Sino si Poncio Pilato?
Sino si Poncio Pilato?
“ANG mapanlait, mapag-alinlangang si Pilato ay isang tauhan sa kasaysayan na nananatiling palaisipan sa mga tao. Isa siyang santo para sa ilan, para sa iba naman ay isa siyang sagisag ng kahinaan ng tao, ang mismong halimbawa ng isang pulitiko na handang magsakripisyo ng isang tao alang-alang sa pagpapanatili ng katiwasayan.”—Pontius Pilate, ni Ann Wroe.
Sang-ayon ka man o hindi sa alinmang kuru-kurong ito, talagang napabantog si Poncio Pilato dahil sa kaniyang pagtrato kay Jesu-Kristo. Sino ba si Pilato? Ano ang pagkakilala sa kaniya? Ang higit na pagkaunawa sa kaniyang posisyon ay magpapalawak sa ating kaunawaan sa pinakamahahalagang pangyayaring naganap sa lupa.
Posisyon, Tungkulin, at Kapangyarihan
Noong 26 C.E., si Pilato ay inatasan ng Romanong emperador na si Tiberio bilang gobernador ng probinsiya ng Judea. Ang gayong matataas na opisyal ay mga lalaking kabilang sa tinatawag na equestrian order—nakabababang mga maharlika, kung ihahambing sa mga aristokrata ng senado. Malamang na si Pilato ay umanib sa hukbo bilang mahistrado ng militar, o nakabababang kumandante; tumaas nang tumaas ang ranggo dahil sa sunud-sunod na matagumpay na mga misyon; at nahirang na gobernador bago siya sumapit sa kaniyang ika-30 taóng gulang.
Kapag nakauniporme si Pilato, suot niya ang isang tunikang yari sa katad at baluting metal. Kapag nasa harap naman ng publiko, siya ay nakaputing toga na may kulay-ubeng senepa. Posibleng maikli ang kaniyang buhok at walang balbas. Bagaman naniniwala ang ilan na siya’y mula sa Espanya, ipinahihiwatig ng kaniyang pangalan na siya’y kabilang sa tribo ng mga Pontii—mga maharlikang Samnite mula sa gawing timog ng Italya.
Ang matataas na opisyal na karanggo ni Pilato ay karaniwan nang ipinadadala sa mga teritoryong di-sibilisado. Ang Judea ay itinuturing ng mga Romano na gayong klaseng lugar. Bukod sa pagpapanatili ng kapayapaan, pinangasiwaan din ni Pilato ang pangongolekta ng di-tuwirang buwis at ng buwis na pantao. Nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng hukuman ng mga Judio ang pang-araw-araw na paglalapat ng katarungan, subalit ang mga kasong nararapat sa parusang kamatayan ay lumilitaw na ipinadadala sa gobernador, na siyang pinakamataas na hudisyal na awtoridad.
Kasama ang ilang eskriba, kapanalig, at mensahero, si Pilato at ang kaniyang asawa ay nakatira sa daungang lunsod ng Cesarea. Pinamumunuan ni Pilato ang limang pangkat ng impanterya na kinabibilangan ng mula 500 hanggang 1,000 kawal bawat isa at ang isang rehimyento ng hukbong mangangabayo na malamang na binubuo ng 500. Karaniwan na lamang sa kaniyang mga kawal ang pagbabayubay sa mga manlalabag-batas. Sa panahong may kapayapaan, nagkakaroon muna ng madaliang pagdinig bago ihatol ang kamatayan, ngunit kapag may rebelyon, agad na ipinapapatay ang mga rebelde at ito’y maramihan. Halimbawa, ibinayubay ng mga Romano ang 6,000 alipin upang supilin ang paghihimagsik na pinangunahan ni
Spartacus. Kapag may nagbabantang panganib sa Judea, karaniwan nang tumatakbo ang gobernador sa emisaryo ng imperyo sa Sirya, na namumuno sa malalaking hukbo. Subalit walang emisaryo sa kalakhang bahagi ng pamumuno ni Pilato kung kaya siya na mismo ang kailangang magpahinto agad sa mga kaguluhan.Palaging nakikipag-ugnayan ang mga gobernador sa emperador. Ang mga bagay na may kaugnayan sa kaniyang dignidad o anumang banta sa awtoridad ng Roma ay kailangang ireport sa emperador at sa gayon ay magpapalabas ito ng utos. Maaaring makipag-unahan ang isang gobernador sa pagbibigay sa emperador ng kaniyang sariling ulat ng mga pangyayari sa kaniyang probinsiya bago pa man makapagreklamo ang iba. Dahil sa namumuong kaguluhan sa Judea, labis na nabahala si Pilato.
Bukod pa sa mga ulat ng Ebanghelyo, ang mga istoryador na sina Flavius Josephus at Philo ang pangunahing pinagmumulan ng mga impormasyon tungkol kay Pilato. Binabanggit din ng Romanong istoryador na si Tacitus na ipinapatay ni Pilato si Kristo, na pinagkunan ng pangalan ng mga Kristiyano.
Sumiklab ang Galit ng mga Judio
Ayon kay Josephus, bilang pagsasaalang-alang sa pagtutol ng mga Judio sa paggawa ng mga imahen, iniwasan ng Romanong mga gobernador na magpasok sa Jerusalem ng mga estandarte ng militar na may mga larawan ng emperador. Dahil hindi ito ipinagbawal ni Pilato, sumugod sa Cesarea ang galít na mga Judio upang magreklamo. Walang ginawa si Pilato sa loob ng limang araw. Noong ikaanim na araw, inutusan niya ang kaniyang mga kawal na palibutan ang mga nagpoprotesta at bantaang papatayin kung hindi sila maghihiwa-hiwalay. Nang sabihin ng mga Judio na mamatamisin pa nilang mamatay kaysa makitang nilalabag ang kanilang Kautusan, wala nang nagawa si Pilato kundi ipaalis ang mga imahen.
May kakayahan si Pilato na gumamit ng lakas. Sa isang insidenteng iniulat ni Josephus, pinasimulan ni Pilato ang paggawa ng isang padaluyan upang magpasok ng tubig sa Jerusalem at ginamit ang pondo mula sa ingatang-yaman ng templo upang tustusan ang proyektong iyon. Hindi basta sinamsam ni Pilato ang salapi, dahil alam niyang isang kalapastanganan ang pandarambong sa templo at magiging dahilan ito upang hilingin kay Tiberio ng galít na mga Judio na patalsikin siya. Kaya waring nakikipagtulungan kay Pilato ang mga awtoridad ng templo. Ang nakaalay na pondo, na tinatawag na “korban,” ay legal na magagamit sa proyektong pambayan na pakikinabangan ng lunsod. Subalit libu-libong Judio ang nagtipun-tipon upang ipahayag ang kanilang galit.
Inutusan ni Pilato ang kaniyang mga kawal na makihalubilo sa mga tao at tinagubilinang huwag gumamit ng tabak kundi paghahampasin lamang ng mga pamalo ang mga nagpoprotesta. Malamang na gusto niyang kontrolin ang pang-uumog nang hindi hahantong sa patayan. Waring nakontrol naman ito, bagaman may ilan ding namatay. Maaaring ang insidenteng ito ang tinutukoy ng ilang nag-ulat kay Jesus na inihalo ni Pilato sa kanilang mga hain ang dugo ng mga taga-Galilea.—Lucas 13:1.
“Ano ang Katotohanan?”
Ang nagpabantog sa kasamaan ni Pilato ay ang pag-iimbestiga niya sa mga paratang ng mga punong saserdoteng Judio at ng matatandang lalaki na ipinakikilala diumano ni Jesus ang kaniyang sarili bilang Hari. Nang marinig ang misyon ni Jesus na magpatotoo sa katotohanan, nakita ni Pilato na hindi panganib sa Roma ang bilanggong ito. “Ano ang katotohanan?” ang tanong niya, na malamang na iniisip na isang mahirap-unawaing ideya lamang ang katotohanan na hindi na dapat pag-aksayahan ng panahon. Ang kaniyang konklusyon? Juan 18:37, 38; Lucas 23:4.
“Wala akong masumpungang krimen sa taong ito.”—Natapos na sana roon ang paglilitis kay Jesus, subalit iginiit ng mga Judio na iginugupo nito ang bansa. Inggit ang naging dahilan ng mga punong saserdote kung kaya ibinigay nila si Jesus sa awtoridad, at alam iyon ni Pilato. Alam din niya na lilikha ng kaguluhan kung palalayain niya si Jesus, at ayaw niya itong mangyari. Napakarami nang ganitong kaguluhan, yamang nakabilanggo na si Barabas at ang iba pa dahil sa sedisyon at pagpaslang. (Marcos 15:7, 10; Lucas 23:2) Isa pa, nasira na ng dating pakikipagtalo sa mga Judio ang reputasyon ni Pilato kay Tiberio, na kilalang malupit makitungo sa walang-kakayahang mga gobernador. Gayunman, isang tanda ng kahinaan kung pagbibigyan naman niya ang mga Judio. Kaya malaki ang naging problema ni Pilato.
Nang malaman ni Pilato kung tagasaan si Jesus, tinangka niyang ipasa ang kaso kay Herodes Antipas, tagapamahala sa distrito ng Galilea. Nang mabigo si Pilato, tinangka niyang hilingin sa mga nagkakatipon sa labas ng kaniyang palasyo na palayain si Jesus, kasuwato ng kaugalian ng pagpapalaya sa isang bilanggo kung Paskuwa. Si Barabas ang ipinagsigawan ng mga tao.—Lucas 23:5-19.
Maaaring gusto ni Pilato na gawin ang tama, ngunit nais din naman niyang iligtas ang sarili at paluguran ang mga tao. Sa wakas, inuna niya ang kaniyang posisyon kaysa sa budhi at katarungan. Humingi siya ng tubig at naghugas ng kaniyang mga kamay at nagsabing hindi na niya kasalanan ang pagpapahintulot sa hatol na kamatayan. * Bagaman naniniwala si Pilato na walang kasalanan si Jesus, ipinahagupit niya siya at hinayaang libakin, hampasin, at duraan ng mga kawal.—Mateo 27:24-31.
Sa huling pagkakataon, tinangka ni Pilato na palayain si Jesus, subalit sumigaw ang mga tao na kung gagawin niya iyon, hindi siya kaibigan ni Cesar. (Juan 19:12) Dahil dito, wala nang nagawa si Pilato. Ganito ang sabi ng isang iskolar sa naging desisyon ni Pilato: “Madali lamang ang solusyon: ipapatay ang tao. Buhay lang naman ng isang di-importanteng Judio ang mawawala; isang kamangmangan na hayaang magkagulo dahil sa kaniya.”
Ano ang Nangyari kay Pilato?
Isa na namang hidwaan ang huling insidenteng napaulat sa panunungkulan ni Pilato. Sinabi ni Josephus na napakaraming armadong Samaritano ang nagsama-sama sa Bundok Gerizim sa pag-asang mahuhukay nila ang mga kayamanan na sinasabing ibinaon ni Moises doon. Nakialam si Pilato, at pinatay ng kaniyang mga kawal ang marami sa pulutong. Nagreklamo ang mga Samaritano sa nakatataas kay Pilato na si Lucius Vitellius, ang gobernador ng Sirya. Hindi binabanggit kung inisip man ni Vitellius na lumalabis na si Pilato. Sa paanuman, pinapunta niya si Pilato sa Roma upang managot sa emperador dahil sa kaniyang ginawa. Subalit namatay si Tiberio bago siya nakarating doon.
“Noong panahong iyon,” ang sabi ng isang reperensiya, “nawala na si Pilato sa kasaysayan at naging alamat na lamang.” Ngunit marami pa rin ang nagtangkang magpasok ng nawawalang mga detalye. May nagsasabing si Pilato ay naging Kristiyano. Ginawa siyang “santo” ng mga Etiopeng “Kristiyano.” Si Eusebius, sumulat noong pagtatapos ng ikatlo at pagsisimula ng ikaapat na siglo, ang una sa maraming nagsasabi na si Pilato, gaya ni Judas Iscariote, ay nagpakamatay. Gayunman, walang nakaaalam kung ano nga ba talaga ang nangyari kay Pilato.
Maaaring matigas ang loob ni Pilato, wala siyang pakundangan, at malupit. Subalit sampung taon siyang nanungkulan, samantalang mas maikli ang panunungkulan ng karamihan sa matataas na opisyal ng Judea. Kung gayon, sa pangmalas ng mga Romano, si Pilato ay may sapat na kakayahan. Tinawag siyang duwag at dapat sisihin sa pagpapahirap at pagpatay kay Jesus upang iligtas ang sarili. Ikinakatuwiran naman ng iba na ang pangunahing tungkulin ni Pilato ay hindi upang itaguyod ang katarungan, kundi upang itaguyod ang kapayapaan at kapakanan ng Roma.
Ibang-iba sa panahon natin ang panahon ni Pilato. Gayunman, walang hukom ang makatuwirang hahatol sa isang tao na para sa kaniya’y wala namang kasalanan. Kung hindi nagsalubong ang landas nila ni Jesus, maaaring si Poncio Pilato ay isa lamang sa mga pangalang nakaulat sa mga aklat ng kasaysayan.
[Talababa]
^ par. 19 Ang paghuhugas ng kamay ay paraan ng mga Judio, hindi ng mga Romano, sa pagsasabing hindi sila sangkot sa pagbububo ng dugo.—Deuteronomio 21:6, 7.
[Larawan sa pahina 11]
Ang inskripsiyong ito na nagpapakilala kay Poncio Pilato bilang mataas na opisyal ng Judea ay nasumpungan sa Cesarea