Ibinabahagi Nila ang Mabuting Balita sa mga Bingi
Ibinabahagi Nila ang Mabuting Balita sa mga Bingi
“TINUTULUNGAN nila kayong magkaroon ng espirituwalidad!” Ganiyan inilarawan kamakailan ng direktor ng isang tahanan para sa mga may-edad na sa Navalcarnero, Madrid, Espanya, ang pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova sa center na pinangangasiwaan niya. Ano ang nag-udyok sa kaniya na sabihin iyan?
Ang ilan sa mga residente ng Rosas del Camino center ay mga bingi. Gayunman, dahil nagsikap ang mga Saksi na matuto ng Spanish Sign Language, nakakausap nila ang mga residenteng ito. Pinuri ng direktor ang mga Saksi dahil sa paglalaan nila ng panahon para turuan ng espirituwal na mga simulain nang walang bayad yaong mga nangangailangan. Napansin niya ang magandang epekto sa mga residente ng pagtuturo ng mabuting balita ng Kaharian. At ang mga residente—lalo na yaong mga may kapansanan sa pandinig o paningin—ay lubos na nagpapahalaga sa pagdalaw ng mga Saksi.
Si Eulogio, isa sa mga residente na bulag at bingi, ay nakikipag-aral na ngayon ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Isang araw, habang idinaraos ang pag-aaral, isang may-edad nang lalaki ang lumapit at nagbigay sa Saksi ng isang tula na kinatha ng mga residente bilang kapahayagan ng kanilang pasasalamat. Ang tula ay pinamagatang “Ang Pagiging Saksi.” Sa isang bahagi, sinasabi nito: “Makabuluhan at disiplinado ang kanilang pamumuhay, at nagtatamo sila ng nakapagpapasayang karunungan mula kay Jehova. Pabalik-balik sila sa pagdalaw sa mga bahay dahil nagtitiwala sila kay Jehova.”
Ang mismong tiwalang ito kay Jehova ang nagtutulak sa maraming Saksi sa buong daigdig na pag-aralan ang wikang pasenyas ng mga bingi sa kanilang bansa. Sa ganitong paraan, ibinabahagi nila sa gayong mga indibiduwal ang nakapagpapatibay na mensahe ng pag-asa na nasa Bibliya.