Hindi Ka sa Anumang Paraan Iiwan ni Jehova
Hindi Ka sa Anumang Paraan Iiwan ni Jehova
ANG mga Kristiyano sa Judea ay dumaranas noon ng marahas na pagsalansang, at kailangan nilang makipagpunyagi sa materyalistikong pangmalas ng mga tao sa kanilang lugar. Upang mapatibay sila, sinipi ni apostol Pablo ang sinabi ni Jehova sa mga Israelita habang papasók sila sa Lupang Pangako. Sumulat si Pablo: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5; Deuteronomio 31:6) Walang-alinlangang napatibay ng pangakong ito ang mga Kristiyanong Hebreo noong unang siglo.
Dapat din tayong mapatibay ng pangakong ito na maharap ang mga kabalisahang dulot ng pamumuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Kung magtitiwala tayo kay Jehova at kikilos kasuwato nito, palalakasin niya tayo kahit sa pinakamahihirap na kalagayan. Upang makita kung paano maaaring kumilos si Jehova ayon sa pangakong ito, tingnan natin bilang halimbawa ang biglang pagkawala ng hanapbuhay.
Pagharap sa Di-inaasahan
Patuloy na tumataas ang bilang ng mga walang trabaho sa buong daigdig. Ayon sa isang magasin sa Poland, ang kawalan ng trabaho ay itinuturing na “isa sa pinakamahirap na problemang panlipunan at pang-ekonomiya.” Apektado rin nito ang industriyalisadong mga bansa. Halimbawa, kahit sa mga miyembro ng Organization for Economic Cooperation and Development, ang kawalan ng trabaho noong 2004 ay “tumaas hanggang sa mahigit 32 milyon, anupat mas mataas pa kaysa sa Great Depression noong dekada ng 1930.” Sa Poland naman, nagtala ang Central Statistical Office ng tatlong milyong walang trabaho noong Disyembre 2003, na “binubuo ng 18 porsiyento ng mga taong nasa edad na para magtrabaho.” Isang impormasyon ang nagsabi na noong 2002, umabot na sa 47.8 porsiyento ng populasyon ng mga Aprikano sa Timog Aprika ang walang trabaho!
Ang biglang pagkawala ng trabaho at di-inaasahang pagkasesante ay talagang banta sa marami, pati na sa mga lingkod ni Jehova. “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay sumasapit sa lahat. (Eclesiastes 9:11) Baka masabi rin natin ang mga salita ng salmistang si David: “Ang mga kabagabagan ng aking puso ay dumami.” (Awit 25:17) Makakaya mo kayang harapin ang gayong di-kaayaayang mga kalagayan? Maaari nitong maapektuhan ang iyong emosyonal, espirituwal, at materyal na kapakanan. Kung mawalan ka ng trabaho, makababangon ka kayang muli?
Pagharap sa Emosyonal na Kaigtingan
“Mas masakit sa mga kalalakihan ang pagkawala ng trabaho,” yamang sila ang karaniwang itinuturing na bumubuhay sa pamilya, ang paliwanag ng sikologong si Janusz Wietrzyński. Sinabi niya na maaari itong maging sanhi ng “biglang pagbabago ng emosyon” ng isang lalaki, mula sa pagkagalit tungo sa pagsuko. Ang isang ama na nasesante ay posibleng mawalan ng pagpapahalaga sa sarili at magsimulang “makipag-away sa kaniyang pamilya.”
Si Adam, isang Kristiyano na may dalawang anak, ay nagpaliwanag ng kaniyang nadama nang mawalan siya ng trabaho: “Naging mainitin ang ulo ko; lahat na lamang ay kinaiinisan ko. Kahit sa gabi, madalas kong mapanaginipan ang tungkol sa trabaho at kung paano ko bubuhayin ang aking mga anak at ang aking asawa, na nasesante rin nang hindi namin inaasahan.” Nang mawalan ng kinikita ang mag-asawang Ryszard at Mariola na may isang anak, sila ay may malaki pang utang sa bangko. Ganito ang kuwento ng asawang babae: “Palagi akong nababagabag, anupat inuusig ng aking budhi kung bakit pa kami umutang. Iniisip kong kasalanan kong lahat iyon.” Dahil sa ganitong mga kalagayan, baka madali tayong magalit, mabalisa, o malungkot, at maaaring madaig tayo ng ating emosyon. Kung gayon, paano kaya natin masusupil ang mga negatibong emosyon na maaaring bumagabag sa atin?
Ang Bibliya ay nagbibigay ng mabisang payo kung paano mapananatili ang positibong saloobin. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay,” ang payo ni apostol Pablo, “kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ang paglapit kay Jehova sa panalangin ay magbibigay sa atin ng “kapayapaan ng Diyos,” isang payapang kalagayan ng isip na nakasalig sa ating pananampalataya sa kaniya. Ganito ang sinabi ng asawa ni Adam na si Irena: “Sa aming mga panalangin, inilalapit namin kay Jehova ang aming kalagayan at kung paano pa namin mapasisimple ang aming buhay. Ang aking asawa na dati’y madaling mabahala, ay nakadarama na ngayon na mayroon pang solusyon.”
Kapag nawalan ka ng trabaho nang hindi mo inaasahan, isang pagkakataon ito para sa iyo na ikapit ang payo ni Jesu-Kristo sa Sermon sa Bundok: “Huwag na kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong isusuot. . . . Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:25, 33) Ikinapit nina Ryszard at Mariola ang payong ito sa pagharap sa kanilang emosyon. “Palagi akong inaaliw ng aking asawa at laging sinasabi sa akin na hindi kami pababayaan ni Jehova,” nagugunita pa ni Mariola. Dagdag pa ng asawa niya: “Sa pamamagitan ng patuloy na pananalanging magkasama, naging mas malapít kami sa Diyos at sa isa’t isa, at nagbigay iyon ng kinakailangang kaaliwan.”
Tutulungan din tayo ng banal na espiritu ng Diyos na makapanagumpay. Ang pagpipigil sa sarili na dulot ng espiritu ay makatutulong sa atin na manatiling matatag at mahinahon. (Galacia 5:22, 23) Maaaring hindi ito madali, ngunit posible ito, sapagkat nangako si Jesus na “ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.”—Lucas 11:13; 1 Juan 5:14, 15.
Huwag Pabayaan ang Iyong Espirituwal na mga Pangangailangan
Ang di-inaasahang pagkasesante ay maaaring ikabahala sa simula maging ng isang napakabalanseng Kristiyano, subalit hindi natin dapat pabayaan ang ating espirituwal na mga pangangailangan. Kuning halimbawa ang 40-taóng-gulang na si Moises, na biglang nabago ang buhay nang mawala ang kaniyang posisyon bilang isang maharlika at sa halip ay naging pastol, isang hamak na trabaho para sa mga Ehipsiyo. (Genesis 46:34) Kinailangang pagsanayan ni Moises ang kaniyang bagong kalagayan. Sa sumunod na 40 taon, hinayaan niyang hubugin at ihanda siya ni Jehova para sa darating na mga bagong atas. (Exodo 2:11-22; Gawa 7:29, 30; Hebreo 11:24-26) Sa kabila ng mga paghihirap, nakatuon ang pansin ni Moises sa espirituwal na mga bagay, anupat handang tumanggap ng pagsasanay mula kay Jehova. Huwag sana nating hayaang matabunan ng di-kaayaayang mga kalagayan ang ating espirituwal na mga pamantayan!
Bagaman maaaring nakapanlulumo ang biglang pagkawala ng trabaho, ito ang magandang pagkakataon upang mapatibay ang ating kaugnayan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang bayan. Ganiyan ang nadama ni Adam na binanggit kanina. Ang sabi niya: “Nang kaming mag-asawa ay mawalan ng trabaho, hindi kailanman sumagi sa aming isipan na huwag daluhan ang mga pulong Kristiyano o bawasan ang aming pakikibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo. Dahil sa pangmalas na iyan, hindi kami masyadong nababahala tungkol sa kinabukasan.” Gayundin ang nadama ni Ryszard: “Kung hindi dahil sa mga pulong at ministeryo, hindi kami kailanman makapananagumpay; tiyak na masyado na kaming nag-aalala. Nakapagpapatibay ang espirituwal na pakikipag-usap sa iba, sapagkat naibabaling nito ang aming atensiyon sa kanilang mga pangangailangan sa halip na sa amin.”—Filipos 2:4.
Oo, sa halip na mabahala tungkol sa trabaho, sikaping 1 Corinto 15:58.
gamitin ang ekstrang panahon sa espirituwal na mga gawain, anupat personal na nag-aaral, nakikibahagi sa mga gawain ng kongregasyon, o nagpapalawak ng iyong ministeryo. Sa halip na mamuhay na gaya ng mga taong walang ginagawa, ikaw ay ‘maraming gagawin sa gawain ng Panginoon’—na magdudulot ng kagalakan sa iyo at sa sinumang tapat na mga indibiduwal na tutugon sa mensahe ng Kaharian na ipinangangaral mo.—Paglaanan ng Materyal ang Iyong Pamilya
Gayunman, hindi puwedeng ipanlaman sa tiyan ang espirituwal na pagkain. Dapat nating tandaan ang sumusunod na simulain: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) “Bagaman mabilis namang tinutugunan ng mga kapatid sa kongregasyon ang aming pisikal na mga pangangailangan,” ang pag-amin ni Adam, “bilang mga Kristiyano, obligasyon naming pagsikapan ang paghahanap ng trabaho.” Maaari kaming umasa sa suporta ni Jehova at ng kaniyang bayan, subalit hindi namin dapat kalimutan kailanman na kailangan kaming magsikap na makahanap ng trabaho.
Anong pagsisikap? “Huwag basta maghalukipkip sa paghihintay na kumilos ang Diyos, anupat umaasa na lamang sa himala,” ang paliwanag ni Adam. “Kapag naghahanap ka ng trabaho, huwag mag-atubiling magpakilala na isa kang Saksi ni Jehova. Madalas na ito ang gusto ng mga nagpapatrabaho.” Ganito ang payo ni Ryszard: “Magtanong sa lahat ng iyong kakilala kung saan may pagkakataong makapagtrabaho, palaging tingnan ang mga ahensiyang nagbibigay ng trabaho, magbasa ng mga anunsiyo, gaya ng: ‘Wanted, babaing mag-aalaga ng may-kapansanan’; o, ‘Pansamantalang trabaho: Tagapitas ng strawberry.’ Patuloy na maghanap! Huwag masyadong maging mapamili, tanggapin mo kahit hamak na trabaho o kahit hindi iyon ang ambisyon mo.”
Oo, “si Jehova ang [iyong] katulong.” “Hindi [ka Niya] sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5, 6) Hindi ka dapat masyadong mabalisa. Sumulat ang salmistang si David: “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.” (Awit 37:5) Ang ‘pagpapagulong kay Jehova ng ating lakad’ ay nangangahulugang aasa tayo sa kaniya at gagawin ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang paraan, kahit na parang di-kaayaaya sa atin ang mga kalagayan.
Natustusan nina Adam at Irena ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paghuhugas ng mga bintana at paglilinis ng mga hagdan at sa pamamagitan ng pagtitipid sa pagbili ng mga bagay-bagay. Palagi rin silang pumupunta sa mga ahensiyang nagbibigay ng trabaho. “Dumarating ang tulong kapag talagang kailangan na namin ito,” ang sabi ni Irena. Dagdag pa ng kaniyang asawa: “Sa aming karanasan, natuklasan namin na hindi laging kaayon ng kalooban ng Diyos ang aming mga panalangin. Naturuan kami nito na umasa sa kaniyang karunungan at huwag kumilos ayon sa aming sariling kaunawaan. Mas makabubuti kung payapang maghihintay sa solusyong ilalaan ng Diyos.”—Santiago 1:4.
Iba’t ibang pansamantalang trabaho ang pinasok nina Ryszard at Mariola ngunit kasabay nito ay nagpapatotoo sila sa mga teritoryong mas malaki ang pangangailangan. “Nagkakatrabaho kami kapag wala na kaming kakainin,” ang sabi ni Ryszard. “Tinanggihan namin ang mga trabahong malaki nga ang suweldo ngunit makahahadlang naman sa aming teokratikong mga pananagutan. Mas gusto naming maghintay kay Jehova.” Naniniwala silang minamaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay kung kaya nakapangupahan sila sa isang napakamurang apartment at sa wakas ay nakakita rin ng trabaho si Ryszard.
Napakasakit ngang mawalan ng hanapbuhay, ngunit bakit hindi ito ituring na isang pagkakataon upang makita mo mismo na hindi ka kailanman pababayaan ni Jehova? Inaalagaan ka ni Jehova. (1 Pedro 5:6, 7) Nangako siya sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita.” (Isaias 41:10) Huwag hayaang maparalisa ka ng di-inaasahang mga pangyayari, lakip na ang pagkawala ng trabaho. Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya, at ipaubaya mo ang iba sa mga kamay ni Jehova. Maghintay kay Jehova, “nang tahimik nga.” (Panaghoy 3:26) Sasaiyo ang mayamang pagpapala.—Jeremias 17:7.
[Larawan sa pahina 9]
Gamitin ang panahon sa espirituwal na mga gawain
[Mga larawan sa pahina 10]
Magtipid, at huwag masyadong maging mapamili kapag naghahanap ng trabaho