Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Makaaapekto kaya sa kaugnayan ng isa kay Jehova ang paglalaro ng mararahas na laro sa computer?

“Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot,” isinulat ni Haring David ng sinaunang Israel, “at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) Ang Hebreong salita para sa “poot” ay maaaring mangahulugang “isa na kaaway.” Samakatuwid, sinumang umiibig sa karahasan ay ginagawa niyang kaaway ng Diyos ang kaniyang sarili. Kung gayon, ang tanong na kailangan nating isaalang-alang ay: Nalilinang ba ng paglalaro ng ilang laro sa computer ang pag-ibig sa karahasan?

Itinataguyod ng mararahas na laro sa computer ang paggamit ng mga sandata. Madalas na sinasanay sa sining ng pakikidigma ang mga gumagamit nito. Ang magasing The Economist ay nagsasabi: “Mas higit na umaasa ang hukbo ng Amerika sa mga laro sa computer bilang paraan ng pagsasanay. Ang ilang laro na ginagamit ng militar ay yaong itinitinda sa mga sibilyan.”

Totoo, hindi naman nananakit sa aktuwal na mga tao ang mga naglalaro ng mararahas na laro sa computer. Pero ano kaya ang ipinahihiwatig ng nagugustuhang libangang ito sa posibleng epekto nito sa kanilang puso? (Mateo 5:21, 22; Lucas 6:45) Ano ang masasabi mo sa isang taong natutuwa sa pagsaksak, pagbaril, pagbalda, at pagpatay sa kunwari’y mga tao? Paano kaya kung gumugugol ang taong ito ng maraming oras linggu-linggo sa pagpapakasaya sa gayong mararahas na mga pantasya, anupat halos maging sugapa na sa mga larong ito? Sa paanuman, masasabi mong nililinang niya ang pag-ibig sa karahasan, kung paanong nililinang ng isang taong nanonood ng pornograpya ang imoral na mga pagnanasa.​—Mateo 5:27-29.

Gaano kaya katindi ang pagkapoot ni Jehova sa isa na umiibig sa karahasan? Sinabi ni David na “kinapopootan nga” siya ni Jehova. Noong panahon ni Noe, ipinakita ni Jehova ang tindi ng kaniyang pagkapoot sa mga umiibig sa karahasan. Sinabi ni Jehova kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap ko, sapagkat ang lupa ay punô ng karahasan dahilan sa kanila; at narito, lilipulin ko sila kasama ng lupa.” (Genesis 6:13) Pinuksa ng tunay na Diyos ang buong sanlibutan ng sangkatauhan dahil sa kanilang mararahas na paggawi. Si Noe lamang at ang kaniyang pamilya ang nakaligtas​—walong indibiduwal na hindi umibig sa karahasan.​—2 Pedro 2:5.

‘Pinupukpok [ng mga taong gustong maging kaibigan ni Jehova] ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.’ Sa halip na pag-aralan ang pag-ibig sa karahasan, hindi na sila ‘nag-aaral pa ng pakikidigma.’ (Isaias 2:4) Upang manatiling kaibigan ng Diyos sa halip na maging kaaway niya, dapat nating ‘talikuran ang kasamaan at gawin ang mabuti.’ Dapat nating ‘hanapin ang kapayapaan at itaguyod iyon.’​—1 Pedro 3:11.

Paano kung ginagawa na natin ang paglalaro ng mararahas na video game? Kung gayon, kailangang maging matatag ang ating kapasiyahang palugdan si Jehova sa pamamagitan ng paghinto sa paggawa ng mga bagay na kinapopootan niya. Mangyari pa, kailangan nating ipanalangin na sana’y tulungan tayo ng banal na espiritu ng Diyos na maihinto na ang gawaing ito na nakapipinsala sa espirituwal. Makahihinto tayo kung hahayaan nating maugitan ang ating buhay ng makadiyos na mga katangiang gaya ng kapayapaan, kabutihan, at pagpipigil sa sarili.​—Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23.