Tulong sa Ating Damdamin
Tulong sa Ating Damdamin
NATATALO ka ba kung minsan ng negatibong damdamin? Madali ka bang mainis, magalit, o masiraan ng loob? Nadaraig ka ba ng mga kabalisahan sa buhay? Ano kaya ang makatutulong?
Bahagi na ng buhay ng tao ang mga bugso ng damdamin. Kapag nasupil sa tamang paraan, ang mga ito’y nagdaragdag ng kulay sa buhay. Gayunman, kinikilala ng Bibliya na “dahil sa paniniil ay napakikilos na parang baliw ang marunong.” (Eclesiastes 7:7) Sa isang daigdig na laganap ang karahasan at mga aksidente, sino ang hindi maaapektuhan ng mga nangyayari sa palibot niya? Subalit sinasabi rin ng Kasulatan: “Wala nang mas mabuti kundi ang tao ay magsaya sa kaniyang mga gawa.” (Eclesiastes 3:22) Upang maging higit na kasiya-siya ang buhay, kailangan natin kung gayon na matutong magsaya sa pamamagitan ng paglilinang ng positibong damdamin. Paano natin malilinang ang kapaki-pakinabang na damdamin at masusugpo naman ang nakapipinsalang damdamin?
Ang pagsasagawa ng praktikal na mga paraan ay madalas na nagpapahupa sa tindi ng ating negatibong damdamin. Halimbawa, kapag nababalisa tayo sa mga bagay kung saan wala na tayong magagawa, hindi kaya mas mabuting baguhin na lamang ang ating rutin o kapaligiran sa halip na pahirapan ang ating isip sa pag-aalala? Ang paglalakad-lakad, pakikinig sa malalambing na musika, pagsasagawa ng nakapagpapasiglang ehersisyo, o paggawa ng mabuti sa sinumang nangangailangan ay maaaring makapagpaginhawa at makapagdulot sa atin ng isang antas ng kaligayahan.—Gawa 20:35.
Gayunman, ang pinakamabuting paraan ng pagwawaksi sa negatibong kaisipan ay ang pagtitiwala sa Maylalang. Kapag hindi maalis-alis ang negatibong pag-iisip, kailangan nating ‘ihagis sa Diyos ang lahat ng ating kabalisahan’ sa pamamagitan ng panalangin. (1 Pedro 5:6, 7) Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso . . . Marami ang mga kapahamakan ng matuwid, ngunit mula sa lahat ng mga iyon ay inililigtas siya ni Jehova.” (Awit 34:18, 19) Paano tayo makapagtitiwalang ang Diyos ang ating magiging ‘tulong at Tagapaglaan ng pagtakas’? (Awit 40:17) Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa nilalaman nitong matitingkad na halimbawa ng personal na interes ng Diyos sa kapakanan ng kaniyang mga lingkod.