Labanan ang Maling Kaisipan!
Labanan ang Maling Kaisipan!
NOONG dumaranas ng kasawian ang patriyarkang si Job, dinalaw siya ng kaniyang tatlong kaibigan na sina Elipaz, Bildad, at Zopar. Dumating sila upang makiramay sa kaniya at aliwin siya. (Job 2:11) Ang pinakamaimpluwensiya at marahil ang pinakamatanda sa tatlo ay si Elipaz. Siya ang unang nagsalita at may pinakamaraming sinabi. Anong uri ng kaisipan ang ipinaaninag ni Elipaz sa kaniyang tatlong pahayag?
Sa paggunita sa isang kakaibang karanasan niya, sinabi ni Elipaz: “Isang espiritu ang dumaan sa aking mukha; ang balahibo ng aking laman ay nagsimulang mangalisag. Ito ay tumayong nakatigil, ngunit hindi ko nakilala ang kaanyuan nito; isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata; nagkaroon ng katahimikan, at narinig ko ngayon ang isang tinig.” (Job 4:15, 16) Anong uri ng espiritu ang nakaimpluwensiya sa pag-iisip ni Elipaz? Ipinakikita ng mapanghatol na himig ng sumunod na mga salita na ang espiritung iyon ay tiyak na hindi isa sa matuwid na mga anghel ng Diyos. (Job 4:17, 18) Ito ay isang balakyot na espiritung nilalang. Kung hindi gayon, bakit sinaway ni Jehova si Elipaz at ang kaniyang dalawang kasamahan dahil sa pagsasabi ng kasinungalingan? (Job 42:7) Oo, si Elipaz ay naimpluwensiyahan ng demonyo. Ipinaaaninag ng kaniyang mga sinabi ang di-makadiyos na kaisipan.
Anu-anong ideya ang ipinahihiwatig ng mga pananalita ni Elipaz? Bakit mahalaga na maging mapagbantay tayo laban sa maling kaisipan? At anu-anong hakbang ang magagawa natin upang mapaglabanan ito?
“Sa Kaniyang mga Lingkod ay Wala Siyang Pananampalataya”
Sa lahat ng tatlong pahayag ni Elipaz, iniharap niya ang ideya na ang Diyos ay labis na mapaghanap anupat lahat ng gawin ng mga lingkod niya ay hindi nakalulugod sa kaniya. “Narito! Sa kaniyang mga lingkod ay wala siyang pananampalataya,” ang sabi ni Elipaz kay Job, “at ang kaniyang mga anghel ay pinararatangan niya ng pagkakamali.” (Job 4:18, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Nang dakong huli ay sinabi ni Elipaz tungkol sa Diyos: “Sa kaniyang mga banal ay wala siyang tiwala, at maging ang langit ay hindi malinis sa kaniyang paningin.” (Job 15:15) At nagtanong siya: “May anumang kaluguran ba ang Makapangyarihan-sa-lahat kung ikaw ay matuwid?” (Job 22:3) Sang-ayon si Bildad sa pangmalas na ito, sapagkat sinabi niya: “May buwan nga, at hindi ito maliwanag; at ang mga bituin man ay hindi malinis sa . . . paningin [ng Diyos].”—Job 25:5.
Dapat tayong magbantay na huwag maimpluwensiyahan ng gayong kaisipan. Maaari tayong akayin nito na madamang labis-labis ang hinihiling ng Diyos sa atin. Sinisira ng pangmalas na ito ang mismong kaugnayan natin kay Jehova. Bukod diyan, kung magpapadaig tayo sa ganitong uri ng pangangatuwiran, paano pa tayo tutugon kapag nilapatan tayo ng kinakailangang disiplina? Sa halip na mapagpakumbaba nating tanggapin ang pagtutuwid, ang ating puso ay baka ‘magngalit laban kay Jehova mismo,’ at baka maghinanakit tayo sa kaniya. (Kawikaan 19:3) Talaga ngang makapipinsala ito sa ating kaugnayan sa Diyos!
“Mayroon Bang Silbi sa Diyos ang Isang Matipunong Lalaki?”
Ang pangmalas na walang silbi sa Diyos ang mga tao ay may malapit na kaugnayan sa ideya na Siya ay labis na mapaghanap. Ang ikatlong pahayag ni Elipaz ay may ganitong tanong: “Mayroon bang silbi sa Diyos ang isang matipunong lalaki, anupat ang sinumang may kaunawaan ay may silbi sa kaniya?” (Job 22:2) Ipinahihiwatig ni Elipaz na walang silbi sa Diyos ang tao. Sa katulad na paraan, nangatuwiran si Bildad: “Paanong malalagay sa tama ang taong mortal sa harap ng Diyos, o paanong magiging malinis ang isang ipinanganak ng isang babae?” (Job 25:4) Ayon sa pangangatuwirang iyan, paano masasabi ni Job, isang tao lamang, na mayroon siyang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos?
Ang ilang tao sa ngayon ay sinasalot ng negatibong damdamin tungkol sa kanilang sarili. Maaaring ito’y dahil sa paraan ng pagpapalaki sa loob ng pamilya, pagkahantad sa mga panggigipit sa buhay, o pagiging biktima ng pagkapoot dahil sa lahi o etnikong pinagmulan. Ngunit natutuwa rin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo na pahinain ang loob ng isang tao. Kung maiimpluwensiyahan nila ang isang indibiduwal para makadamang hindi kalugud-lugod sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang lahat ng ginagawa niya, mas madali siyang mawawalan ng pag-asa. Sa kalaunan, ang gayong tao ay maaanod papalayo, o tuwiran pa ngang lalayo, mula sa Diyos na buháy.—Hebreo 2:1; 3:12.
Limitado ang ating nagagawa dahil sa pagtanda at mga problema sa kalusugan. Ang naibabahagi natin sa paglilingkod sa Kaharian ay maaaring maliit lamang kung ihahambing sa nagagawa natin noong tayo ay mas bata, mas malusog, at mas malakas. Napakahalaga ngang maunawaan na nais ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo na madama nating hindi kalugud-lugod sa Diyos ang ating ginagawa! Dapat nating labanan ang gayong kaisipan!
Kung Paano Lalabanan ang Negatibong Kaisipan
Sa kabila ng pagdurusang pinasapit sa kaniya ni Satanas na Diyablo, sinabi ni Job: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!” (Job 27:5) Dahil iniibig niya ang Diyos, determinado si Job na panatilihin ang kaniyang katapatan anuman ang mangyari, at walang makapagpapabago niyaon. Makikita rito ang susi sa paglaban sa negatibong kaisipan. Dapat tayong magkaroon ng mainam na pagkaunawa sa pag-ibig ng Diyos at maglinang ng taos-pusong pagpapahalaga rito. Kailangan din nating pasidhiin ang ating pag-ibig sa kaniya. Natatamo ito sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos at may-pananalanging pagbubulay-bulay sa ating natututuhan.
Halimbawa, sinasabi sa Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak.” May masidhing pag-ibig si Jehova sa sanlibutan ng sangkatauhan, at ang pag-ibig na iyan ay pinatutunayan ng kaniyang pakikitungo sa mga tao sa paglipas ng panahon. Ang pagbubulay-bulay sa mga halimbawa noong nakalipas ay dapat magpatindi sa ating pagpapahalaga kay Jehova at magpasidhi sa ating pag-ibig sa kaniya, sa gayon ay natutulungan tayong mapaglabanan ang mali o negatibong kaisipan.
Isaalang-alang ang paraan ng pakikitungo ni Jehova kay Abraham noong malapit nang puksain ang Sodoma at Gomorra. Walong beses na nagtanong si Abraham kay Jehova tungkol sa Kaniyang hatol. Hindi kailanman kinakitaan ng pagkainis o galit si Jehova. Sa halip, ang kaniyang mga sagot ay nagbigay ng katiyakan at nakaaliw kay Abraham. (Genesis 18:22-33) Nang maglaon, nang iligtas ng Diyos si Lot at ang kaniyang pamilya mula sa Sodoma, hiniling ni Lot na patakasin siya sa karatig na lunsod sa halip na sa kabundukan. Sumagot si Jehova: “Narito, ako ay nagpapakita sa iyo ng konsiderasyon maging sa bagay na ito, sa hindi ko paggiba sa lunsod na iyong sinalita.” (Genesis 19:18-22) Inilalarawan ba ng mga ulat na ito na si Jehova ay isang mapaghanap, di-maibigin, at diktador na tagapamahala? Hindi. Ipinakikita ng mga ito kung sino talaga siya—isang maibigin, mabait, maawain, at maunawaing Soberano.
Ang mga halimbawa nina Aaron, David, at Manases ng sinaunang Israel ay nagpapabulaan sa ideya na ang Diyos ay mapaghanap ng pagkakamali at na walang sinuman ang maaaring maging kalugud-lugod sa kaniya. Tatlong malulubhang pagkakamali ang nagawa ni Aaron. Gumawa siya ng ginintuang guya, nakisama sa kaniyang kapatid na si Miriam sa pagpuna kay Moises, at nabigo siyang pabanalin at parangalan ang Diyos sa Meriba. Gayunpaman, may mabuting nakita si Jehova sa Exodo 32:3, 4; Bilang 12:1, 2; 20:9-13.
kaniya anupat hinayaan siyang magpatuloy sa paglilingkod bilang mataas na saserdote hanggang sa kaniyang kamatayan.—Nakagawa ng malulubhang kasalanan si Haring David noong siya’y naghahari. Kasali rito ang pangangalunya, pagpapakana sa kamatayan ng isang taong walang kasalanan, at pagkuha ng ilegal na sensus. Gayunman, binigyang-pansin ni Jehova ang pagsisisi ni David at matapat Siyang nanghawakan sa tipan ukol sa Kaharian sa pamamagitan ng pagpapahintulot kay David na maglingkod bilang hari hanggang sa kaniyang kamatayan.—2 Samuel 12:9; 1 Cronica 21:1-7.
Si Haring Manases ng Juda ay nagtayo ng mga altar para kay Baal, nagparaan ng mga anak sa apoy, nagtaguyod ng mga espiritistikong gawain, at nagtayo ng mga altar ng huwad na relihiyon sa mga looban ng templo. Gayunman, nang magpakita siya ng taos-pusong pagsisisi, pinatawad siya ni Jehova, pinalaya siya mula sa pagkakabihag, at ibinalik sa kaniya ang pagkahari. (2 Cronica 33:1-13) Ito ba ang mga gawa ng isang Diyos na walang kinalulugdan? Hinding-hindi!
Ang Bulaang Tagapag-akusa Mismo ang May-Sala
Hindi natin dapat ipagtaka na si Satanas ang pinakalarawan ng mismong mga pagkakakilanlan na ipinaparatang niya kay Jehova. Si Satanas ay malupit at mapaghanap. Kitang-kita ito sa kaugalian ng paghahain ng mga bata kaugnay ng huwad na pagsamba noong nakalipas na panahon. Sinusunog ng apostatang mga Israelita ang kanilang mga anak sa apoy—isang bagay na hindi man lamang pumasok sa puso ni Jehova.—Jeremias 7:31.
Si Satanas, hindi si Jehova, ang mapaghanap ng pagkakamali. Si Satanas ay tinutukoy sa Apocalipsis 12:10 bilang “ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid . . . , na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos!” Sa kabilang panig, hinggil naman kay Jehova, umawit ang salmista: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo? Sapagkat ang tunay na kapatawaran ay nasa iyo.”—Awit 130:3, 4.
Kapag Wala Na ang Maling Kaisipan
Tiyak na naginhawahan ang mga espiritung nilalang na anghel nang palayasin sa langit si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo! (Apocalipsis 12:7-9) Mula noon, ang balakyot na mga espiritung ito ay hindi na nakagambala sa mga gawain ng pamilya ng mga anghel ni Jehova sa langit.—Daniel 10:13.
Malapit nang magsaya ang mga naninirahan sa lupa. Hindi na magtatagal, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay gagapusin ng isang anghel na bumababa mula sa langit taglay ang susi ng kalaliman at ang isang malaking tanikala sa kaniyang kamay at ihahagis ang mga ito sa kalaliman ng kawalang-ginagawa. (Apocalipsis 20:1-3) Kaylaking ginhawa ang mararanasan natin kapag nangyari iyan!
Samantala, dapat tayong maging mapagbantay laban sa maling kaisipan. Kailanma’t napapansin natin na ang mali o negatibong mga kaisipan ay pumapasok sa ating isip, kailangan nating labanan ang mga ito sa pamamagitan ng pagtutuon ng ating isip sa pag-ibig ni Jehova. Kung magkagayon, ‘ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa ating mga puso at sa ating mga kakayahang pangkaisipan.’—Filipos 4:6, 7.
[Larawan sa pahina 26]
Nilabanan ni Job ang negatibong kaisipan
[Larawan sa pahina 28]
Natutuhan ni Lot na si Jehova ay maunawaing Soberano