Isang Seryosong Bagay ang Pagbibigay-Kahulugan sa mga Tanda!
Isang Seryosong Bagay ang Pagbibigay-Kahulugan sa mga Tanda!
“Sa simula, akala ko ay masakit lamang ang ulo ng aming anak na lalaking si Andreas. Pero nawalan siya ng ganang kumain at nagkaroon ng mataas na lagnat. Lalong lumala ang sakit ng kaniyang ulo, at nabahala na ako. Pag-uwi ng asawa ko, dinala namin sa doktor si Andreas. Sinuri nito ang mga sintomas at ipinadala kaagad si Andreas sa ospital. Hindi lamang pala basta sakit ng ulo ang problema. May meninghitis pala si Andreas. Ginamot siya at di-nagtagal ay gumaling naman.”—Gertrud, isang ina sa Alemanya.
MARAHIL ay pamilyar na sa maraming magulang ang karanasan ni Gertrud. Napapansin nila ang mga tandang nagpapahiwatig na may sakit ang kanilang anak. Bagaman hindi lahat ng sakit ay malubha, hindi pa rin maipagwawalang-bahala ng mga magulang ang mga sintomas ng pagkakasakit ng kanilang mga anak. Malaki ang nagagawa ng pagbibigay-pansin sa mga tanda at paggawa ng angkop na hakbang. Ito ay isang seryosong bagay.
Totoo rin ito sa ibang bagay bukod sa kalusugan. Ang isang halimbawa nito ay ang kapahamakang dulot ng tsunami noong Disyembre 2004 sa mga lugar na nakapaligid sa Indian Ocean. Napansin ng mga ahensiya sa mga lugar na gaya ng Australia at Hawaii na magkakaroon ng napakalakas na lindol sa hilagang Sumatra at patiuna nilang natanto ang potensiyal na panganib ng magiging epekto nito. Gayunman, walang nakatalagang ahensiya sa nanganganib na mga lugar para makatanggap o makatugon ang mga tao sa anumang babala. Dahil dito, mahigit 220,000 katao ang namatay.
Mas Mahahalagang Tanda
Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, binigyan niya ng aral ang kaniyang mga tagapakinig hinggil sa pagmamasid sa mga tanda at pagkilos kaayon ng mga ito. Tinatalakay niya noon ang tungkol sa isang bagay na lubhang napakahalaga. Nag-uulat ang Bibliya: “Lumapit sa kaniya ang mga Pariseo at mga Saduceo at, upang tuksuhin siya, hinilingan nila siya na magtanghal sa kanila ng isang tanda mula sa langit. Bilang tugon ay sinabi niya sa kanila: ‘Kapag sumasapit ang gabi ay nakagawian na ninyong sabihin, “Magiging maganda ang panahon, sapagkat ang kalangitan ay mapulang gaya ng apoy”; at sa umaga, “Magiging malamig at maulan ang panahon ngayon, sapagkat ang kalangitan ay mapulang gaya ng apoy, ngunit Mateo 16:1-3.
makulimlim.” Alam ninyo kung paano bibigyang-kahulugan ang kaanyuan ng kalangitan, ngunit ang mga tanda ng mga panahon ay hindi ninyo mabigyang-kahulugan.’ ”—Sa pagbanggit sa “mga tanda ng mga panahon,” ipinahiwatig ni Jesus na dapat ay naunawaan ng kaniyang mga tagapakinig na Judio noong unang siglo ang pagkaapurahan ng panahong kinabubuhayan nila. Malapit nang maranasan noon ng Judiong sistema ng mga bagay ang isang malaking kapahamakan na makaaapekto sa kanilang lahat. Ilang araw bago siya mamatay, binanggit ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang tungkol sa isa pang tanda—ang tanda ng kaniyang pagkanaririto. Ang kaniyang sinabi noong pagkakataong iyon ay napakahalaga para sa lahat sa ngayon.