Ikaw ba ay “Mayaman sa Diyos”?
Ikaw ba ay “Mayaman sa Diyos”?
SA MARAMING nakapupukaw-kaisipang mga talinghaga ni Jesu-Kristo, may isa rito tungkol sa mayamang may-ari ng lupain. Sa hangaring makatiyak sa kaniyang kinabukasan, nagplano ang may-ari ng lupain na gagawa siya ng mas malaking kamalig. Subalit sa ilustrasyon ni Jesus, ang lalaki ay tinawag na “di-makatuwiran.” (Lucas 12:16-21) May ilang mga salin ng Bibliya na gumamit pa nga ng salitang “hangal.” Bakit kaya gayon na lamang katindi ang ginamit na salita?
Lumilitaw na hindi isinaalang-alang ng mayamang lalaking ito ang Diyos sa kaniyang plano; ni pinasalamatan man niya ang Diyos dahil sa pagiging mabunga ng kaniyang lupain. (Mateo 5:45) Sa halip ay nagmalaki siya: “Kaluluwa, marami kang mabubuting bagay na nakaimbak para sa maraming taon; magpakaginhawa ka, kumain ka, uminom ka, magpakasaya ka.” Oo, inakala niya na isang “pananggalang na pader” ang mga bunga ng kaniyang pagsisikap.—Kawikaan 18:11.
Bilang babala sa gayong palalong espiritu, sumulat ang alagad na si Santiago: “Halikayo ngayon, kayo na nagsasabi: ‘Ngayon o bukas ay maglalakbay kami patungo sa lunsod na ito at gugugol ng isang taon doon, at kami ay makikipagkalakalan at magtutubo,’ samantalang hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas. Sapagkat kayo ay isang singaw na lumilitaw nang kaunting panahon at pagkatapos ay naglalaho.”—Santiago 4:13, 14.
Nagkatotoo nga ang mga salitang iyan dahil ganito ang sinabi sa mayamang lalaki sa talinghaga ni Jesus: “Ikaw na di-makatuwiran, sa gabing ito ay hihingin nila sa iyo ang iyong kaluluwa. Kung gayon, sino kaya ang magmamay-ari ng mga bagay na inimbak mo?” Gaya ng naglalahong singaw, ang mayamang lalaki ay mamamatay bago pa man niya makita ang katuparan ng kaniyang mga pangarap. Nakikita ba natin ang aral? Ang sabi ni Jesus: “Gayon ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.” Ikaw ba ay “mayaman sa Diyos”?