Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Unang Cronica

Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Unang Cronica

Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Unang Cronica

MGA 77 taon na ang nakalipas mula nang bumalik ang mga Judio sa kanilang sariling lupain buhat sa pagkatapon sa Babilonya. Ang templo na muling itinayo ni Gobernador Zerubabel ay 55 taon na ngayong nakatayo. Ang pangunahing dahilan ng pagbabalik ng mga Judio ay ang pagsasauli ng tunay na pagsamba sa Jerusalem. Gayunman, kulang ng sigasig ang bayan sa pagsamba kay Jehova. Kailangang-kailangan ang pampasigla at iyan mismo ang inilalaan ng aklat ng Bibliya na Unang Cronica.

Bukod sa mga rekord ng talaangkanan, sinasaklaw ng Unang Cronica ang isang yugto na humigit-kumulang 40 taon, mula sa pagkamatay ni Haring Saul hanggang sa pagkamatay ni Haring David. Pinaniniwalaan na isinulat ng saserdoteng si Ezra ang aklat na ito noong taóng 460 B.C.E. Interesado tayo sa Unang Cronica dahil nagbibigay ito ng kaunawaan hinggil sa pagsamba sa templo at naglalaan ng mga detalye tungkol sa pinagmulang angkan ng Mesiyas. Bilang bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos, pinatitibay nito ang ating pananampalataya at pinasusulong ang ating unawa sa Bibliya.​—Hebreo 4:12.

ISANG MAHALAGANG REKORD NG MGA PANGALAN

(1 Cronica 1:1–9:44)

May tatlong dahilan kung bakit kailangan ang detalyadong talaan ng angkan na tinipon ni Ezra: upang matiyak na awtorisadong mga lalaki lamang ang maglilingkod bilang saserdote, upang makatulong sa pagtiyak sa mana ng bawat tribo, at upang maingatan ang rekord ng pinagmulang angkan ng Mesiyas. Tinatalunton ng rekord ang kasaysayan ng mga Judio pabalik sa unang tao. May sampung henerasyon mula kay Adan hanggang kay Noe, at sampu pang henerasyon mula naman kay Noe hanggang kay Abraham. Matapos itala ang mga anak ni Ismael, ang mga anak ng babae ni Abraham na si Ketura, at ang mga anak ni Esau, nagtuon ng pansin ang ulat sa linya ng angkan ng 12 anak ni Israel.​—1 Cronica 2:1.

Malawak ang ibinigay na ulat tungkol sa mga inapo ni Juda dahil sa kanila lumabas ang maharlikang angkan ni Haring David. May 14 na henerasyon mula kay Abraham hanggang kay David at 14 pang henerasyon mula naman kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonya. (1 Cronica 1:27, 34; 2:1-15; 3:1-17; Mateo 1:17) Pagkatapos ay itinala ni Ezra ang mga inapo ng mga tribo sa dakong silangan ng Jordan, kasunod ang talaangkanan ng mga anak ni Levi. (1 Cronica 5:1-24; 6:1) Saka naman ibinigay ang buod ng ilan sa iba pang tribo sa dakong kanluran ng Ilog Jordan at ang detalye ng angkan ni Benjamin. (1 Cronica 8:1) Itinala rin ang mga pangalan ng unang mga nanirahan sa Jerusalem pagkatapos ng pagkakabihag sa Babilonya.​—1 Cronica 9:1-16.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

1:18—Sino ang ama ni Shela​—si Cainan o si Arpacsad? (Lucas 3:35, 36) Si Arpacsad ang ama ni Shela. (Genesis 10:24; 11:12) Ang terminong “Cainan” sa Lucas 3:36 ay malamang na pilipit na termino para sa “mga Caldeo.” Kung gayon, ang orihinal na teksto ay maaaring kabasahan ng ganito, “ang anak ng Caldeong si Arpacsad.” O maaaring ang mga pangalang Cainan at Arpacsad ay tumutukoy sa iisang tao. Hindi dapat kaligtaan na ang pananalitang “anak ni Cainan” ay hindi masusumpungan sa ilang manuskrito.​—Lucas 3:36, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References.

2:15—Si David ba ang ikapitong anak ni Jesse? Hindi. Walo ang anak ni Jesse, at si David ang bunso. (1 Samuel 16:10, 11; 17:12) Maliwanag na ang isa sa mga anak ni Jesse ay namatay nang walang anak. Yamang hindi na makaiimpluwensiya sa mga rekord ng talaangkanan ang anak na iyon, inalis ni Ezra ang kaniyang pangalan.

3:17—Bakit si Sealtiel na anak ni Jeconias ay tinutukoy sa Lucas 3:27 bilang anak ni Neri? Si Jeconias ang ama ni Sealtiel. Gayunman, lumilitaw na ibinigay ni Neri ang kaniyang anak na babae bilang asawa ni Sealtiel. Tinukoy ni Lucas ang manugang ni Neri bilang anak ni Neri kagaya rin ng pagtukoy niya kay Jose, na tinawag niyang anak ng ama ni Maria, si Heli.​—Lucas 3:23.

3:17-19—Paano naging magkakamag-anak sina Zerubabel, Pedaias, at Sealtiel? Si Zerubabel ay anak ni Pedaias, na kapatid naman ni Sealtiel. Gayunman, kung minsan ay tinutukoy ng Bibliya si Zerubabel bilang anak ni Sealtiel. (Mateo 1:12; Lucas 3:27) Ito ay maaaring dahil namatay si Pedaias at si Sealtiel ang nagpalaki kay Zerubabel. O marahil dahil namatay si Sealtiel nang walang anak, ginampanan ni Pedaias ang pag-aasawa bilang bayaw, at si Zerubabel ang naging panganay sa pagsasamang iyon.​—Deuteronomio 25:5-10.

5:1, 2—Nangahulugan ng ano para kay Jose ang pagtanggap sa karapatan bilang panganay? Nangahulugan ito na tumanggap si Jose ng dobleng bahagi sa mana. (Deuteronomio 21:17) Kaya naman naging ama siya ng dalawang tribo​—ang Efraim at Manases. Ang iba pang anak ni Israel ay naging ama ng tig-iisang tribo lamang.

Mga Aral Para sa Atin:

1:1–​9:44. Pinatutunayan ng mga talaangkanan ng tunay na mga tao na ang buong kaayusan ng tunay na pagsamba ay nakasalig, hindi sa alamat, kundi sa katotohanan.

4:9, 10. Sinagot ni Jehova ang marubdob na panalangin ni Jabez ukol sa mapayapang paglawak ng kaniyang teritoryo upang makapanirahan doon ang mas maraming tao na natatakot sa Diyos. Tayo rin ay kailangang maghandog ng taos-pusong mga panalangin para sa pagdami habang masigasig tayong nakikibahagi sa paggawa ng mga alagad.

5:10, 18-22. Noong panahon ni Haring Saul, tinalo ng mga tribong nasa silangan ng Jordan ang mga Hagrita bagaman mahigit sa doble ang dami ng mga Hagrita kaysa sa mga tribong ito. Nangyari ito dahil ang magigiting na lalaki ng mga tribong ito ay nagtiwala kay Jehova at umasa sa tulong niya. Magkaroon sana tayo ng lubos na tiwala kay Jehova habang isinasagawa natin ang ating espirituwal na pakikibaka laban sa napakaraming kaaway.​—Efeso 6:10-17.

9:26, 27. Ang mga Levitang bantay ng pintuang-daan ay binigyan ng napakahalagang atas. Ipinagkatiwala sa kanila ang susi sa pasukan ng banal na mga dako ng templo. Maaasahan sila sa pagbubukas ng mga pinto araw-araw. Ipinagkatiwala sa atin ang pananagutang kausapin ang mga tao sa ating teritoryo at tulungan silang maging mananamba ni Jehova. Hindi ba’t dapat din nating patunayan na tayo’y maaasahan at mapagkakatiwalaan na gaya ng mga Levitang bantay ng pintuang-daan?

NAMAHALA SI DAVID BILANG HARI

(1 Cronica 10:1–​29:30)

Ang salaysay ay nagpapasimula sa ulat tungkol sa pagkamatay ni Haring Saul at ng kaniyang tatlong anak sa digmaan laban sa mga Filisteo sa Bundok Gilboa. Si David, ang anak ni Jesse, ay ginawang hari sa tribo ni Juda. Ang mga lalaki ng lahat ng tribo ay nagtipon sa Hebron at ginawa siyang hari sa buong Israel. (1 Cronica 11:1-3) Di-nagtagal pagkatapos noon, nabihag niya ang Jerusalem. Nang maglaon, dinala ng mga Israelita ang kaban ng tipan sa Jerusalem na “may sigaw ng kagalakan at may pagpapatunog ng tambuli at . . . tumutugtog nang malakas sa mga panugtog na de-kuwerdas at mga alpa.”​—1 Cronica 15:28.

Nagpahayag si David ng hangaring magtayo ng isang bahay para sa tunay na Diyos. Inilaan ni Jehova ang pribilehiyong iyon kay Solomon, ngunit nakipagtipan siya kay David ukol sa isang Kaharian. Habang ipinagpapatuloy ni David ang kaniyang kampanya laban sa mga kaaway ng Israel, sunud-sunod na tagumpay ang ibinigay sa kaniya ni Jehova. Dahil sa ilegal na sensus, 70,000 ang namatay. Nang matanggap niya ang tagubilin ng anghel na magtayo ng altar para kay Jehova, binili ni David ang isang lugar kay Ornan na Jebusita. Si David ay nagsimulang ‘maghanda ng pagkarami-rami’ para sa pagtatayo ng isang “lubhang maringal” na bahay para kay Jehova sa lugar na iyon. (1 Cronica 22:5) Inorganisa ni David ang Levitikong mga paglilingkod, na inilarawan dito nang mas detalyado kaysa sa alinmang bahagi ng Kasulatan. Bukas-palad na nag-abuloy ang hari at ang bayan para sa templo. Pagkatapos ng 40-taóng paghahari, namatay si David na “puspos ng mga araw, kayamanan at kaluwalhatian; at si Solomon na kaniyang anak ay nagsimulang maghari bilang kahalili niya.”​—1 Cronica 29:28.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

11:11—Bakit ang bilang ng mga pinatay ay 300 at hindi 800 gaya ng nakasaad sa katulad na ulat sa 2 Samuel 23:8? Ang lider sa tatlong pinakamagigiting na lalaki ni David ay si Jasobeam, o Joseb-basebet. Ang dalawa pang makapangyarihang lalaki ay sina Eleazar at Shamah. (2 Samuel 23:8-11) Malamang na nagkaiba ang dalawang ulat na ito dahil hindi pareho ang tinutukoy ng mga ito na ginawa ng iisang tao.

11:20, 21—Ano ang katayuan ni Abisai may kaugnayan sa tatlong pangunahing makapangyarihang mga lalaki ni David? Si Abisai ay hindi kabilang sa tatlong pinakamakapangyarihang lalaki na naglingkod kay David. Gayunman, gaya ng nakasaad sa 2 Samuel 23:18, 19, siya ang lider ng 30 mandirigma at mas kilala siya kaysa kaninuman sa mga ito. Ang reputasyon ni Abisai ay kagaya niyaong tatlong pangunahing makapangyarihang lalaki dahil gumawa siya ng makapangyarihang gawa na katulad niyaong kay Jasobeam.

12:8—Paanong ang mga mukha ng mga mandirigmang Gadita ay kagaya ng “mga mukha ng mga leon”? Ang magigiting na mga lalaking ito ay nasa panig ni David noong siya’y nasa iláng. Humaba na ang kanilang buhok. Dahil sa mahaba at makapal na buhok, nagmukha silang mabangis na leon.

13:5—Ano ang “ilog ng Ehipto”? Inaakala ng ilan na ang pananalitang ito ay tumutukoy sa isang sanga ng Ilog Nilo. Gayunman, karaniwan nang nauunawaan na tumutukoy ito sa “agusang libis ng Ehipto”​—isang mahabang bangin na nagsisilbing hangganan ng Lupang Pangako sa timog-kanluran.​—Bilang 34:2, 5; Genesis 15:18.

16:30—Ano ang ibig sabihin ng “matitinding kirot” dahil kay Jehova? Ang salitang “kirot” ay ginamit dito sa makasagisag na paraan upang tumukoy sa mapitagang pagkatakot at matinding paggalang kay Jehova.

16:1, 37-40; 21:29, 30; 22:19—Anong kaayusan sa pagsamba ang nagpatuloy sa Israel mula nang dalhin ang Kaban sa Jerusalem hanggang sa maitayo ang templo? Nang dalhin ni David ang Kaban sa Jerusalem at ilagay ito sa loob ng toldang ginawa niya, mula noon ay wala na ang Kaban sa tabernakulo sa loob ng maraming taon. Matapos itong ilipat, ang Kaban ay nanatili sa toldang iyon sa Jerusalem. Ang tabernakulo ay nasa Gibeon, kung saan isinasagawa ng mataas na saserdoteng si Zadok at ng kaniyang mga kapatid ang mga paghahaing itinakda sa Kautusan. Nagpatuloy ang kaayusang ito hanggang sa matapos ang templo sa Jerusalem. Noong handa na ang templo, inilipat ang tabernakulo mula sa Gibeon tungo sa Jerusalem, at ipinasok ang Kaban sa Kabanal-banalan ng templo.​—1 Hari 8:4, 6.

Mga Aral Para sa Atin:

13:11. Sa halip na magalit at sisihin si Jehova kapag nabigo ang ating pagsisikap, dapat nating suriin ang situwasyon at sikaping alamin kung ano ang dahilan ng pagkabigo. Walang alinlangan na ganiyan ang ginawa ni David. Natuto siya sa kaniyang pagkakamali at nang maglaon ay matagumpay na nadala ang Kaban sa Jerusalem sa tamang paraan. *

14:10, 13-16; 22:17-19. Dapat na lagi tayong lumapit kay Jehova sa panalangin at humingi ng kaniyang patnubay bago gawin ang anumang bagay na makaaapekto sa atin sa espirituwal na paraan.

16:23-29. Dapat na maging pangunahin sa ating buhay ang pagsamba kay Jehova.

18:3. Si Jehova ang Tagatupad ng kaniyang mga pangako. Sa pamamagitan ni David, tinupad niya ang kaniyang pangako na ibibigay sa binhi ni Abraham ang buong lupain ng Canaan, na sumasaklaw “mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, na ilog ng Eufrates.”​—Genesis 15:18; 1 Cronica 13:5.

21:13-15. Inutusan ni Jehova ang anghel na ihinto ang salot dahil damang-dama Niya ang pagdurusa ng Kaniyang bayan. Talagang “napakarami ng kaniyang kaawaan.” *

22:5, 9; 29:3-5, 14-16. Bagaman hindi si David ang inatasang magtayo ng templo ni Jehova, nagpamalas siya ng bukas-palad na espiritu. Bakit? Dahil napag-unawa niya na lahat ng kaniyang nakamit ay bunga ng kabutihan ni Jehova. Ang gayunding damdamin ng pagpapahalaga ang dapat magpakilos sa atin na maging bukas-palad.

24:7-18. Ang kaayusan hinggil sa 24 na pangkat ng mga saserdote na itinatag ni David ay ipinatutupad noon nang magpakita ang anghel ni Jehova kay Zacarias, ang ama ni Juan na Tagapagbautismo, at ipabatid ang nalalapit na pagsilang kay Juan. Bilang miyembro ng “pangkat ni Abias,” ginagampanan noon ni Zacarias ang kaniyang atas sa templo. (Lucas 1:5, 8, 9) Ang tunay na pagsamba ay may kaugnayan sa makasaysayan​—hindi sa mitolohikal​—na mga tauhan. Nagbubunga ng mga pagpapala ang ating matapat na pakikipagtulungan sa “tapat at maingat na alipin” may kaugnayan sa napakaorganisadong pagsamba kay Jehova sa ngayon.​—Mateo 24:45.

Maglingkod kay Jehova Nang “May Nakalulugod na Kaluluwa”

Ang Unang Cronica ay hindi lamang tungkol sa mga talaangkanan. Isa rin itong salaysay tungkol sa pagdadala ni David sa kaban ng tipan tungo sa Jerusalem, tungkol sa kaniyang mga tagumpay, tungkol sa paghahanda para sa pagtatayo ng templo, at tungkol sa pagtatatag ng Levitikong mga pangkat ng mga saserdote ukol sa paglilingkod. Tiyak na nakinabang ang mga Israelita sa lahat ng inilahad ni Ezra sa Unang Cronica, anupat nakatulong ito sa kanila na manumbalik ang kanilang sigasig sa pagsamba kay Jehova sa templo.

Napakahusay ngang halimbawa ang ipinakita ni David sa laging pag-una sa pagsamba kay Jehova sa kaniyang buhay! Sa halip na maghangad ng pantanging mga pribilehiyo para sa kaniyang sarili, sinikap ni David na gawin ang kalooban ng Diyos. Pinasisigla tayo na ikapit ang kaniyang payo na maglingkod kay Jehova nang “may sakdal na puso at may nakalulugod na kaluluwa.”​—1 Cronica 28:9.

[Mga talababa]

^ par. 32 Para sa iba pang mga aral mula sa pagtatangka ni David na ilipat ang Kaban sa Jerusalem, tingnan Ang Bantayan, Mayo 15, 2005, pahina 16-19.

^ par. 36 Para sa iba pang mga aral may kaugnayan sa ilegal na sensus na ipinagawa ni David, tingnan Ang Bantayan, Mayo 15, 2005, pahina 16-19.

[Chart/Mga larawan sa pahina 8-11]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga henerasyon mula kay Adan hanggang kay Noe (1,056 na taon)

4026 B.C.E. Adan

130 taon ⇩

Set

105 ⇩

Enos

90 ⇩

Kenan

70 ⇩

Mahalalel

65 ⇩

Jared

162 ⇩

Enoc

65 ⇩

Metusalem

187 ⇩

Lamec

182 ⇩

2970 B.C.E. NOE isinilang

Mga henerasyon mula kay Noe hanggang kay Abraham (952 taon)

2970 B.C.E. Noe

502 years ⇩

Sem

100 ⇩

ANG BAHA 2370 B.C.E.

Arpacsad

35 ⇩

Shela

30 ⇩

Eber

34 ⇩

Peleg

30 ⇩

Reu

32 ⇩

Serug

30 ⇩

Nahor

29 ⇩

Tera

130 ⇩

2018 B.C.E. ABRAHAM isinilang

Mula kay Abraham hanggang kay David: 14 na henerasyon (911 taon)

2018 B.C.E. Abraham

100 yrs.

Isaac

60 ⇩

Jacob

c. 88 ⇩

Juda

Perez

Hezron

Ram

Aminadab

Nason

Salmon

Boaz

Obed

Jesse

1107 B.C.E. DAVID isinilang