Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinalakas Ako ng Halimbawa ng Aking mga Magulang

Pinalakas Ako ng Halimbawa ng Aking mga Magulang

Pinalakas Ako ng Halimbawa ng Aking mga Magulang

AYON SA SALAYSAY NI JANEZ REKELJ

Noon ay taóng 1958. Ako at ang aking asawang si Stanka ay nasa itaas ng Karawanken Alps sa hangganan ng Yugoslavia at Austria, upang tumakas patungong Austria. Mapanganib ito, dahil determinado ang mga armadong sundalong nakatalaga sa hangganan ng Yugoslavia na pigilan ang sinumang magtatangkang tumawid. Sa aming pagpapatuloy, napagawi kami sa gilid ng isang napakatarik na bangin. Ngayon lamang namin nakita ni Stanka ang panig ng bundok sa lugar ng Austria. Nagpatuloy kami pasilangan hanggang sa marating namin ang baku-bakong dalisdis ng mga bato at graba. Itinali namin sa aming katawan ang lonang dala namin at nagpadausdos kami sa gilid ng bundok bagaman hindi namin alam kung ano ang mangyayari sa amin sa ibaba.

IKUKUWENTO ko sa iyo kung paano kami napunta sa kalagayang ito at kung paano ako naganyak ng tapat na halimbawa ng aking mga magulang upang manatiling matapat kay Jehova sa mahihirap na panahon.

Lumaki ako sa Slovenia, na sa ngayon ay isang maliit na bansa sa Gitnang Europa. Ito’y nasa European Alps, na ang nasa hilaga ay Austria, Italya ang nasa kanluran, Croatia ang nasa timog, at Hungary naman ang nasa silangan. Gayunman, nang isilang ang aking mga magulang na sina Franc at Rozalija Rekelj, ang Slovenia ay bahagi noon ng Imperyo ng Austria at Hungary. Sa pagwawakas ng Digmaang Pandaigdig I, ang Slovenia ay naging bahagi ng isang bagong estado na tinatawag na Kaharian ng mga taga-Serbia, taga-Croatia, at taga-Slovenia. Noong 1929, ang pangalan ng bansa ay pinalitan ng Yugoslavia, na sa literal ay “Timog Slavia.” Isinilang ako noong Enero 9 ng taon ding iyon, sa labas ng nayon ng Podhom, malapit sa napakagandang Lake Bled.

Pinalaki si Inay bilang isang debotong Katoliko. Ang isa sa kaniyang mga tiyuhin ay pari at tatlo sa kaniyang mga tiyahin ay madre. Malaon na niyang pangarap na magkaroon ng Bibliya, basahin ito, at maunawaan ito. Gayunman, walang hilig si Itay sa relihiyon. Hindi niya nagustuhan ang naging papel ng relihiyon sa Malaking Digmaan (Digmaang Pandaigdig) ng 1914-18.

Nalaman ang Katotohanan

Ilang panahon pagkatapos ng digmaan, ang pinsan ni Inay na si Janez Brajec at ang kaniyang asawang si Ančka, ay naging mga Estudyante ng Bibliya, na tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Naninirahan sila noon sa Austria. Mula noong mga 1936 patuloy, maraming pagkakataon na dumalaw si Tiya Ančka kay Inay. Nagbigay siya ng Bibliya, na agad namang binasa ni Inay, pati na ng mga kopya ng Ang Bantayan at iba pang mga publikasyon sa Bibliya sa wikang Sloveniano. Nang dakong huli, dahil sa pagsakop ni Hitler sa Austria noong 1938, bumalik sina Tiyo Janez at Tiya Ančka sa Slovenia. Nagugunita ko sila bilang mag-asawang edukado na may matalas na pang-unawa at tunay na pag-ibig kay Jehova. Madalas nilang ipinakikipag-usap kay Inay ang mga katotohanan sa Bibliya, na nagtulak sa kaniya upang mag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova. Nabautismuhan siya noong 1938.

Nagkaroon ng isyu sa aming lugar nang huminto si Inay sa pagdiriwang ng di-makakasulatang mga kaugalian, gaya ng pagdiriwang ng Pasko; nang hindi na siya kumain ng longganisang may dugo; at lalo na nang alisin niyang lahat ang aming mga imahen at sunugin ang mga ito. Agad na dumating ang pag-uusig. Sinikap ng mga madreng tiyahin ni Inay na sulatan siya, anupat kinukumbinsi siyang manumbalik na kay Maria at sa simbahan. Subalit nang sulatan sila ni Inay at hilingan ng mga sagot sa ilang mga tanong tungkol sa Bibliya, wala siyang natanggap na sagot. Tutol na tutol din ang aking lolo. Hindi naman siya masamang tao, ngunit sobra ang panggigipit sa kaniya ng aming mga kamag-anak at ng komunidad. Dahil dito, kung ilang pagkakataon na sinira niya ang mga salig-Bibliyang literatura ni Inay, ngunit hindi niya kailanman pinakialaman ang kaniyang Bibliya. Lumuhod siya at nakiusap kay Inay na manumbalik na sa simbahan. Tinutukan pa nga niya ng kutsilyo si Inay. Subalit matatag na sinabi ni Itay sa aking lolo na hinding-hindi niya papayagang mangyari uli iyon.

Patuloy na sinuportahan ni Itay si Inay sa kaniyang karapatang magbasa ng Bibliya at gumawa ng sariling pasiya sa gusto niyang paniwalaan. Noong 1946, siya rin ay nabautismuhan. Nang makita ko kung paano pinalakas ni Jehova si Inay upang walang-takot na manindigan sa katotohanan sa kabila ng pagsalansang at kung paano siya ginantimpalaan ni Jehova dahil sa kaniyang pananampalataya, naudyukan ako nito na magkaroon ng personal na kaugnayan sa Diyos. Malaki rin ang naitulong sa akin ng nakagawian ni Inay na malakas na pagbabasa sa akin ng Bibliya at ng mga publikasyong salig sa Bibliya.

Nagkaroon din si Inay ng mahabang pakikipag-usap sa kaniyang kapatid na si Marija Repe, at nang dakong huli, kami ni Tiya Marija ay sabay na nabautismuhan noong kalagitnaan ng Hulyo 1942. Isang brother ang dumating para magbigay ng maikling pahayag, at kami ay binautismuhan sa aming tahanan sa isang malaking tub na yari sa kahoy.

Puwersahang Pinagtrabaho Noong Digmaang Pandaigdig II

Noong 1942, sa gitna ng Digmaang Pandaigdig II, sinalakay ng Alemanya at Italya ang Slovenia at ito’y pinaghati-hatian nila at ng Hungary. Tumanggi ang aking mga magulang na umanib sa Volksbund, ang organisasyon ng mga mamamayang Nazi. Hindi ako sumasambit ng “Heil Hitler” sa paaralan. Marahil ay isinuplong ako ng aming guro sa mga awtoridad.

Isinakay kami sa isang tren patungo sa palasyong malapit sa nayon ng Hüttenbach, Bavaria, na ginagamit bilang kampo ng puwersahang pagpapatrabaho. Isinaayos ni Itay na ako’y magtrabaho at makitira sa isang panadero at sa kaniyang pamilya. Sa panahong iyon, natuto akong magpanadero, na naging malaking tulong pagkaraan. Nang maglaon, ang lahat ng iba pa sa aming pamilya (pati na si Tiya Marija at ang kaniyang pamilya) ay inilipat sa kampo sa Gunzenhausen.

Sa pagtatapos ng digmaan, sasama sana ako sa isang grupo upang maglakbay patungo sa kinaroroonan ng aking mga magulang. Noong gabing paalis na ako, biglang dumating si Itay. Ewan ko kung ano na marahil ang nangyari sa akin kung natuloy ang pagsama ko sa grupong iyon, dahil hindi sila mapagkakatiwalaan. Minsan ko pang nadama ang maibiging pangangalaga ni Jehova sa paggamit sa aking mga magulang upang proteksiyunan ako at sanayin. Tatlong araw kaming naglakad ni Itay upang makipagkita sa aming pamilya. Pagsapit ng Hunyo 1945, nakauwi na kaming lahat.

Pagkatapos ng digmaan, ang mga Komunista sa ilalim ng pangunguna ni Presidente Josip Broz Tito ang humawak ng kapangyarihan sa Yugoslavia. Dahil dito, nanatiling mahirap ang kalagayan ng mga Saksi ni Jehova.

Noong 1948, dumating ang isang brother mula sa Austria at nagpaunlak na makisalo sa amin sa pagkain. Saanman siya pumunta, sinusundan siya ng mga pulis at inaaresto ang mga kapatid na dinadalaw niya. Inaresto rin si Itay dahil sa pinatuloy niya siya at hindi isinuplong sa pulis, kaya nabilanggo tuloy si Itay nang dalawang taon. Napakahirap para kay Inay ang panahong iyon hindi lamang dahil sa wala si Itay noon kundi dahil sa alam niyang kami ng aking nakababatang kapatid na lalaki ay haharap din sa pagsubok may kinalaman sa neutralidad.

Nabilanggo sa Macedonia

Noong Nobyembre 1949, tinawag ako para magsundalo. Humarap ako upang magreport at magpaliwanag tungkol sa aking pagtangging magsundalo dahil sa budhi. Hindi ako pinakinggan ng mga awtoridad at isinakay ako sa isang tren kasama ang iba pang mga kinalap patungo sa Macedonia, sa kabilang dulo ng Yugoslavia.

Tatlong taon akong napawalay sa aming pamilya at sa mga kapananampalataya at wala man lamang akong anumang literatura o kahit Bibliya. Napakahirap talaga. Natulungan ako ng pagbubulay-bulay tungkol kay Jehova at ng halimbawa ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Pinalakas din ako ng halimbawa ng aking mga magulang. Bukod diyan, hindi ako nawalan ng pag-asa dahil sa palagiang pananalangin ukol sa lakas.

Nang maglaon, ipinadala ako sa isang bilangguan sa Idrizovo, malapit sa Skopje. Sa bilangguang ito, ang mga bilanggo ay may iba’t ibang trabaho at gawain. Noong una, nagtrabaho ako bilang tagapaglinis at bilang kartero sa mga opisina. Bagaman may isang bilanggo na dating sekreta na laging umaapi sa akin, maganda naman ang pakikipagsamahan ko sa lahat​—sa mga guwardiya, mga bilanggo, maging sa manedyer ng pabrika sa bilangguan.

Nang maglaon, nabalitaan kong kailangan ang panadero sa bilangguan. Ilang araw pagkaraan noon, dumating ang manedyer para sa roll call. Inisa-isa niya ang nakapila, tumigil sa harapan ko, at nagtanong, “Panadero ka ba?” “Opo,” ang sabi ko. “Bukas ng umaga, magreport ka sa panaderya,” ang sagot niya. Madalas na dumaraan sa panaderya ang bilanggong umaapi sa akin pero wala siyang magawa. Nagtrabaho ako roon mula Pebrero hanggang Hulyo noong 1950.

Pagkaraan ay inilipat naman ako sa kuwartel na tinatawag na Volkoderi, sa gawing timog ng Macedonia, malapit sa Lake Prespa. Sa kalapit na bayan ng Otešovo, nakapagpapadala ako ng mga liham sa aming tahanan. Kasama ako ng isang pangkat na gumagawa ng mga daan, pero madalas na nagtatrabaho ako sa panaderya, na mas madali para sa akin. Pinalaya ako noong Nobyembre ng 1952,

Noong wala ako sa Podhom, may naitatag na kongregasyon sa lugar na iyon. Noong una, nagpupulong ang kongregasyon sa isang maliit na otel sa Spodnje Gorje. Pagkaraan, inilaan ni Itay ang isang kuwarto sa aming bahay para sa mga pulong ng kongregasyon. Tuwang-tuwa akong nakisama sa kanila nang umuwi ako mula sa Macedonia. Nakipagkaibigan uli ako kay Stanka na nakilala ko bago ako mabilanggo. Ikinasal kami noong Abril 24, 1954. Gayunman, malapit na palang matapos ang aking pansamantalang ginhawa.

Nabilanggo sa Maribor

Noong Setyembre 1954, tinawag na naman ako para magsundalo. Sa pagkakataong ito, sinentensiyahan ako ng tatlo at kalahating taon sa isang bilangguan sa Maribor, na nasa dulong silangan ng Slovenia. Nang magkaroon ako ng pagkakataon, bumili ako ng mga papel at lapis. Sinimulan kong isulat ang lahat ng aking natatandaan​—mga teksto, mga sinipi mula sa Ang Bantayan, at mga konsepto mula sa iba pang mga publikasyong Kristiyano. Binabasa ko ang aking mga nota at dinaragdagan ang aking aklat na iyon kapag may naaalaala akong iba pa. Nang bandang huli, napuno ko ang aklat, at nakatulong ito sa akin upang makapanatiling nakatutok sa katotohanan at malakas sa espirituwal. Napakalaking tulong din sa aking espirituwal na lakas ang pananalangin at pagbubulay-bulay, anupat napalakas ang aking loob na ibahagi ang katotohanan sa iba.

Sa panahong iyon, pinayagan nila akong tumanggap ng isang liham sa isang buwan at isang 15-minutong dalaw sa isang buwan. Magdamag na nagbibiyahe si Stanka sakay ng tren upang maaga akong madalaw sa bilangguan, at pagkatapos ay makapaglakbay uli pauwi sa araw ring iyon. Lubha akong napatibay ng mga pagdalaw na iyon. Pagkaraan ay isinagawa ko ang planong magkaroon ng Bibliya. Magkatapat kaming nakaupo noon ni Stanka sa harap ng mesa habang binabantayan ng isang guwardiya. Nang málingát ang guwardiya, palihim kong isinilid ang isang liham sa kaniyang hanbag, na nagsasabing maglagay siya ng Bibliya sa kaniyang bag sa susunod niyang pagdalaw.

Inisip ni Stanka at ng aking mga magulang na mapanganib ito, kaya pinilas nila ang mga pahina ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at inilagay sa loob ng ilang tinapay. Sa ganitong paraan ay nagkaroon ako ng Bibliyang kailangan ko. Sa paraan ding ito, nagkaroon ako pati na ng mga kopya ng Ang Bantayan, na sulat-kamay ni Stanka. Agad kong kinokopya ito at sinisira ang orihinal upang hindi matuklasan kung saan galing ang mga ito sakaling may makakita ng mga artikulo.

Dahil sa aking patuloy na pagpapatotoo, sinabi ng kapuwa ko mga bilanggo na tiyak na mapapahamak ako. Minsan, masigla kong ipinakikipag-usap ang tungkol sa Bibliya sa isang kapuwa bilanggo. Narinig namin na may nagbukas ng kandado, at pumasok ang isang guwardiya. Agad kong naisip na ibabartolina ako. Pero hindi iyon ang intensiyon ng guwardiya. Naulinigan pala niya ang aming pag-uusap at gusto niyang makisali. Palibhasa’y nakontento sa mga sagot sa kaniyang mga tanong, umalis siya at ikinandado uli ang pinto ng selda.

Noong huling buwan ng aking sentensiya, pinuri ako ng komisyonadong tagapangasiwa sa pagrereporma sa mga bilanggo dahil sa aking matatag na paninindigan sa katotohanan. Itinuring ko itong isang mainam na gantimpala sa aking mga pagsisikap na ipakilala ang pangalan ni Jehova. Noong Mayo 1958, pinalaya na naman ako mula sa bilangguan.

Tumakas Tungo sa Austria, Pagkatapos ay sa Australia

Noong Agosto 1958, namatay si Inay. Ilang panahon muna siyang nagkasakit. Pagkatapos noong Setyembre ng 1958, tumanggap ako ng ikatlong tawag para magsundalo. Nang gabing iyon namin isinagawa ni Stanka ang napakahalagang desisyon na humantong sa aming madulang pagtawid sa hangganan na binanggit kanina. Lingid sa kaalaman ng lahat, nag-impake kami ng dalawang backpack at isang lona at dumaan sa bintana, patungong hangganan ng Austria sa gawing kanluran lamang ng Mount Stol. Parang itinuro sa amin ni Jehova ang pagtakas nang malaman niyang kailangan namin ang tulong.

Ipinadala kami ng mga awtoridad ng Austria sa isang kampo ng mga lumikas malapit sa Salzburg. Sa loob ng anim na buwang inilagi namin doon, palagi kaming kasama ng mga Saksing tagaroon, kaya madalas na wala kami sa kampo. Gulat na gulat ang ibang mga nasa kampo dahil nagkaroon agad kami ng mga kaibigan. Sa panahong ito kami dumalo sa aming kauna-unahang asamblea. Ang isa pang nagawa namin sa kauna-unahang pagkakataon ay ang mangaral nang malaya sa bahay-bahay. Napakasakit para sa amin na iwan ang mahal naming mga kaibigang ito noong dapat na kaming umalis.

Inalok kami ng mga awtoridad ng Austria na mandayuhan sa Australia. Ni sa panaginip ay hindi namin naisip na makararating kami hanggang doon. Naglakbay kami sakay ng tren patungong Genoa, Italya, at pagkatapos ay sumakay kami sa isang barko patungong Australia. Nang dakong huli ay nanirahan kami sa lunsod ng Wollongong, New South Wales. Dito na isinilang ang aming anak na si Philip noong Marso 30, 1965.

Ang paninirahan sa Australia ay nagbukas ng maraming pitak ng paglilingkuran, pati na ng pagkakataong mangaral sa iba na nandayuhan mula sa mga lugar na dating kilala bilang Yugoslavia. Nagpapasalamat kami sa mga pagpapala ni Jehova, lakip na ang pagkakataon na makapaglingkod sa kaniya bilang nagkakaisang pamilya. Si Philip at ang kaniyang asawang si Susie ay nagkapribilehiyong maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia, at nagkaroon pa nga sila ng pagkakataong mamalagi nang dalawang taon sa tanggapang pansangay sa Slovenia.

Sa kabila ng mga hamong dulot ng pagtanda at pagkakasakit, patuloy pa rin kaming mag-asawa sa masayang paglilingkod kay Jehova. Lubos akong nagpapasalamat sa magandang halimbawa ng aking mga magulang! Patuloy itong nagpapalakas sa akin, anupat tumutulong sa akin na gawin ang sinabi ni apostol Pablo: “Magsaya kayo sa pag-asa. Magbata kayo sa ilalim ng kapighatian. Magmatiyaga kayo sa pananalangin.”​—Roma 12:12.

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang aking mga magulang noong huling mga taon ng dekada ng 1920

[Larawan sa pahina 17]

Si Inay, sa dulong kanan, kasama si Tiya Ančka, na nagturo sa kaniya ng katotohanan

[Larawan sa pahina 18]

Kasama ang aking asawang si Stanka, di-nagtagal pagkatapos ng aming kasal

[Larawan sa pahina 19]

Ang kongregasyong nagpupulong sa aming bahay noong 1955

[Larawan sa pahina 20]

Kasama ang aking asawa, ang aming anak na si Philip, at ang asawa niyang si Susie