Mga Magulang—Anong Kinabukasan ang Gusto Ninyo Para sa Inyong mga Anak?
Mga Magulang—Anong Kinabukasan ang Gusto Ninyo Para sa Inyong mga Anak?
“Kayong mga binata at kayo ring mga dalaga . . . Purihin nila ang pangalan ni Jehova.”—Awit 148:12, 13.
1. Ano ang mga álalahanín ng mga magulang sa kanilang mga anak?
SINONG magulang ang hindi nababahala sa kinabukasan ng kanilang mga anak? Mula sa pagsilang ng isang sanggol—o bago pa man ito—nagsisimula nang mabahala ang mga magulang sa kapakanan niya. Magiging malusog kaya siya? Lálakí kaya siya nang normal? Habang lumalaki ang bata, nadaragdagan ang mga álalahanín. Sa pangkalahatan, wala nang iniisip ang mga magulang kundi ang pinakamabuti para sa kanilang anak.—1 Samuel 1:11, 27, 28; Awit 127:3-5.
2. Bakit gayon na lamang ang paghahangad ng maraming magulang sa ngayon na magkaroon ng magandang buhay ang kanilang mga anak paglaki nila?
2 Gayunman, sa daigdig na ito sa ngayon, isang hamon sa mga magulang ang paglalaan ng pinakamabuti para sa kanilang mga anak. Maraming magulang ang nakaranas na ng mahihirap na panahon—digmaan, kaguluhan sa pulitika, problema sa kabuhayan, pisikal o emosyonal na trauma, at iba pa. Mangyari pa, ayaw na ayaw nilang maranasan ito ng kanilang mga anak. Sa mayayamang lupain, maaaring mapansin ng mga magulang na ang mga anak ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak ay umaasenso sa kanilang propesyon at waring nagtatagumpay sa kanilang buhay. Kaya naman, napipilitan silang gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang makatiyak na magkakaroon din ang kanilang mga anak ng maalwan at tiwasay na buhay—isang magandang buhay—paglaki nila.—Eclesiastes 3:13.
Piliin ang Magandang Buhay
3. Ano ang pinili ng mga Kristiyano?
3 Bilang mga tagasunod ni Jesu-Kristo, pinili ng mga Kristiyano na ialay ang kanilang buhay kay Jehova. Isinapuso nila ang mga salita ni Jesus: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos sa araw-araw at sundan ako nang patuluyan.” (Lucas 9:23; 14:27) Oo, kaakibat na ng buhay ng isang Kristiyano ang pagsasakripisyo. Subalit hindi naman ito isang buhay na puro pagkakait at pagiging miserable. Sa kabaligtaran, ito’y isang maligaya at kasiya-siyang buhay—isang magandang buhay—dahil nangangahulugan ito ng pagbibigay, at gaya ng sinabi ni Jesus, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
4. Ano ang hinimok ni Jesus na itaguyod ng kaniyang mga tagasunod?
4 Ang mga tao noong panahon ni Jesus ay namumuhay sa napakahihirap na kalagayan. Bukod sa paghahanapbuhay, pinagtitiisan nila ang malupit na pamamahala ng mga Romano at ang mabibigat na pasaning ipinababalikat ng pormalistikong mga relihiyonista noong panahong iyon. (Mateo 23:2-4) Gayunman, maligayang isinaisantabi ng maraming nakarinig ng tungkol kay Jesus ang kanilang personal na mga tunguhin—maging ang mga hanapbuhay—at naging mga tagasunod niya. (Mateo 4:18-22; 9:9; Colosas 4:14) Ipinakikipagsapalaran ba at isinasapanganib ng mga alagad na iyon ang kanilang kinabukasan? Pansinin ang mga salita ni Jesus: “Ang bawat isa na nag-iwan ng mga bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ama o ina o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan ay tatanggap ng lalong marami pa at magmamana ng buhay na walang hanggan.” (Mateo 19:29) Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na alam ng makalangit na Ama ang kanilang mga pangangailangan. Kaya naman hinimok niya sila: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:31-33.
5. Ano ang iniisip ng ilang magulang tungkol sa pagtiyak ni Jesus na pagmamalasakitan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod?
5 Walang gaanong pagkakaiba ang kalagayan sa ngayon. Alam ni Jehova ang ating mga pangangailangan, at para sa mga inuuna sa kanilang buhay ang kapakanan ng Kaharian, lalo na sa mga nagtataguyod ng buong-panahong ministeryo, tinitiyak din sa kanila na pagmamalasakitan niya sila. (Malakias 3:6, 16; 1 Pedro 5:7) Gayunman, may mga magulang na nag-aalinlangan sa bagay na ito. Sa isang banda, gusto sana nilang makita ang kanilang mga anak na sumusulong sa paglilingkod kay Jehova, hanggang sa pumasok pa nga marahil sa buong-panahong paglilingkod. Sa kabilang banda naman, dahil sa kalagayan ng ekonomiya at hanapbuhay sa daigdig sa ngayon, iniisip nilang mahalaga rin naman na kumuha muna ng magandang edukasyon ang mga kabataan upang magkaroon sila ng kinakailangang kuwalipikasyon para sa magandang trabaho o sa paanuman ay may masandalan kung kinakailangan. Sa gayong mga magulang, ang magandang edukasyon ay karaniwan nang nangangahulugan ng mataas na edukasyon.
Paghandaan ang Kinabukasan
6. Sa anong paraan ginamit sa artikulong ito ang terminong “mataas na edukasyon”?
6 Iba-iba ang sistema ng edukasyon sa bawat bansa. Halimbawa, sa Estados Unidos, ang mga pampublikong paaralan ay nag-aalok ng 12 taon ng saligang edukasyon. Pagkatapos nito, nasa mga estudyante na kung papasok pa sila sa unibersidad o kolehiyo nang apat na taon o higit pa, hanggang sa makakuha ng bachelor’s degree o postgraduate studies para sa mga kurso sa medisina, batas, inhinyeriya, at iba pa. Ang gayong edukasyon sa unibersidad ang ibig tukuyin sa paggamit ng terminong “mataas na edukasyon” sa artikulong ito. Sa kabilang dako naman, may mga paaralang teknikal at bokasyonal, na nag-aalok ng maiikling kurso at nagbibigay ng sertipiko o diploma sa isang partikular na hanapbuhay o serbisyo.
7. Sa anong panggigipit nakalantad ang mga estudyante sa haiskul?
7 Naging kalakaran na ngayon ng mga paaralang sekondarya o haiskul na ihanda ang kanilang mga estudyante para sa mataas na edukasyon. Dahil dito, ang karamihan sa mga paaralan sa haiskul ay nakatutok sa mga akademikong asignatura na tutulong sa mga estudyante na makakuha ng mataas na marka sa mga eksamen para makapasok sa unibersidad sa halip na pagtuunan ang mga kursong tutulong sa mga estudyante na makapagtrabaho. Sa ngayon, ang mga estudyante sa haiskul ay matinding ginigipit ng mga guro, tagapayo, at mga kapuwa estudyante na gawing tunguhin ang makapasok sa pinakamagagaling na unibersidad, kung saan umaasa silang makakuha ng mga kursong magbibigay sa kanila ng magandang trabaho na may mataas na suweldo.
8. Anu-anong pagpili ang napapaharap sa mga magulang na Kristiyano?
8 Kung gayon, ano ang dapat gawin ng mga magulang na Kristiyano? Mangyari pa, gusto nilang magtagumpay ang kanilang mga anak sa paaralan at matuto ng mga kinakailangang kasanayan para masuportahan ang kanilang sarili pagdating ng araw. (Kawikaan 22:29) Subalit basta na lamang ba nila hahayaan ang kanilang mga anak na matangay ng espiritu ng kompetisyon upang yumaman at magtagumpay? Anong uri ng mga tunguhin ang inihaharap nila sa kanilang mga anak, sa pamamagitan ng salita o ng sariling halimbawa? May ilang magulang na nagtatrabaho nang husto at nag-iipon upang mapag-aral ang kanilang mga anak sa unibersidad o kolehiyo pagdating ng panahon. Ang iba naman ay handang mangutang sa layuning ito. Gayunman, hindi kayang sukatin ng basta salapi lamang ang halaga ng gayong desisyon. Ano ang kapalit na halaga ng pagkuha ng mataas na edukasyon sa ngayon?—Lucas 14:28-33.
Ang Kapalit na Halaga ng Pagkuha ng Mataas na Edukasyon
9. Ano ang masasabi tungkol sa magagastos sa pagkuha ng mataas na edukasyon sa ngayon?
9 Kapag iniisip natin ang kapalit na halaga, ang karaniwang iniisip natin ay ang gastusin. Sa ilang bansa, ang mataas na edukasyon ay tinutustusan ng pamahalaan at hindi na kailangan pang magbayad ng matrikula ang mga kuwalipikadong estudyante. Subalit sa karamihan ng mga lugar, ang mataas na edukasyon ay mahal at lalo pang nagiging mahal. Ganito ang sabi ng New York Times Op-Ed: “Dati, itinuturing ang mataas na edukasyon bilang susi sa mga oportunidad. Sa ngayon, ito ang tumitiyak sa agwat ng mayayaman at ng di-gaanong mayayaman.” Sa ibang pananalita, ang mataas na edukasyong de-kalidad ay mabilis na nagiging para lamang sa mayayaman at maimpluwensiya, anupat ipinakukuha nila ito sa kanilang mga anak upang makatiyak na magiging mayaman at maimpluwensiya rin sila sa lipunang ito. Dapat bang piliin ng mga magulang na Kristiyano ang tunguhing ito para sa kanilang mga anak?—Filipos 3:7, 8; Santiago 4:4.
10. Paano masasabing may malapit na kaugnayan sa pagpapaunlad sa kasalukuyang sistema ang mataas na edukasyon?
10 Kahit sa mga lugar na libre ang mataas na edukasyon, baka mayroon naman itong kaakibat na pananagutan. Halimbawa, iniulat ng The Wall Street Journal na sa isang bansa sa Timog-Silangang Asia, ang pamahalaan ay nagpapatakbo ng isang “tulad-piramideng kaayusan ng paaralan na walang-pakundangang nagtutulak sa pinakamagagaling na estudyante na maabot ang pinakarurok ng tagumpay.” “Ang pinakarurok ng tagumpay” ay pangunahin nang nangangahulugang makapasok sa pinakasikat na mga institusyon sa daigdig—ang Oxford at Cambridge sa Inglatera, ang mga paaralang Ivy League sa Estados Unidos, at iba pa. Bakit kaya nag-aalok ng ganitong pangmatagalang programa ang pamahalaang ito? “Upang mapasigla ang ekonomiya ng bansa,” ang sabi ng ulat. Maaaring halos libre nga ang edukasyon, ngunit ang kapalit naman nito para sa mga estudyante ay isang buhay na lubhang okupado sa pagpapaunlad sa kasalukuyang sistema. Bagaman ganitong uri ng buhay ang pangunahing itinataguyod sa daigdig, ito ba ang gusto ng mga magulang na Kristiyano para sa kanilang mga anak?—Juan 15:19; 1 Juan 2:15-17.
11. Ano ang ipinakikita ng mga ulat tungkol sa pag-abuso sa alak at seksuwal na imoralidad ng mga estudyante sa unibersidad?
11 Nariyan din ang kapaligiran. Balitang-balita ang mga kampus ng unibersidad at kolehiyo sa masasamang paggawi—pag-abuso sa droga at alak, imoralidad, pandaraya, hazing, at marami pang iba. Tingnan natin ang pag-abuso sa alak. Bilang pag-uulat tungkol sa binge drinking, samakatuwid nga, pag-inom para lamang malasing, ang magasing New Scientist ay nagsasabi: “Mga 44 na porsiyento ng [mga estudyante sa mga unibersidad sa Estados Unidos] ang naglalasing kahit minsan lamang sa loob ng dalawang linggo.” Ganito rin ang problema sa mga kabataan sa Australia, Britanya, Russia, at sa iba pang lugar. Pagdating sa seksuwal na imoralidad, ang usap-usapan ng mga estudyante sa ngayon ay tungkol sa “hooking up (minsanang pagpapakasasa sa kahalayan),” na ayon sa ulat ng Newsweek ay “naglalarawan 1 Corinto 5:11; 6:9, 10.
sa minsanang seksuwal na gawain—mula sa paghahalikan hanggang sa pagtatalik—ng magkakilala na wala man lamang balak mag-usap pagkatapos nito.” Ipinakikita ng pag-aaral na 60 hanggang 80 porsiyento ng mga estudyante ang nagsasagawa nito. “Kung isa kang pangkaraniwang estudyante sa kolehiyo,” ang sabi ng isang mananaliksik, “gagawin mo ito.”—12. Sa anu-anong panggigipit nakalantad ang mga estudyante sa kolehiyo?
12 Bukod sa masamang kapaligiran, nariyan din ang nakapanggigipit na mga gawain sa paaralan at mga eksamen. Mangyari pa, ang mga estudyante ay kailangang mag-aral at gumawa ng kanilang takdang-aralin upang makapasá sa eksamen. May ilan din na kailangang magtrabaho nang kahit part-time man lamang habang nag-aaral. Ang lahat ng ito ay nangangailangan ng kanilang napakalaking panahon at lakas. Kung gayon, ano pa kaya ang matitira para sa espirituwal na mga gawain? Kapag tumitindi ang panggigipit, ano ang bibitawan nila? Mauuna pa kaya ang mga kapakanan ng Kaharian, o isasaisantabi na ang mga ito? (Mateo 6:33) Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efeso 5:15, 16) Nakalulungkot sabihin na may ilang tumalikod sa pananampalataya dahil sa mga bagay na pinag-uubusan nila ng panahon at lakas o dahil sa di-makakasulatang paggawi na kinasasangkutan nila sa kolehiyo!
13. Anu-ano ang mga tanong na dapat isaalang-alang ng mga magulang na Kristiyano?
Kawikaan 22:3; 2 Timoteo 2:22) Sulit ba ang anumang kapakinabangang makukuha ng mga kabataan sa nasasangkot na panganib? At ang pinakamahalaga, ano ang itinuturo sa mga kabataan tungkol sa mga bagay na dapat unahin sa kanilang buhay? * (Filipos 1:10; 1 Tesalonica 5:21) Dapat na seryoso at may-pananalanging isaalang-alang ng mga magulang ang mga tanong na ito at ang panganib ng pagpapaaral sa kanilang mga anak sa ibang lunsod o sa ibang bansa.
13 Mangyari pa, hindi lamang sa mga kampus ng kolehiyo o unibersidad nagaganap ang imoralidad, masamang paggawi, at mga panggigipit. Gayunman, itinuturing ng maraming kabataan sa sanlibutan na ang mga ito’y bahagi lamang ng edukasyon, at ng buhay nila sa kampus. Dapat bang kusang ilantad ng mga magulang na Kristiyano ang kanilang mga anak sa gayong uri ng kapaligiran sa loob ng apat na taon o higit pa? (Ano ang Maaaring Ihalili?
14, 15. (a) Sa kabila ng popular na opinyon, anong payo sa Bibliya ang kapit sa ngayon? (b) Anu-ano ang maaaring itanong ng mga kabataan sa kanilang sarili?
14 Sa ngayon, ang popular na opinyon ay na para magtagumpay ang mga kabataan, ang tanging paraan ay ang pagkuha ng edukasyon sa unibersidad. Gayunman, sa halip na sumunod sa kung ano ang popular, sinusunod ng mga Kristiyano ang paalaala ng Bibliya: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Ano ba ang kalooban ng Diyos sa kaniyang bayan, bata at matanda, sa huling bahaging ito ng panahon ng kawakasan? Hinimok ni Pablo si Timoteo: “Panatilihin mo ang iyong katinuan sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng kasamaan, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.” Ang mga salitang ito ay tiyak na kapit sa ating lahat sa ngayon.—2 Timoteo 4:5.
15 Sa halip na mawili sa materyalistikong espiritu ng sanlibutan, tayong lahat ay dapat ‘magpanatili ng ating katinuan’—ng ating espirituwal na tunguhin. Kung isa kang kabataan, tanungin mo ang iyong sarili: ‘Ginagawa ko ba ang lahat ng aking makakaya upang “ganapin ang aking ministeryo,” para maging kuwalipikadong ministro ng Salita ng Diyos? Anu-ano ang mga plano ko sa “lubusang” pagtataguyod ng aking ministeryo? Binalak ko na bang gawing karera ang paglilingkod nang buong panahon?’ Mahirap ang mga tanong na ito, lalo na’t nakikita mo ang ibang mga kabataan na nagpapakasasa sa makasariling mga hangarin, na “humahanap ng mga dakilang bagay” na sa akala nila ay aakay tungo sa isang magandang kinabukasan. (Jeremias 45:5) Kung gayon, may-katalinuhang inilalaan ng mga magulang na Kristiyano ang tamang uri ng espirituwal na kapaligiran at pagsasanay sa kanilang mga anak mula pa sa pagkabata.—Kawikaan 22:6; Eclesiastes 12:1; 2 Timoteo 3:14, 15.
16. Paano may-katalinuhang makapaglalaan ang mga magulang na Kristiyano ng tamang uri ng espirituwal na kapaligiran sa kanilang mga anak?
16 “Binabantayang mabuti ni Inay ang aming pakikipagsamahan,” nagugunita pa ng panganay sa tatlong anak na lalaki ng isang pamilya na ang nanay ay maraming taon na sa buong-panahong ministeryo. “Hindi kami nakikisama sa aming mga kaeskuwela kundi sa mga kakongregasyon lamang namin na may magagandang kaugaliang espirituwal. Palagi rin siyang nag-aanyaya ng mga nasa buong-panahong paglilingkuran—mga misyonero, naglalakbay na tagapangasiwa, Bethelite, at mga payunir—sa aming tahanan para sa pakikipagsamahan. Kapag napapakinggan namin ang kanilang mga karanasan at nakikita ang kanilang kagalakan, napapatimo sa aming puso ang hangaring maglingkod din nang buong panahon.” Nakatutuwang makita sa ngayon na ang tatlong anak na lalaking ito ay pawang nasa buong-panahong ministeryo—ang isa ay naglilingkod sa Bethel, ang isa ay nakapag-aral na sa Ministerial Training School, at ang isa naman ay nagpapayunir!
17. Anong patnubay ang mailalaan ng mga magulang sa kanilang mga anak sa pagpili ng mga asignatura sa paaralan at bokasyonal na mga tunguhin? (Tingnan ang kahon sa pahina 29.)
17 Bukod pa sa paglalaan ng matatag na espirituwal na kapaligiran, kailangan ding patnubayan nang wasto ng mga magulang ang kanilang mga anak, hangga’t maaga, sa pagpili ng mga asignatura sa paaralan at ng bokasyonal na mga tunguhin. Isa *
pang binatang naglilingkod ngayon sa Bethel ang nagsabi: “Parehong payunir ang aming mga magulang bago at pagkatapos silang ikasal at nagsikap sila nang husto na maipasa sa buong pamilya ang espiritu ng pagpapayunir. Kapag pumipili kami noon ng mga asignatura sa paaralan o gumagawa ng mga desisyong makaaapekto sa aming kinabukasan, palagi nila kaming hinihimok na ang piliin ay yaong magbibigay sa amin ng pinakamainam na pagkakataong makakita ng part-time na trabaho at sa gayon ay makapagpayunir.” Sa halip na mga akademikong asignatura ang piliin upang makakuha ng edukasyon sa unibersidad, kailangang isaalang-alang ng mga magulang at ng mga anak ang mga kursong magagamit sa pagtataguyod ng teokratikong tunguhin.18. Anu-anong oportunidad sa trabaho ang maaaring isaalang-alang ng mga kabataan?
18 Ipinakikita ng mga pag-aral na sa maraming bansa, may mahigpit na pangangailangan, hindi sa mga nakatapos sa unibersidad, kundi sa mga taong nagtatrabaho nang manu-mano at naglalaan ng serbisyo. Iniulat ng USA Today na “70% ng mga magtatrabaho sa darating na mga dekada ang hindi na mangangailangan ng apat-na-taóng kurso sa kolehiyo, kundi sa halip, isang dalawang-taóng kurso sa kolehiyong suportado ng gobyerno o isang uri ng sertipiko para sa teknikal na kurso.” Marami sa gayong mga institusyon ang nag-aalok ng maiikling kurso sa kasanayang pang-opisina, pagmemekaniko, pagkukumpuni ng computer, pagtutubero, pag-aayos ng buhok, at marami pang ibang hanapbuhay. Ang mga ito ba’y kanais-nais na mga trabaho? Siyempre naman! Maaaring hindi nga gayon kaganda ang mga ito para sa ilan, subalit naglalaan naman ito ng panustos at panahon na kailangan ng mga taong ang tunay na bokasyon ay ang paglilingkod kay Jehova.—2 Tesalonica 3:8.
19. Ano ang pinakatiyak na paraan tungo sa isang buhay na lipos ng kagalakan at kasiyahan?
19 “Kayong mga binata at kayo ring mga dalaga,” ang pakiusap ng Bibliya, “purihin nila ang pangalan ni Jehova, sapagkat ang kaniyang pangalan lamang ang di-maabot sa kataasan. Ang kaniyang dangal ay nasa itaas ng lupa at langit.” (Awit 148:12, 13) Kung ihahambing sa mga posisyon at gantimpalang iniaalok ng sanlibutan, ang karera ng buong-panahong paglilingkod kay Jehova ang walang-alinlangang pinakatiyak na paraan tungo sa isang buhay na lipos ng kagalakan at kasiyahan. Tandaan ang paniniyak ng Bibliya: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”—Kawikaan 10:22.
[Mga talababa]
^ par. 13 Para sa mga karanasan ng mga higit na nagpahalaga sa teokratikong edukasyon kaysa sa edukasyon sa unibersidad, tingnan ang The Watchtower, Mayo 1, 1982, pahina 3-6; Abril 15, 1979, pahina 5-10; Awake! Hunyo 8, 1978, pahina 15; at Agosto 8, 1974, pahina 3-7.
^ par. 17 Tingnan ang Gumising! Oktubre 8, 1998, “Paghahanap ng Isang Matiwasay na Buhay,” pahina 4-6, at Mayo 8, 1989, “Anong Karera ang Dapat Kong Piliin?” pahina 12-14.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Saan inilalagak ng mga Kristiyano ang kanilang tiwala para sa isang matatag na kinabukasan?
• Anu-anong hamon ang napapaharap sa mga magulang na Kristiyano may kinalaman sa kinabukasan ng kanilang mga anak?
• Ano ang dapat isaalang-alang kapag tinutuos ang kapalit na halaga ng pagkuha ng mataas na edukasyon?
• Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magtaguyod ng isang karera sa paglilingkod kay Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 29]
Ano ang Halaga ng Mataas na Edukasyon?
Umaasa ang karamihan sa mga nag-aaral sa unibersidad na matatapos nila ang isang kursong magbubukas ng pinto para sa kanila tungo sa mga trabahong malaki ang suweldo at matatag. Gayunman, ipinakikita ng ulat ng pamahalaan na mga sangkapat lamang ng mga nag-aaral sa kolehiyo ang nakapagtapos sa isang kurso sa loob ng anim na taon—nakalulungkot na estadistika. Magkagayunman, magagarantiyahan kaya ng kursong iyon ang isang magandang trabaho? Pansinin ang sinabi ng pinakahuling pagsasaliksik at pag-aaral.
“Ang pag-aaral sa [mga unibersidad ng] Harvard o Duke ay hindi laging nangangahulugan ng mas magandang trabaho o mas mataas na suweldo. . . . Hindi gaanong kilala ng mga kompanya ang mga kabataang naghahanap ng trabaho. Maaari ngang kahanga-hanga ang isang kinikilalang kredensiyal (isang kurso mula sa Ivy League). Pero pagkaraan, mas importante pa rin kung ano ang kaya o di-kayang gawin ng mga tao.”—Newsweek, Nobyembre 1, 1999.
“Bagaman nangangailangan ng mas mataas na uri ng kasanayan ang karaniwang trabaho sa ngayon kaysa noon . . . , ang mga kasanayang kailangan sa mga trabahong ito ay yaong mahahalagang kasanayan na itinuturo sa haiskul—matematika, pagbasa, at pagsulat sa ikasiyam na grado . . . , hindi mga kasanayang itinuturo sa kolehiyo. . . . Hindi na kailangang pumasok sa kolehiyo ang mga estudyante para makakuha ng magandang trabaho, subalit dapat nilang matutuhang mabuti ang mga kasanayang itinuturo sa haiskul.”—American Educator, Spring 2004.
“Wala talagang kabatiran sa tunay na buhay sa daigdig ang karamihan sa mga kolehiyo kung tungkol sa paghahanda sa mga estudyante na makapagtrabaho pagkatapos ng kolehiyo. Ang mga paaralang bokasyonal . . . ay mabilis na nauuso. Tumaas ang bilang ng kanilang mag-aarál nang 48% mula 1996 hanggang 2000. . . . Samantala, ang magastos at umuubos-panahong mga diploma sa kolehiyo ay nawawalan na ng halaga.”—Time, Enero 24, 2005.
“Ang mga prediksiyon ng Kagawaran ng Paggawa ng Estados Unidos para sa buong taon ng 2005 ay nagsisiwalat ng nakababahalang posibilidad na di-kukulangin sa sangkatlo ng lahat ng mga nagtapos sa apat-na-taóng kurso sa kolehiyo ang walang makukuhang trabaho na akma sa kanilang tinapos na kurso.”—The Futurist, Hulyo/Agosto 2000.
Dahil sa lahat ng ito, parami nang paraming edukador ang talagang nag-aalinlangan sa halaga ng mataas na edukasyon sa ngayon. “Tinuturuan natin ang mga tao sa di-angkop na tunguhin,” ang hinagpis ng ulat ng Futurist. Sa kabaligtaran naman, pansinin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”—Isaias 48:17, 18.
[Larawan sa pahina 26]
Isinaisantabi nila ang personal na mga tunguhin at sumunod kay Jesus
[Larawan sa pahina 31]
May-katalinuhang inilalaan ng mga magulang na Kristiyano ang isang matatag na espirituwal na kapaligiran sa kanilang mga anak mula pa sa pagkabata