Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lalakad Ka Bang Kasama ng Diyos?

Lalakad Ka Bang Kasama ng Diyos?

Lalakad Ka Bang Kasama ng Diyos?

“Maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos.”​—MIKAS 6:8.

1, 2. Paano maitutulad ang damdamin ni Jehova para sa atin sa damdamin ng isang magulang na nagtuturo sa kaniyang anak na lumakad?

ISANG musmos ang pilit na humahakbang sa unang pagkakataon patungo sa nakaunat na mga bisig ng kaniyang magulang. Waring maliit na bagay lamang ito, ngunit para sa ina at ama, isa itong malaking pagsulong, isang sandali na punô ng pangako para sa hinaharap. Sabik na umaasa ang mga magulang na lumakad na kasama ng kanilang anak, nang magkahawak-kamay, sa mga buwan at mga taóng darating. Sa maraming paraan, umaasa sila na mailalaan ang patnubay at suporta sa anak hanggang sa hinaharap.

2 Gayundin ang nadarama ng Diyos na Jehova sa kaniyang makalupang mga anak. Minsan, sinabi niya tungkol sa kaniyang bayang Israel, o Efraim: “Tinuruan kong lumakad ang Efraim, na binubuhat sila sa aking mga bisig . . . Sa pamamagitan ng mga lubid ng makalupang tao ay patuloy ko silang hinila, sa pamamagitan ng mga panali ng pag-ibig.” (Oseas 11:3, 4) Inilalarawan dito ni Jehova ang kaniyang sarili bilang isang maibiging ama na matiyagang nagtuturo sa kaniyang anak na lumakad, marahil ay binubuhat pa nga ito sa Kaniyang mga bisig kapag ito ay natumba. Si Jehova, ang pinakamahusay na Ama, ay sabik na magturo sa atin kung paano lumakad. Nalulugod din siya na samahan tayo habang tayo ay sumusulong. Gaya ng ipinakikita ng ating pinakatemang teksto, maaari tayong lumakad na kasama ng Diyos! (Mikas 6:8) Ngunit ano ba ang kahulugan ng lumakad na kasama ng Diyos? Bakit natin kailangang gawin ito? Paano ito gagawin? At anu-anong pagpapala ang naidudulot ng paglakad na kasama ng Diyos? Isa-isa nating isaalang-alang ang apat na katanungang ito.

Ano ang Kahulugan ng Lumakad na Kasama ng Diyos?

3, 4. (a) Bakit napakaganda ng paglalarawan hinggil sa paglakad na kasama ng Diyos? (b) Ano ang kahulugan ng lumakad na kasama ng Diyos?

3 Sabihin pa, ang isang taong may laman at dugo ay hindi literal na makalalakad kasama ni Jehova, na isang espiritu. (Exodo 33:20; Juan 4:24) Kaya kapag binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa mga taong lumalakad na kasama ng Diyos, ito ay makasagisag. Napakaganda ng paglalarawang ito, isa na nauunawaan ng lahat ng bansa at kultura at kumakapit sa anumang yugto ng panahon. Kung sa bagay, saan bang lugar o anong henerasyon ang hindi makauunawa sa ideya ng paglakad ng isang tao nang may kasama? Ang paglalarawang ito ay nagpapahiwatig ng pagkamagiliw at pagiging malapít sa isa’t isa, hindi ba? Ang gayong damdamin ay nagbibigay sa atin ng kaunawaan kung ano ang kahulugan ng lumakad na kasama ng Diyos. Subalit maging mas espesipiko tayo.

4 Alalahanin ang tapat na mga lalaking sina Enoc at Noe. Bakit sila inilalarawan na lumalakad na kasama ng Diyos? (Genesis 5:24; 6:9) Sa Bibliya, ang terminong “lumakad” ay madalas na nangangahulugang sumunod sa isang landasin ng pagkilos. Pinili nina Enoc at Noe ang isang landasin sa buhay na kasuwato ng kalooban ng Diyos na Jehova. Di-tulad ng mga tao sa paligid nila, umasa sila sa patnubay ni Jehova at sumunod sa kaniyang tagubilin. Nagtiwala sila sa kaniya. Nangangahulugan ba ito na si Jehova ang nagpapasiya para sa kanila? Hindi. Pinagkalooban ni Jehova ang mga tao ng kalayaang magpasiya, at nais niyang gamitin natin ang kaloob na iyan kasama ang ating “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Gayunman, kapag nagpapasiya tayo, mapagpakumbaba nating hinahayaan na mapatnubayan ng lubhang nakahihigit na talino ni Jehova ang ating kakayahan sa pangangatuwiran. (Kawikaan 3:5, 6; Isaias 55:8, 9) Sa diwa, habang lumalakad tayo sa buhay, naglalakbay tayo na kasama si Jehova.

5. Bakit sinabi ni Jesus ang pagdaragdag ng isang siko sa haba ng buhay ng isang tao?

5 Madalas na inihahalintulad ng Bibliya ang buhay sa isang paglalakbay o paglakad. Sa ilang pagkakataon, tuwiran ang paghahalintulad na iyan, ngunit sa ibang pagkakataon naman, pahiwatig lamang ito. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?” (Mateo 6:27) Baka makalito sa iyo ang ilan sa mga salitang iyan. Bakit sasabihin ni Jesus ang pagdaragdag ng “isang siko,” isang sukat ng distansiya, sa ‘haba ng buhay’ ng isang tao, na sinusukat naman batay sa panahon? * Maliwanag na inilalarawan ni Jesus ang buhay bilang isang paglalakbay. Sa diwa, itinuro niya na mabalisa ka man, hindi nito madaragdagan ng kahit maliit na hakbang ang paglakad mo sa buhay. Subalit dapat ba nating ipagpalagay na wala na tayong magagawa sa haba ng paglakad na iyan? Hinding-hindi! Inaakay tayo nito sa ating pangalawang katanungan, Bakit tayo kailangang lumakad na kasama ng Diyos?

Bakit Tayo Kailangang Lumakad na Kasama ng Diyos?

6, 7. Ano ang kailangang-kailangan ng di-sakdal na mga tao, at bakit tayo dapat bumaling kay Jehova upang masapatan ang gayong pangangailangan?

6 Ang isang dahilan kung bakit kailangan tayong lumakad na kasama ng Diyos na Jehova ay ipinaliliwanag sa Jeremias 10:23: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” Kaya tayong mga tao ay walang kakayahan o karapatan na ituwid ang landasin ng ating buhay. Kailangang-kailangan natin ng patnubay. Yaong mga nagpipilit na tumahak sa daan na gusto nila, nang hiwalay sa Diyos, ay tumutulad sa pagkakamali nina Adan at Eva. Inangkin ng unang mag-asawa ang karapatang magpasiya sa ganang sarili kung ano ang mabuti at masama. (Genesis 3:1-6) Ang karapatang iyan ay talagang ‘hindi sa atin.’

7 Hindi mo ba nadarama na kailangan mo ng patnubay sa paglalakbay sa buhay? Araw-araw, napapaharap tayo sa maliliit at malalaking pagpapasiya. Ang ilan dito ay mahirap at maaaring makaapekto sa kinabukasan natin​—at ng ating mga mahal sa buhay. Subalit isipin na lamang na ang isang di-hamak na matanda at matalino kaysa sa atin ay natutuwang magbigay sa atin ng maibiging patnubay sa paggawa ng gayong mga pasiya! Nakalulungkot, pinili ng karamihan sa mga tao sa ngayon na magtiwala sa kanilang sariling palagay at patnubayan ang kanilang sariling mga hakbang. Ipinagwawalang-bahala nila ang katotohanang nakasaad sa Kawikaan 28:26: “Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal, ngunit siyang lumalakad na may karunungan ang makatatakas.” Nais ni Jehova na makatakas tayo sa kapahamakang dulot ng pagtitiwala sa mapandayang puso ng tao. (Jeremias 17:9) Nais niya na lumakad tayo sa karunungan, anupat magtiwala sa kaniya bilang ating matalinong Giya at Tagapagturo. Kapag ginawa natin ito, ang ating paglakad sa buhay ay magiging tiwasay, kasiya-siya, at makabuluhan.

8. Ano ang likas na hantungan ng mga tao dahil sa kasalanan at di-kasakdalan, subalit ano ang nais ni Jehova para sa atin?

8 Ang isa pang dahilan kung bakit kailangan tayong lumakad na kasama ng Diyos ay nagsasangkot sa haba ng paglakad na gusto nating gawin. Sinasabi ng Bibliya ang malungkot na katotohanan. Sa diwa, ang lahat ng di-sakdal na tao ay lumalakad patungo sa iisang hantungan. Sa paglalarawan sa mga pagsubok na kaakibat ng pagtanda, sinasabi ng Eclesiastes 12:5: “Ang tao ay lumalakad patungo sa kaniyang namamalaging bahay at ang mga tagahagulhol ay lumilibot na sa lansangan.” Ano ba ang “namamalaging bahay” na ito? Ang libingan, ang likas na pinagdadalhan sa atin ng kasalanan at di-kasakdalan. (Roma 6:23) Gayunman, higit pa ang nais ni Jehova para sa atin kaysa sa maikli at maligalig na paglakad mula pagsilang hanggang kamatayan. (Job 14:1) Kung lalakad tayo na kasama ng Diyos, saka lamang tayo makalalakad ayon sa nilayon Niya na lakarin natin​—magpakailanman. Hindi ba’t iyan ang gusto mo? Kung gayon, maliwanag na kailangan mong lumakad na kasama ng iyong Ama.

Paano Tayo Makalalakad na Kasama ng Diyos?

9. Bakit nakatago kung minsan si Jehova mula sa kaniyang bayan, subalit anong katiyakan ang ibinigay niya ayon sa Isaias 30:20?

9 Ang pangatlong katanungan na isasaalang-alang natin ay nararapat na maingat na bigyang-pansin. Ito ay, Paano tayo makalalakad na kasama ng Diyos? Masusumpungan natin ang sagot sa Isaias 30:20, 21: “Hindi na magtatago ang iyong Dakilang Tagapagturo, at ang iyong mga mata ay magiging mga matang nakakakita sa iyong Dakilang Tagapagturo. At ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,’ sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.” Sa nakapagpapatibay-loob na tekstong ito, ang mga salita ni Jehova na nakaulat sa Isa 30 talata 20 ay maaaring nagpaalaala sa kaniyang bayan na nang maghimagsik sila sa kaniya, siya, sa diwa, ay nakatago mula sa kanila. (Isaias 1:15; 59:2) Subalit dito, inilalarawan si Jehova na hindi nagtatago kundi hayagang nakatayo sa harapan ng kaniyang tapat na bayan. Maiisip natin ang isang tagapagturo na nakatayo sa harapan ng kaniyang mga estudyante, anupat ipinakikita sa kanila kung ano ang gusto niyang matutuhan nila.

10. Sa anong diwa “makaririnig [ka] ng salita sa likuran mo” mula sa iyong Dakilang Tagapagturo?

10 Sa Isa 30 talata 21, iba naman ang paglalarawan. Inilalarawan si Jehova na lumalakad sa likuran ng kaniyang bayan, anupat nagbibigay ng mga tagubilin hinggil sa tamang daan na lalakaran. Nagkomento ang mga iskolar sa Bibliya na ang ekspresyong ito ay maaaring salig sa ginagawa ng pastol kapag sinusundan niya kung minsan ang kaniyang mga tupa, anupat sumisigaw upang patnubayan sila at ilayo sa maling daan. Paano kumakapit sa atin ang paglalarawang ito? Buweno, kapag humahanap tayo ng patnubay mula sa Salita ng Diyos, binabasa natin ang mga salitang iniulat libu-libong taon na ang nakararaan. Nanggagaling ang mga ito sa likuran natin, wika nga, noong panahong nakalipas. Gayunman, mahalaga pa rin ang mga ito sa ngayon gaya noong panahong isulat ang mga ito. Mapapatnubayan tayo ng payo ng Bibliya sa ating pagpapasiya sa araw-araw, at matutulungan tayong iplano ang landasin ng ating buhay sa hinaharap. (Awit 119:105) Kapag masikap nating hinahanap ang gayong payo at ikinakapit ito, kung gayon, si Jehova ang ating Giya. Lumalakad tayo na kasama ng Diyos.

11. Ayon sa Jeremias 6:16, anong nakapagpapasiglang paglalarawan ang ginamit ni Jehova para sa kaniyang bayan, ngunit paano sila tumugon?

11 Lubusan ba talaga tayong nagpapaakay sa Salita ng Diyos? Kapaki-pakinabang na huminto kung minsan at matapat na suriin ang ating sarili. Isaalang-alang ang isang talata na tutulong sa atin na gawin ito: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Tumayo kayo sa mga daan at tingnan, at ipagtanong ninyo ang mga landas noong sinaunang panahon, kung nasaan nga ang mabuting daan; at lakaran ninyo iyon, at makasumpong kayo ng kaginhawahan para sa inyong mga kaluluwa.’ ” (Jeremias 6:16) Maaaring ipaalaala sa atin ng mga salitang ito ang isang manlalakbay na humihinto sa isang sangandaan upang magtanong ng direksiyon. Sa espirituwal na diwa, kailangang gayundin ang gawin ng mapaghimagsik na bayan ni Jehova sa Israel. Kailangan nilang balikan ang “mga landas noong sinaunang panahon.” Ang “mabuting daan” na iyon ay ang daan na nilakaran ng kanilang tapat na mga ninuno, ang daan na may-kamangmangang iniwan ng bansa. Nakalulungkot, ang Israel ay may-katigasan-ng-ulong tumanggi sa maibiging paalaalang ito ni Jehova. Nagpapatuloy ang talatang iyon: “Ngunit patuloy nilang sinasabi: ‘Hindi namin lalakaran.’ ” Subalit sa makabagong panahon, iba naman ang naging pagtugon ng bayan ng Diyos sa gayong payo.

12, 13. (a) Paano tumugon ang pinahirang mga tagasunod ni Kristo sa payo na nasa Jeremias 6:16? (b) Paano natin masusuri ang ating sarili may kaugnayan sa paraan ng ating paglakad sa ngayon?

12 Mula noong pagtatapos ng ika-19 na siglo, ikinapit ng pinahirang mga tagasunod ni Kristo sa kanilang sarili ang payo na nasa Jeremias 6:16. Bilang isang grupo, nanguna sila sa buong-pusong pagbabalik sa “mga landas noong sinaunang panahon.” Di-tulad ng apostatang Sangkakristiyanuhan, may-katapatan silang nanghawakan sa “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” na itinatag ni Jesu-Kristo at itinaguyod ng kaniyang tapat na mga tagasunod noong unang siglo C.E. (2 Timoteo 1:13) Hanggang sa ngayon, tinutulungan ng mga pinahiran ang isa’t isa at ang kanilang mga kasamahang “ibang mga tupa” sa pagtataguyod ng nakapagpapalusog at nakapagpapaligayang daan ng buhay na iniwan ng Sangkakristiyanuhan.​—Juan 10:16.

13 Dahil sa paglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon, natutulungan ng uring tapat na alipin ang milyun-milyong tao na masumpungan ang “mga landas noong sinaunang panahon” at lumakad na kasama ng Diyos. (Mateo 24:45-47) Kabilang ka ba sa milyun-milyong iyan? Kung oo, ano ang magagawa mo upang hindi maanod papalayo, anupat sumusunod sa iyong sariling landasin? Isang katalinuhan na huminto paminsan-minsan at suriin ang iyong paraan ng paglakad sa buhay. Kung palagi kang magbabasa ng Bibliya at ng mga publikasyong salig sa Bibliya at dadalo sa mga programa ng pagtuturo na itinataguyod ng mga pinahiran sa ngayon, kung gayon, sinasanay kang lumakad na kasama ng Diyos. At kapag mapagpakumbaba mong ikinakapit ang ipinapayo sa iyo, talagang lumalakad ka na kasama ng Diyos, anupat tinatahak ang “mga landas noong sinaunang panahon.”

Lumakad na Parang “Nakikita ang Isa na Di-nakikita”

14. Kung totoong-totoo sa atin si Jehova, paano ito makikita sa personal na mga pasiya natin?

14 Upang makalakad tayo na kasama ni Jehova, kailangang totoong-totoo siya sa atin. Tandaan, tiniyak ni Jehova sa mga tapat sa sinaunang Israel na hindi siya nagtatago mula sa kanila. Sa ngayon, isinisiwalat din niya ang kaniyang sarili sa kaniyang bayan bilang ang Dakilang Tagapagturo. Ganiyan ba katotoo sa iyo si Jehova, na parang nakatayo siya sa harapan mo upang turuan ka? Iyan ang uri ng pananampalataya na kailangan natin upang makalakad tayo na kasama ng Diyos. Ganiyan ang pananampalataya ni Moises, “sapagkat nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Kung totoong-totoo sa atin si Jehova, isasaalang-alang natin ang kaniyang nadarama kapag nagpapasiya tayo. Halimbawa, hindi man lamang natin iisipin na gumawa ng masama at pagkatapos ay sikaping itago ang ating mga kasalanan sa Kristiyanong matatanda o sa mga miyembro ng ating pamilya. Sa halip, nagsisikap tayong lumakad na kasama ng Diyos kahit na walang taong nakakakita sa atin. Katulad ni Haring David noon, ito ang ating kapasiyahan: “Ako ay lalakad sa loob ng aking bahay taglay ang katapatan ng aking puso.”​—Awit 101:2.

15. Paanong ang pakikisama sa ating mga kapatid na Kristiyano ay tutulong sa atin na maging totoong-totoo si Jehova sa atin?

15 Nauunawaan ni Jehova na tayo ay mga nilalang na di-sakdal at makalaman at maaari tayong mahirapan kung minsan na paniwalaan ang hindi natin nakikita. (Awit 103:14) Marami siyang ginagawa upang tulungan tayong madaig ang gayong kahinaan. Halimbawa, tinipon niya ang “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan” mula sa lahat ng bansa sa lupa. (Gawa 15:14) Habang nagkakaisa tayong naglilingkod nang sama-sama, napalalakas natin ang isa’t isa. Lalong nagiging totoong-totoo sa atin ang ating Diyos kapag narinig natin kung paano tinulungan ni Jehova ang isang espirituwal na kapatid na madaig ang isang kahinaan o malampasan ang isang mahirap na pagsubok.​—1 Pedro 5:9.

16. Paanong ang pag-aaral tungkol kay Jesus ay tutulong sa atin na lumakad na kasama ng Diyos?

16 Higit sa lahat, ibinigay sa atin ni Jehova ang halimbawa ng kaniyang Anak. Sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Ang pag-aaral sa landasin ng buhay ni Jesus sa lupa ay isa sa pinakamainam na paraan upang lalong maging totoong-totoo sa atin si Jehova. Ang lahat ng sinabi o ginawa ni Jesus ay sakdal na nagpapaaninag ng personalidad at mga daan ng kaniyang makalangit na Ama. (Juan 14:9) Sa paggawa natin ng mga pasiya, kailangan nating maingat na pag-isipan kung paano pagpapasiyahan ni Jesus ang mga bagay-bagay. Kapag nakikita sa ating mga pasiya ang gayong maingat at may-pananalanging paraan ng pag-iisip, kung gayon ay sumusunod tayo sa mga yapak ni Kristo. (1 Pedro 2:21) Bilang resulta, lumalakad tayo na kasama ng Diyos.

Anu-anong Pagpapala ang Dulot Nito?

17. Kung lalakad tayo sa daan ni Jehova, anong “kaginhawahan” ang masusumpungan natin para sa ating kaluluwa?

17 Ang paglakad na kasama ng Diyos na Jehova ay nangangahulugan ng pinagpalang buhay. Tandaan ang ipinangako ni Jehova sa kaniyang bayan hinggil sa paghanap sa “mabuting daan.” Sinabi niya: “Lakaran ninyo iyon, at makasumpong kayo ng kaginhawahan para sa inyong mga kaluluwa.” (Jeremias 6:16) Ano ang kahulugan ng “kaginhawahan” na iyon? Isang buhay na punô ng kaluguran at karangyaan? Hindi. Naglalaan si Jehova ng mas mainam pa roon, isa na bihirang masumpungan maging ng pinakamayaman sa sangkatauhan. Ang pagkasumpong ng kaginhawahan para sa iyong kaluluwa ay nangangahulugan ng pagkasumpong ng panloob na kapayapaan, kagalakan, pagkakontento, at espirituwal na kasiyahan. Ang gayong kaginhawahan ay nangangahulugan na makapagtitiwala ka na napili mo ang pinakamabuting landasin sa buhay. Ang gayong kapayapaan ng isip ay isang pambihirang pagpapala sa magulong daigdig na ito!

18. Anong pagpapala ang nais ipagkaloob ni Jehova sa iyo, at ano ang iyong kapasiyahan?

18 Sabihin pa, ang buhay mismo ay isa nang malaking pagpapala. Kahit ang maikling paglakad ay mas maigi kaysa sa lubusang hindi paglakad. Gayunman, hindi kailanman nilayon ni Jehova na ang iyong paglakad ay maging maikling paglalakbay lamang mula sa kasiglahan ng kabataan hanggang sa hirap ng katandaan. Hindi, nais ni Jehova na makamit mo ang pinakamalaking pagpapala. Gusto niya na lumakad kang kasama niya magpakailanman! Malinaw itong ipinahayag sa Mikas 4:5: “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” Gusto mo bang matamo ang gayong pagpapala? Gusto mo bang tamasahin ang tinatawag ni Jehova na “tunay na buhay”? (1 Timoteo 6:19) Kung gayon, gawin mong kapasiyahan na lumakad na kasama ni Jehova ngayon, bukas, at sa bawat araw na lilipas hanggang sa walang hanggan!

[Talababa]

^ par. 5 Binago ng ilang salin ng Bibliya ang “siko” sa talatang ito at ginawang sukat ng panahon, gaya ng “isang sandali” (The Emphatic Diaglott) o “isang minuto” (A Translation in the Language of the People, ni Charles B. Williams). Gayunman, ang salitang ginamit sa orihinal na teksto ay tiyak na nangangahulugang siko, na mga 45 sentimetro ang haba.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang kahulugan ng lumakad na kasama ng Diyos?

• Bakit nadarama mo na kailangan mong lumakad na kasama ng Diyos?

• Ano ang tutulong sa iyo na lumakad na kasama ng Diyos?

• Anu-anong pagpapala ang natatamo ng mga lumalakad na kasama ng Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 23]

Sa mga pahina ng Bibliya, naririnig natin ang tinig ni Jehova sa likuran natin na nagsasabi, “Ito ang daan”

[Larawan sa pahina 25]

Sa mga pulong, tumatanggap tayo ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon