Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kontribusyon na Kalugud-lugod sa Diyos

Mga Kontribusyon na Kalugud-lugod sa Diyos

Mga Kontribusyon na Kalugud-lugod sa Diyos

HINDI kaayaaya ang pangyayaring iyon. Inagaw ni Reyna Athalia ang trono ng Juda sa pamamagitan ng mapanlinlang na pakana at pagpaslang. Dahil inakalang napatay na ang lahat ng likas na tagapagmana, iniluklok niya ang kaniyang sarili bilang reyna. Lakas-loob namang itinago ng isa pang babae, si Prinsesa Jehosheba, na lubhang umiibig kay Jehova at sa Kaniyang Kautusan, ang isang anak ng hari, ang sanggol na si Jehoas. Ang tagapagmana ay itinago ni Jehosheba at ng kaniyang asawa, ang mataas na saserdoteng si Jehoiada, sa kanilang silid sa templo sa loob ng anim na taon.​—2 Hari 11:1-3.

Nang pitong taóng gulang na si Jehoas, handa na ang mataas na saserdoteng si Jehoiada na isakatuparan ang kaniyang plano na alisin sa puwesto ang reynang nang-agaw ng trono sa mapandayang paraan. Ipinakilala niya sa lahat ang batang itinago niya at kinoronahan ito bilang karapat-dapat na tagapagmana ng kaharian. Pagkatapos nito, kinaladkad ng mga guwardiya ng hari ang balakyot na si Reyna Athalia palabas ng bakuran ng templo at pinatay, na ikinatuwa naman ng bayan. Dahil sa kanilang ginawa, napakalaki ng naitulong nina Jehoiada at Jehosheba sa pagsasauli ng tunay na pagsamba sa lupain ng Juda. Ngunit higit na mahalaga, nakatulong sila upang magpatuloy ang maharlikang linya ni David, na aakay tungo sa Mesiyas.​—2 Hari 11:4-21.

Ang bagong itinalagang hari ay nakatulong din sa paraang nakalulugod sa Diyos. Kailangang-kailangang kumpunihin noon ang bahay ni Jehova. Dahil sa napakataas na ambisyon ni Athalia na maging kaisa-isang tagapamahala ng Juda, hindi lamang napabayaan ang templo kundi sinamsam pa ang mga laman nito. Kaya determinado si Jehoas na muling itayo at kumpunihin ang templo. Kaagad niyang ipinag-utos na tipunin ang kinakailangang pondo para sa pagpapakumpuni ng bahay ni Jehova. Sinabi niya: “Ang lahat ng salapi para sa mga banal na handog na dinadala sa bahay ni Jehova, ang salapi na itinatakda sa bawat isa, ang salapi para sa mga kaluluwa ayon sa halaga ng indibiduwal, ang lahat ng salapi na bukal sa puso ng bawat isa na dalhin sa bahay ni Jehova, ay kunin ng mga saserdote para sa kanilang sarili, ng bawat isa mula sa kaniyang kakilala; at kumpunihin naman nila ang mga bitak sa bahay saanman may masumpungang anumang bitak.”​—2 Hari 12:4, 5.

Kusang-loob na nagbigay ng kontribusyon ang bayan. Gayunman, ang mga saserdote ay hindi buong-puso sa pagganap ng kanilang tungkulin na kumpunihin ang templo. Kaya naman, nagpasiya ang hari na siya na ang personal na mangasiwa sa mga bagay-bagay at iniutos niya na lahat ng kontribusyon ay tuwirang ilagay sa isang pantanging kahon. Si Jehoiada ang inatasan niyang mangasiwa rito, at sinabi ng ulat: “Si Jehoiada na saserdote ay kumuha ngayon ng isang kahon at gumawa ng butas sa takip nito at inilagay iyon sa tabi ng altar sa gawing kanan kapag ang isang tao ay pumapasok sa bahay ni Jehova, at doon ilalagay ng mga saserdote, na mga bantay-pinto, ang lahat ng salapi na ipinapasok sa bahay ni Jehova. At nangyari, kapag nakita nila na napakarami nang salapi sa kahon, ang kalihim ng hari at ang mataas na saserdote ay umaahon, at binabalot nila ito at binibilang ang salapi na nasumpungan sa bahay ni Jehova. At ibinigay nila ang salapi na nabilang sa mga kamay ng mga gumagawa ng gawain na mga inatasan sa bahay ni Jehova. Ibinayad naman nila iyon sa mga manggagawa sa kahoy at sa mga tagapagtayo na gumagawa sa bahay ni Jehova, at sa mga mason at sa mga tagatabas ng bato, at upang ibili ng mga tabla at mga batong tinabas para sa pagkukumpuni ng mga bitak sa bahay ni Jehova at para sa lahat ng ginugol sa bahay upang kumpunihin iyon.”​—2 Hari 12:9-12.

Buong-pusong tumugon ang bayan. Nakumpuni ang bahay ng pagsamba kay Jehova upang maipagpatuloy ang pagsamba sa kaniya sa marangal na paraan. Kaya naman, ang lahat ng pondong iniabuloy ay ginamit nang wasto. Tiniyak iyon ni Haring Jehoas!

Sa ngayon, tinitiyak ng nakikitang organisasyon ni Jehova na lahat ng iniaabuloy na pondo ay wastong nagagamit sa pagpapasulong ng pagsamba kay Jehova, at tumugon ang tunay na mga Kristiyano kagaya ng sinaunang mga Israelita​—nang buong-puso. Marahil ay kabilang ka sa mga nagbigay ng kontribusyon para sa pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian noong nakalipas na taon ng paglilingkod. Tingnan natin ang ilang paraan kung paano ginamit ang iyong mga kontribusyon.

PAGLALATHALA

Sa buong daigdig, inilathala ang sumusunod na mga publikasyon para pag-aralan at ipamahagi:

• Aklat: 47,490,247

• Buklet: 6,834,740

• Brosyur: 167,854,462

• Kalendaryo: 5,405,955

• Magasin: 1,179,266,348

• Tract: 440,995,740

• Video: 3,168,611

Ginagawa ang paglilimbag sa Aprika, Hilaga, Sentral, at Timog Amerika, Asia, Europa, at mga islang bansa sa Pasipiko​—may kabuuang 19 na bansa.

“Katelyn May po ang pangalan ko. Walong taóng gulang po ako. May $28 po ako, at nais kong ibigay ito sa inyo upang makatulong sa pagbabayad ng mga palimbagan. Ang inyong maliit na sister, Katelyn.”

“Nagmiting kami ng aming pamilya hinggil sa bagong mga palimbagan. Nagpasiya ang aming mga anak, edad 11 at 9, na bawasan ang perang naipon nila at ibigay ito bilang kontribusyon. Natutuwa kaming ipadala ang kanilang kontribusyon kasama ng sa amin.”

KONSTRUKSIYON

Ang sumusunod ay ilan sa mga proyekto ng pagtatayo na isinagawa upang suportahan ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova:

• Kingdom Hall sa mga lupain na limitado ang kakayahan o pananalapi: 2,180

• Assembly Hall: 15

• Sangay: 10

• Internasyonal na mga boluntaryo na nasa buong-panahong paglilingkod: 2,342

“Idinaos namin sa dulong sanlinggong ito ang aming kauna-unahang pulong sa bago naming Kingdom Hall. Tuwang-tuwa kaming magkaroon ng angkop na dako para purihin ang ating Ama, ang Diyos na Jehova. Nagpapasalamat kami kay Jehova at sa inyo sa pagbibigay-pansin sa aming mga pangangailangan sa pamamagitan ng pagtatayo ng karagdagang mga Kingdom Hall. Tunay nga, ang aming Kingdom Hall ay talagang isang pagpapala sa komunidad.”​—Chile.

“Lubos ang pasasalamat ng mga kapatid sa tulong na ibinigay ng organisasyon ni Jehova. Hanggang sa ngayon, pinagkukuwentuhan pa rin namin ang kapana-panabik na panahong ginugol namin kasama ng mga tauhan sa konstruksiyon.”​—Moldova.

“Ipinagdiwang namin kamakailan ng aking asawa ang aming ika-35 anibersaryo ng kasal. Pinag-iisipan namin kung ano ang ireregalo namin sa isa’t isa sa okasyong ito, at ipinasiya naming magbigay para kay Jehova at sa kaniyang organisasyon, dahil kung wala ang kanilang tulong, malamang na hindi kami nagtagumpay sa aming pag-aasawa. Ang kalakip na salapi ay nais naming magamit sa pagtulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall sa isa sa mas mahihirap na bansa.”

“Nakatanggap ako kamakailan ng mana, at yamang kaunti lamang ang ‘mga gusto’ ko at lalong kakaunti ang ‘mga pangangailangan’ ko, nais kong ibigay sa inyo ang kalakip na salapi para makatulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, na kailangang-kailangan sa maraming bansa.”

TULONG SA MGA NASALANTA NG SAKUNA

Sa mga huling araw na ito, madalas na bigla na lamang nananalanta ang mga sakuna. Marami sa mga Saksi ni Jehova ang nagbibigay ng karagdagang mga kontribusyon upang matulungan ang kanilang mga kapatid sa mga lugar na sinalanta ng sakuna. Bilang paalaala, ang mga kontribusyon para sa pagtulong sa mga nasalanta ng sakuna ay bahagi ng pondo para sa pambuong-daigdig na gawain. Ang sumusunod ay ilang lugar kung saan natulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga biktima ng sakuna:

• Aprika

• Asia

• Rehiyon ng Caribbean

• Mga Isla sa Pasipiko

“Kaming mag-asawa ay lubos na nagpapasalamat sa pagpapadala ninyo ng mga suplay para tulungan ang mga naapektuhan ng mga bagyo. Nakapaglagay kami ng bagong bubong sa aming bahay. Talagang pinahahalagahan namin ang inyong napakabilis na pagtugon.”

“Connor po ang pangalan ko, at ako ay 11 taóng gulang. Noong makita ko po ang nangyari nang humampas ang tsunami, gusto kong tumulong. Umaasa ako na makatutulong ito sa aking mga kapatid.”

PANTANGING BUONG-PANAHONG MGA LINGKOD

Maraming Kristiyano ang naglilingkod nang buong-panahon sa pag-eebanghelyo o sa mga tahanang Bethel. Ang ilang buong-panahong mga boluntaryo ay sinusuportahan ng boluntaryong mga kontribusyon. Kabilang sa mga ito ang sumusunod:

• Misyonero: 2,635

• Naglalakbay na mga tagapangasiwa: 5,325

• Bethelite: 20,092

“Yamang hindi pa po ako puwedeng maglingkod sa Bethel [limang-taóng-gulang na batang lalaki], gusto ko pong ipadala ang kontribusyong ito nang buong pagmamahal. Paglaki ko, pupunta po ako sa Bethel para magtrabahong mabuti.”

Pagtataguyod ng Edukasyon sa Bibliya

Inatasan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19) Bilang pagsunod sa kaniyang salita, ang mga Saksi ni Jehova ay abala sa pangangaral at pagtuturo ng mensahe ng Bibliya sa 235 lupain. Inilalathala at ipinamamahagi nila ang mga literatura sa Bibliya sa 413 wika.

Sa katunayan, ang pinakamahalagang kontribusyon na maibibigay ng isang Kristiyano para matulungan ang mas marami pang tao na matuto tungkol sa Diyos at sa Kaniyang mga layunin ay ang kaniyang panahon. Saganang inilalaan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang panahon at lakas upang tulungan ang kanilang kapuwa. Bukas-palad din silang nagbibigay ng kontribusyon sa pinansiyal na paraan, at lahat ng kanilang kontribusyon, sa iba’t ibang paraan, ay nakatulong upang makilala sa buong lupa ang pangalan at mga layunin ni Jehova. Patuloy nawang pagpalain ni Jehova ang mga pagsisikap na ito na tulungan ang iba na matuto nang higit pa tungkol sa kaniya. (Kawikaan 19:17) Ang gayong kusang-loob na pagtulong ay kalugud-lugod kay Jehova!​—Hebreo 13:15, 16.

[Kahon sa pahina 28-30]

Mga Paraan ng Pagbibigay na Pinipili ng Ilan

MGA KONTRIBUSYON SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN

Marami ang naglalaan ng halagang ihuhulog nila sa mga kahon ng kontribusyon na may markang “Contributions for the Worldwide Work​—Matthew 24:14.”

Bawat buwan, ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga pondong ito sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa kani-kanilang mga bansa. Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ring tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc., P.O. Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga tseke na ipadadala sa nabanggit na adres ay dapat ipangalan sa “Watch Tower.” Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring iabuloy. Dapat ilakip sa mga abuloy na ito ang isang maikling liham na nagsasabing iyon ay isang tuwirang kaloob.

CONDITIONAL-DONATION TRUST ARRANGEMENT

Ang salapi ay maaaring ilagay sa pangalan ng Watch Tower para magamit sa buong daigdig. Pero kung hihilingin, ang pondo ay maibabalik. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-ugnayan sa Treasurer’s Office sa nabanggit na adres sa itaas.

MGA PLANO SA PAGKAKAWANGGAWA

Bukod pa sa tuwirang mga kaloob na salapi, may iba pang mga paraan ng pagbibigay para sa kapakinabangan ng paglilingkod sa Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:

Seguro: Ang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang life insurance policy o ng isang retirement/pension plan.

Deposito sa Bangko: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na mga deposito sa pagreretiro ay maaaring ilagay sa pangalan o ibigay sa Watch Tower kapag namatay, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar.

Stock at Bond: Ang mga stock at bond ay maaaring ibigay na donasyon sa Watch Tower bilang tuwirang kaloob.

Lupa’t Bahay: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o, kapag bahay, pagrereserba niyaon sa nagkaloob, anupat patuloy siyang makapaninirahan doon habang siya’y nabubuhay. Makipag-ugnayan muna sa tanggapang pansangay sa inyong bansa bago ilipat ang titulo ng anumang lupa’t bahay.

Gift Annuity: Ang gift annuity ay isang kaayusan kung saan ang isa ay maaaring maglipat ng salapi o mga seguridad sa itinalagang korporasyon na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Kapalit nito, ang nagkaloob, o isa na itinalaga ng nagkaloob, ay tatanggap ng espesipikong kabayarang annuity bawat taon habang siya’y nabubuhay. Ang nagkaloob ay tatanggap ng kabawasan sa bayaríng buwis para sa taon kung kailan naayos ang gift annuity.

Testamento at Trust: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower sa pamamagitan ng isang testamentong isinulat ayon sa legal na paraan, o kaya’y gawing benepisyaryo ng isang kasunduan sa trust ang Watch Tower. Ang trust na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring magbigay ng ilang kabawasan sa bayaríng buwis.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “mga plano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano sa bahagi ng nagkakaloob. Upang matulungan ang mga indibiduwal na nagnanais mabigyan ng pakinabang ang pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isang anyo ng mga plano sa pagkakawanggawa, isang brosyur na pinamagatang Charitable Planning to Benefit Kingdom Service Worldwide ang inihanda sa wikang Ingles at Kastila. Ang brosyur ay isinulat upang maglaan ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagkakaloob sa ngayon o, kapag namatay, sa pamamagitan ng pagpapamana. Matapos mabasa ang brosyur at makonsulta ang kani-kanilang sariling tagapayo sa batas o buwis, marami ang nakatulong sa pagsuporta sa relihiyosong mga gawain at pagkakawanggawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig at napalaki ang kanilang mga benepisyo sa buwis sa paggawa nito. Maaaring makuha ang brosyur na ito sa pamamagitan ng tuwirang paghiling mula sa Charitable Planning Office.

Para sa higit pang impormasyon, maaari kang makipag-ugnayan sa Charitable Planning Office, sa pamamagitan ng pagsulat o ng pagtawag sa telepono, sa adres na nakatala sa ibaba o maaari kang makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa.

Charitable Planning Office

Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc.

186 Roosevelt Avenue

San Francisco del Monte

1105 Quezon City

Telepono: (02) 411-6090

[Picture Credit Line sa pahina 27]

Faithful video: Stalin: U.S. Army photo