kanilang pagsang-ayon.—Juan 5:27; Santiago 1:12.
[Blurb sa pahina 30]
“Nahihiya ako kapag pinupuri ako, dahil iyon naman talaga ang gusto ko.”—MAKATANG INDIAN NA SI RABINDRANATH TAGORE
[Mga larawan sa pahina 31]
Mahalaga ang mga opinyon ng ating mga kapananampalataya
[Picture Credit Line sa pahina 30]
Culver Pictures