Mag-ingat na Huwag Magkaroon ng Palalong Puso
Mag-ingat na Huwag Magkaroon ng Palalong Puso
“Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo.”—SANTIAGO 4:6.
1. Magbigay ng halimbawa ng angkop na pagmamapuri.
MAY isang pangyayari ba na naging dahilan upang may maipagmapuri ang iyong puso? Naranasan na ng karamihan sa atin ang gayong kasiya-siyang pakiramdam. Ang ating kakayahang makadama ng isang antas ng pagmamapuri ay hindi naman masama. Halimbawa, kapag nabasa ng isang mag-asawang Kristiyano ang ulat ng paaralan tungkol sa mabuting paggawi at kasipagan ng kanilang anak na babae, malamang na mababanaag sa kanilang mukha ang matinding kasiyahan dahil sa kaniyang mga nagawa. Ipinagmapuri ni apostol Pablo at ng kaniyang mga kasamahan ang isang bagong kongregasyon na tinulungan nilang maitatag, dahil buong-katapatang nagbata ng pag-uusig ang mga kapatid.—1 Tesalonica 1:1, 6; 2:19, 20; 2 Tesalonica 1:1, 4.
2. Bakit karaniwan nang hindi kanais-nais ang pagmamapuri?
2 Mula sa mga halimbawang nabanggit, makikita natin na ang pagmamapuri ay maaaring magpahiwatig ng pagkadama ng kagalakan dahil sa isang nagawa o tinataglay. Subalit madalas, ang pagmamapuri ay nagpapahiwatig ng di-angkop na pagpapahalaga sa sarili, ng pagkadama ng pagiging nakatataas dahil sa mga kakayahan, hitsura, kayamanan, o katayuan ng isa. Madalas na ipinakikita ito sa mapagmataas na pag-uugali at palalong pagkilos. Tiyak na dapat tayong magbantay bilang mga Kristiyano laban sa gayong pagmamapuri. Bakit? Dahil mayroon tayong likas na hilig na maging makasarili na minana natin sa ating ninunong si Adan. (Genesis 8:21) Bunga nito, madali tayong malinlang ng ating puso na magmapuri dahil sa maling mga kadahilanan. Halimbawa, dapat labanan ng mga Kristiyano ang pagmamapuri dahil sa lahi, kayamanan, edukasyon, likas na mga kakayahan, o kahusayan sa trabaho kung ihahambing sa iba. Ang pagmamapuri dahil sa gayong mga bagay ay di-wasto at di-nakalulugod kay Jehova.—Jeremias 9:23; Gawa 10:34, 35; 1 Corinto 4:7; Galacia 5:26; 6:3, 4.
3. Ano ang kapalaluan, at ano ang sinabi ni Jesus tungkol dito?
3 May isa pang dahilan kung bakit dapat iwaksi ang di-wastong pagmamapuri. Kung hahayaan natin itong tumubo sa ating puso, maaari itong maging isang lubhang kasuklam-suklam na anyo ng pagmamapuri na tinatawag na kapalaluan. Ano ba ang kapalaluan? Bukod sa pagkadama ng pagiging nakatataas, ang isang taong palalo ay nanghahamak sa iba, sa mga itinuturing niyang nakabababa. (Lucas 18:9; Juan 7:47-49) Itinala ni Jesus ang “kapalaluan” kasama ng iba pang masasamang ugali na lumalabas “mula sa puso” at “nagpaparungis sa isang tao.” (Marcos 7:20-23) Kaya mauunawaan ng mga Kristiyano kung gaano kahalaga ang pag-iwas sa pagkakaroon ng palalong puso.
4. Paano makatutulong sa atin ang pagsasaalang-alang sa mga halimbawa ng Bibliya tungkol sa kapalaluan?
4 Matutulungan kang umiwas sa kapalaluan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa ilang ulat ng Bibliya tungkol sa mga palalo. Sa gayon ay lalo mong mahahalata ang di-wastong mga damdamin ng pagmamapuri na maaaring nasa kalooban mo o na baka tumubo sa kalaunan. Tutulong ito sa iyo na iwaksi ang mga kaisipan o damdamin na Zefanias 3:11.
maaaring umakay sa pagkakaroon ng palalong puso. Bilang resulta, hindi ka maaapektuhan sa negatibong paraan kapag kumilos ang Diyos kasuwato ng kaniyang babala: “Aalisin ko nga mula sa gitna mo ang iyong mga nagbubunyi nang may kapalaluan; at hindi ka na muling magpapalalo sa aking banal na bundok.”—Gumagawa ang Diyos ng Hakbang sa mga Palalo
5, 6. Paano nagpakita ng kapalaluan si Paraon, at ano ang ibinunga nito?
5 Makikita mo rin ang pangmalas ni Jehova sa kapalaluan sa ginawa niyang pakikitungo sa makapangyarihang mga tagapamahalang tulad ni Paraon. Walang alinlangan na may palalong puso si Paraon. Palibhasa’y itinuturing ang kaniyang sarili bilang isang diyos na dapat sambahin, hinamak niya ang kaniyang mga alipin, ang mga Israelita. Isaalang-alang ang kaniyang reaksiyon sa kahilingan ng Israel na payagan silang magtungo sa iláng upang “makapagdiwang sila ng isang kapistahan” para kay Jehova. “Sino si Jehova, anupat susundin ko ang kaniyang tinig upang payaunin ang Israel?” ang palalong sagot ni Paraon.—Exodo 5:1, 2.
6 Matapos maranasan ni Paraon ang anim na salot, sinabi ni Jehova kay Moises na tanungin ang tagapamahala ng Ehipto: “Gumagawi ka pa ba nang may kapalaluan laban sa aking bayan sa hindi pagpapayaon sa kanila?” (Exodo 9:17) Pagkatapos ay sinabi ni Moises ang ikapitong salot—graniso na nagwasak sa lupain. Noong malaya nang umalis ang mga Israelita pagkatapos ng ikasampung salot, biglang nagbago ang isip ni Paraon at tinugis sila. Nang dakong huli, nasukol si Paraon at ang kaniyang mga hukbo sa Dagat na Pula. Gunigunihin ang malamang na naisip nila habang tumatabon ang tubig sa kanila! Ano ang ibinunga ng kapalaluan ni Paraon? Ang pinakamahuhusay sa mga kawal niya ay nagsabi: “Tumakas tayo mula sa anumang pakikipagsagupa sa Israel, sapagkat si Jehova ay talagang nakikipaglaban para sa kanila laban sa mga Ehipsiyo.”—Exodo 14:25.
7. Paano nagpakita ng kapalaluan ang mga tagapamahala ng Babilonya?
7 Hiniya rin ni Jehova ang iba pang palalong mga tagapamahala. Isa na rito si Senakerib, hari ng Asirya. (Isaias 36:1-4, 20; 37:36-38) Nang dakong huli, nalupig ng mga taga-Babilonya ang Asirya, ngunit hiniya rin ang dalawang palalong hari ng Babilonya. Alalahanin ang piging na idinaos ni Haring Belsasar kung saan siya at ang kaniyang maharlikang mga panauhin ay uminom ng alak mula sa mga sisidlang kinuha sa templo ni Jehova, anupat pinupuri ang mga diyos ng Babilonya. Walang anu-ano, lumitaw ang mga daliri ng kamay ng isang tao at sumulat ng isang mensahe sa pader. Nang hilingin kay propeta Daniel na ipaliwanag ang mahiwagang sulat, ipinaalaala niya kay Belsasar: “Ibinigay ng Kataas-taasang Diyos kay Nabucodonosor na iyong ama ang kaharian . . . Ngunit nang ang kaniyang puso ay magpalalo . . . , siya ay ibinaba mula sa trono ng kaniyang kaharian, at ang kaniyang dangal ay inalis sa kaniya. . . . Kung tungkol sa iyo, na kaniyang anak na si Belsasar, hindi mo pinagpakumbaba ang iyong puso, bagaman alam mong lahat ito.” (Daniel 5:3, 18, 20, 22) Nang gabi ring iyon, nilupig ng hukbo ng Medo-Persia ang Babilonya, at pinatay si Belsasar.—Daniel 5:30, 31.
8. Paano nakitungo si Jehova sa iba’t ibang palalong tao?
8 Isipin din ang iba pang palalong mga lalaki na humamak sa bayan ni Jehova: ang higanteng Filisteo na si Goliat, ang punong ministro ng Persia na si Haman, at si Haring Herodes Agripa, na namahala sa probinsiya ng Judea. Dahil sa kanilang kapalaluan, dumanas ng kahiya-hiyang kamatayan ang tatlong lalaking ito sa kamay ng Diyos. (1 Samuel 17:42-51; Esther 3:5, 6; 7:10; Gawa 12:1-3, 21-23) Ang ginawang pakikitungo ni Jehova sa palalong mga lalaking ito ay nagdiriin sa katotohanang ito: “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.” (Kawikaan 16:18) Tunay nga, walang alinlangan na “sinasalansang ng Diyos ang mga palalo.”—Santiago 4:6.
9. Paano naging traidor ang mga hari ng Tiro?
9 Kabaligtaran naman ng palalong mga tagapamahala ng Ehipto, Asirya, at Babilonya, ang hari ng Tiro ay dating matulungin sa bayan ng Diyos. Noong panahon ng paghahari nina Haring David at Haring Solomon, naglaan siya ng dalubhasang mga manggagawa at mga materyales para sa maharlikang mga gusali at para sa templo ng Diyos. (2 Samuel 5:11; 2 Cronica 2:11-16) Nakalulungkot, nang maglaon, naging kaaway ng bayan ni Jehova ang mga hari ng Tiro. Bakit nangyari iyon?—Awit 83:3-7; Joel 3:4-6; Amos 1:9, 10.
“Ang Iyong Puso ay Nagpalalo”
10, 11. (a) Sino ang maaaring itulad sa mga hari ng Tiro? (b) Ano ang nagpabago sa saloobin ng mga taga-Tiro tungkol sa Israel?
10 Kinasihan ni Jehova ang kaniyang propetang si Ezekiel upang ilantad at hatulan ang dinastiya ng mga hari ng Tiro. Ang mensaheng iyon para sa “hari ng Tiro” ay naglalaman ng mga pananalitang angkop kapuwa sa dinastiya ng Tiro at sa orihinal na traidor, si Satanas, na ‘hindi nanindigan sa katotohanan.’ (Ezekiel 28:12; Juan 8:44) Si Satanas ay dating matapat na espiritung nilalang sa organisasyon ng makalangit na mga anak ni Jehova. Ipinahiwatig ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Ezekiel ang pangunahing dahilan ng pagtataksil kapuwa ng dinastiya ng Tiro at ni Satanas:
11 “Sa Eden, na hardin ng Diyos, ay naroon ka. Ang bawat mahalagang bato ay iyong pananamit . . . Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip . . . Ikaw ay walang pagkukulang sa iyong mga lakad mula nang araw na lalangin ka hanggang sa ang kalikuan ay masumpungan sa iyo. Dahil sa dami ng iyong mga paninda ay pinunô nila ng karahasan ang gitna mo, at nagsimula kang magkasala. At . . . pupuksain kita, O kerubin na tumatakip . . . Ang iyong puso ay nagpalalo dahil sa iyong kagandahan. Sinira mo ang iyong karunungan dahil sa iyong maningning na karilagan.” (Ezekiel 28:13-17) Oo, ang kapalaluan ang nag-udyok sa mga hari ng Tiro na maging marahas sa bayan ni Jehova. Naging mayamang-mayaman ang Tiro bilang sentro ng komersiyo at napatanyag dahil sa magagandang produkto nito. (Isaias 23:8, 9) Naging masyadong mataas ang tingin ng mga hari ng Tiro sa kanilang sarili, at sinimulan nilang pagmalupitan ang bayan ng Diyos.
12. Ano ang umakay kay Satanas sa landasin ng kataksilan, at ano ang patuloy niyang ginagawa?
12 Sa katulad na paraan, dating taglay ng espiritung nilalang na naging Satanas ang karunungan na kailangan upang maganap ang anumang atas na ibigay sa kaniya ng Diyos. Sa halip na maging mapagpasalamat, siya ay ‘nagmalaki’ at nagsimulang manghamak sa paraan ng pamamahala ng Diyos. (1 Timoteo 3:6) Gayon na lamang kataas ang pagtingin niya sa kaniyang sarili anupat hinangad niyang sambahin siya nina Adan at Eva. Ang masamang hangaring ito ay naglihi at nagsilang ng kasalanan. (Santiago 1:14, 15) Dinaya ni Satanas si Eva para kainin ang bunga ng kaisa-isang punungkahoy na ipinagbabawal ng Diyos. Pagkatapos, ginamit siya ni Satanas upang maipakain din kay Adan ang ipinagbabawal na bunga. (Genesis 3:1-6) Sa gayon ay itinakwil ng unang mag-asawa ang karapatan ng Diyos na mamahala sa kanila at, sa diwa, naging mananamba sila ni Satanas. Walang hangganan ang kapalaluan niya. Tinangka niyang dayain ang lahat ng matatalinong nilalang sa langit at sa lupa, pati na si Jesu-Kristo, upang sambahin siya bilang pagtatakwil sa pagkasoberano ni Jehova.—Mateo 4:8-10; Apocalipsis 12:3, 4, 9.
13. Ano ang ibinunga ng kapalaluan?
13 Kaya makikita mo na nagmula kay Satanas ang kapalaluan; ito ang pangunahing sanhi ng kasalanan, pagdurusa, at katiwalian sa daigdig sa ngayon. Bilang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas ay patuloy na nagtataguyod ng di-wastong damdamin ng pagmamapuri at kapalaluan. (2 Corinto 4:4) Alam niya na kaunti na lamang ang kaniyang panahon, kaya nakikipagdigma siya sa tunay na mga Kristiyano. Tunguhin niyang italikod sila sa Diyos, gawing mangingibig sa kanilang sarili, mapagmapuri sa sarili, at palalo. Inihula ng Bibliya na magiging pangkaraniwan na lamang ang gayong makasariling pag-uugali sa “mga huling araw” na ito.—2 Timoteo 3:1, 2, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References; Apocalipsis 12:12, 17.
14. Ayon sa anong tuntunin nakikitungo si Jehova sa kaniyang matatalinong nilalang?
14 Kung tungkol naman kay Jesu-Kristo, buong-katapangan niyang inilantad ang masamang ibinubunga ng kapalaluan ni Satanas. Sa di-kukulangin sa tatlong pagkakataon at sa harapan ng mga kaaway na mapagmatuwid sa sarili, ipinahayag ni Jesus ang tuntunin na ginagamit ni Jehova sa pakikitungo sa sangkatauhan: “Ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, ngunit siya na nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Lucas 14:11; 18:14; Mateo 23:12.
Bantayan ang Iyong Puso Laban sa Kapalaluan
15, 16. Ano ang dahilan ng pagiging palalo ni Hagar?
15 Marahil ay napansin mo na mga prominenteng tao ang nasasangkot sa nabanggit na mga halimbawa ng kapalaluan. Nangangahulugan ba ito na hindi na magiging palalo ang pangkaraniwang mga tao? Hindi naman. Isaalang-alang ang isang pangyayari sa sambahayan ni Abraham. Ang patriyarka ay walang anak na lalaki na magiging tagapagmana niya, at ang kaniyang asawang si Sara ay lampas na sa edad ng panganganak. Kaugalian noon para sa isang lalaking nasa kalagayan ni Abraham na kumuha ng pangalawang asawa para magkaroon ng mga anak. Pinahintulutan ng Diyos ang gayong pag-aasawa dahil hindi pa panahon noon para muling itatag ang kaniyang orihinal na pamantayan sa pag-aasawa sa gitna ng tunay na mga mananamba.—Mateo 19:3-9.
16 Dahil sa udyok ng kaniyang asawa, sumang-ayon si Abraham na magkaanak ng potensiyal na tagapagmana sa pamamagitan ng Ehipsiyong alilang babae ni Sara, si Hagar. Bilang pangalawang asawa ni Abraham, nagdalang-tao nga si Hagar. Dapat sana’y tumanaw siya ng malaking utang na loob dahil sa marangal na katayuan niya. Sa halip, hinayaan niyang maging palalo ang kaniyang puso. Naglalahad ang Bibliya: “Nang mabatid niyang siya ay nagdadalang-tao, nang magkagayon ay nagsimulang maging hamak sa kaniyang paningin ang kaniyang among babae.” Ang gayong saloobin ay nagdulot ng matinding alitan sa sambahayan ni Abraham anupat itinaboy ni Sara si Hagar. Ngunit may solusyon naman sa problema. Pinayuhan ng anghel ng Diyos si Hagar: “Bumalik ka sa iyong among babae at magpakumbaba ka sa ilalim ng kaniyang kamay.” (Genesis 16:4, 9) Lumilitaw na sinunod ni Hagar ang payong ito, binago niya ang kaniyang saloobin kay Sara, at naging ninuno ng maraming tao.
17, 18. Bakit tayong lahat ay dapat magbantay laban sa kapalaluan?
17 Inilalarawan ng nangyari kay Hagar na kapag bumuti ang kalagayan ng isang tao, maaari itong magbunga ng kapalaluan. Ang aral ay ito: Kahit ang isang Kristiyano na nagpakita ng mabuting puso sa paglilingkod sa Diyos ay maaaring maging palalo kapag nagtamo ng kayamanan o awtoridad. Maaari ring tumubo ang gayong saloobin kung pinupuri siya ng iba dahil sa kaniyang tagumpay, karunungan, o kakayahan. Oo, dapat na maging alisto ang isang Kristiyano na iwaksi ang kapalaluan sa kaniyang puso. Lalo nang totoo ito kapag nagtatagumpay siya o nakatatanggap ng higit na pananagutan.
18 Ang pinakamatinding dahilan para umiwas sa kapalaluan ay ang pangmalas ng Diyos sa ugaling ito. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Ang palalong mga mata at mapagmataas na puso, ang lampara ng mga balakyot, ay kasalanan.” (Kawikaan 21:4) Kapansin-pansin, partikular na nagbababala ang Bibliya sa mga Kristiyanong “mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay” na huwag maging “mataas ang pag-iisip,” o “palalo.” (1 Timoteo 6:17, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References; Deuteronomio 8:11-17) Yaong mga Kristiyano na hindi mayayaman ay dapat umiwas sa pagkakaroon ng “matang mainggitin,” at dapat nilang tandaan na maaaring tumubo ang kapalaluan sa sinuman—mayaman o mahirap.—Marcos 7:21-23; Santiago 4:5.
19. Sa anong paraan sinira ni Uzias ang kaniyang magandang rekord?
19 Ang kapalaluan at ang iba pang masasamang ugali ay makasisira sa mabuting kaugnayan kay Jehova. Kuning halimbawa ang unang bahagi ng paghahari ni Haring Uzias: “Patuloy niyang ginawa ang tama sa paningin ni Jehova . . . At siya ay patuluyang nakahilig na hanapin ang Diyos . . . ; at, nang mga araw ng kaniyang paghahanap kay Jehova, pinasagana siya ng tunay na Diyos.” (2 Cronica 26:4, 5) Subalit nakalulungkot, sinira ni Haring Uzias ang kaniyang mabuting rekord, sapagkat “ang kaniyang puso ay nagpalalo hanggang sa naging sanhi pa nga ng kapahamakan.” Masyadong tumaas ang pagtingin niya sa kaniyang sarili anupat pumasok siya sa templo upang maghandog ng insenso. Nang babalaan siya ng mga saserdote na huwag ituloy ang pangahas na gawang iyon, “si Uzias ay nagngalit.” Dahil dito, dinulutan siya ni Jehova ng ketong, at namatay siya na hindi taglay ang pagsang-ayon ng Diyos.—2 Cronica 26:16-21.
20. (a) Paano nanganib ang magandang rekord ni Haring Hezekias? (b) Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
20 Maihahambing mo iyan sa halimbawa ni Haring Hezekias. Sa isang pagkakataon, ang napakagandang rekord ng haring ito ay nanganib na masira dahil “ang kaniyang puso ay nagpalalo.” Mabuti na lamang, “si Hezekias ay nagpakumbaba . . . sa kapalaluan ng kaniyang puso” at muli niyang natamo ang paglingap ng Diyos. (2 Cronica 32:25, 26) Pansinin na ang lunas sa kapalaluan ni Hezekias ay kapakumbabaan. Oo, ang kapakumbabaan ang kabaligtaran ng kapalaluan. Kaya naman, sa susunod na artikulo, isasaalang-alang natin kung paano natin malilinang at mapananatili ang kapakumbabaang Kristiyano.
21. Sa ano makaaasa ang mapagpakumbabang mga Kristiyano?
21 Gayunman, huwag sana nating kalimutan Isaias 2:17.
ang lahat ng masasamang ibinubunga ng kapalaluan. Yamang “sinasalansang ng Diyos ang mga palalo,” patatagin natin ang ating kapasiyahang iwaksi ang damdamin ng di-wastong pagmamapuri. Habang sinisikap nating maging mapagpakumbabang mga Kristiyano, makaaasa tayong makaliligtas sa dakilang araw ng Diyos, kung saan aalisin na sa lupa ang mga palalo at ang kanilang mga bunga. Kung magkagayon, “ang kapalaluan ng makalupang tao ay yuyukod, at ang pagmamataas ng mga tao ay mábababâ; at si Jehova lamang ang matatanyag sa araw na iyon.”—Mga Punto Para sa Pagbubulay-bulay
• Paano mo ilalarawan ang palalong tao?
• Ano ang pinagmulan ng kapalaluan?
• Ano ang maaaring maging dahilan ng pagpapalalo ng isang tao?
• Bakit tayo dapat magbantay laban sa kapalaluan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 23]
Ang kapalaluan ni Paraon ay humantong sa kaniyang pagkapahiya
[Larawan sa pahina 24]
Naging palalo si Hagar dahil sa kaniyang bumuting katayuan
[Larawan sa pahina 25]
Nagpakumbaba si Hezekias at muli niyang natamo ang paglingap ng Diyos