Nakikilala Mo ba ang Tanda ng Pagkanaririto ni Jesus?
Nakikilala Mo ba ang Tanda ng Pagkanaririto ni Jesus?
WALANG sinuman ang may gustong magkasakit nang malubha o maabutan ng sakuna. Upang maiwasan ang gayong kapahamakan, binibigyang-pansin ng isang taong marunong ang mga tandang nagpapahiwatig ng panganib at kumikilos siya kaayon nito. Inilarawan ni Jesu-Kristo ang isang partikular na tanda na kailangan nating makilala. Ang kaniyang tinutukoy ay makaaapekto sa buong daigdig at sa buong sangkatauhan. Ikaw at ang iyong pamilya ay kabilang dito.
Binanggit ni Jesus na aalisin ng Kaharian ng Diyos ang kabalakyutan at gagawin nitong paraiso ang lupa. Nag-usisa ang kaniyang mga alagad tungkol dito at gusto nilang malaman kung kailan darating ang Kahariang iyan. Nagtanong sila: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”—Mateo 24:3.
Alam ni Jesus na pagkatapos siyang patayin at buhaying muli, maraming siglo pa ang lilipas bago siya iluklok sa trono sa langit bilang Mesiyanikong Hari upang mamahala sa sangkatauhan. Yamang ang pagluluklok sa kaniya sa trono ay hindi makikita ng tao, nagbigay si Jesus ng tanda na tutulong sa kaniyang mga tagasunod na makilala ang kaniyang “pagkanaririto” at ang “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ang tandang ito ay binubuo ng maraming bahagi, na sa kabuuan ay siyang kumakatawan sa kalipunan ng pagkakakilanlang tanda, o hudyat—ang tanda ng pagkanaririto ni Jesus.
Maingat na iniulat ng bawat manunulat ng Ebanghelyo na sina Mateo, Marcos, at Lucas ang sagot ni Jesus. (Mateo, kabanata 24 at 25; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21) Ang ibang manunulat ng Bibliya ay nagdagdag ng mga detalye sa tanda. (2 Timoteo 3:1-5; 2 Pedro 3:3, 4; Apocalipsis 6:1-8; 11:18) Hindi magkakasya sa artikulong ito kung susuriin natin ang lahat ng detalye, ngunit isasaalang-alang natin ang limang pangunahing bahagi na bumubuo sa tanda na binanggit ni Jesus. Matutuklasan mong makabuluhan at mahalaga pala ito sa iyo mismo.—Tingnan ang kahon sa pahina 6.
“Isang Pagbabago na Nagpasimula ng Isang Bagong Panahon”
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Iniuulat ng magasing pambalita na Der Spiegel ng Alemanya na bago ang 1914, ang mga tao ay “naniniwala sa isang napakagandang kinabukasan na may higit na kalayaan, kaunlaran, at kasaganaan.” Pagkatapos ay nagbago ang lahat. “Ang digmaan na nagsimula noong Agosto 1914 at natapos noong Nobyembre 1918 ay isang nakagugulat na pangyayari. Nagdulot ito ng biglaang pagbabago sa kasaysayan, anupat nakita ang pagkakaiba ng panahon noon sa panahon ngayon,” ang sabi ng magasing GEO. Mahigit 60 milyong sundalo mula sa limang kontinente ang nakibahagi sa malupit na labanan. Sa katamtaman, mga 6,000 sundalo ang napapatay sa bawat araw. Mula noon, itinuring ng mga istoryador ng bawat henerasyon at ng lahat ng pulitikal na opinyon na “ang mga taóng 1914 hanggang 1918 ay isang pagbabago na nagpasimula ng isang bagong panahon.”
Ang Digmaang Pandaigdig I ay nagdulot ng di-maisasauling mga pagbabago sa lipunan ng tao at dinala nito ang sangkatauhan sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. Ang natitirang bahagi ng siglong iyan ay kinakitaan ng mas maraming digmaan, armadong labanan, at terorismo. Hindi nagbago ang mga bagay-bagay ukol sa ikabubuti sa maagang mga taon ng kasalukuyang siglo. Bukod sa digmaan, nakikita rin ang iba pang bahagi ng tanda.
Taggutom, Salot, at Lindol
“Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain.” (Mateo 24:7) Nagkaroon ng taggutom sa Europa noong unang digmaang pandaigdig, at mula noon ay sinalot na ng taggutom ang sangkatauhan. Isinulat ng istoryador na si Alan Bullock na sa Russia at Ukraine noong 1933, “napakaraming nagugutom ang naglipana sa kabukiran . . . Nakabunton ang mga bangkay sa mga tabing-daan.” Noong 1943, nasaksihan ng peryodistang si T. H. White ang taggutom sa probinsiya ng Henan sa Tsina. Sumulat siya: “Sa panahon ng taggutom, halos lahat ay nakakain at maaaring tadtarin, kainin at makapagpalakas ng katawan. Ngunit kailangan munang mabingit sa kamatayan bago maisipang kainin ang hanggang ngayon ay hindi kinakain.” Nakalulungkot sabihin, halos pangkaraniwan na lamang ang taggutom sa Aprika nitong nakalipas na mga dekada. Bagaman ang lupa ay nakapaglalaan ng sapat na pagkain para sa lahat, tinataya ng UN Food and Agriculture Organization na 840 milyon katao sa buong daigdig ang halos walang makain.
“Sa iba’t ibang dako ay mga salot.” (Lucas 21:11) “Tinatayang nasa 20 milyon hanggang 50 milyon katao ang kinitil ng trangkaso Espanyola noong 1918, mas marami kaysa sa kinitil ng salot o ng unang digmaang pandaigdig,” ang ulat ng Süddeutsche Zeitung. Mula noon, napakarami nang dinapuan ng mga sakit na gaya ng malarya, bulutong, tuberkulosis, polio, at kolera. At nagitla ang daigdig dahil hindi mapigil ang paglaganap ng AIDS. Tayo ngayon ay nasa isang nakalilitong situwasyon kung saan ang di-mapawi-pawing mga sakit ay nananatili sa kabila ng kagila-gilalas na mga pagsulong sa medisina. Ang salungatang ito, na hindi maunawaan ng mga tao hanggang sa ngayon, ay malinaw na nagpapakita na nabubuhay na tayo sa kakaibang panahon.
Mateo 24:7) Sa nakalipas na 100 taon, kinitil ng mga lindol ang buhay ng daan-daang libong tao. Ayon sa isang pinagkukunan ng impormasyon, ang mga lindol na may-kakayahang sumira ng mga gusali at magpabuka ng lupa ay 18 beses na nagaganap taun-taon sa katamtaman mula noong 1914. Ang mas malalakas na lindol na kayang magpaguho ng mga gusali ay nagaganap naman nang minsan sa isang taon. Sa kabila ng mga pagsulong sa teknolohiya, nananatili pa ring mataas ang bilang ng mga namamatay dahil maraming mabilis-lumaking mga lunsod ang matatagpuan sa mga lugar na madalas tamaan ng lindol.
“Mga lindol.” (Magandang Balita!
Ang karamihan sa mga bahagi ng tanda ng mga huling araw ay nakaliligalig. Ngunit may sinabi ring magandang balita si Jesus.
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Ang gawaing pinasimulan mismo ni Jesus—pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian—ay sasapit sa kasukdulan sa mga huling araw. Iyan nga ang mismong nangyayari. Ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral ng mensahe ng Bibliya at nagtuturo sa sumasang-ayon na mga tao na ikapit ang kanilang natututuhan sa araw-araw na pamumuhay. Sa kasalukuyan, mahigit anim na milyong Saksi ang nangangaral sa 235 lupain at sa mahigit 400 wika.
Pansinin na hindi sinabi ni Jesus na hihinto na ang lahat ng gawain dahil sa nakaliligalig na mga kalagayan sa daigdig. Hindi rin niya sinabi na isang bahagi lamang ng tanda ang sasapit sa buong daigdig. Kundi ang inihula niya ay na maraming pangyayari ang sama-samang bubuo sa isang tanda na makikita sa lahat ng dako sa lupa.
Kung hindi lamang paisa-isang pangyayari o partikular na insidente ang pagtutuunan mo ng pansin, nakikita mo ba ang takbo ng mga pangyayari, isang kalipunang tanda na may pandaigdig na kahalagahan? Ang mga nangyayari ay nakaaapekto sa iyo at sa iyong pamilya. Baka itanong natin, Ngunit bakit kaya kakaunting tao lamang ang nagbibigay-pansin?
Mas Inuuna ang Pansariling mga Interes
“Bawal Lumangoy,” “Mataas na Boltahe,” “Magmenor.” Ito ang ilan sa mga karatula at babala na nakikita natin ngunit karaniwan nang ipinagwawalang-bahala. Bakit? Madali kasi tayong mahikayat ng inaakala nating pinakamabuti para sa atin. Halimbawa, baka madama nating kailangan tayong magmaneho nang mas mabilis kaysa sa ipinahihintulot ng batas, o baka gustung-gusto nating lumangoy kung saan ipinagbabawal ito. Ngunit hindi isang katalinuhan na ipagwalang-bahala ang mga karatula.
Halimbawa, ang mga pagguho ng yelo sa kabundukang Alpino ng Austria, Pransiya, Italya, at Switzerland ay kumikitil kung minsan ng buhay ng mga turista na nagwawalang-bahala sa mga babala na humihimok sa kanila na mag-ski o mag-snowboard sa ligtas na mga ruta lamang. Ayon sa Süddeutsche Zeitung, marami sa mga turistang nagwawalang-bahala sa gayong mga babala ang sumusunod sa kasabihang, Kung walang panganib, walang saya. Nakalulungkot, maaaring maging kalunus-lunos ang resulta ng pagwawalang-bahala sa mga babala.
Anu-ano ang mga dahilan ng mga tao sa hindi pagbibigay-pansin sa tanda na inilarawan ni Jesus? Maaaring nabubulagan sila ng kasakiman, nagiging manhid dahil sa kawalang-interes, walang magawa dahil hindi makapagpasiya, abalang-abala dahil sa rutin, o napipigilan dahil sa takot na mawalan ng prestihiyo. Maaari kayang maging dahilan ang isa sa mga ito para ipagwalang-bahala mo ang tanda ng pagkanaririto ni Jesus? Hindi ba’t isang katalinuhan na makilala ang tanda at kumilos kaayon nito?
Buhay sa Isang Paraisong Lupa
Parami nang parami ang mga taong nagbibigay-pansin sa tanda ng pagkanaririto ni Jesus. Si Kristian, isang asawang lalaki na nakatira sa Alemanya, ay sumulat: “Ito ang mga panahon ng kalungkutan. Walang alinlangang nabubuhay na nga tayo sa ‘mga huling araw.’ ” Silang mag-asawa ay gumugugol ng maraming panahon sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa Mesiyanikong Kaharian. Nakatira rin si Frank sa bansang iyon. Siya at ang kaniyang asawa ay nagpapatibay-loob sa iba sa pamamagitan ng mabuting balita mula sa Bibliya. Sinabi ni Frank: “Dahil sa kalagayan ng daigdig, maraming tao sa ngayon ang nababalisa tungkol sa kinabukasan. Pinatitibay namin ang kanilang loob sa pamamagitan ng mga hula sa Bibliya tungkol sa paraisong lupa.” Sa gayon ay nakatutulong sina Kristian at Frank sa pagtupad sa isang bahagi ng tanda ni Jesus—ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Mateo 24:14.
Kapag umabot na sa kasukdulan ang mga huling araw, aalisin ni Jesus ang lumang sistemang ito at ang mga taong sumusuporta rito. Pagkatapos, ang Mesiyanikong Kaharian na ang mangangasiwa sa mga gawain sa lupa, na babaguhin tungo sa inihulang kalagayan nito bilang Paraiso. Palalayain na ang sangkatauhan mula sa sakit at kamatayan, at ang mga patay ay bubuhaying muli sa lupa. Ito ang magagandang pag-asa na naghihintay sa mga nakakakilala sa tanda ng panahon. Hindi ba’t isang katalinuhan na higit pang malaman ang tungkol sa tanda at kung ano ang dapat gawin ng isa upang makaligtas sa katapusan ng sistemang ito? Tiyak na ito’y isang bagay na lubhang apurahan para sa lahat.—Juan 17:3.
[Blurb sa pahina 4]
Inihula ni Jesus ang maraming pangyayari na sama-samang bubuo sa isang tanda na makikita sa lahat ng dako sa lupa
[Blurb sa pahina 6]
Nakikita mo ba ang takbo ng mga pangyayari, isang kalipunang tanda na may pandaigdig na kahalagahan?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 6]
MGA PAGKAKAKILANLANG TANDA NG MGA HULING ARAW
Walang-katulad na pagdidigmaan.—Mateo 24:7; Apocalipsis 6:4
Taggutom.—Mateo 24:7; Apocalipsis 6:5, 6, 8
Mga salot.—Lucas 21:11; Apocalipsis 6:8
Paglago ng katampalasanan.—Mateo 24:12
Mga lindol.—Mateo 24:7
Mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.—2 Timoteo 3:1
Labis na pag-ibig sa salapi.—2 Timoteo 3:2
Pagsuway sa mga magulang.—2 Timoteo 3:2
Kawalan ng likas na pagmamahal.—2 Timoteo 3:3
Pag-ibig sa mga kaluguran sa halip na sa Diyos.—2 Timoteo 3:4
Kawalan ng pagpipigil sa sarili.—2 Timoteo 3:3
Walang pag-ibig sa kabutihan.—2 Timoteo 3:3
Hindi pagbibigay-pansin sa napipintong panganib.—Mateo 24:39
Mga manunuya na tumatanggi sa patotoo hinggil sa mga huling araw.—2 Pedro 3:3, 4
Pangglobong pangangaral ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14
[Picture Credit Lines sa pahina 5]
Mga sundalo noong DPI: Mula sa aklat na The World War—A Pictorial History, 1919; dukhang pamilya: AP Photo/Aijaz Rahi; biktima ng polio: © WHO/P. Virot