Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino si Jesu-Kristo?

Sino si Jesu-Kristo?

Sino si Jesu-Kristo?

GUNIGUNIHIN ang pananabik ng kabataang Judio na nagngangalang Andres nang una niyang marinig ang mga salita ni Jesus ng Nazaret! Binabanggit sa Bibliya na nagmamadaling pinuntahan ni Andres ang kaniyang kapatid at nagsabi: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas [o, Kristo].” (Juan 1:41) Sa mga wikang Hebreo at Griego, ang mga salita na karaniwang isinasaling “Mesiyas” at “Kristo” ay nangangahulugang “Pinahiran.” Si Jesus ang Pinahiran, o ang Pinili ng Diyos​—ang ipinangakong Lider. (Isaias 55:4) Ang Kasulatan ay naglalaman ng mga hula tungkol sa kaniya, at hinihintay siya noon ng mga Judio.​—Lucas 3:15.

Paano natin nalalaman na talagang si Jesus ang Pinili ng Diyos? Buweno, isaalang-alang natin ang pangyayari noong taóng 29 C.E. nang si Jesus ay 30 taóng gulang. Pumunta siya kay Juan na Tagapagbautismo upang magpabautismo sa kaniya sa tubig ng Ilog Jordan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Pagkatapos na mabautismuhan ay kaagad na umahon si Jesus mula sa tubig; at, narito! ang langit ay nabuksan, at nakita niyang bumababa na tulad ng isang kalapati ang espiritu ng Diyos na lumalapag sa kaniya. Narito! May tinig din mula sa langit na nagsabi: ‘Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.’ ” (Mateo 3:16, 17) Matapos marinig ang mga salitang iyon ng pagsang-ayon, mag-aalinlangan pa kaya si Juan na si Jesus nga ang Pinili ng Diyos? Sa pagbubuhos ng Kaniyang banal na espiritu kay Jesus, pinahiran siya, o hinirang siya, ng Diyos na Jehova na maging Hari ng Kaniyang dumarating na Kaharian. Sa gayon, si Jesus ay naging si Jesu-Kristo, o si Jesus na Pinahiran. Gayunman, bakit tinawag si Jesus na Anak ng Diyos? Saan siya nanggaling?

Ang Kaniyang Pinanggalingan ay “Mula Noong Unang mga Panahon”

Ang buhay ni Jesus ay maaaring hatiin sa tatlong yugto. Ang una ay nagsimula noon pa mang bago siya ipanganak bilang tao. Ang kaniyang pinanggalingan ay “mula noong unang mga panahon, mula nang mga araw ng panahong walang takda,” ang sabi sa Mikas 5:2. Sinabi mismo ni Jesus: “Ako ay mula sa mga dakong itaas”​—samakatuwid nga, mula sa langit. (Juan 8:23) Siya ay nasa langit na noon bilang makapangyarihang espiritung persona.

Yamang may pasimula ang lahat ng bagay na nilalang, may panahon na nag-iisa ang Diyos. Gayunman, noong nakalipas na di-mabilang na panahon, ang Diyos ay naging Maylalang. Sino ang una niyang nilalang? Sa huling aklat ng Bibliya, tinukoy si Jesus bilang “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Apocalipsis 3:14) Si Jesus “ang panganay sa lahat ng nilalang.” Gayon nga “sapagkat sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita.” (Colosas 1:15, 16) Oo, tanging si Jesus lamang ang tuwirang nilalang mismo ng Diyos. Kaya naman, tinawag siyang “bugtong na Anak” ng Diyos. (Juan 3:16) Ang panganay na Anak ay nagtataglay rin ng titulong “ang Salita.” (Juan 1:14) Bakit? Dahil bago isilang bilang tao, naglingkod muna siya sa langit, bilang tagapagsalita ng Diyos.

“Ang Salita” ay kasama ng Diyos na Jehova “nang pasimula,” nang lalangin “ang langit at lupa.” Sa kaniya sinabi ng Diyos: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan.” (Juan 1:1; Genesis 1:1, 26) Ang panganay na Anak ni Jehova ay kapiling ng kaniyang Ama, at masigasig na gumagawang kasama niya. Sa Kawikaan 8:22-31, siya’y inilalarawan na nagsasabi: “Nasa piling . . . ako [ng Maylalang] bilang isang dalubhasang manggagawa, at ako ang siyang lubhang kinagigiliwan niya araw-araw, at ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon.”

Tiyak na naging matalik na magkakilala ang Diyos na Jehova at ang kaniyang bugtong na Anak yamang magkasama sila sa paggawa! Ang matalik na pakikisamang iyan kay Jehova sa loob ng di-mabilang na panahon ay nagkaroon ng napakalaking epekto sa Anak ng Diyos. Ang masunuring Anak na ito ay naging katulad na katulad ng kaniyang Ama na si Jehova. Sa katunayan, sa Colosas 1:15, si Jesus ay tinatawag na “ang larawan ng di-nakikitang Diyos.” Isa itong dahilan kung bakit kailangan ang kaalaman tungkol kay Jesus upang masapatan ang ating espirituwal na pangangailangan at ang ating likas na pagnanais na makilala ang Diyos. Ang lahat ng ginawa ni Jesus habang nasa lupa ang mismong inasahan ni Jehova na gagawin niya. Kaya naman, ang pagsisikap na makilala si Jesus ay nangangahulugan din ng pagpapasulong sa ating kaalaman tungkol kay Jehova. (Juan 8:28; 14:8-10) Ngunit paano napunta si Jesus sa lupa?

Ang Buhay Niya Bilang Tao

Ang ikalawang yugto ng buhay ni Jesus ay nagsimula nang isugo ng Diyos sa lupa ang kaniyang Anak. Ginawa ito ni Jehova sa pamamagitan ng makahimalang paglilipat ng buhay ni Jesus mula sa langit tungo sa sinapupunan ng isang tapat na birheng Judio na nagngangalang Maria. Hindi nagmana si Jesus ng di-kasakdalan dahil ang kaniyang ama ay hindi isang tao. Napuspos si Maria ng banal na espiritu, o aktibong puwersa, ni Jehova, at ang kaniyang kapangyarihan ay ‘lumilim’ kay Maria, anupat makahimala siyang nagdalang-tao. (Lucas 1:34, 35) Sa gayon, nagsilang si Maria ng isang sakdal na sanggol. Bilang anak-anakan ng karpinterong si Jose, siya’y pinalaki sa isang simpleng tahanan at naging panganay sa mga anak nina Jose at Maria.​—Isaias 7:14; Mateo 1:22, 23; Marcos 6:3.

Walang gaanong ulat tungkol kay Jesus noong kaniyang kabataan, ngunit may isang kapansin-pansing insidente. Nang si Jesus ay 12 taóng gulang, isinama siya ng kaniyang mga magulang sa kanilang taunang pagpunta sa Jerusalem para sa Paskuwa. Habang naroroon, madalas siyang nasa templo, na “nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.” Bukod diyan, “lahat niyaong nakikinig sa kaniya ay patuloy na namamangha sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot.” Oo, ang batang si Jesus ay hindi lamang nakapagbabangon ng nakapupukaw-kaisipang mga tanong may kaugnayan sa espirituwal na mga bagay kundi nakapagbibigay rin ng matatalinong sagot na ikinamangha ng iba. (Lucas 2:41-50) Habang lumalaki siya sa lunsod ng Nazaret, natuto siyang magkarpintero, tiyak na dahil sa kaniyang ama-amahang si Jose.​—Mateo 13:55.

Nanirahan si Jesus sa Nazaret hanggang sa sumapit siya sa 30 taóng gulang. Pagkaraan ay pumunta siya kay Juan upang magpabautismo. Pagkatapos ng kaniyang bautismo, sinimulan na ni Jesus ang kaniyang masigasig na pagmiministeryo. Sa loob ng tatlo at kalahating taon, naglibot siya sa kaniyang tinubuang lupain habang ipinahahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Nagbigay siya ng katibayan na isinugo siya ng Diyos. Paano? Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng maraming himala​—makapangyarihang mga gawa na hindi kayang gawin ng tao.​—Mateo 4:17; Lucas 19:37, 38.

Si Jesus ay isa ring lalaking may magiliw na pagmamahal at mataos na damdamin. Ang kaniyang pagiging magiliw ay kitang-kita sa paraan ng kaniyang pangmalas at pakikitungo sa iba. Dahil si Jesus ay madaling lapitan at mabait, naaakit sa kaniya ang mga tao. Maging ang mga bata ay palagay ang loob sa piling niya. (Marcos 10:13-16) Magalang si Jesus sa mga babae, bagaman ang ilang tao noong panahon niya ay may mababang pagtingin sa mga ito. (Juan 4:9, 27) Tinulungan niya ang mahihirap at mga naaapi na ‘makasumpong ng kaginhawahan ng kanilang mga kaluluwa.’ (Mateo 11:28-30) Ang paraan niya ng pagtuturo ay maliwanag, simple, at praktikal. At naaaninag sa kaniyang itinuturo ang taimtim niyang hangarin na maipakilala sa kaniyang mga tagapakinig ang tunay na Diyos na si Jehova.​—Juan 17:6-8.

Sa paggamit sa banal na espiritu ng Diyos upang makagawa ng mga himala, buong-pagkahabag na pinagaling ni Jesus ang mga maysakit at napipighati. (Mateo 15:30, 31) Halimbawa, isang taong may ketong ang lumapit sa kaniya at nagsabi: “Kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.” Ano ang ginawa ni Jesus? Iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo ang lalaki, na sinasabi sa kaniya: “Ibig ko. Luminis ka.” At gumaling ang lalaking may sakit!​—Mateo 8:2-4.

Tingnan din natin ang isang pagkakataon nang lumapit kay Jesus ang isang pulutong at mamalaging kasama niya sa loob ng tatlong araw nang walang pagkain. Naawa siya sa mga tao at makahimalang pinakain ang “apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata.” (Mateo 15:32-38) Minsan naman, pinatahimik ni Jesus ang isang bagyo na nagsapanganib sa buhay ng kaniyang mga kaibigan. (Marcos 4:37-39) Binuhay niyang muli ang mga patay. * (Lucas 7:22; Juan 11:43, 44) Kusang-loob pa ngang ibinigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao upang magkaroon ng pag-asa sa hinaharap ang di-sakdal na sangkatauhan. Napakasidhi nga ng pag-ibig ni Jesus sa mga tao!

Nasaan si Jesus Ngayon?

Namatay si Jesus sa isang pahirapang tulos sa edad na 33 1/2 taon. * Subalit hindi natapos sa kamatayan ang kaniyang landasin ng buhay. Ang ikatlong yugto ng kaniyang buhay ay nagsimula pagkalipas ng mga tatlong araw nang buhaying muli ng Diyos na Jehova ang kaniyang Anak bilang isang espiritung persona. Matapos siyang buhaying muli, nagpakita si Jesus sa daan-daang tao na nabubuhay nang panahong iyon. (1 Corinto 15:3-8) Pagkatapos nito, siya’y “umupo sa kanan ng Diyos” at naghintay na matanggap ang makaharing kapangyarihan. (Hebreo 10:12, 13) Nang sumapit ang panahong iyan, nagsimula nang mamahala si Jesus bilang Hari. Kaya paano natin gugunigunihin si Jesus sa ngayon? Iisipin ba nating siya’y isang lalaking pinahihirapan na nakatakdang patayin? O ituturing natin siya bilang isa na dapat sambahin? Si Jesus ngayon ay hindi isang tao ni hindi rin Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Sa halip, siya ay isang makapangyarihang espiritung nilalang, isang nagpupunong Hari. Hindi na magtatagal, ipamamalas niya ang kaniyang pamamahala sa ating maligalig na lupa.

Sa paggamit ng makasagisag na pananalita, inilalarawan ng Apocalipsis 19:11-16 si Jesu-Kristo bilang isang haring nakasakay sa puting kabayo at dumarating upang humatol at makipagdigma ayon sa katuwiran. Mayroon siyang “isang mahabang tabak na matalas, upang kaniyang saktan ang mga bansa sa pamamagitan nito.” Oo, gagamitin ni Jesus ang kaniyang dakilang kapangyarihan upang puksain ang mga balakyot. At kumusta naman ang mga nagsisikap na tumulad sa halimbawang ipinakita niya habang naririto siya sa lupa? (1 Pedro 2:21) Sila ay iingatan niya at ng kaniyang Ama sa dumarating na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”​—karaniwang tinatawag na Armagedon​—upang mabuhay sila magpakailanman bilang makalupang mga sakop ng makalangit na Kaharian ng Diyos.​—Apocalipsis 7:9, 14; 16:14, 16; 21:3, 4.

Sa panahon ng kaniyang mapayapang paghahari, napakaraming gagawing himala si Jesus para sa buong sangkatauhan! (Isaias 9:6, 7; 11:1-10) Aalisin niya ang sakit at wawakasan ang kamatayan. Gagamitin ng Diyos si Jesus upang buhaying muli ang bilyun-bilyong tao, anupat binibigyan sila ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa lupa. (Juan 5:28, 29) Ni hindi natin kayang gunigunihin kung gaano kaganda ang magiging buhay natin sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Kung gayon, mahalagang ipagpatuloy natin ang pagkuha ng kaalaman mula sa Bibliya at higit pang makilala si Jesu-Kristo.

[Mga talababa]

^ par. 15 Ang mga himalang ginawa ni Jesus ay hindi lingid sa kaalaman ng marami. Kinilala maging ng mga kaaway ni Jesus na siya’y ‘gumawa ng maraming tanda.’​—Juan 11:47, 48.

^ par. 17 Para sa paliwanag kung namatay si Kristo sa tulos o sa krus, tingnan ang pahina 122-3 ng aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon sa pahina 7]

SI JESUS BA AY DIYOS NA MAKAPANGYARIHAN-SA-LAHAT?

Maraming relihiyosong tao ang nagsasabing si Jesus ay Diyos. May nagsasabi naman na ang Diyos ay isang Trinidad. Ayon sa turong ito, “ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Banal na Espiritu ay Diyos, pero hindi tatlo ang Diyos kundi isang Diyos lamang.” Ayon sa kanilang paniniwala, ang tatlo “ay pare-parehong walang hanggan at magkakapantay.” (The Catholic Encyclopedia) Tama ba ang mga opinyong ito?

Ang Diyos na Jehova ang Maylalang. (Apocalipsis 4:11) Wala siyang pasimula o wakas, at siya ay makapangyarihan-sa-lahat. (Awit 90:2) Sa kabilang dako naman, si Jesus ay may pasimula. (Colosas 1:15, 16) Sa pagtukoy sa Diyos bilang kaniyang Ama, sinabi ni Jesus: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.” (Juan 14:28) Ipinaliwanag din ni Jesus na may ilang bagay na hindi niya alam ni ng mga anghel kundi ang Ama lamang niya ang nakaaalam.​—Marcos 13:32.

Bukod diyan, nanalangin si Jesus sa kaniyang Ama: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:42) Kanino pa mananalangin si Jesus kundi sa isang nakatataas na Persona? Isa pa, ang Diyos ang bumuhay-muli kay Jesus mula sa mga patay at hindi si Jesus mismo. (Gawa 2:32) Maliwanag na hindi magkapantay ang Ama at ang Anak bago bumaba si Jesus sa lupa o noong nasa lupa siya bilang tao. Kumusta naman nang buhaying-muli si Jesus tungo sa langit? Ang 1 Corinto 11:3 ay nagsasabi: “Ang ulo . . . ng Kristo ay ang Diyos.” Sa katunayan, ang Anak ay palaging magiging sakop ng Diyos. (1 Corinto 15:28) Kung gayon, ipinakikita ng Kasulatan na si Jesus ay hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Sa halip, siya ay Anak ng Diyos.

Ang sinasabing ikatlong persona sa Trinidad​—ang banal na espiritu​—ay hindi isang persona. Sa pakikipag-usap sa Diyos sa panalangin, sinabi ng salmista: “Kung isusugo mo ang iyong espiritu, sila ay nalalalang.” (Awit 104:30) Ang espiritung ito ay hindi ang Diyos mismo; ito ay aktibong puwersa na ibinibigay niya o ginagamit niya upang isagawa ang anumang naisin niya. Sa pamamagitan nito, nilalang ng Diyos ang pisikal na langit, ang lupa, at ang lahat ng nabubuhay na bagay. (Genesis 1:2; Awit 33:6) Ginamit ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu upang kasihan ang mga lalaking sumulat ng Bibliya. (2 Pedro 1:20, 21) Kung gayon, ang Trinidad ay hindi itinuturo sa Kasulatan. * “Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova,” ang sabi ng Bibliya.​—Deuteronomio 6:4.

[Talababa]

^ par. 28 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 5]

Nang siya’y mabautismuhan, si Jesus ay naging Pinahiran ng Diyos

[Larawan sa pahina 7]

Ibinuhos ni Jesus ang kaniyang lakas sa kaniyang bigay-Diyos na gawain

[Larawan sa pahina 7]

Sa ngayon, si Jesus ay isang makapangyarihang Hari